Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwbq artikulo 195
  • Ano ang Ibig Sabihin ng “Mahalin ang Inyong mga Kaaway”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Ibig Sabihin ng “Mahalin ang Inyong mga Kaaway”?
  • Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Sagot ng Bibliya
  • Bakit natin dapat mahalin ang mga kaaway natin?
  • Paano natin mamahalin ang mga kaaway natin?
  • Bakit hindi tayo dapat makipagdigma?
  • Mga maling akala tungkol sa pagmamahal sa kaaway
  • Kaaway
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Patuloy na Gumawa ng Mabuti
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Poot
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Posible Kayang Ibigin ang Kaaway?
    Gumising!—2009
Iba Pa
Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
ijwbq artikulo 195
Dalawang babae na nakatayo sa magkabilang panig ng bangin. Humihingi ng tawad ang babaeng nasa kaliwa at nakasimangot naman ang sa kanan.

Ano ang Ibig Sabihin ng “Mahalin ang Inyong mga Kaaway”?

Ang Sagot ng Bibliya

Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Mahalin ang inyong mga kaaway.” (Mateo 5:44; Lucas 6:27, 35) Gusto niya na mahalin natin ang mga taong galit o hindi maganda ang pakikitungo sa atin.

Ipinakita ni Jesus na mahal niya ang mga kaaway niya nang patawarin niya sila. (Lucas 23:33, 34) Ang payo ni Jesus ay tugma sa sinasabi ng Hebreong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Lumang Tipan.—Exodo 23:4, 5; Kawikaan 24:17; 25:21.

“Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo.”—Mateo 5:43, 44.

Sa artikulong ito

  • Bakit natin dapat mahalin ang mga kaaway natin?

  • Paano natin mamahalin ang mga kaaway natin?

  • Bakit hindi tayo dapat makipagdigma?

  • Mga maling akala tungkol sa pagmamahal sa mga kaaway

  • Mga teksto sa Bibliya tungkol sa pagmamahal sa kaaway

Bakit natin dapat mahalin ang mga kaaway natin?

  • Nagpakita ng halimbawa ang Diyos. “Mabait [ang Diyos] sa mga walang utang na loob at masasama.” (Lucas 6:35) “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama.”—Mateo 5:45.

  • Puwedeng baguhin ng pag-ibig ang mga kaaway natin. Ipinapayo ng Bibliya na dapat tayong maging mabait sa mga kaaway natin. Kapag ginawa natin iyon, “makapagtutumpok [tayo] ng baga sa ulo niya.” (Kaw. 25:22) Nagtutumpok ng baga sa mga batong galing sa minahan para makakuha ng mamahaling metal. Sa katulad na paraan, kapag mabait tayo sa mga kaaway natin, baka matunaw ang galit nila at maging mabait din sa atin.

Paano natin mamahalin ang mga kaaway natin?

  • “Gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.” (Lucas 6:27) Sabi sa Bibliya: “Kung nagugutom ang kaaway mo, pakainin mo siya; kung nauuhaw siya, bigyan mo siya ng maiinom.” (Roma 12:20) Maipapakita rin natin na mahal natin ang mga kaaway natin kung susundin natin ang Gintong Tuntunin: “Kung ano ang gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”—Lucas 6:31.

  • “Pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo.” (Lucas 6:28) Masasabing pinagpapala natin ang mga kaaway natin kung mabait tayong nakikipag-usap sa kanila kahit sinasabihan nila tayo ng masama. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong gumanti . . . ng pang-iinsulto sa pang-iinsulto. Sa halip, gumanti kayo ng pagpapala.” (1 Pedro 3:9) Makakatulong ang payong ito para hindi na lumala ang away.

  • “Ipanalangin ang mga umiinsulto sa inyo.” (Lucas 6:28) Kapag ininsulto tayo, huwag tayong gumanti ng “masama para sa masama.” (Roma 12:17) Sa halip, hilingin natin sa Diyos na patawarin niya sila. (Lucas 23:34; Gawa 7:59, 60) Kaya imbes na gumanti, hayaan nating ang Diyos ang humatol sa kanila dahil perpekto ang katarungan niya.—Levitico 19:18; Roma 12:19.

Collage: 1. Isang kalmadong babae habang sinisigawan siya ng katrabaho niya. 2. Nanalangin siya.

“Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipanalangin ang mga umiinsulto sa inyo.”—Lucas 6:27, 28.

  • Maging “matiisin at mabait.” (1 Corinto 13:4) Nang ilarawan ni apostol Pablo ang pag-ibig, ginamit niya ang salitang Griego (a·gaʹpe) na makikita rin sa Mateo 5:44 at Lucas 6:27, 35. Maipapakita natin ang ganiyang pag-ibig kahit sa mga kaaway natin kung matiisin tayo, mabait, hindi naiinggit, hindi nagyayabang, at hindi gumagawi nang hindi disente.

Binigyan ng babae ng tsaa ang nanigaw sa kaniya.

“Ang pag-ibig ay matiisin at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi inuuna ang sariling kapakanan, at hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob. Hindi ito natutuwa sa kasamaan kundi nagsasaya sa katotohanan. Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, at tinitiis ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:4-8.

Bakit hindi tayo dapat makipagdigma?

Itinuro ni Jesus sa mga alagad niya na hindi sila dapat makipag-away. Halimbawa, nang babalaan niya sila tungkol sa mangyayaring pagsalakay sa Jerusalem, hindi niya sinabi na lumaban sila. Ang sabi niya, tumakas sila. (Lucas 21:20, 21) Sinabi rin ni Jesus kay apostol Pedro: “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito, dahil ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa espada.” (Mateo 26:52) Ipinapakita ng Bibliya at ng kasaysayan na hindi sumali sa digmaan ang mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo.a—2 Timoteo 2:24.

Mga maling akala tungkol sa pagmamahal sa kaaway

Maling akala: Iniutos ng Diyos sa mga Israelita na kapootan ang mga kaaway nila.

Ang totoo: Walang ganiyang utos ang Diyos. Sa halip, iniutos niya sa mga Israelita na mahalin ang kapuwa nila. (Levitico 19:18) Ang “kapuwa” ay tumutukoy sa ibang tao. Pero inisip ng ilang mga Judio na tumutukoy lang ito sa mga kapuwa nila Judio, kaya itinuring nila na mga kaaway ang mga di-Judio. (Mateo 5:43, 44) Itinama ni Jesus ang pananaw nila nang ikuwento niya ang tungkol sa mabuti, o madamaying Samaritano.—Lucas 10:29-37.

Maling akala: Kapag mahal mo ang kaaway mo, kinukunsinti mo ang mga pinaggagagawa niya.

Ang totoo: Ipinapakita ng Bibliya na puwede nating mahalin ang isang tao nang hindi kinukunsinti ang mga mali niyang ginagawa. Halimbawa, hindi kinunsinti ni Jesus ang karahasan pero ipinanalangin niya ang mga pumatay sa kaniya. (Lucas 23:34) Galit siya sa kasalanan, pero ibinigay niya ang buhay niya para sa mga makasalanan.—Juan 3:16; Roma 6:23.

a Sinabi sa aklat na The Rise of Christianity ni E.W. Barnes: “Ipinakikita ng isang maingat na pag-aaral sa lahat ng makukuhang impormasyon na hanggang noong panahon ni Marcus Aurelius [emperador ng Roma mula 161 hanggang 180 C.E.], walang Kristiyano ang naging kawal; at walang kawal pagkatapos na maging Kristiyano, ang nanatili sa paglilingkod militar.”

Mga teksto sa Bibliya tungkol sa pagmamahal sa kaaway

Exodo 23:5: “Kung makita mo ang asno ng sinumang may galit sa iyo na nadaganan ng mabigat na pasan nito, huwag mo itong iiwan. Dapat mo siyang tulungan na alisin ang pasan ng hayop.”

Ibig sabihin: Maipapakita nating mahal natin ang mga kaaway natin kung tutulungan natin sila.

Kawikaan 24:17, 18: “Kapag nabuwal ang kaaway mo, huwag kang matuwa, at kapag natisod siya, huwag magsaya ang puso mo; dahil makikita iyon ni Jehovab at hindi Siya matutuwa.”

Ibig sabihin: Ayaw ng Diyos na matuwa tayo kapag may nangyaring masama sa kaaway natin.

Lucas 6:28: “Pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, [at] ipanalangin ang mga umiinsulto sa inyo.”

Ibig sabihin: Magsalita nang mabait at may galang sa mga kaaway natin, at hilingin sa Diyos na patawarin sila.

1 Pedro 2:23: “Nang insultuhin [si Jesus], hindi siya gumanti ng pang-iinsulto. Nang magdusa siya, hindi siya nagbanta, kundi patuloy niyang ipinagkatiwala ang sarili niya sa Diyos na humahatol nang matuwid.”

Ibig sabihin: Ipinaubaya ni Jesus sa Diyos ang mga nakitungo sa kaniya nang hindi makatarungan.

1 Pedro 3:9: “Huwag kayong gumanti ng pinsala sa pinsala o ng pang-iinsulto sa pang-iinsulto.”

Ibig sabihin: Sa halip na gumanti, sikaping makipagpayapaan.

b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share