Ang Galit Ko o ang Kalusugan Ko?
SINO ba ang hindi nagagalit? Nangyayari iyan sa ating lahat. Kung minsan ang isang antas ng galit ay baka may katuwiran. Subalit, sa tapatang pag-uusap, hindi ba totoo na kadalasan ang ating galit (o ang tindi nito) ay walang katuwiran?
Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Maglikat ka sa pagkagalit at bayaan mo ang poot; huwag kang mabalisa sapagkat aakay lamang sa paggawa ng kasamaan.” (Awit 37:8) Gaano kapantas ang kaniyang payo? Maaapektuhan ba nito sa matagal na panahon ang iyong kalusugan?
Sa seksiyon nito na “Kalusugan,” ganito ang sabi ng The New York Times:
“Ang mga tao na kalimitan matindi at biglaang pinasisiklab ang kanilang galit o basta nakaupo nang galít at yamot sa bawat inaakalang bahagyang pagkukulang sa kanila ay higit pa ang ginagawa kaysa basta pinipinsala lamang ang kanilang sarili. Baka pinapatay pa nga nila ang kanilang sarili.
“Ang mga mananaliksik ay nakatipon kamakailan ng maraming impormasyon na nagpapahiwatig na ang talamak na galit ay lubhang nakapipinsala sa katawan anupat nakakatumbas nito, o nahihigitan pa, ang paninigarilyo, labis na katabaan at pagkaing may maraming mantika bilang isang mabilis na magsapanganib ng buhay sa maagang pagkamatay.
“ ‘Ipinakikita ng aming mga pag-aaral na ang walang katuwiran, mapaghinalang galit ay katumbas na rin ng anumang ibang panganib sa kalusugan na alam namin,’ ang sabi ni Dr. Redford Williams, isang mananaliksik sa medisina ng mga may kapansanan sa isip sa Duke University Medical Center.”
Ang mga pag-aaral ay nagpapakita na ang mga taong labis na nag-iintindi ng mga suliraning karaniwan sa araw-araw na pamumuhay ay nagkakaroon ng mas maraming hormone na bunga ng kaigtingan. Ang kanilang malimit na silakbo ng galit ay maaaring maging sanhi ng di-pagkakatimbang ng nagsasanggalang at namiminsalang mga uri ng kolesterol, na naglalagay sa kanila sa panganib na magkasakit sa puso.
Baka tumugon ang iba, ‘Pero ganiyan talaga ako’ o ‘Ganiyan ako lumaki.’ Subalit, hindi ibig sabihin niyan na hindi ka na maaaring magbago pa, sa pamamagitan ng taimtim na pagsisikap na ikapit ang payo ng Diyos. Sa iyong sariling Bibliya, tingnan mo ang kaniyang payo tungkol sa galit at poot na nasusulat sa Kawikaan 14:29, 30; 22:24, 25; Efeso 4:26; Santiago 1:19, 20.
Ang pagkakapit ng banal na karunungang iyan ay maaaring magpabuti ng iyong kalusugan at magpahaba ng iyong buhay. Ganito ang sabi ng Times: “Maraming mananaliksik ang nagsabi na mababawasan ang panganib ng maagang pagkamatay kung ang mga taong madaling magalit ay iiwas sa biglaang silakbo ng galit.”