TULAD-DIYOS, MULA SA DIYOS
[sa Ingles, divine].
Yaong nauukol sa Diyos o may kaugnayan sa kaniya, yaong gaya ng diyos o makalangit.
Sa ilang dako sa Hebreong Kasulatan, ang mga salitang ʼEl (anyong pang-isahan ng salitang “Diyos”) at ʼElo·himʹ (anyong pangmaramihan ng salitang “Diyos” na nagpapahiwatig ng kadakilaan) ay lumilitaw nang magkasunod. Kaya naman sa Josue 22:22 at Awit 50:1, ang tekstong Hebreo ay kababasahan ng ʼEl ʼElo·himʹ Yehwahʹ. Bagaman ang unang dalawang salita ng pariralang ito ay tinutumbasan lamang ng transliterasyon sa ilang salin (Ro; Aw 49:1, BC [Kastila]), isinasalin naman ito ng iba bilang “ang Diyos ng mga diyos” (AT, JB, La, VM [Kastila]) o, waring mas tumpak, “ang Isa na Makapangyarihan, ang Diyos” (AS, Mo, RS), at “ang Makapangyarihan, ang Diyos” (NW).—Tingnan ang DIYOS.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, lumilitaw ang ilang salita na hinalaw sa the·osʹ (diyos) at nauugnay sa bagay na tulad-Diyos. Ang kaugnay na mga salitang theiʹos, thei·oʹtes, at the·oʹtes ay lumilitaw sa Gawa 17:29, Roma 1:20, Colosas 2:9, at 2 Pedro 1:3, 4.
Sa Gawa 17:29, ipinakita ni Pablo, noong siya’y nasa Atenas, na hindi makatuwiran para sa mga tao na akalaing “ang Isa na Diyos [to theiʹon, isang anyo ng theiʹos] ay tulad ng ginto o ng pilak o ng bato.” Maraming tagapagsalin ang gumamit dito ng mga terminong gaya ng “the Godhead,” “the Deity,” o “the divinity” (KJ, AS, Dy, ED, JB, RS), samantalang ang salin naman ni E. J. Goodspeed ay “the divine nature.” Ayon sa The International Standard Bible Encyclopedia, ang pananalitang to theiʹon “ay hinalaw sa pang-uring theíos, na nangangahulugang ‘may kinalaman sa Diyos,’ ‘tulad-Diyos.’” (Inedit ni G. Bromiley, 1979, Tomo 1, p. 913) Sinasabi sa Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott na ito’y nangangahulugang “the Divinity.” (Nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 787, 788) Kaya ang pariralang to theiʹon ay maaaring unawain na tumutukoy sa isang persona o sa isang katangian. Maliwanag kung gayon na ang konteksto ang dapat pagbatayan ng tagapagsalin sa pagpili ng mga salita. Dito sa Gawa 17:29, malinaw na ipinakikita ng konteksto na ang persona ng Diyos ang inilalarawan, kung kaya ang pananalitang ito ay angkop na isinaling “Isa na Diyos” sa Bagong Sanlibutang Salin.—Ihambing ang NIV.
Sa Roma 1:20, binabanggit ng apostol ang di-matututulang nakikitang katibayan ng “di-nakikitang mga katangian” ng Diyos, partikular na ang kaniyang “walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos [Thei·oʹtes].” Ang ibang mga salin ay kababasahan ng “Godhead” o “deity” (KJ, NE, RS, JB), at dahil dito ay iniisip ng marami na tumutukoy ito sa pagiging persona. Gayunman, ayon sa Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott, ang salitang Griego na thei·oʹtes ay nangangahulugang “tulad-Diyos na kalikasan, pagkadiyos.” (P. 788) Kaya may saligan upang isalin ang thei·oʹtes bilang tumutukoy sa katangian ng pagiging diyos, hindi sa persona ng Diyos, at sinusuportahan ito ng konteksto. Tinatalakay noon ng apostol ang mga bagay na napag-uunawa sa pisikal na mga lalang. Halimbawa, bagaman hindi isinisiwalat ng sangnilalang ang pangalan ng Diyos, nagbibigay naman ito ng katibayan ng kaniyang “walang-hanggang kapangyarihan,” na kinakailangan upang lalangin at panatilihing umiiral ang sansinukob. Itinatanghal din ng pisikal na mga lalang ang kaniyang “pagka-Diyos,” ang katotohanan na ang Maylalang ang tunay na Diyos at karapat-dapat sa ating pagsamba.
Sa Colosas 2:9 naman, sinasabi ng apostol na si Pablo na kay Kristo ay “tumatahan sa katawan ang buong kalubusan ng tulad-Diyos na katangian [isang anyo ng the·oʹtes].” Dito, ang ilang salin ay muling kababasahan ng “Godhead” o “deity,” na sa interpretasyon ng mga Trinitaryo ay nangangahulugang ang Diyos mismo ay tumatahan kay Kristo. (KJ, NE, RS, NAB) Gayunman, ang katuturang ibinibigay ng Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott sa the·oʹtes ay halos kapareho rin niyaong sa thei·oʹtes, anupat nangangahulugang “pagkadiyos, tulad-Diyos na kalikasan.” (P. 792) Ang salitang ito ay isinasalin ng Syriac na Peshitta at ng Latin na Vulgate bilang “pagkadiyos.” Sa gayon, dito rin ay may matibay na saligan upang isalin ang the·oʹtes bilang pagtukoy sa katangian, hindi sa personalidad.
Maliwanag na ipinakikita ng konteksto ng Colosas 2:9 na ang pagkakaroon ni Kristo ng “pagkadiyos,” o “tulad-Diyos na kalikasan,” ay hindi nangangahulugang siya rin ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Sa naunang kabanata, sinabi ni Pablo: “Minabuti ng Diyos na ang buong kalubusan ay manahan sa kaniya.” (Col 1:19) Sa gayon, ang buong kalubusan ay nananahanan kay Kristo dahil ito ay “ikinalugod ng Ama” (KJ, Dy), dahil ito ay “pinili ng Diyos mismo.” (NE) Kaya ang kalubusan ng “pagkadiyos” ay nananahanan kay Kristo bilang resulta ng pagpapasiya ng Ama. Karagdagan pa, ipinakikita ng pagtukoy ni Pablo kay Kristo bilang “nakaupo sa kanan ng Diyos” na ang pagkakaroon niya ng gayong “kalubusan” ay hindi nangangahulugang siya rin ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Col 3:1.
Kung isasaalang-alang ang kalapit na konteksto ng Colosas 2:9, mapapansin na sa talata 8 ay pinag-iingat ang mga Kristiyano upang hindi sila mailigaw niyaong mga nagtataguyod ng pilosopiya at tradisyon ng tao. Sinabi rin sa kanila na “maingat na nakakubli [kay Kristo] ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman,” at hinimok silang “patuloy na lumakad na kaisa niya, na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya.” (Col 2:3, 6, 7) Bukod diyan, ipinaliliwanag sa mga talata 13 hanggang 15 na binuhay sila sa pamamagitan ng pananampalataya, yamang pinalaya na sila mula sa tipang Kautusan. Samakatuwid, ayon sa argumento ni Pablo, hindi na kailangan ng mga Kristiyano ang Kautusan (na inalis sa pamamagitan ni Kristo) o ang pilosopiya at tradisyon ng tao. Taglay na nila ang lahat ng kanilang kailangan, ang isang mahalagang “kalubusan,” sa pamamagitan ni Kristo.—Col 2:10-12.
Bilang panghuli, sa 2 Pedro 1:3, 4 ay ipinakikita ng apostol na dahil sa “mahalaga at napakadakilang mga pangako” na ibinibigay sa tapat na pinahirang mga Kristiyano, maaari silang maging “mga kabahagi sa tulad-Diyos na kalikasan, yamang nakatakas na mula sa kasiraan na nasa sanlibutan dahil sa masamang pita.” Sa ibang bahagi ng Kasulatan, ang mga Kristiyano ay sinasabing ‘nakikibahagi’ kay Kristo sa kaniyang mga pagdurusa, sa isang kamatayan na tulad ng sa kaniya, at sa isang pagkabuhay-muli na tulad ng sa kaniya tungo sa imortalidad bilang mga espiritung nilalang, anupat nagiging mga kasama niyang tagapagmana sa makalangit na Kaharian. (1Co 15:50-54; Fil 3:10, 11; 1Pe 5:1; 2Pe 1:2-4; Apo 20:6) Sa gayon, maliwanag na ang pakikibahagi ng mga Kristiyano sa “tulad-Diyos na kalikasan” ay pakikibahagi kay Kristo sa kaniyang kaluwalhatian.