Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 3/15 p. 17-22
  • Mangyaring Ingatan Kayo ng Kaunawaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mangyaring Ingatan Kayo ng Kaunawaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pantanging Pangangailangan Para sa Kaunawaan
  • Kumusta Naman ang Tungkol sa Pamumuhunan?
  • Kapag Bumagsak ang Negosyo
  • Paano Kung May Pandaraya?
  • Ang Kaunawaan at Pagpapasiya
  • Ikiling ang Inyong Puso sa Kaunawaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Makapaglilinang Ka ba ng Higit Pang Kaunawaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Pananatiling may Pagkakaisang Kristiyano sa Relasyong Pangnegosyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • “Si Jehova ay Nagbibigay ng Karunungan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 3/15 p. 17-22

Mangyaring Ingatan Kayo ng Kaunawaan

“Ang kakayahang umisip mismo ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan mismo ay mag-iingat sa iyo.”​—KAWIKAAN 2:11.

1. Mula sa ano tayo maiingatan ng kaunawaan?

NAIS ni Jehova na kayo’y gumamit ng kaunawaan. Bakit? Sapagkat alam niya na kayo’y iingatan nito mula sa iba’t ibang panganib. Nagsisimula ang Kawikaan 2:10-19 sa pagsasabing: “Kapag pumasok ang karunungan sa iyong puso at ang kaalaman mismo ay naging kalugud-lugod sa mismong kaluluwa mo, ang kakayahang umisip mismo ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan mismo ay mag-iingat sa iyo.” Iingatan kayo mula sa ano? Mula sa mga bagay tulad ng “masamang daan,” yaong mga nagsisialis sa mga landas ng katuwiran, at mga taong may katusuhan sa kanilang lakad.

2. Ano ang kaunawaan, at anong uri nito ang lalo nang ninanais ng mga Kristiyano?

2 Malamang na maalaala ninyo na ang kaunawaan ay ang kakayahan ng isip na makilala ang pagkakaiba ng mga bagay-bagay. Nakikita ng isang taong may kaunawaan ang pagkakaiba ng mga ideya o mga bagay at siya’y may katalinuhan sa pagpapasiya. Bilang mga Kristiyano, lalo nang nais natin ng espirituwal na kaunawaan salig sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Kapag nag-aaral tayo ng Kasulatan, para bang nagtitibag tayo ng mga bato upang makapagtayo ng espirituwal na kaunawaan. Ang natututuhan natin ay makatutulong sa atin na gumawa ng mga pasiya na nakalulugod kay Jehova.

3. Paano natin matatamo ang espirituwal na kaunawaan?

3 Nang tanungin ng Diyos si Haring Solomon ng Israel kung anong pagpapala ang nais niya, ganito ang sabi ng kabataang tagapamahala: “Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang masunuring puso upang humatol sa iyong bayan, upang makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.” Humiling si Solomon ng kaunawaan, at ipinagkaloob ito sa kaniya ni Jehova sa isang pambihirang antas. (1 Hari 3:9; 4:30) Upang magtamo ng kaunawaan, kailangan nating manalangin, at kailangan nating pag-aralan ang Salita ng Diyos sa tulong ng nagbibigay-liwanag na mga publikasyong inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Tutulong ito sa atin na mapaunlad ang espirituwal na kaunawaan hanggang sa punto na tayo’y maging “lubos-ang-laki sa mga kakayahan ng pang-unawa,” anupat nagagawang “makilala [o, unawain ang pagkakaiba] kapuwa ang tama at ang mali.”​—1 Corinto 14:20; Hebreo 5:14.

Pantanging Pangangailangan Para sa Kaunawaan

4. Ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng matang “simple,” at paano tayo makikinabang dito?

4 Taglay ang wastong kaunawaan, makakakilos tayo na kasuwato ng mga salita ni Jesu-Kristo: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang [materyal na] mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Sinabi rin ni Jesus: “Ang lampara ng katawan ay ang iyong mata. Kapag ang iyong mata ay simple, ang iyong buong katawan ay magiging maliwanag din.” (Lucas 11:34) Ang mata ay isang makasagisag na lampara. Ang matang “simple” ay taimtim, anupat nakatutok sa isang direksiyon. Taglay ang gayong mata, tayo ay makapagpapakita ng kaunawaan at makalalakad nang walang katitisuran sa espirituwal.

5. May kinalaman sa mga transaksiyon sa negosyo, ano ang dapat nating tandaan tungkol sa layunin ng Kristiyanong kongregasyon?

5 Sa halip na panatilihing simple ang kanilang mata, ginawang masalimuot ng ilan ang kanilang buhay at ang buhay ng iba sa pamamagitan ng nakapanghihikayat na mga transaksiyon sa negosyo. Ngunit dapat nating tandaan na ang Kristiyanong kongregasyon ay “isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Tulad sa mga haligi ng isang gusali, itinataguyod ng kongregasyon ang katotohanan ng Diyos, hindi ang negosyo ninuman. Hindi itinatag ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova bilang mga dako upang itaguyod ang komersiyal na kapakanan, kalakal, o serbisyo. Hindi tayo dapat na magnegosyo sa loob ng Kingdom Hall. Tumutulong sa atin ang kaunawaan na makitang ang mga Kingdom Hall, Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, asamblea, at mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay mga dako para sa Kristiyanong pagsasamahan at espirituwal na talakayan. Kung gagamitin natin ang ating espirituwal na mga kaugnayan upang itaguyod ang anumang uri ng komersiyalismo, hindi ba ito magpapakita sa paano man ng kawalan ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga pamantayan? Hindi dapat samantalahin kailanman ang ating mga koneksiyon sa kongregasyon para kumita ng salapi.

6. Bakit hindi dapat na magbenta o magtaguyod ng komersiyal na mga produkto o serbisyo sa mga pulong ng kongregasyon?

6 Ginamit ng ilan ang teokratikong mga koneksiyon upang magbenta ng mga pantulong sa kalusugan o sa pagpapaganda, mga produktong bitamina, serbisyo sa telecommunication, materyales sa konstruksiyon, mga promosyon sa paglalakbay, programa at gamit sa computer, at iba pa. Gayunman, ang mga pulong sa kongregasyon ay hindi dako para sa pagbebenta at pagtataguyod ng komersiyal na mga produkto o serbisyo. Mauunawaan natin ang simulaing nasasangkot kung tatandaan natin na “pinalayas [ni Jesus] ang lahat niyaong may mga tupa at mga baka mula sa templo, at kaniyang ibinuhos ang mga barya ng mga tagapagpalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa. At kaniyang sinabi doon sa mga nagtitinda ng mga kalapati: ‘Alisin ninyo ang mga bagay na ito mula rito! Tigilan ninyo ang paggawa sa bahay ng aking Ama na isang bahay ng kalakal!’ ”​—Juan 2:15, 16.

Kumusta Naman ang Tungkol sa Pamumuhunan?

7. Bakit kailangan ang kaunawaan at pag-iingat kung tungkol sa mga pamumuhunan?

7 Kailangan kapuwa ang kaunawaan at pag-iingat kapag binabalak na mamuhunan sa isang negosyo. Ipagpalagay na may ibig manghiram ng salapi at nangangako ng ganito: “Ginagarantiya kong kikita ka ng pera.” “Hindi ka malulugi. Siguradong tutubo ka rito.” Mag-ingat sa sinumang gumagawa ng ganitong pagtiyak. Alinman sa siya’y di-makatotohanan o kaya’y di-tapat, sapagkat bihirang maging sigurado ang pamumuhunan. Sa katunayan, may ilang taong matamis magsalita at walang konsiyensiya na luminlang sa mga miyembro ng kongregasyon. Naaalaala natin dito ang “mga taong di-maka-Diyos” na nakapuslit sa unang-siglong kongregasyon at ‘ginawang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi.’ Sila’y tulad ng matutulis na bato sa ilalim ng tubig na maaaring ikasugat at ikamatay ng mga lumalangoy. (Judas 4, 12) Totoo, iba naman ang motibo niyaong mga manlilinlang, ngunit sinasamantala rin nila ang mga miyembro ng kongregasyon.

8. Ano ang nangyari may kinalaman sa ilang negosyo na wari’y may malaking pakinabang?

8 Maging ang mga Kristiyanong may mabuting motibo ay naghatid ng impormasyon tungkol sa mga negosyong wari’y may malaking pakinabang, upang matuklasan lamang na sila at yaong mga sumunod sa kanilang halimbawa ay nawalan ng kanilang ipinuhunan. Bunga nito, ang ilang Kristiyano ay nawalan ng kanilang mga pribilehiyo sa kongregasyon. Kapag ang mga negosyong nag-aalok ng biglang-yaman ay napatunayang may panlilinlang, ang tanging nakikinabang ay ang manlilinlang, na bigla na lamang naglalahong parang bula. Paano makatutulong sa isa ang kaunawaan upang maiwasan ang gayong mga situwasyon?

9. Bakit kailangan ang kaunawaan upang masuri ang mga pag-aangkin tungkol sa pamumuhunan?

9 Ang kaunawaan ay nangangahulugang ang kakayahang umunawa ng mga bagay na nakakubli. Kailangan ang kakayahang ito upang masuring mabuti ang mga pag-aangkin tungkol sa pamumuhunan. May tiwala ang mga Kristiyano sa isa’t isa, at maaaring ikatuwiran ng ilan na ang kanilang espirituwal na mga kapatid ay hindi masasangkot sa mga negosyong magsasapanganib sa tinatangkilik ng mga kapananampalataya. Ngunit ang pagiging Kristiyano ng isang negosyante ay hindi garantiya na mahusay siya sa pangangalakal o na magtatagumpay ang kaniyang negosyo.

10. Bakit ninanais ng ilang Kristiyano na mangutang sa mga kapananampalataya ng salaping pangnegosyo, at ano ang maaaring mangyari sa gayong pamumuhunan?

10 Ang ilang Kristiyano ay umuutang ng ipangnenegosyo mula sa kanilang mga kapananampalataya sapagkat hindi kailanman magpapahiram ng salapi ang mga kilalang ahensiyang nagpapautang para sa kanilang peligrosong mga transaksiyon. Marami ang napaniwala na sa pamamagitan lamang ng pamumuhunan, maaari silang tumubo ng malaki sa madaling panahon nang walang kahirap-hirap o marahil nang walang ginagawa. Naakit ang ilan sa isang pamumuhunan dahil sa katuwaang iniuugnay rito, upang mawala lamang ang perang inipon nila sa buong buhay nila! Isang Kristiyano ang namuhunan ng malaking halaga ng salapi, anupat umaasang ito’y tutubo ng 25 porsiyento sa loob lamang ng dalawang linggo. Naiwala niya ang lahat ng perang iyon nang ideklara ang pagkabangkarote. Sa isa pang transaksiyon, isang real-estate developer ang humiram ng malalaking halaga ng salapi mula sa iba sa kongregasyon. Nangako siya ng pagkalalaking tubo ngunit siya’y nabangkarote at naiwala ang mga perang hiniram.

Kapag Bumagsak ang Negosyo

11. Ano ang ipinayo ni Pablo tungkol sa kasakiman at pag-ibig sa salapi?

11 Ang pagbagsak ng mga negosyo ay humantong sa pagkasiphayo at maging sa kawalan ng espirituwalidad niyaong mga Kristiyanong nasangkot sa peligrosong mga transaksiyon. Nagbunga ng matinding lungkot at hinanakit ang pagwawalang-bahala sa kaunawaan bilang pananggalang. Nasilo ng kasakiman ang marami. “Ang . . . kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng naaangkop sa mga taong banal,” ang isinulat ni Pablo. (Efeso 5:3) At nagbabala siya: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.”​—1 Timoteo 6:9, 10.

12. Kung ang mga Kristiyano ay nakikipagnegosyo sa isa’t isa, ano ang dapat na lalo nilang tandaan?

12 Kapag tumubo sa isang Kristiyano ang pag-ibig sa salapi, mapipinsala niya nang husto ang kaniyang espirituwalidad. Ang mga Fariseo ay mangingibig sa salapi, at isang katangian ito ng marami sa mga huling araw na ito. (Lucas 16:14; 2 Timoteo 3:1, 2) Sa kabaligtaran, ang paraan ng pamumuhay ng isang Kristiyano ay dapat na maging ‘malaya buhat sa pag-ibig sa salapi.’ (Hebreo 13:5) Mangyari pa, ang mga Kristiyano ay maaaring makipagnegosyo sa isa’t isa o magkakasamang magbukas ng isang negosyo. Gayunman, kung ginagawa nila ito, ang mga pag-uusap at negosasyon ay dapat na panatilihing hiwalay mula sa mga bagay na pangkongregasyon. At tandaan: Maging sa espirituwal na magkakapatid, laging isulat ang mga kasunduan sa negosyo. Malaking tulong hinggil dito ang artikulong “Gumawa ng Kasulatan!,” na inilathala sa Gumising! ng Hulyo 8, 1983, pahina 14 hanggang 18.

13. Paano ninyo ikakapit ang Kawikaan 22:7 sa mga negosyo?

13 Ganito ang sabi sa atin ng Kawikaan 22:7: “Ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.” Madalas na hindi isang katalinuhan na ilagay ang ating sarili o ang ating kapatid sa katayuan ng gayong alipin. Kapag may humihiram sa atin ng salapi para sa negosyo, makabubuting suriin ang kaniyang kakayahang maisauli ang halagang hiniram. Kilala ba siya bilang taong maaasahan at mapagkakatiwalaan? Sabihin pa, dapat nating unawain na ang ganitong pagpapahiram ay posibleng mauwi sa pagkawala ng perang ito sapagkat maraming negosyo ang bumabagsak. Ang isang kontrata sa ganang sarili ay hindi garantiya ng isang matagumpay na negosyo. At tiyak na hindi isang katalinuhan para sa kaninuman na ipakipagsapalaran sa negosyo ang higit sa halagang kaya niyang ipagpalugi.

14. Bakit kailangan nating magpakita ng kaunawaan kung nakapagpahiram tayo ng salapi sa isang kapuwa Kristiyano na bumagsak ang negosyo?

14 Kailangan nating magpakita ng kaunawaan kung nagpahiram tayo ng pera sa isang Kristiyano para ipangnegosyo at ang perang ito ay nawala, bagaman walang nasangkot na pandaraya. Kung ang pagbagsak ng negosyo ay hindi kasalanan ng ating kapananampalatayang nanghiram ng pera, masasabi ba nating ginawan tayo ng masama? Hindi, sapagkat kusa tayong nagpautang, kaypala’y tumatanggap tayo ng tubo mula rito, at walang pandarayang naganap. Yamang walang nasangkot na pandaraya, wala tayong batayan upang idemanda ang nanghiram. Anong mapapala kung idedemanda natin ang isang tapat na kapuwa Kristiyano na kinailangang magdeklara ng pagkabangkarote dahil sa pagbagsak ng isang negosyo na walang anumang masamang motibo?​—1 Corinto 6:1.

15. Anong mga salik ang kailangang isaalang-alang kung idinedeklara ang pagkabangkarote?

15 Yaong mga nakararanas ng pagbagsak ng negosyo ay naghahanap kung minsan ng tulong sa pamamagitan ng pagdedeklara ng pagkabangkarote. Yamang ang mga Kristiyano ay hindi dapat na maging pabaya tungkol sa pagbabayad ng utang, kahit na wala nang obligasyon ayon sa batas sa ilang utang, ang ilan ay naudyukan ng kanilang budhi na sikaping mabayaran ang kinanselang mga utang kung tatanggapin ng mga nagpautang ang bayad na ito. Subalit paano kung naiwala ng isang nanghiram ang salapi ng kaniyang kapatid at pagkatapos ay namuhay naman nang maluho? O paano kung ang nanghiram ay nakakuha ng sapat na pondo upang mabayaran ang halagang hiniram ngunit ipinagwalang-bahala ang kaniyang moral na obligasyong bayaran ang kaniyang kapatid? Kung gayo’y magkakaroon ng mga alinlangan hinggil sa kuwalipikasyon ng nanghiram na maglingkod sa responsableng mga tungkulin sa kongregasyon.​—1 Timoteo 3:3, 8; tingnan Ang Bantayan, Setyembre 15, 1994, pahina 30-1.

Paano Kung May Pandaraya?

16. Anong mga hakbang ang maaaring kunin kung waring tayo’y naging biktima ng pandaraya sa negosyo?

16 Ang kaunawaan ay tumutulong sa atin na maunawaang hindi lahat ng pamumuhunan ay tumutubo. Subalit, paano kung may nasasangkot na pandaraya? Ang pandaraya ay “ang sadyang paggamit ng panlilinlang, panlalansi, o pagpilipit sa katotohanan sa layuning hikayatin ang ibang tao na ibigay ang isang mahalagang pag-aari niya o isuko ang isang legal na karapatan.” Binalangkas ni Jesu-Kristo ang mga hakbang na maaaring kunin kapag iniisip ng isa na dinaya siya ng isang kapuwa mananamba. Ayon sa Mateo 18:15-17, sinabi ni Jesus: “Kung ang kapatid mo ay makagawa ng kasalanan, pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung siya ay makinig sa iyo, natamo mo ang iyong kapatid. Subalit kung hindi siya makinig, magsama ka ng isa o dalawa pa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ang bawat bagay ay maitatag. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, siya ay maging gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis sa iyo.” Ang ilustrasyong ibinigay ni Jesus pagkatapos nito ay nagpapahiwatig na nasa isip niya ang mga kasalanang may kinalaman sa pananalapi, kasali na ang pandaraya.​—Mateo 18:23-35.

17, 18. Kung dinadaya tayo ng isang nag-aangking Kristiyano, paano tayo iingatan ng kaunawaan?

17 Mangyari pa, hindi magkakaroon ng maka-Kasulatang batayan upang kunin ang mga hakbang na binalangkas sa Mateo 18:15-​17 kung walang ebidensiya o maging ng pahiwatig ng pandaraya. Gayunman, paano kung tayo’y aktuwal na dinaya ng isang nag-aangking Kristiyano? Iingatan tayo ng kaunawaan mula sa pagkuha ng hakbang na makasisira sa reputasyon ng kongregasyon. Pinayuhan ni Pablo ang mga kapuwa Kristiyano na hayaang magawan sila ng mali o dayain pa nga sa halip na idemanda ang isang kapatid.​—1 Corinto 6:7.

18 Ang ating tunay na mga kapatid ay hindi ‘punô ng pandaraya at kabuktutan,’ tulad ng manggagaway na si Bar-Jesus. (Gawa 13:6-​12) Kaya gumamit tayo ng kaunawaan kapag may perang nawala sa mga transaksiyon sa negosyo na kinasasangkutan ng mga kapananampalataya. Kung iniisip nating magdemanda, dapat nating isaalang-alang ang mga posibleng epekto sa atin mismo, sa ibang tao, sa kongregasyon, at sa mga tagalabas. Maaaring umubos ng malaking bahagi ng ating panahon, lakas, at ibang tinatangkilik ang paghahabol sa bayad-pinsala. Baka mauwi lamang ito sa pagpapayaman sa mga abogado at iba pang propesyonal. Nakalulungkot, isinakripisyo ng ilang Kristiyano ang mga teokratikong pribilehiyo dahil sa labis na pagkasangkot sa ganitong mga bagay. Ang pagkalihis natin sa ganitong paraan ay tiyak na ikatutuwa ni Satanas, ngunit ibig nating pasayahin ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Sa kabilang dako, maiiwasan natin ang pagdadalamhati at hindi masasayang ang panahon natin at ng matatanda kung tatanggapin natin ang ating pagkalugi. Tutulong ito upang maingatan ang kapayapaan sa kongregasyon at pangyayarihin na patuloy nating hanapin muna ang Kaharian.

Ang Kaunawaan at Pagpapasiya

19. Ano ang magagawa sa atin ng espirituwal na kaunawaan at panalangin kapag gumagawa tayo ng mahihirap na pasiya?

19 Ang pagpapasiya may kinalaman sa pananalapi o negosyo ay totoong nagdudulot ng kaigtingan. Ngunit matutulungan tayo ng espirituwal na kaunawaan na timbangin ang mga salik at gumawa ng matalinong mga pasiya. Isa pa, ang may-pananalanging pananalig kay Jehova ay magdudulot sa atin ng “kapayapaan ng Diyos.” (Filipos 4:6, 7) Ito ay kahinahunan at katahimikan na nagmumula sa isang matalik na personal na kaugnayan kay Jehova. Tunay, makatutulong sa atin ang gayong kapayapaan upang mapanatili ang ating pagiging timbang kapag napaharap tayo sa mahirap na pagpapasiya.

20. Ano ang dapat na determinado nating gawin sa mga bagay na may kinalaman sa negosyo at sa kongregasyon?

20 Harinawang maging determinado tayo na huwag pahintulutang guluhin ng mga pagtatalo sa negosyo ang ating kapayapaan o ang kapayapaan ng kongregasyon. Kailangan nating tandaan na umiiral ang kongregasyon upang tulungan tayo sa espirituwal na paraan, hindi upang magsilbing sentro para sa komersiyal na mga gawain. Ang mga bagay tungkol sa negosyo ay dapat na laging ingatang hiwalay mula sa mga gawain sa kongregasyon. Kailangan nating gamitin ang kaunawaan at pag-iingat kapag nagbubukas ng mga negosyo. At lagi nating panatilihin ang timbang na pangmalas sa gayong mga bagay, anupat inuuna ang kapakanan ng Kaharian. Kung bumagsak ang isang negosyo na kinasasangkutan ng ating mga kapuwa mananamba, sikapin nawa nating gawin kung ano ang ikabubuti ng lahat ng nasasangkot.

21. Paano natin magagamit ang kaunawaan at makakakilos na kasuwato ng Filipos 1:9-11?

21 Sa halip na labis na mabahala tungkol sa pananalapi at ibang hindi gaanong mahahalagang bagay, ikiling nawa nating lahat ang ating puso sa kaunawaan, manalangin para sa patnubay ng Diyos, at patuloy na unahin ang kapakanan ng Kaharian. Kasuwato ng panalangin ni Pablo, ‘managana nawa ang ating pag-ibig na may tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan upang ating matiyak ang mga bagay na higit na mahalaga at hindi nakatitisod sa iba’ o sa ating sarili. Ngayong nasa kaniyang makalangit na trono ang Kristong Hari, magpakita nawa tayo ng espirituwal na kaunawaan sa lahat ng pitak ng buhay. At ‘mapuspos nawa tayo ng matuwid na bunga sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng ating Diyos,’ ang Soberanong Panginoong Jehova.​—Filipos 1:9-11.

Paano Ka Tutugon?

◻ Ano ba ang kaunawaan?

◻ Bakit lalo nang kailangan na magpakita ng kaunawaan kung tungkol sa mga transaksiyon sa negosyo sa gitna ng mga Kristiyano?

◻ Paano makatutulong sa atin ang kaunawaan kung nadama nating dinaya tayo ng isang kapananampalataya?

◻ Anong papel ang dapat na gampanan ng kaunawaan sa paggawa ng pasiya?

[Larawan sa pahina 18]

Tutulong sa atin ang kaunawaan upang maikapit ang payo ni Jesus na patuloy na hanapin muna ang Kaharian

[Mga larawan sa pahina 20]

Laging isulat ang mga kasunduan sa negosyo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share