Pampamilyang Pag-aaral na Nagdudulot ng Kagalakan
“Sa pamamagitan ng kaalaman ang mga loobang silid ay mapupuno ng lahat ng mahalaga at kaiga-igayang mga bagay na may halaga,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 24:4) Ang mahahalagang bagay na ito ay hindi lamang ang materyal na mga kayamanan kundi pati ang tunay na pag-ibig, makadiyos na takot, at matibay na pananampalataya. Tiyak na lumilikha ng napakainam na buhay pampamilya ang gayong mga katangian. (Kawikaan 15:16, 17; 1 Pedro 1:7) Subalit upang matamo ang mga ito, kailangan nating dalhin ang kaalaman ng Diyos sa ating sambahayan.
ANG ulo ng pamilya ang siyang may responsibilidad na itimo ang kaalamang ito sa mga miyembro ng pamilya. (Deuteronomio 6:6, 7; Efeso 5:25, 26; 6:4) Ang isa sa pinakamainam na paraan upang gawin ito ay sa pamamagitan ng regular na pampamilyang pag-aaral. Tunay ngang nakalulugod sa mga nakikibahagi kapag ang pag-aaral ay pinangangasiwaan sa paraang kapuwa nakapagtuturo at kasiya-siya! Kung gayon, isaalang-alang natin ang ilang kailangan sa pagdaraos ng mabisang pampamilyang pag-aaral.a
Totoong mabisa ang pampamilyang pag-aaral kapag ito ay palagian. Kung ipauubaya na lamang sa pagkakataon o sa biglaang pagpapasiya, malamang ng magiging madalang ang pinakamainam na panahon para rito. Kaya kailangan ninyong ‘bilhin ang panahon’ para sa pag-aaral. (Efeso 5:15-17) Maaaring maging isang hamon ang pagpili ng isang regular na panahon na maalwan para sa lahat. “Nahirapan kaming panatilihing palagian ang aming pampamilyang pag-aaral,” inamin ng isang ulo ng pamilya. “Sinubukan namin ang iba’t ibang panahon hanggang sa wakas ay masumpungan namin na ang isang panahon na medyo gabi na ay mas angkop para sa amin. Palagian na ngayon ang aming pampamilyang pag-aaral.”
Minsang mayroon na kayong angkop na panahon, ingatang huwag masingitan ng mga pang-abala ang pag-aaral. “Kung dumating ang mga panauhin habang nag-aaral kami,” nagunita ni Maria,b ngayo’y 33 anyos na, “aanyayahan sila ni Itay na maghintay hanggang sa matapos ang pag-aaral. Kung tungkol naman sa mga tawag sa telepono, sasabihin lamang niya sa tao na tatawagan na lamang niya siya mamaya.”
Subalit hindi ito nangangahulugan na wala nang dako para sa pagbabago. Maaaring bumangon ang mga kagipitan at di-inaasahang pangyayari, at baka kailanganing kanselahin o ipagpaliban ang pag-aaral paminsan-minsan. (Eclesiastes 9:11) Ngunit ingatang huwag masira nito ang inyong maayos na kinagawian.—Filipos 3:16.
Gaano ba katagal dapat idaos ang pag-aaral? Ganito ang sabi ni Robert, na naging matagumpay sa pagpapalaki sa isang anak na babae at anak na lalaki: “Malimit na tumatagal nang isang oras ang aming pag-aaral. Nang nasa murang edad pa ang mga bata, sinisikap naming panatilihin ang kanilang interes sa loob ng isang oras sa pamamagitan ng pagtalakay ng iba’t ibang bagay, tulad ng ilang parapo sa araling artikulo sa Ang Bantayan, piniling mga teksto sa Bibliya, at mga bahagi ng ibang publikasyon.” Natatandaan pa ni Maria: “Nang batang-bata pa kami ng dalawa kong kapatid na babae, ang pag-aaral namin ay sa loob ng mga 20 minuto dalawa o tatlong beses sa isang linggo. Habang lumalaki kami, ang aming lingguhang pampamilyang pag-aaral ay tumatagal nang isang oras o higit pa.”
Ano ang Dapat Nating Pag-aralan?
Ang pagsasaalang-alang sa tanong na ito kapag ang lahat ay natipon na para sa pag-aaral ay magbubunga lamang ng pagkasiphayo at pagkasayang ng mahalagang panahon para sa pag-aaral. Kung gayon ang kalagayan, ang mga bata ay walang espesipikong aasahan at di-magtatagal ay mawawalan ng interes. Kaya patiunang pumili ng isa sa mga publikasyon ng Samahan na tatalakayin.
Ang “tapat at maingat na alipin” ay naglaan ng napakaraming publikasyon na mapagpipilian. (Mateo 24:45-47) Marahil ay maaari ninyong gamitin ang isang aklat na hindi pa napag-aaralan ng pamilya. At totoong kasiya-siyang talakayin ang piniling mga bahagi mula sa Insight on the Scriptures kung mayroon na ng mga tomong ito sa inyong wika! Halimbawa, maaari ninyong repasuhin ang artikulo tungkol sa Hapunan ng Panginoon sa mga sanlinggo bago ang Memoryal. Nasisiyahan ang maraming pamilya na maghanda para sa Pag-aaral sa Bantayan na nakaiskedyul sa linggong iyon. Subalit naglalaan din ng mahusay na materyal para sa pag-aaral ang mga pangalawahing artikulo sa Ang Bantayan. Ang ulo ng pamilya, na nakababatid sa espirituwal na mga pangangailangan ng pamilya, ang siyang nasa pinakaangkop na kalagayan upang magpasiya kung aling mga publikasyon ang dapat pag-aralan.
“Lagi naming pinag-aaralan ang isang publikasyon na pinili nang patiuna,” nagunita ni Maria. “Pero kapag bumangon ang isang tanong o isang situwasyon sa paaralan, kung gayo’y bumabaling kami sa angkop na impormasyon.” Ang mga pantanging bagay, tulad ng mga suliraning napapaharap sa mga kabataan sa paaralan, pakikipag-date, karagdagang mga gawain, at mga katulad nito, ay bumabangon. Kapag nangyari ito, pumili ng mga artikulo o mga publikasyon na tumatalakay sa suliraning bumangon. Kung nakakita kayo ng impormasyon sa pinakabagong isyu ng Ang Bantayan o Gumising! na ibig ninyong talakayin kaagad sa pamilya, huwag mag-atubiling isaayos ito. Mangyari pa, nanaisin ninyong ipabatid nang patiuna sa mga miyembro ng pamilya ang tungkol sa pagbabago. Subalit tiyaking bumalik sa nakaiskedyul na materyal minsang matugunan na ang pangangailangan.
Panatilihing Matiwasay ang Kapaligiran
Pinakamadaling matuto kapag nasa payapang mga kalagayan. (Santiago 3:18) Kaya linangin ang isang relaks, ngunit angkop, na kapaligiran. Ganito ang sabi ng isang ulo ng pamilya sa Estados Unidos: “Nag-aaral man kami sa sala o sa beranda, sinisikap naming maupo nang magkakalapit sa halip na magkakalayo sa isang malaking silid. Para sa amin, lumilikha ito ng magiliw na damdamin.” At tuwang-tuwa si Maria na gunitain: “Kami ng mga kapatid kong babae ay hinahayaang pumili kung saang lugar sa bahay kami magdaraos ng pag-aaral sa linggong iyon. Nagiging komportable kami bunga nito.” Tandaan na ang sapat na liwanag, angkop na kaayusan sa upuan, at ang masaya at masinop na kapaligiran ay pawang nagdudulot ng katiwasayan. Ang pagmemeryenda ng pamilya pagkatapos ng pag-aaral ay makatutulong din upang maging kasiya-siya ang gabing iyon.
Minabuti pa man din ng ilang pamilya na isali kung minsan ang ibang pamilya sa kanilang pag-aaral, anupat nadaragdagan ang interes pati na ang pagkasari-sari ng mga komento. Kapag ang mga baguhan sa katotohanan ay inanyayahang makibahagi sa kaayusang ito, maaari silang makinabang mula sa pagmamasid kung paano pinangangasiwaan ng isang makaranasang ulo ng pamilya ang pag-aaral.
Gawing Buháy ang Bibliya
Gawing masigla ang mga panahon ng pag-aaral para sa mga bata, at mananabik sila sa mga ito. Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng pagpapasigla sa mga bata na gumuhit ng mga larawan ng mga eksena sa Bibliya. Kapag angkop, isaayos na isadula ng mga bata ang mga pangyayari at drama sa Bibliya. Sa maliliit na bata ay hindi kailangang manatili sa pormal na paraang tanong-sagot. Ang pagbabasa o pagkukuwento tungkol sa mga tauhan sa Bibliya ay isang kasiya-siyang paraan upang itimo ang makadiyos na mga simulain. Natatandaan ni Robert, na binanggit kanina: “Kung minsan ay binabasa namin ang mga talata sa Bibliya, naghahali-halili, binabasa ang ‘sinabi’ ng iba’t ibang tauhan ayon sa atas.” Maaaring anyayahan ang mga anak na pumili ng tauhan na ibig nilang gampanan sa pagbabasa.
Ang paggamit ng mga mapa at mga tsart ay tutulong sa nakatatandang mga anak na mailarawan sa isip ang mga lugar at mga katangian ng lupain kung saan naganap ang mga pangyayaring tinatalakay. Maliwanag, sa pamamagitan ng kaunting imahinasyon, magagawang maging masigla at iba-iba ang pampamilyang pag-aaral. At ang mga bata ay magkakaroon ng pananabik sa Salita ng Diyos.—1 Pedro 2:2, 3.
Tulungan ang Lahat na Makibahagi
Upang masiyahan ang mga anak sa pag-aaral, dapat din nilang madamang nasasangkot sila. Subalit maaaring maging isang hamon ang gawing nakikibahagi ang mga bata na may iba’t ibang edad. Ngunit sinasabi ng isang simulain sa Bibliya: “Siya na namumuno, gawin niya iyon nang may tunay na kasigasigan.” (Roma 12:8) Nakatutulong ang pagiging masigla, sapagkat nakahahawa ang kasiglahan.
Isinangkot ni Ronald ang kaniyang limang-taong-gulang na anak na babae, si Dina, sa pamamagitan ng pagpapabasa sa kaniya ng mga subtitulo sa materyal na pinag-aaralan at paghiling na komentuhan niya ang mga larawan. Nang malapit na ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong nakaraang taon, nagtuon siya ng pansin sa kaugnay na mga ilustrasyon sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.c Sabi niya: “Nakatulong ito sa kaniya na maunawaan ang kahalagahan ng okasyon.”
Sa kaniyang sampung-taong-gulang na anak na babae, si Misha, higit pa ang ginagawa ni Ronald. “Sumulong si Misha hanggang sa punto na nauunawaan na niya hindi lamang ang mga ilustrasyon kundi pati ang kahulugan ng mga ito,” sabi ni Ronald. “Kaya nang tinatalakay ang aklat na Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!,d nagtuon kami ng pansin sa kahulugan ng mga ilustrasyon, at nakatulong ito sa kaniya.”
Habang nagtitin-edyer ang mga bata, anyayahan silang gumawa ng praktikal na pagkakapit ng materyal na tinatalakay. Kapag bumangon ang mga tanong sa panahon ng pag-aaral, mag-atas ng mga bahaging sasaliksikin. Ganiyan ang ginawa ni Robert nang magtanong ang kaniyang 12-taong-gulang na anak, si Paul, tungkol sa bagong tatag na klub sa paaralan na may kinalaman sa larong Dungeons and Dragons. Tiningnan nina Paul at ng iba pa sa pamilya ang impormasyon na ginagamit ang Watchtower Publications Index, at nirepaso nila ito sa kanilang pampamilyang pag-aaral. “Bunga nito,” sabi ni Robert, “naunawaan kaagad ni Paul na ang laro ay hindi mabuti para sa mga Kristiyano.”
Nag-atas din si Robert ng pagsasaliksik sa ibang panahon. Natandaan ng kaniyang kabiyak na si Nancy: “Nang magsaliksik kami tungkol sa mga apostol ni Jesus, bawat isa sa amin ay inatasan ng tungkol sa isang apostol linggu-linggo. Tunay ngang nakatutuwang makita na masiglang inihaharap ng mga bata ang kanilang ulat sa pampamilyang pag-aaral!” Ang paggawa ng kanilang sariling pagsasaliksik at pagbabahagi ng impormasyon sa pamilya ay tumutulong sa mga bata na ‘lumaking kasama ni Jehova.’—1 Samuel 2:20, 21.
Ang pagtatanong—ng punto de vista gayundin ng umaakay na mga tanong—ay isa ring mainam na paraan upang isangkot ang mga bata. Ang Dalubhasang Guro, si Jesus, ay nagbangon ng punto de vistang mga tanong, tulad ng, “Ano sa palagay mo?” (Mateo 17:25) “Kapag may tanong ang sinuman sa amin, hindi kami kailanman sinasagot nang tuwiran ng aming mga magulang,” natatandaan ni Maria. “Lagi silang nagbabangon ng umaakay na mga tanong, anupat tinutulungan kaming mangatuwiran tungkol sa bagay na iyon.”
Kausapin—Huwag Inisin!
Nag-iibayo ang kagalakan ng pamilya kung lahat ng naroroon ay nakapagpapahayag ng kanilang mga punto de vista at damdamin nang hindi nangangambang sila’y tutuyain. Ngunit “ang mabuting komunikasyon sa panahon ng pampamilyang pag-aaral ay posible lamang kung bukás ang linya ng komunikasyon sa ibang panahon,” sabi ng isang ama. “Hindi mo maaaring ipagkunwari iyon dahil sa panahon lamang ng pag-aaral.” Sabihin pa, iwasan ang walang-ingat na pananalitang nakasasakit, gaya ng, ‘Iyan lang ba? Akala ko nama’y mahalaga’; ‘Kalokohan ’yan’; ‘Buweno, ano pa ba ang inaasahan mo? Bata ka pa nga.’ (Kawikaan 12:18) Maging madamayin at maawain sa inyong mga anak. (Awit 103:13; Malakias 3:17) Malugod kayo sa kanila, at alalayan sila habang sinisikap nilang ikapit ang kanilang natututuhan.
Ang kapaligiran ng pampamilyang pag-aaral ay dapat na gayon na lamang anupat ang isip ng bata ay handang matuto. “Kapag sinimulan ninyong ituwid ang mga bata,” paliwanag ng isang matagumpay na magulang na may apat na anak, “medyo maghihinanakit ang mga anak ninyo.” Sa gayong kalagayan, malamang na hindi bumaon ang impormasyon. Kaya iwasan na gawing panahon sa pagdidisiplina at pagpaparusa ang mga sesyon ng pag-aaral. Kung iyon ay kailangan, dapat na ilapat iyon sa ibang panahon at nang isahan.
Sulit ang Pagsisikap
Kailangan ng panahon at pagsisikap sa pagbuo ng isang pamilyang mayaman sa espirituwal. Ngunit ipinahayag ng salmista: “Narito! Ang mga anak ay mana buhat kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala.” (Awit 127:3) At ang mga magulang ay pinagkatiwalaan ng responsibilidad na “palakihin [ang mga anak] sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kaya linangin ang mga kakayahan na magdaos ng mabisa at kasiya-siyang pag-aaral ng pamilya. Gawin ang inyong buong kaya upang maglaan ng “di-nabantuang gatas na nauukol sa salita,” upang ang inyong mga anak ay ‘lumaki tungo sa kaligtasan.’—1 Pedro 2:2; Juan 17:3.
[Mga talababa]
a Bagaman marami sa mga mungkahing iniharap sa artikulong ito ay may kinalaman sa pagtulong sa mga anak sa isang pampamilyang pag-aaral, kumakapit din ang mga ideya sa isang pampamilyang pag-aaral na walang mga anak.
b Binago ang ilang pangalan.
c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
d Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.