“Nagbibigay ng Matuwid na Sagot”
SA Sermon sa Bundok, tinukoy ni Jesus “ang Kautusan at ang mga Propeta.” Ang ikatlong bahagi ng Kasulatang Hebreo ay ang mga Isinulat, na kinabibilangan ng mga aklat ng tula, na gaya baga ng Mga Awit at Mga Kawikaan. (Mateo 7:12; Lucas 24:44) Ang mga ito ay naglalaman din ng karunungan ng Diyos.
Halimbawa, ang mga kawikaan ay nagbabala sa mga hukom sa sinaunang Israel: “Siyang nagsasabi sa balakyot: ‘Ikaw ay matuwid,’ susumpain siya ng mga bayan, kayayamutan siya ng mga bansa. Ngunit silang nagsisisaway sa kaniya ay magkakaroon ng kaluguran, at ang mabuting pagpapala ay darating sa kanila. Siya’y hahalik sa mga labi niyaong nagbibigay ng matuwid na sagot.”—Kawikaan 24:24-26.
Kung ang isang hukom ay napadala sa mga panghihikayat ng mga sumusuhol o sa mga kamag-anak at kaniyang ipinahayag na matuwid ang balakyot na taong iyon, makikita ng iba na siya’y hindi karapat-dapat sa kaniyang posisyon. Aba, kahit na ang mga nasa “mga bansang” Gentil na nakabalita sa gayong likong paghatol ay hahamak sa gayong paghatol! Sa kabilang panig, kung ang isang hukom ay may lakas ng loob na sumaway sa taong balakyot at sumagot sa matuwid na paraan sa kasong kaniyang hinahawakan, kakamtin niya ang respeto at pag-ibig ng mga mamamayan. Ang mga tao sa pangkalahatan ay mauudyukan na batiin siya na sana’y dumating sa kaniya “ang mabuting pagpapala.” Gaya ng sinasabi pa rin ng kawikaan: “Siya’y hahalik sa mga labi niyaong nagbibigay ng matuwid na sagot.”
Ang gayong paghalik ay nagpapakilala ng paggalang sa isa’t isa—sa pagitan ng tagapayo at niyaong mga nakapagmamasid sa kaniyang matuwid na payo. Marahil kahit na yaong taong pinapayuhan ay tatanggap sa payo at magpapahayag ng pagmamahal sa hukom. Ang Kawikaan 28:23 ay nagsasabi: “Siyang sumasaway sa isang tao ay makasusumpong sa ibang araw ng higit na lingap kaysa roon sa kunwa’y pumupuri ng dila.” Yaong mga naglilingkod bilang mga matatanda sa kongregasyon ngayon ay kailangan samakatuwid na huwag payagang dahil sa pagkakaibigan o relasyon sa pamilya ay mailihis ang kanilang hatol. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang matuwid na payo, kakamtin ng matatanda ang respeto ng kongregasyon.