ARALING ARTIKULO 50
“Makakasama Kita sa Paraiso”
“Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.”—LUC. 23:43.
AWIT 145 Ang Paraisong Pangako ng Diyos
NILALAMANa
1. Bago mamatay si Jesus, ano ang sinabi niya sa isang kriminal na nasa tabi niya? (Lucas 23:39-43)
HIRAP na hirap si Jesus at ang dalawang kriminal na nasa tabi niya habang nalalapit ang kamatayan nila. (Luc. 23:32, 33) Masasabing hindi sila mga alagad ni Jesus dahil ininsulto nila siya. (Mat. 27:44; Mar. 15:32) Pero nagbago ang isa sa kanila. Sinabi niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.” Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.” (Basahin ang Lucas 23:39-43.) Walang ebidensiya na tinanggap ng kriminal ang mensahe tungkol sa “Kaharian ng langit,” na ipinangaral ni Jesus. At wala ring sinabi si Jesus na makakasama niya ang lalaki sa Kaharian niya sa langit. (Mat. 4:17) Ang tinutukoy ni Jesus ay ang Paraisong lupa sa hinaharap. Bakit natin masasabi iyan?
Ano ang masasabi natin tungkol sa kriminal na nakipag-usap kay Jesus at sa kung ano ang alam nito? (Tingnan ang parapo 2-3)
2. Ano ang nagpapakita na isang Judio ang nagsising kriminal?
2 Posibleng Judio ang nagsising kriminal. Sinabi niya sa isa pang kriminal: “Wala ka na ba talagang takot sa Diyos? Hinatulan ka ring mamatay tulad niya.” (Luc. 23:40) Iisang Diyos lang ang sinasamba ng mga Judio, pero naniniwala sa maraming diyos ang ibang mga bansa. (Ex. 20:2, 3; 1 Cor. 8:5, 6) Kung hindi Judio ang mga kriminal na iyon, ang itinanong sana ng isa sa kanila ay “wala ka na ba talagang takot sa mga diyos?” Isa pa, isinugo si Jesus, hindi para sa mga tao ng ibang mga bansa, kundi para sa “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mat. 15:24) Ipinaalam din ng Diyos sa mga Israelita na bubuhaying muli ang mga patay. Baka alam ng nagsising kriminal ang tungkol dito. At gaya ng makikita sa sinabi niya, iniisip niya na bubuhaying muli ni Jehova si Jesus para mamahala sa Kaharian ng Diyos. Maliwanag na umaasa ang lalaki na bubuhayin rin siyang muli ng Diyos.
3. Ano ang malamang na naisip ng nagsising kriminal nang banggitin ni Jesus ang Paraiso? Ipaliwanag. (Genesis 2:15)
3 Bilang Judio, malamang na alam ng nagsising kriminal ang tungkol kina Adan at Eva at ang Paraiso na ginawa ni Jehova para sa kanila. Kaya nang banggitin ni Jesus sa kaniya ang tungkol sa Paraiso, malamang na naisip niya na isa itong magandang hardin dito sa lupa.—Basahin ang Genesis 2:15.
4. Ano ang dapat nating pag-isipan dahil sa sinabi ni Jesus sa isa sa mga kriminal?
4 Ang mga sinabing ito ni Jesus sa kriminal ay dapat na magpakilos sa atin na pag-isipan kung ano ang magiging buhay natin sa Paraiso. Ang totoo, may matututuhan tayo tungkol sa Paraiso mula sa mapayapang pamamahala ni Haring Solomon. Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay higit pa kay Solomon. Kaya maaasahan natin na kikilos si Jesus, pati na ang kasama niyang mamamahala, para gawing paraiso ang lupa. (Mat. 12:42) Maliwanag, dapat na maging interesado ang “ibang mga tupa” sa kailangan nilang gawin para maging karapat-dapat silang mabuhay magpakailanman sa Paraiso.—Juan 10:16.
ANO ANG MAGIGING BUHAY NATIN SA PARAISO?
5. Ano ang inaasahan mong magiging buhay sa Paraiso?
5 Ano ang iniisip mo na magiging buhay natin sa Paraiso? Baka nai-imagine mo ang isang magandang parke na gaya ng hardin ng Eden. (Gen. 2:7-9) Baka naaalala mo rin ang inihula ni Mikas tungkol sa bayan ng Diyos na uupo “ang bawat isa sa kanila sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos.” (Mik. 4:3, 4) Sinasabi ng Bibliya na magkakaroon ng saganang pagkain. (Awit 72:16; Isa. 65:21, 22) Kaya baka makita mo ang sarili mo sa isang magandang hardin na nakaupo sa harap ng isang mesa na puno ng masasarap na pagkain. At baka naaamoy mo rin sa hangin ang mabangong amoy ng mga halaman at bulaklak. At malamang na nai-imagine mo rin ang mga kapamilya at kaibigan mo—pati na ang mga binuhay-muli—na nagtatawanan at masayang nagsasama-sama. Hindi panaginip ang lahat ng iyan. Tiyak na mangyayari iyan dito sa lupa. Pero hindi lang iyan, magkakaroon din tayo ng kasiya-siyang mga gawain sa Paraiso.
Makikibahagi tayo sa isang mahalagang gawain ng pagtuturo sa mga bubuhaying muli (Tingnan ang parapo 6)
6. Ano ang mga gagawin natin sa Paraiso? (Tingnan ang larawan.)
6 Nilalang tayo ni Jehova para masiyahan sa gawain natin. (Ecles. 2:24) Talagang magiging abala tayo sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo. Ang mga makakaligtas sa malaking kapighatian, pati na ang milyon-milyong bubuhaying muli, ay mangangailangan ng damit, pagkain, at tirahan. Marami tayong kailangang gawin para maibigay ang mga pangangailangang iyon. Kung paanong kailangang palawakin nina Adan at Eva ang magandang hardin na tinitirhan nila, magkakaroon din tayo ng pribilehiyong gawing Paraiso ang lupa. Isip-isipin na lang kung gaano kasaya na turuan ang milyon-milyong bubuhaying muli na may kaunting nalalaman tungkol kay Jehova at sa layunin niya! May pagkakataon din tayong tulungang matuto pa ang mga tapat na nabuhay bago ang panahon ni Jesus.
7. Sa ano tayo makakapagtiwala, at bakit?
7 Makakapagtiwala tayo na magiging mapayapa, masagana, at organisado ang buhay sa Paraiso. Bakit? Dahil nagbigay si Jehova ng halimbawa ng magiging buhay natin sa ilalim ng pamamahala ng Anak niya. Makikita natin iyan sa panahon ng pamamahala ni Haring Solomon.
ANG PAMAMAHALA NI SOLOMON—PATIKIM NG MAGIGING BUHAY SA PARAISO
8. Paano natupad ang Awit 37:10, 11, 29 matapos itong isulat ni Haring David? (Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa isyung ito.)
8 Pinatnubayan si Haring David na isulat kung ano ang magiging buhay kapag umupo sa trono ang isang matalino at tapat na hari. (Basahin ang Awit 37:10, 11, 29.) Madalas nating basahin ang Awit 37:11 kapag ipinapakipag-usap natin sa iba ang tungkol sa Paraiso sa hinaharap. Makatuwiran naman iyan dahil sinipi ni Jesus ang tekstong ito sa kaniyang Sermon sa Bundok, na nagpapakitang matutupad ito sa hinaharap. (Mat. 5:5) Pero ipinapakita rin ng mga sinabi ni David kung ano ang magiging buhay sa ilalim ng pamamahala ni Haring Solomon. Nang maging hari si Solomon sa Israel, ang bayan ng Diyos ay nagkaroon ng kapayapaan at naging masagana ang lupaing “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” Sinabi ng Diyos: “Kung patuloy ninyong susundin ang mga batas ko . . . , magdadala ako ng kapayapaan sa lupain, at hihiga kayo at walang tatakot sa inyo.” (Lev. 20:24; 26:3, 6) Natupad ang mga pangakong iyan sa ilalim ng pamamahala ni Solomon. (1 Cro. 22:9; 29:26-28) At nangako rin si Jehova na ang masasama ay “mawawala na.” (Awit 37:10) Kaya ang mga sinabi sa Awit 37:10, 11, 29 ay natupad noon at magkakaroon din ng katuparan sa hinaharap.
9. Ano ang sinabi ng reyna ng Sheba tungkol sa pamamahala ni Haring Solomon?
9 Nabalitaan ng reyna ng Sheba ang kapayapaan at kasaganaan na nararanasan ng mga Israelita sa ilalim ng pamamahala ni Solomon. Naglakbay siya nang malayo papunta sa Jerusalem para makita niya ito mismo. (1 Hari 10:1) Nang makita niya ang kaharian ni Solomon, sinabi niya: “Wala pa sa kalahati ang naibalita sa akin. . . Maligaya ang mga tauhan mo, at maligaya ang mga lingkod mong palaging humaharap sa iyo at nakikinig sa karunungan mo!” (1 Hari 10:6-8) Pero ang mga kalagayan sa ilalim ng pamamahala ni Solomon ay patikim lang ng mga gagawin ni Jehova para sa mga tao sa ilalim ng pamamahala ng Kaniyang Anak, si Jesus.
10. Sa anong paraan nakahihigit si Jesus kay Solomon?
10 Si Jesus ay nakahihigit kay Solomon sa lahat ng bagay. Hindi perpekto si Solomon at nakagawa siya ng malulubhang kasalanan na nagpahirap sa bayan ng Diyos. Pero perpektong tagapamahala si Jesus at hindi siya nagkakamali. (Luc. 1:32; Heb. 4:14, 15) Nanatili siyang tapat sa Diyos sa kabila ng mahihirap na pagsubok sa kaniya ni Satanas. Pinatunayan ni Kristo na hindi siya gagawa ng kasalanan o ng anumang bagay na makakasamâ sa mga tapat na sakop niya. Talagang isang pribilehiyo na maging Hari natin siya!
11. Sino ang magiging katulong ni Jesus na mamahala?
11 May makakasama si Jesus na 144,000 tagapamahala na tutulong sa kaniya para pangalagaan ang mga tao at tuparin ang layunin ni Jehova para sa lupa. (Apoc. 14:1-3) Mauunawaan ng mga kasamang tagapamahalang ito ang mga nasasakupan nila, kasi dumanas din sila ng maraming pagsubok at pagdurusa noong nabubuhay pa sila sa lupa. Ano ang magiging atas ng mga kasamang tagapamahalang ito?
ANO ANG MAGIGING ATAS NG MGA PINAHIRAN?
12. Anong atas ang ibinigay ni Jehova sa 144,000?
12 Nakahihigit ang atas ni Jesus at ng mga kasama niyang tagapamahala sa atas na ibinigay kay Solomon. Milyon-milyon sa isang lupain lang ang pangangasiwaan ni Haring Solomon. Pero bilyon-bilyon sa buong mundo ang pangangasiwaan ng mga mamamahala sa Kaharian ng Diyos. Talagang napakalaking pribilehiyo ang ibinigay ni Jehova sa 144,000!
13. Anong espesyal na atas ang tatanggapin ng mga kasamang tagapamahala ni Jesus?
13 Gaya ni Jesus, maglilingkod ang 144,000 bilang mga hari at saserdote. (Apoc. 5:10) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga saserdote ang pangunahin nang tumutulong sa bayan para manatili silang malusog sa pisikal at malapít kay Jehova. Ang Kautusan ay “anino ng mabubuting bagay na darating.” Kaya makatuwirang sabihin na tutulong ang mga kasamang tagapamahala ni Jesus para manatiling malusog sa pisikal at espirituwal ang bayan ng Diyos. (Heb. 10:1) Hindi pa natin alam kung paano makikipag-ugnayan ang mga hari at saserdoteng ito sa mga sakop ng Kaharian dito sa lupa. Anuman ang gawing kaayusan ni Jehova, makakatiyak tayo na sa Paraiso, tatanggap ang mga nasa lupa ng mga tagubiling kailangan nila.—Apoc. 21:3, 4.
ANG KAILANGANG GAWIN NG “IBANG MGA TUPA” PARA MABUHAY SILA SA PARAISO
14. Ano ang kaugnayan ng “ibang mga tupa” sa mga kapatid ni Kristo?
14 Tinukoy ni Jesus ang mga kasama niyang mamamahala bilang “munting kawan.” (Luc. 12:32) May binanggit din siyang ikalawang grupo, ang “ibang mga tupa.” Ang dalawang grupong ito ay nasa iisang kawan. (Juan 10:16) Nagtutulungan na ang dalawang grupong ito ngayon, at magpapatuloy ito hanggang sa maging Paraiso ang lupa. Sa panahong iyon, nasa langit na ang “munting kawan” at may pag-asa namang mabuhay magpakailanman dito sa lupa ang “ibang mga tupa.” Pero may kailangang gawin ang “ibang mga tupa” para maging karapat-dapat silang mabuhay sa Paraiso.
Ngayon pa lang, maipapakita nating handa na tayong mamuhay sa Paraiso (Tingnan ang parapo 15)b
15. (a) Paano nakikipagtulungan ang “ibang mga tupa” sa mga kapatid ni Kristo? (b) Paano mo matutularan ang brother na nasa botika? (Tingnan ang larawan.)
15 Namatay ang nagsising kriminal bago siya magkaroon ng pagkakataong maipakita ang pagpapahalaga niya sa ginawa ni Kristo para sa kaniya. Pero tayo bilang bahagi ng “ibang mga tupa,” marami tayong pagkakataon para maipakita ang pagpapahalaga natin kay Jesus. Halimbawa, maipapakita nating mahal natin siya sa paraan ng pakikitungo natin sa mga pinahirang kapatid ni Kristo. Sinabi ni Jesus na hahatulan niya ang mga tupa base sa pakikitungo nila sa mga kapatid niya. (Mat. 25:31-40) Masusuportahan natin ang mga kapatid ni Kristo kung masigasig tayong mangangaral at gagawa ng mga alagad. (Mat. 28:18-20) Kaya mahalagang gamitin natin ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ibinigay sa atin, gaya ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. Kung wala ka pang inaaralan ng Bibliya, gawing tunguhin na mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya sa maraming tao hangga’t posible.
16. Ano ang puwede nating gawin ngayon bilang paghahanda para maging sakop ng Kaharian ng Diyos?
16 Hindi na natin kailangang hintayin ang Paraiso para ituring tayo ni Jehova na karapat-dapat na tumira doon. Ngayon pa lang, magagawa na nating maging tapat sa ating pananalita at paggawi at magkaroon ng balanseng pamumuhay. At puwede tayong maging tapat kay Jehova, sa ating asawa, at sa mga kapananampalataya natin. Kung sinusunod na natin si Jehova ngayon sa masamang mundong ito, magiging mas madali sa ating sumunod sa kaniya sa Paraiso. Puwede rin tayong magsikap na magkaroon ng mga kasanayan at katangian na nagpapakitang naghahanda na tayo na mamuhay roon. Tingnan ang artikulong “Handa Ka Na Bang ‘Manahin ang Lupa’?” sa isyung ito.
17. Dapat pa ba tayong masiraan ng loob dahil sa mga kasalanan natin noon? Ipaliwanag.
17 Dapat din nating sikaping daigin ang pagkasira ng loob dahil sa malulubhang kasalanang nagawa natin noon. Siyempre, hindi rin natin gagawing dahilan ang haing pantubos para ‘sadyaing mamihasa sa kasalanan.’ (Heb. 10:26-31) Pero makakatiyak tayo na kung talagang pinagsisihan na natin ang isang malubhang kasalanan, tinanggap ang tulong ni Jehova, at nagbago, lubusan na niya tayong pinatawad. (Isa. 55:7; Gawa 3:19) Alalahanin ang sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “Dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.” (Mat. 9:13) Dahil sa haing pantubos, posible talagang mapatawad ang lahat ng kasalanan natin.
PUWEDE KANG MABUHAY MAGPAKAILANMAN SA PARAISO
18. Ano ang gusto mong itanong sa kriminal na namatay katabi ni Jesus?
18 Nai-imagine mo ba ang sarili mo sa Paraiso na nakikipagkuwentuhan sa kriminal na nakipag-usap kay Jesus? Siguradong sobra-sobra ang pasasalamat ninyo sa sakripisyo ni Jesus. Baka tanungin mo siya kung ano ang mga nangyari sa mga huling oras ng buhay ni Jesus dito sa lupa. Malamang na gusto mo ring malaman kung ano ang naramdaman ng nagsising kriminal sa sagot ni Jesus sa hinihiling niya. Baka tanungin ka naman niya kung ano ang naranasan mo sa mga huling araw ng sistema ni Satanas. Isa ngang pribilehiyo na turuan tungkol sa Salita ng Diyos ang mga taong tulad ng kriminal na iyon!—Efe. 4:22-24.
Sa panahon ng Milenyo, masaya ang brother dahil nagagawa na niyang pasulungin ang kasanayang gustong-gusto niya (Tingnan ang parapo 19)
19. Bakit hindi nakakabagot ang buhay sa Paraiso? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
19 Hindi nakakabagot ang buhay sa Paraiso. Marami tayong gagawin at makikilalang mga tao. Higit sa lahat, mas makikilala natin bawat araw ang ating Ama sa langit at masisiyahan sa mga paglalaan niya. Hindi tayo mauubusan ng matututuhan tungkol sa kaniya at sa mga nilalang niya. Habang mas humahaba ang buhay natin, lalo nating mamahalin ang Diyos. Talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova at kay Jesus dahil binigyan nila tayo ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso!
AWIT 22 Dumating Nawa ang Kaharian!
a Madalas mo bang iniisip kung ano ang magiging buhay natin sa Paraiso? Nakakapagpatibay na gawin iyan. Kapag lagi nating pinag-iisipan ang mga pangako ni Jehova para sa atin, mas nasasabik tayong ituro sa iba ang tungkol sa bagong sanlibutan. Tutulungan tayo ng artikulong ito na tumibay ang pananampalataya natin sa paraisong ipinangako ni Jesus.
b LARAWAN: Inaasam-asam ng isang brother na makapagturo sa mga bubuhaying muli sa hinaharap, kaya ngayon pa lang, nagtuturo na siya sa iba.