Isang Susi sa Matagumpay na Pagpapamilya
“TAYO’Y may nasisirang yunit ng pamilya,” sabi ng isang kandidato sa panguluhan ng E.U. noong nakaraang taon. Tunay, nakapangingilabot ang pagkasira ng pamilya. “Ang mga pagbabago na gayunding kalawak sa ulat tungkol sa ekonomiya o industriya sa ganoon ding yugto ng panahon,” ayon sa pag-uulat ng magasing Fortune, “ay magtutulak sa atin sa pagkatulala.”
Kahit ang mga pamilya na nagsisikap sumunod sa mga prinsipyo ng Bibliya ay kadalasan dumaranas ng malungkot na epekto nito. Mga ilang taon na ngayon ang nakalipas, isang ama ng anim na bagong-sibol ang pinagsabihan ng isang kapuwa Kristiyanong wala namang masamang hangarin: “Maaasahan mong matatangay ng sanlibutan ang apat sa iyong mga anak.” Gayunman, ang amang ito ay hindi naniniwala na ito’y mangyayari sa kahit na isa sa kaniyang mga anak. Ipinaliwanag niya kung bakit.
“Ang aming mga anak ay hindi talagang amin,” ang sabi niya. “Sila’y ipinagkatiwala sa aming mag-asawa ng Diyos na Jehova, isang ‘mana,’ o isang regalo, buhat sa kaniya. At kaniyang sinabi na kung sasanayin namin sila sa nararapat na paraan, ‘sila ay hindi hihiwalay doon.’ Kaya sa tuwina’y sinikap namin na sila’y asikasuhin na para bang sila’y pag-aari ni Jehova.”—Awit 127:3; Kawikaan 22:6.
Dito ay ipinakilala ng ama ang isang susi ng matagumpay na pagpapamilya—ang mga magulang ay dapat mag-asikaso sa kanilang mga anak na para bang sila’y nag-aasikaso ng ari-arian ng Diyos. Bagaman ito’y hindi nangangahulugan na sa lahat ng pagkakataon ay makikinig ang mga anak sa inyong mahusay na patnubay, kayo ay may pananagutan na asikasuhin ang mga anak na ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos.
Isang Seryosong Pananagutan
Wastong ibinibigay ninyo ang ganitong pag-aasikaso na taglay ang pagpapakundangan at matinding pagkabahala, nang maingat o hindi padalus-dalos. Ginugugulan ninyo ito ng panahon at pagod palibhasa’y batid mo na mananagot ka sa Diyos sa kaniyang ipinamana, o regalo, sa iyo. Hindi na kailangang sumubok pa ng sari-saring paraan ng pagpapalaki sa anak. Ang kailangan lamang ng mga magulang ay mga turo ng Diyos ayon sa inilaan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at dapat sundin ang mga ito nang buong ingat.
Ganito ang tagubilin ng Diyos na Jehova: “Ikikintal mo [ang aking mga salita] sa isipan ng iyong [mga anak] at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon. At iyong itatali na pinakatanda sa iyong kamay, at ibibigkis sa iyong noo; at iyong isusulat sa itaas ng pintuan ng iyong bahay at sa iyong mga pintuang-daan.” Ang Bibliya ay nagpapayo rin sa atin: “Kayo, mga ama, . . . patuloy na palakihin ninyo [ang inyong mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Deuteronomio 6:7-9; Efeso 6:4.
Kaya kailangan sa pangangalaga sa mga anak ang araw-araw na pag-aasikaso; oo, kailangang sila’y walang-pasubaling pag-ukulan ng inyong panahon at lalo na ng inyong pag-ibig at matinding pagkabahala. Ang mga magulang na nagbibigay sa kanilang mga anak ng pangunahing mga pangangailangang ito ay gumagawa ng sinasabi ng Diyos na kailangang gawin upang tamasahin ang isang matagumpay na pagpapamilya.
Kayo ba’y naniniwala na ito’y isang napakabigat na kahilingan? Maraming magulang ang nagpapakita na ganoon nga ang kanilang nadarama sa pamamagitan ng kanilang pagkilos. Gayunman, ang mga kaloob na ito buhat sa Diyos—ang inyong mga anak—ay talagang nangangailangan ng higit kaysa karaniwang pag-aasikaso.
Kung Papaano Sila Pangangalagaan
Taglay ang karunungan, isaalang-alang ang halimbawa ng mga nagtagumpay sa pagpapalaki ng mga anak. Isang magasin, sa cover story nito na pinamagatang “Kagila-gilalas na mga Pamilya,” ang bumanggit ng apat na bagay na mahalaga sa matagumpay na pagpapalaki sa mga bata: “[1] Ang masiglang pag-uusap-usap sa oras ng pagkain, [2] ang pagbabasa ng mabubuting aklat, [3] ang inspirasyon buhat sa mga taong palaisip at karapat-dapat tularan, [4] ang pagkaalam na may isang tradisyon ang pamilya na kailangang itaguyod.”—U.S.News & World Report, Disyembre 12, 1988.
Tungkol sa “pag-uusap-usap sa oras ng pagkain,” alalahanin na itinatagubilin ng Diyos sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak pagka sila’y nauupo sa bahay. Ang inyo bang pamilya ay regular na nagsasalu-salo sa oras ng pagkain, sa gayo’y nagbibigay sa araw-araw ng pagkakataon na kayo’y magsama-sama at makinabang sa masiglang pag-uusap-usap? Ang gayong mga panahon ay kailangan at hindi malilimot ng mga anak, nagpapadama sa kanila ng katatagan at katiwasayan. Isang anim-na-taóng-gulang ang nagsabi na ibig niya ng mga oras ng pagkain “sapagkat hindi na kailangang mag-alala ka tungkol sa bawat isa,” yamang lahat ay naroroon.
Kumusta naman ang uri ng inyong usapan kung oras ng pagkain? Iyon ba ay malimit na nakasentro sa nilalaman ng “mabubuting aklat,” kasali na ang Bibliya at ang salig-sa-Bibliyang literatura na tumatalakay sa ating paglilingkod sa Diyos o sa mga bagay na may kaugnayan sa paglalang ng Diyos? Bukod sa ganitong uri ng pag-uusap sa oras ng pagkain, sa pamamagitan ng isang regular na kaayusan sa pag-aaral, kailangang paunlarin ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga kautusan.
“Ang regular na pagsasalu-salo sa pagkain ay hindi suliranin,” ang paliwanag ng ama ng anim na binanggit sa may unahan. “Ito’y kusa, at nagbubuklod sa amin. Subalit ang pagkakaroon ng isang regular na kaayusan ng pag-aaral sa Bibliya ay mahirap.” Dahilan sa labis na pagkahapo pagkatapos ng maghapong pagpapagal, kung minsan ay nakakatulog siya sa oras ng pag-aaral. Gayunman, siya’y hindi sumusuko sa pagdaraos ng isang regular na pag-aaral ng Bibliya sa kaniyang mga anak, at siya ay palagiang nakikipag-usap sa isa’t isa sa kanila at nakikinig sa kanila nang mahahabang oras.
Bukod sa pangunguna sa makabuluhang pag-uusap-usap sa oras ng pagkain at pagbabasa ng dakilang mga aklat, tinitiyak mo ba kung ang iyong mga anak ay tumatanggap ng “inspirasyon buhat sa mga taong palaisip at karapat-dapat tularan”? Ang totoo, ang pagsasaayos upang ang iyong mga anak ay makisamang palagian sa mga taong tumutulad sa pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, si Jesu-Kristo, ay kailangan upang sila’y maging matagumpay na mga adulto.
Sa wakas, kumusta naman “ang pagkaalam na may isang tradisyon ang pamilya na kailangang itaguyod”? Kailangang maunawaan ng iyong mga anak na mayroong mga pamantayan ang pamilya na inaasahang itataguyod nila—na ang ilang paggawi, pananalita, pananamit, mga asal, at iba pa, ay hindi katanggap-tanggap at labag sa tradisyon ng pamilya. Kailangang matanto nila na ang paglabag sa tradisyon ng pamilya ay maselang—na ikaw ay labis na masasaktan, gaya ng sinaunang patriyarkang si Jacob, na ginawa ng mga anak na lalaki na “isang umaalingasaw na amoy sa mga naninirahan sa lupain” dahilan sa kanilang kahiya-hiyang paggawi.—Genesis 34:30.
Ang ama ng anim na minamalas ang kaniyang mga anak bilang pag-aari ng Diyos ang lalo nang nagdiin sa “tradisyon ng pamilya.” Siya’y palaging nakikipagkatuwiranan sa kaniyang mga anak tungkol sa kung papaano ang pamantayan ng pamilya sa pananamit, pag-aayos, at pagkahiwalay sa mga lakad ng sanlibutan ay naaayon sa espiritu at patnubay ng Maylikha, ang Diyos na Jehova. Dahil sa malaking panahon, pag-ibig, at matinding pagkabahala na iniukol sa kanila—ang pagkasanay sa daan na dapat nilang lakaran—ang anim na anak ay tumugon sa pamamagitan ng ‘hindi paghiwalay sa daan para sa kanila.’—Kawikaan 22:6.
Sa buong daigdig, may libu-libo ng gayong matitibay na pamilya. Anong laking kapurihan ang mga ito sa kanilang Maylikha, at anong laking gantimpala sila sa walang-imbot, mapagmahal na mga magulang! Sa paglipas ng mga taon, ang gayong mga magulang ay higit at higit na pinahahalagahan ng mga anak na nakinabang sa kanilang mga pagpapagal. Pakisuyong isaalang-alang ang sumusunod na kasaysayan ng isang babaing pinalaki ng maka-Diyos na mga magulang, at bigyang-pansin ang mahalagang mga aralin na maaaring matutuhan buhat dito.