Mga Kabataan—Ang Bahagi Ninyo sa Isang Maligayang, Nagkakaisang Pamilya
“Ako’y nagpatunay na isang talagang anak sa aking ama, malumanay at ang bugtong na isa sa paningin ng aking ina.”—KAWIKAAN 4:3.
1, 2. Ano ang problema sa mga ibang tahanang Kristiyano?
ANONG laking kaginhawahan na ibulalas mo ang iyong pagkabahala sa isa na nagmamalasakit sa iyo, na umuunawa ng iyong damdamin, at naghahandog ng payo na may simpatiya! At kung ang isang iyon ay isang magulang, ikaw ay pinagpala nga. Subalit gaano bang kalapit ang iyong kalooban sa iyong mga magulang?
2 Dalawang tin-edyer na may mga magulang na Kristiyano ang sumulat: “Ang aming pinakamalaking problema ay komunikasyon. Para bang hindi namin makausap ang aming mga magulang. Mahal na mahal namin ang aming mga magulang, pero tila man din hindi namin makausap. Palagi nang nananalangin ako tungkol sa bagay na iyan pero hindi ako tumatanggap ng kasagutan.” Bakit nga kung minsan ay kulang ng mahalagang komunikasyon kahit na sa mga tahanang Kristiyano? Mayroon bang paraan upang malunasan ang ganiyang kalagayan?
Kung Bakit May “Communication Gap”
3, 4. Banggitin ang mga ilang dahilan ng kakulangan ng komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at ng mga anak.
3 Ang mga kabataan na sinipi rito ang mga pangungusap ay hindi kaisa ng kanilang mga magulang kung tungkol sa ibig nilang libangan at mga kaibigan. Ang di-pagkakasundo, kasali na ang damdamin na ang iyong punto de vista ay ipinagwawalang-bahala, ang isang hadlang sa komunikasyon. Subalit bakit nga nagkakaroon ng mga di-pagkakaunawaang ito? Sa Kawikaan 20:29 ay binabanggit ang isang dahilan. Ito’y nagsasabi: “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan, at ang kaluwalhatian ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.” Dahilan sa ang “kalakasan” ng kabataan ay hindi pa napapasubo sa malulupit na mga katunayan ng maraming taon ng karanasan, kayong mga kabataan ay nagwawalang-bahala lamang sa mga panganib, sa pakiwari ninyo na ‘walang masamang mangyayari.’ Subalit, ang inyong mga magulang na nagtamo na ng karunungan dahilan sa pagkakaedad—o kahit na sa masasaklap na karanasan sa buhay—ay may ibang paniniwala. Bagaman kanilang nauunawaan ang inyong damdamin, marahil ay nakikita nila ang delikadong mga panganib na hindi ninyo nakikita.—Kawikaan 29:15.
4 Kung minsan, baka kulang ng komunikasyon dahilan sa nahihirapan kang makipag-usap tungkol sa mga ilang masasaklap na karanasan. Dahilan sa pakikipagbanggaan mo sa iba o dahil sa iyong sariling mga kahinaan, baka ang puso mo’y nagdurusa. Baka ang nadarama mo ay gaya ng nadama ni Job, na ang akala’y kahit na ang kaniyang sariling mga kapatid, ang kaniyang matalik na mga kaibigan, oo, maging ang kaniyang sariling sambahayan man ay nagtakwil na sa kaniya. (Job 19:13-19) Kung minsan, nagkakaroon ng agwat dahilan sa ang isang magulang ay ‘nagtatakip ng kaniyang tainga’ pagka ang isang kabataan ay nagtapat na ng kaniyang maselang na mga damdamin. (Kawikaan 21:13) Isang dalagitang tin-edyer ang nagreklamo: “Ako’y nasaktang mabuti, ako’y umiiyak nang husto at sasabihin naman ni itay na, ‘Walang magagawa ang kaiiyak,’ kaya’t sinasarili ko na lamang ang aking damdamin. Hindi ako lumuluha pagka kaharap niya, at wala kaming anumang komunikasyon.”
5. Ano ang unang hakbang upang mapahusay ang mahalagang komunikasyon?
5 Gayunman, anuman ang saloobin ng iyong mga magulang, malaki ang magagawa mo upang mapahusay ang komunikasyon! Simulan mo sa pamamagitan ng taimtim na pagsusuri ng iyong relasyon sa iyong mga magulang. Halimbawa, ang bansang Israel noon ay nagkunwari na malapit sa kanilang makalangit na Ama, na ang sabi: “Ama ko, ikaw ang pinagtitiwalaang kaibigan ng aking kabataan!” Subalit ang totoo, sila’y may hindi mabuting relasyon dahilan sa kanilang mga paghihimagsik. (Jeremias 3:4, 5) Ang iyo bang mga magulang ay tunay na ‘pinagtitiwalaang mga kaibigan’ mo? Baka naman ikaw ay gumagawa ng mga bagay, marahil hindi mo naman sinasadya, na humahadlang sa komunikasyon? Masasabi mo ba ang gaya ng sinabi ni Solomon: “Ako’y nagpatunay na isang talagang anak sa aking ama [at aking ina]”? (Kawikaan 4:3) Ano ang maaari mong gawin upang lalo kang mapalapit sa kanila?
“Maibiging-Awa at Katotohanan”
6. (a) Ayon sa Kawikaan 3:3, anong mga katangian ang tutulong upang ang isang kabataan ay ‘makasumpong ng lingap sa Diyos at sa mga tao’? (b) Paanong ito’y kaniyang ‘maibibitin sa kaniyang leeg’?
6 Isinaalang-alang ng pantas na si Haring Solomon kung ano ang kailangan upang ang isang kabataan ay “makasumpong ng lingap at mabuting kaunawaan sa paningin ng Diyos at ng makalupang tao [kasali na ang magulang niya].” Ang kaniyang sagot? “Anak ko, . . . huwag kang pabayaan ng maibiging-awa at katotohanan. Itali mo sa palibot ng iyong leeg. Ikintal mo sa iyong puso.” (Kawikaan 3:1-4) Ang maibiging-awa at katotohanan ay lalong magpapalapit sa iyo sa iyong mga magulang. Subalit ang mga katangiang ito ay kailangang maging isang mahalagang bahagi ng iyong personalidad, na ‘nakatali sa palibot ng iyong leeg at nakasulat sa iyong puso.’ Malimit, noong mga sinaunang panahon sa Bibliya, isang singsing ang nakatali sa isang pisi at nakakuwintas sa leeg. (Genesis 38:18) Ang singsing na ito ay napakahalaga sapagkat kung hindi gagamitan nito ay walang dokumento na maaaring maging tunay. Ang maysuot ng singsing ay hindi kailanman nakakalimot sa singsing na ito at palaging pinaaalalahanan tungkol sa mataas na halaga nito. Kaya’t ang maibiging-awa at katotohanan ay dapat na laging isaisip at huwag kailanman kalilimutan ang kahalagahan ng mga ito. Subalit paano ka nga makapagpapakita ng mga katangiang ito?
7. Paanong ang maibiging-awa ay maipakikita upang mapahusay pa ang komunikasyon?
7 Ang “maibiging-awa,” ayon sa diwa ng orihinal na salitang Hebreo, ay “tapat na pag-ibig” ang ibig sabihin at nagpapahiwatig ng personal na pangangako ng isang bagay pagka ang isa ay pumasok sa isang relasyon. Kaya’t ikaw ba naman ay tapat sa iyong mga magulang at nangangako ka na mananatiling malapit sa kanila ang damdamin? Sa Zacarias 7:9, 10, ang maibiging-awa ay iniuugnay sa habag at pakikiramay. Ikaw ba ay nakikiramay sa iyong mga magulang sa mga kagipitan na napapaharap sa kanila? Ang maibiging-awa ng mga ibang tao “ay parang ulap sa umaga at parang hamog na dagling napaparam.” (Oseas 6:4) Ang iyo bang maibiging-awa ay dagling napaparam sa init ng isang pagtatalo o kapag hindi mo nakamit ang iyong gusto? Pagka ikaw ay may problema, iyo bang pinananatili na ‘ang kautusan ng maibiging-awa ay nasa iyong dila’? Ang katapatan at pakikiramay ay kailangan sa komunikasyon.—Kawikaan 31:26.
8. Paanong ang isang kabataan ay makikitaan ng katotohanan?
8 Ang “katotohanan” ay lumilikha ng matalik na ugnayan, yamang ang pagtitiwala ay kailangan sa anumang matalik na ugnayan. Huwag tumulad sa “mga mapagpakunwari” na itinatago ang uri ng kanilang pagkatao. (Awit 26:4) Ang totoo, baka ikaw ay matukso na mamuhay ng dalawang uri ng pamumuhay—ang isa’y pagka nasa harap ka ng iyong mga magulang na Kristiyano at ang isa naman ay pagka ikaw ay malayo sa kanila. Ang ganiyang hakbangin ay maaaring humantong sa kasawian, lalo na pagka ikaw ay napaharap sa isang malubhang problema at hindi mo kaya na harapin iyon na mag-isa. Pag-isipan din ang pagkawala ng tiwala sa iyo pagka nabunyag ang isang kasinungalingan. “Ang aking mga magulang ay nakakaalam ng higit kaysa aking inaakala na alam nila,” ang sabi ng isang kabataang Kristiyano. “Kung nagkukubli ako sa kanila ng isang bagay, niloloko ko lang ang aking sarili at sinusubok ko na paglalangan si Jehova.” Oo, maging disidido ka na paunlarin sa iyong kalooban ang pagsasabi ng katotohanan. Subalit ang pagsasabi ba ng katotohanan ay limitado lamang sa pag-iwas sa ‘masamang’ bibig at mga gawa?—Kawikaan 4:20, 24; 10:9.
‘Magsalita Nang Tuwiran Buhat sa Puso’
9. Anong problema ang pinagtagumpayan ng dalawang kabataan, at ano ang naging resulta?
9 May mga kabataan na ang talagang mga damdamin ay hindi ibinubunyag sa kanilang mga magulang. Halimbawa, isa sa mga kabataan na binanggit sa parapo 2 ay umamin ng ganito: “Upang mapanatili ang kapayapaan, ang aming sinabi ay yaong alam namin na ibig marinig ng aming mga magulang, subalit ang tunay na damdamin namin ay inilihim namin.” Ang mga tin-edyer na ito ay humingi ng tulong. Sila’y pinayuhan ng matanda na lumapit sa kanilang mga magulang at tumulad sa kabataang si Elihu, na nagsabi: “Ako’y nagsasalita nang tuwiran buhat sa aking puso.” (Job 33:3, Beck) Pagkatapos na taimtim na manalangin, sa wakas ay binunyag nila sa kanilang mga magulang ang nilalaman ng kanilang puso, at ipinaliwanag ang kanilang sama ng loob. (Ihambing ang Kawikaan 12:18.) Bagaman walang kamalay-malay na ganoon pala ang nadarama ng kaniyang mga anak, inamin sa kanila ng ama na siya’y nagmalabis sa kaniyang ginagawa. Ang ama ay natuwa sapagkat sila ay nagsalita ng kanilang niloloob. Kaya ang sabi ng anak na babae: “Ang kalagayan sa aming pamilya ay unti-unti ngunit sigurado naman na bumubuti. Nang kami’y magsimulang magkaroon ng lalong malayang komunikasyon, nakita namin ang mga dahilan para sa kanilang ibinibigay na mga alituntunin. Kami’y hindi na nila pinagsalitaan na para bang kami’y mga batang musmos. Nagsimula kaming nagkaunawaan sa isa’t isa nang lalong higit.”
10, 11. (a) Ayon sa Kawikaan 27:19, ano ang makapagpapasulong pa ng matalik na relasyon sa loob ng pamilyang Kristiyano? (b) Paano maikakapit ng mga kabataan ang talatang ito?
10 Ang pagbubunyag sa inyong mga magulang ng nilalaman ng inyong puso ay nagpapatibay ng puso sa pusong komunikasyon. Pagka ikaw ay nakipag-usap nang mahinahon at magalang, nababasa ng iyong mga magulang ang nasa iyong puso. (Kawikaan 29:11) Ikaw naman ay nakakakita rin ng mga katangian sa kanilang mga puso. Ang prangkahan at simpatetikong pag-uusap na ito ay tutulong sa iyo na lalong higit na makilala ang iyong sariling puso. Ang Kawikaan 27:19 ay nagsasabi: “Kung paanong sa tubig ang mukha ay sumasagot sa mukha, ganoon ang puso ng tao sa tao.”a Kung paanong naaaninag mo ang iyong mukha sa isang pool ng malinaw na tubig, sa pamamagitan naman ng puso sa pusong pakikipagtalastasan sa iyong mga magulang ay maaari mong makita na ang kanilang mga emosyon at mga motibo ay hindi gaanong naiiba sa iyong sarili. Ang ganitong pagpapalitan ng damdamin at motibo ay lumilikha ng pagkakaunawaan at ng pagmamalasakit, na kailangan para sa isang pamilyang may matalik na relasyon.
11 Kaya’t kusang makipag-usap ka sa iyong mga magulang kahit na tungkol sa masasaklap na karanasan. Ipabatid sa kanila ang iyong mga pagkatakot at pagkabigo pati na ang iyong mga kagalakan at mga tagumpay. Makipag-usap sa kanila tungkol sa iyong mga tunguhin sa buhay at sa iyong mga panalangin. Paglabanan ang hilig na ‘magbukod ng iyong sarili.’ (Kawikaan 18:1) Regular na sikapin mong gumugol ng pribadong panahon sa pakikipag-usap sa magulang, upang maibahagi mo ang gayong sarilinang mga bagay. Nasumpungan ng mga ibang kabataan na magagawa nila ito sa pagitan ng mga pagdalaw pagka sila’y kasama ng magulang sa gawaing pangangaral, samantalang magkasamang namamasyal, o kahit na samantalang sila’y naglilibang bilang isang pamilya.
12. Anong mga tunay na kalagayan ang kailangang harapin ng mga kabataan?
12 Bagama’t ang iyong pagsisikap na makapagtatag ng makabuluhang komunikasyon ay karaniwan nang magkakaroon ng mabubuting epekto, ikaw at ang iyong mga magulang ay hindi naman sakdal. Ang mga magulang ay baka kung minsan kumilos nang padalus-dalos, hindi palaisip sa damdamin ng iba, o kaya’y hindi nagpapakita ng tamang halimbawa. Baka sila ay mga hindi kapananampalataya at maaaring hindi laging nakikitungo sa iyo ayon sa mga prinsipyo ng Bibliya. Ang iba sa inyo ay baka namumuhay sa isang tahanan na mayroon lamang isang magulang o sa isang pamilya sa ikalawang asawa, na kapuwa may pambihirang mga panggigipit. Gaano man katalik ang iyong relasyon sa iyong mga magulang, kung minsan ay makadarama ka na ikaw ay nag-iisa. Paano mapagtitiisan ang gayong suliranin?
Matutong ‘Magpasan ng Pamatok sa Iyong Kabataan’
13. Bakit ang pangungusap ni Jeremias sa Panaghoy 3:27 ay waring di-karaniwan?
13 Nang siya’y suguin ni Jehova, si propeta Jeremias ay bumulalas: “Ang totoo’y hindi ko alam kung paano magsasalita, sapagkat ako’y isa lamang bata”! Subalit siya’y binigyang-kasiguruhan at pinalakas ni Jehova. Dahilan sa kaniyang mga pagdurusa, takot, at panghihina ng loob kung minsan ay ibig na niyang huminto, at minsan ay sinabi niya: “Sumpain ang araw ng pagkapanganak sa akin!” (Jeremias 1:6, 19; 20:7-9, 11, 14) Nang malaunan, siya ay sumulat: “Mabuti nga sa malusog na tao na magpasan ng pamatok sa panahon ng kaniyang kabataan.” (Panaghoy 3:27) Subalit paano nga masasabing ang pagpapasan ng pamatok ng kahirapan ay kapaki-pakinabang? Ang halimbawa ni Jose ang mabuting ilustrasyon nito.
14, 15. (a) Ano ang naging karanasan ni Jose nang siya’y isang kabataan? (b) Paanong siya’y ‘dinalisay ng salita ni Jehova’?
14 Sa edad na 17, si Jose ay nagkaroon ng isang kinasihang panaginip na nagsasabing maghahawak siya ng isang prominenteng posisyon. Subalit, ang kaniyang mga kapatid ay nainggit at ipinagbili siya sa pagkaalipin! Sa wakas ay napapunta siya sa Ehipto at nang malaunan ay iginapos at itinapon sa isang yungib dahil sa walang katotohanang paratang na siya’y nagtangkang manggahasa. (Genesis 37:2, 4-11, 28; 39:20) Ang ulirang kabataang ito at tagapagmana ng isang maluwalhating pangako ay ikinulong sa kakila-kilabot na piitan. Palibhasa’y isang estranghero siya sa isang lupaing banyaga, siya’y walang isa mang kaibigan na dadamay sa kaniya o mamamagitan para sa kaniya.
15 “Ang mga paa niya [ni Jose] ay sinaktan nila ng mga panggapos, siya’y nalagay sa mga tanikalang bakal; hanggang sa panahon na dumating ang kaniyang salita, ang salita ni Jehova mismo ang dumalisay sa kaniya.” (Awit 105:17-19) Sa loob ng 13 mga taon, si Jose ay nagdusa bilang isang alipin at isang bilanggo hanggang sa matupad ang ipinangako ni Jehova. Sa pamamagitan ng karanasang ito siya ay dinalisay. Bagama’t hindi si Jehova ang pinagmulan ng mga kabagabagan, kaniyang pinahintulutan ang mga ito ukol sa isang layunin. Paglalagakan kaya ni Jose ng kaniyang pag-asa “ang salita ni Jehova” sa kabila ng kaniyang pagiging nasa sukdulan ng kahirapan? Kaniya bang pagugulangin ang kaniyang mahuhusay na katangian, at pauunlarin ang kinakailangang pagtitiyaga, kababaang-loob, espirituwal na lakas, at determinasyon na harapin ang isang mahirap na atas? Bueno, si Jose ay umahon na mistulang ginto buhat sa apoy na tagadalisay—na lalong dalisay at lalong mahalaga sa Diyos, at pagkatapos nito ay lalo pa siyang ginamit sa kahanga-hangang paraan.—Genesis 41:14, 38-41, 46; 42:6, 9.
16. Paano dapat malasin ng isang kabataan ang kahirapan?
16 Kapuwa si Jose at si Jeremias ay dumanas ng kahirapan hindi dahil sa anumang pagkakasala nila. Kanila nang napasulong ang maka-Diyos na mga katangian. Gayunman, sila’y dinalisay nang higit pa samantalang sila’y nagtatagumpay sa kahirapan. Lalo na ngang kailangan ang gayong pagdalisay sa mga kabataan na nagkamali! Ang disiplina, na maaaring mahirap na tanggapin, ay nagbubunga ng katuwiran kung ikaw ay sinasanay sa pamamagitan nito. (Hebreo 12:5-7, 11) Ang pagsasanay na ito ay maaaring magpaunlad ng isang panloob na lakas tulad ng bakal na pinatigas ng init. Kung paanong “si Jehova ay nagpatuloy ng paggabay kay Jose at patuloy na pinagpakitaan niya ito ng kagandahang-loob,” ganoon din niya bibigyan ka ng lakas na higit kaysa karaniwan at saganang gagantihin ang iyong pagtitiis.—Genesis 39:21; 2 Corinto 4:7.
17. Ano ang naging epekto ng kahirapan sa isang kabataang babae? Ano ang natututuhan mo rito?
17 Bilang isang halimbawa, isang dalagita, na nag-akalang ang kaniyang bagong amain ay tila baga labis na mahigpit at walang simpatiya sa kaniyang damdamin tungkol sa pagkamatay ng kaniyang minamahal na ama ang nag-isip na lumayas. Nang kaniyang matalos na ito’y magdudulot lamang ng lalo pang maraming problema, siya’y hindi na naglayas—at nagtiis. Ngayon, halos 13 taon na ang nakalipas, ganito ang sabi niya: “Dahil sa pagdisiplina sa akin ng aking amain ako ay naging isang lalong mabuting tao. Nang ako ay namumuhay na mag-isa na kasama ng aking nanay, ako ay anak sa layaw at mapaghimagsik. Sa tuwina’y ang ibig kong masunod ay ang aking sarili. Natuto akong pagbigyan ang iba. Sinagot din ni Jehova ang aking maraming mga panalangin na bigyan ako ng lakas upang makalimutan ko ang pagkamatay ng aking tatay at ako’y maging lalong malapit sa aking amain.” Oo, ang pagkatutong mamuhay na kakambal ng hirap ay lalong magpapalapit sa iyo kay Jehova. Sa ganoon ay maaari siyang maging iyong Kaibigan, na ‘iyong pinagtitiwalaan sapol sa pagkabata.’—Awit 71:5.
18. (a) Sa ano nakasalig ang kalalabasan ng buhay ng isang kabataan? (b) Bakit ang kanilang mga magulang ay dapat ituring na mahalaga ng mga kabataan?
18 Huwag kalilimutan na ang kapaligiran ng iyong tahanan ay hindi siyang tanging nagpapasiya kung ano ang magiging pagkatao mo o kung ano ang kalalabasan ng iyong buhay. Bagkus, “ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa kung ang kaniyang gawa ay magiging malinis at matuwid.” (Kawikaan 20:11) Ang iyong sariling matuwid na mga gawa ang magpapamahal sa iyo sa Diyos at magbibigay ng kabuluhan at halaga sa iyong buhay. Walang pamilya ang sakdal, subalit hanapin mo sa iyong tahanan ang positibong mga katangian. Pag-isipan ang ginagawang mga pagsasakripisyo ng iyong mga magulang upang paglaanan ka ng pagkain, pananamit, tahanan, lunas kung ikaw ay nagkakasakit, at iba pa. Imbis na gantihin mo sila ng kawalang utang na loob, “igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” Ituring mong sila ay napakahalaga, may mataas na halaga.—Efeso 6:1-3; Kawikaan 16:20; 17:13.
19. Anong mga kagantihan ang resulta ng taos-pusong pagsunod sa magulang?
19 Ang mahusay na komunikasyon sa pagitan mo at ng iyong mga magulang ay magpapatindi sa iyong pag-ibig sa kanila. Kung magkagayon ay kusang manggagaling sa iyong puso ang pagsunod sa kanila. “Anak ko, huwag mong kalilimutan ang aking kautusan, at tuparin sana ng iyong puso ang aking mga utos,” ang payo ng pantas na ama, na susunod na binabanggit ang mga kagantihan, “sapagkat ang haba ng mga araw at ang mga taon ng buhay at ang kapayapaan ay idaragdag sa iyo.”—Kawikaan 3:1, 2.
[Talababa]
a Ganito ang sabi ng komentaristang si A. Cohen tungkol sa talatang ito: “Sa puso ng ating kaibigan ating mababanaag ang ating sariling karakter. . . . Sa prangkahan at simpatetikong pagkakaibigan talagang nakikilala natin ang ating sarili, at natatalos natin kung ano nga tayo.” (Kawikaan, The Soncino Press) Ang bersiyon ng Bibliya ni W. F. Beck ay ganito ang sinasabi ng isang bahagi: “Kaya’t mababanaag mo ang iyong sarili sa puso ng ibang tao.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang maaaring dahilan ng isang communication gap o hindi pagkakaunawaan?
◻ Paano maipakikita ng isang kabataan ang maibiging-awa?
◻ Sa paanong ang katotohanan ay magpapahusay sa komunikasyon ng pamilya?
◻ Dahilan sa pinapasan ng isang kabataan ang pamatok ng kahirapan, ano ang magagawa nito para sa kaniya?
[Larawan sa pahina 17]
Kung paanong ang pamatok ng kahirapan ang dumalisay sa personalidad ni Jose, gayundin na ang pagtitiis ng mga kahirapan bilang isang kabataan ay dadalisay sa iyong personalidad