Panatilihin ang “Kadalisayan ng Puso” sa Mapanganib na Panahong Ito
“HINDI maikakailang problema ngayon sa Simbahan ang isyu tungkol sa kalinisan sa moral.” Komento iyan ng Katolikong peryodista na si Vittorio Messori tungkol sa mga sex scandal na kinasangkutan ng Simbahan sa Italya kamakailan. “At hindi ito masosolusyunan kahit pa pahintulutang mag-asawa ang mga pari dahil 80 porsiyento ng mga kasong ito ay kinasasangkutan ng mga homoseksuwal—mga paring nang-aabuso sa mga bata at adultong lalaki.”—La Stampa.
Walang alinlangan, ang talamak na kasamaan ay bahagi ng tanda ng “mga huling araw” ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (2 Tim. 3:1-5) Gaya ng makikita sa mga balita, ang pagbaba ng moralidad ay may masamang impluwensiya hindi lang sa karaniwang mga tao kundi maging sa nag-aangking mga alagad ng Diyos. Ang kanilang masama at maruming puso ay nagtutulak sa kanila na gumawa ng mga kabuktutan. (Efe. 2:2) Kaya naman nagbabala si Jesus na “mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga bulaang patotoo, mga pamumusong.” (Mat. 15:19) Gayunman, gusto ng Diyos na Jehova na ibigin ng mga lingkod niya ang “kadalisayan ng puso.” (Kaw. 22:11) Kaya paano mapananatili ng mga Kristiyano na dalisay ang kanilang puso sa mapanganib na panahong ito?
Ano ang Kahulugan ng “Dalisay ang Puso”?
Sa Bibliya, ang “puso” ay kadalasan nang ginagamit sa makasagisag na paraan. Ayon sa isang reperensiya, ang termino sa Bibliya para sa puso ay tumutukoy sa “kaloob-loobang bahagi ng tao” na siyang “pinakamahalagang bagay na tinitingnan ng Diyos . . . , dito nabubuo ang kaugnayan sa Diyos, at ito ang nagdidikta kung paano gagawi ang isa.” Ang puso ang nagpapakilala sa ating tunay na pagkatao. Gaya ng idiniriin ng nabanggit na reperensiya, ito ang tinitingnan at pinahahalagahan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod.—1 Ped. 3:4.
Sa Bibliya, ang mga salitang “dalisay” at “malinis” ay maaaring tumukoy sa pisikal na kalinisan. Pero ang mga terminong ito ay kumakapit din sa mga bagay na hindi nadungisan—hindi nabantuan, hindi narumhan, at hindi nahaluan—sa moral at espirituwal na paraan. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga dalisay ang puso.” Sa diwa, ang tinutukoy niya ay ang mga taong may malinis na kalooban. (Mat. 5:8) Dalisay ang kanilang pagmamahal, hangarin, at motibo. Udyok ng pasasalamat, iniibig nila si Jehova nang taimtim, walang pagpapaimbabaw, at buong puso. (Luc. 10:27) Gusto mong maging dalisay sa gayong diwa, hindi ba?
Pananatiling “Dalisay ang Puso”—Isang Hamon
Ang isang lingkod ni Jehova ay hindi lang dapat na “walang-sala ang mga kamay,” kundi dapat ding “malinis ang puso.” (Awit 24:3, 4) Gayunman, napakalaking hamon ngayon sa mga lingkod ng Diyos na mapanatiling “malinis ang puso.” Malakas ang impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan, pati na ng ating di-sakdal na laman, anupat inilalayo tayo ng mga ito kay Jehova. Para mapaglabanan ang mga ito, napakahalagang ibigin natin ang “kadalisayan ng puso” at manghawakang mahigpit dito. Ito ang magsasanggalang at tutulong sa atin na manatiling kaibigan ng Diyos. Paano natin mapananatiling dalisay ang ating puso?
Sa Hebreo 3:12, binababalaan tayo: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy.” Hindi natin mapananatiling “dalisay ang puso” natin kung ito ay “walang pananampalataya.” Anong mga ideya ang inihahasik ni Satanas na Diyablo para pahinain ang ating pananampalataya sa Diyos? Kabilang dito ang teoriya ng ebolusyon, pagkakaroon ng kani-kaniyang pananaw pagdating sa moralidad at relihiyon, at pag-aalinlangan sa pagiging kinasihan ng Banal na Kasulatan. Hindi tayo dapat magpaapekto sa ganitong mapanganib na mga ideolohiya. (Col. 2:8) Mahusay na depensa sa ganitong mga pagsalakay ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at taimtim na pagbubulay-bulay. Kung mayroon tayong tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, sisidhi ang ating pag-ibig kay Jehova at lalo nating mauunawaan ang pakikitungo niya sa mga tao. Napakahalaga ng gayong pag-ibig at kaunawaan para matanggihan natin ang mga maling pangangatuwiran at maingatang matibay ang ating pananampalataya kay Jehova, at sa gayo’y mapanatiling dalisay ang ating puso.—1 Tim. 1:3-5.
Kapag Hinihila ng Pagnanasa ng Laman
Ang isa pang pagsalakay na puwedeng mapaharap sa atin habang sinisikap nating mapanatili ang “kadalisayan ng puso” ay ang makalaman at materyalistikong mga pagnanasa. (1 Juan 2:15, 16) Ang pag-ibig sa salapi o pagnanasang magkamal ng kayamanan at materyal na mga bagay ay makapagpaparumi sa puso ng isang Kristiyano anupat magtutulak sa kaniya na gumawa ng mga bagay na salungat sa kalooban ng Diyos. Ang ilan ay naging di-tapat sa trabaho, nandaya, o nagnakaw ng pera o iba pang mga bagay.—1 Tim. 6:9, 10.
Sa kabilang banda, kung lilinangin natin ang wastong pagkatakot na di-mapalugdan si Jehova, iibigin ang katarungan, at magiging determinadong ingatan ang mabuting budhi, maipapakita nating iniibig natin ang “kadalisayan ng puso.” Uudyukan tayo ng pag-ibig na ito na “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Heb. 13:18) Ang ating katapatan ay magsisilbing mainam na patotoo. Si Emilio, isang Saksi sa Italya na drayber ng bus, ay nakapulot ng pitaka na may lamang 470 euro ($680, U.S.). Hindi makapaniwala ang mga katrabaho niya nang ibigay niya ang pitaka sa kanilang superbisor, na nagsauli naman nito sa may-ari. Ang ilan sa kanila ay hangang-hanga sa ginawa ni Emilio kung kaya naging interesado sila sa Bibliya at nagsimulang makipag-aral. Ang resulta? Pito katao mula sa dalawang pamilya ang tumanggap ng katotohanan. Oo, kung matapat tayo at dalisay ang ating puso, talagang mapapakilos ang iba na purihin ang Diyos.—Tito 2:10.
Ang isa pang bagay na makapagpaparumi sa puso ng isang Kristiyano ay ang maling pananaw sa sekso. Dahil normal na lang para sa karamihan ang pagtatalik bago ang kasal, pangangalunya, at homoseksuwalidad, puwedeng maapektuhan ang puso ng isang Kristiyano. Kapag nahulog ang isa sa imoralidad, baka magkunwari siyang masigasig para maitago ang kaniyang kasalanan. Talagang hindi masasabing ‘dalisay ang kaniyang puso.’
Si Gabriele ay 15 anyos nang mabautismuhan. Agad siyang nagpayunir pagkatapos nito. Pero nang maglaon, napabarkada siya sa mga nagbababad sa nightclub. (Awit 26:4) Dito na nagsimula ang kaniyang imoral at mapagpaimbabaw na pamumuhay, at kinailangan siyang itiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano. Dahil sa disiplinang ito mula kay Jehova, seryoso niyang pinag-isipan ang nangyari sa kaniya. Naaalaala pa ni Gabriele: “Sinimulan kong gawin ang mga bagay na hindi ko sineseryoso noon. Binasa ko ang Bibliya araw-araw para malaman ang sinasabi ni Jehova, at pinag-aralang mabuti ang ating salig-Bibliyang mga publikasyon. Napakarami kong natutuhan! Napakalaki ring pampatibay ang pagbabasa ng Bibliya at marubdob na pananalangin.” Nakatulong ito kay Gabriele para iwan ang kaniyang imoral na pamumuhay at ibalik ang kaniyang kaugnayan kay Jehova.
Sa ngayon, nagpapayunir na uli si Gabriele, kasama ang kaniyang asawa. Ang nangyari sa kaniya ay patunay lang na talagang nakakatulong ang pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyon mula sa “tapat at maingat na alipin” para magkaroon ng dalisay na puso at maiwasan ang imoralidad.—Mat. 24:45; Awit 143:10.
Kapag Nasa Ilalim ng Pagsubok
Ang pagsalansang, kahirapan, at malubhang sakit ay nakapagpahina sa ilang lingkod ng Diyos. May mga pagkakataong naapektuhan din ang kanilang puso. Kahit nga si Haring David, naranasan din iyan: “Ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko; sa loob ko ay namamanhid ang aking puso.” (Awit 143:4) Ano ang nakapagpalakas sa kaniya? Binulay-bulay ni David ang pakikitungo ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod at kung paanong siya mismo ay naligtas. Binulay-bulay rin niya ang mga ginawa ni Jehova alang-alang sa Kaniyang dakilang pangalan. Itinuon ni David ang kaniyang pansin sa mga gawa ng Diyos. (Awit 143:5) Sa katulad na paraan, ang pagbubulay-bulay sa ating Maylalang at sa lahat ng kaniyang ginawa at ginagawa pa para sa atin ay makakatulong lalo na kapag nasa ilalim tayo ng pagsubok.
Kung inagrabyado tayo, o pakiramdam natin ay ginawan tayo ng masama, baka maghinanakit tayo. Kung babalik-balikan natin ang ginawa sa atin, baka mainis na tayo sa mga kapatid. Baka ibukod pa nga natin ang ating sarili at mawalan na ng interes sa iba. Pero kung gagawin natin iyan, hindi natin naipapakitang gusto nating magkaroon ng ‘dalisay na puso.’ Maliwanag, para magkaroon ng gayong kalagayan ng puso, mahalagang isaalang-alang ang pakikitungo natin sa ating mga kapatid.
Sa daigdig na ito na pasamâ nang pasamâ, tayong mga Kristiyano ay namumukod-tangi dahil iniibig natin ang “kadalisayan ng puso.” Panatag tayo dahil ginagawa natin ang kalooban ng Diyos. Higit sa lahat, nagiging matalik tayong kaibigan ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, na umiibig sa mga may “malinis na puso.” (Awit 73:1) Oo, maaari tayong mapabilang sa mga magiging maligaya dahil gaya ng ipinangako ni Jesus, “makikita nila ang Diyos,” habang inaalalayan Niya ang mga umiibig sa “kadalisayan ng puso.”—Mat. 5:8.