Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 12/15 p. 11-16
  • Magtiwala kay Jehova!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magtiwala kay Jehova!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Makaamang Tagubilin
  • Isang Walang-Hanggang Pagtitiwala
  • Manalig kay Jehova
  • “Sa Lahat ng Iyong mga Lakad . . .”
  • Kawikaan 3:5, 6—“Huwag Kang Umasa sa Sarili Mong Unawa”
    Paliwanag sa mga Teksto sa Bibliya
  • Paunlarin ang Matalik na Kaugnayan kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Patibayin ang Iyong Pagtitiwala kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Mahalaga ang Pagtitiwala Para sa Isang Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 12/15 p. 11-16

Magtiwala kay Jehova!

“Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo.”​—KAWIKAAN 3:5.

1. Papaano nakaakit ang Kawikaan 3:5 sa isang lalaking kabataan, at ano ang resulta sa mahabang panahon?

ISANG matagal nang misyonero ang sumulat: “‘MAGTIWALA KA SA PANGINOON NANG BUONG PUSO MO; AT HUWAG KANG MANALIG SA IYONG SARILING KAUNAWAAN.’ Ang mga salitang iyan buhat sa Bibliya, na nakakuwadro at nakasabit sa isang dingding sa isang tahanan na dinadalaw ko, ay nakatawag ng aking pansin. Binulay-bulay ko iyan sa natitirang bahagi ng araw na iyon. Maaari kayang ako, ang tanong ko sa aking sarili, ay magtiwala sa Diyos nang aking buong puso?” Ang taong ito noon ay 21 taóng gulang. Sa edad na 90 at naglilingkod pa rin nang may katapatan bilang isang matanda sa Perth, Australia, makalilingon siya sa isang buhay na mayaman sa bunga ng buong-pusong pagtitiwala kay Jehova, kasali na ang 26 na mahihirap na taon ng pagpapayunir sa bagong mga larangang pangmisyonero sa Ceylon (ngayo’y Sri Lanka), Burma (ngayo’y Myanmar), Malaya, Thailand, India, at Pakistan.a

2. Sa anong pagtitiwala dapat tayong ganyakin ng Kawikaan 3:5?

2 “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo”​—ang mga salitang ito sa Kawikaan 3:5, ayon sa pagkasalin ng New World Translation, ay dapat gumanyak sa lahat sa atin na patuloy na italaga nang buong puso ang ating buhay kay Jehova, na nagtitiwalang kaniyang mapalalakas ang ating pananampalataya, kahit na hanggang sa punto na nadaraig ang tulad-bundok na mga balakid. (Mateo 17:20) Suriin natin ngayon ang Kawikaan 3:5 ayon sa konteksto nito.

Makaamang Tagubilin

3. (a) Anong pampatibay-loob ang masusumpungan sa unang siyam na kabanata ng Kawikaan? (b) Bakit tayo dapat higit na magbigay-pansin sa Kawikaan 3:1, 2?

3 Ang pambungad na siyam na kabanata ng aklat ng Bibliya na Mga Kawikaan ay nagniningning sa makaamang tagubilin, may karunungang payo buhat kay Jehova para sa lahat ng naghihintay na tamasahin ang pagiging anak sa mga langit o “ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos” sa isang paraisong lupa. (Roma 8:18-21, 23) Masusumpungan dito ang matalinong payo na magagamit ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Mahalaga ang payo ng Kawikaan kabanata 3, na nagsisimula sa paalaala: “Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan, at ingatan sana sa iyong puso ang aking mga utos.” Habang ang mga huling araw ng balakyot na sanlibutan ni Satanas ay patungo sa kawakasan, harinawang tayo’y higit na magbigay-pansin sa mga paalaala ni Jehova. Ang daan ay baka waring mahaba, subalit ang pangako sa lahat ng nagtitiis ay na “ang maraming araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay idaragdag sa iyo”​—buhay na walang-hanggan sa bagong sistema ni Jehova.​—Kawikaan 3:1, 2.

4, 5. (a) Anong maligayang ugnayan ang inilalarawan sa Juan 5:19, 20? (b) Papaano kumakapit hanggang sa kaarawan natin ang payo sa Deuteronomio 11:18-21?

4 Ang isang maligayang ugnayan sa pagitan ng ama at anak ay napakahalaga. Ganoon ipinanukala ito ng ating Maylikha, ang Diyos na Jehova. Sinabi ni Kristo Jesus tungkol sa kaniyang matalik na kaugnayan kay Jehova: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang sarili niya, kundi yaon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng bagay na Kaniyang ginagawa ay ito rin ang ginagawa ng Anak sa ganoon ding paraan. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinakikita sa kaniya ang lahat ng bagay na kaniya mismong ginagawa.” (Juan 5:19, 20) Nilayon ni Jehova na isang katulad na matalik na ugnayan ang dapat umiral sa pagitan niya at ng lahat ng kabilang sa kaniyang sambahayan sa lupa, gayundin sa pagitan ng mga ama at ng kani-kanilang mga anak.

5 Isang nagtitiwalang pampamilyang ugnayan ang hinimok na pairalin sa sinaunang Israel. Ipinayo ni Jehova sa mga ama doon: “Inyong ilalagak itong aking mga salita sa inyong puso at sa inyong kaluluwa at inyong itatali na pinakatanda sa inyong kamay, at magiging pinakatali sa inyong noo. Inyong ituturo rin ang mga ito sa inyong mga anak, na inyong sasalitain sa kanila pagka ikaw ay nauupo sa iyong bahay at pagka ikaw ay lumalakad sa daan at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon. At iyong isusulat ang mga ito sa itaas ng pintuan ng iyong bahay at sa iyong mga pintuang-daan, upang ang inyong mga araw ay dumami at ang mga araw ng inyong mga anak sa lupain na isinumpa ni Jehova sa inyong mga magulang na ibibigay sa kanila, gaya ng mga araw ng langit sa ibabaw ng lupa.” (Deuteronomio 11:18-21) Ang kinasihang Salita ng ating Dakilang Instruktor, ang Diyos na Jehova, ay tunay ngang matalik na mag-uugnay sa kaniya sa mga magulang at sa kanilang mga anak, gayundin sa lahat ng iba pang naglilingkod sa kanya sa kongregasyong Kristiyano.​—Isaias 30:20, 21.

6. Papaano tayo makasusumpong ng lingap sa paningin ng Diyos at ng tao?

6 Ang pantas na makaamang payo para sa bayan ng Diyos, matanda at bata, ay nagpapatuloy sa mga talatang 3 at 4 ng Kawikaan kabanata 3: “Harinawang huwag kang pabayaan ng maibiging-awa at katotohanan. Itali mo sa palibot ng iyong leeg. Ikintal mo sa iyong puso, at sa gayo’y makasumpong ka ng lingap at mabuting matalinong unawa sa paningin ng Diyos at ng makalupang tao.” Walang makahihigit sa Diyos na Jehova mismo sa pagpapakita ng maibiging-awa at katotohanan. Sa Awit 25:10 ay sinasabi, “lahat na landas ni Jehova ay maibiging-awa at katotohanan.” Sa pagtulad kay Jehova, dapat nating pakamahalin ang mga katangiang ito at ang kanilang taglay na kapangyarihang magsanggalang, na pinahahalagahan ang mga iyan na gaya ng pagpapahalaga natin sa isang kuwintas na walang katumbas ang halaga at iniuukit nang walang pagkaparam sa ating puso. Kung gayon, tayo’y makapananalangin nang buong kataimtiman: “Oh Jehova, . . . palagi sana akong ingatan ng iyong maibiging-awa at ng iyong katotohanan.”​—Awit 40:11.

Isang Walang-Hanggang Pagtitiwala

7. Sa anong mga paraan ipinakita ni Jehova na siya’y mapagkakatiwalaan?

7 Ang katuturan ng pagtitiwala ayon sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ay ang “tiyak na pag-asa sa karakter, abilidad, lakas, o katotohanan ng sinuman o anumang bagay.” Ang karakter ni Jehova ay matatag na nakakabit sa kaniyang maibiging-awa. At tayo’y lubusang makapagtitiwala sa kaniyang abilidad na gawin ang kaniyang ipinangako, sapagkat ang kaniya mismong pangalan, na Jehova, ay nagpapakilala sa kaniya bilang ang dakilang Maylayon. (Exodo 3:14; 6:2-8) Bilang ang Maylikha, siya ang Bukal ng lakas at dinamikong kalakasan. (Isaias 40:26, 29) Siya ang uliran ng katotohanan, sapagkat “hindi maaaring magsinungaling ang Diyos.” (Hebreo 6:18) Sa gayon, tayo ay hinihimok na maglagak ng lubos na pagtitiwala kay Jehova, ang ating Diyos, ang dakilang Bukal ng lahat ng katotohanan, na may taglay ng walang-hanggang kapangyarihan na ingatan ang mga nagtitiwala sa kaniya at lahat ng kaniyang dakilang mga layunin ay matagumpay na tuparin.​—Awit 91:1, 2; Isaias 55:8-11.

8, 9. Bakit nakalulungkot na ang pagtitiwala ay hindi umiiral sa daigdig, at papaano ibang-iba ang bayan ni Jehova?

8 Sa mababang-uring sanlibutan na nakapalibot sa atin, nakalulungkot sabihin na ang pagtitiwala ay hindi umiiral. Sa halip, ang makikita natin ay kasakiman at katiwalian sa lahat ng dako. Sa pabalat ng Mayo 1993 na labas ng magasing World Press Review ay malinaw na makikita ang mensahe: “ANG BIGLANG PAGDAMI NG KATIWALIAN​—Maruming Salapi sa Bagong Sanlibutang Kaayusan. Ang industriya ng katiwalian ay laganap mula sa Brazil hanggang Alemanya, mula sa Estados Unidos hanggang Argentina, mula sa Espanya hanggang Peru, mula sa Italya hanggang Mexico, mula sa Vatican hanggang sa Russia.” Palibhasa’y nakasalig sa pagkapoot, kasakiman, at kawalang-tiwala, ang umano’y bagong sanlibutang kaayusan ng tao ay walang inaani kundi ang patuloy na lumulubhang kaabahan para sa sangkatauhan.

9 Ibang-iba sa makapulitikang mga bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay naliligayahan na maging “ang bansa na ang Diyos ay si Jehova.” Sila ang tanging makapagsasabi nang may katotohanan, “Sa Diyos kami tumitiwala.” Bawat isa sa kanila ay makaaawit nang may kagalakan: “Makikiisa ako sa Diyos na pupurihin ko ang kaniyang salita. . . . Sa Diyos naglagak ako ng aking tiwala. Hindi ako matatakot.”​—Awit 33:12; 56:4, 11.

10. Ano ang nagpatibay sa maraming kabataang Kristiyano upang manatiling tapat?

10 Sa isang lupain sa Asia na kung saan libu-libong kabataang Saksi ang dumanas ng matitinding panggugulpi at pagkabilanggo, nakapagtiis ang lubhang karamihan sa kanila dahil sa pagtitiwala kay Jehova. Isang gabi sa bilangguan, isang kabataang Saksi na dumanas ng kakila-kilabot na mga parusa ang nakadamang hindi na siya makapagtitiis pa. Subalit isang kabataan ang dahan-dahang lumapit sa kaniya sa kadiliman ng gabi. Siya ay binulungan: “Huwag kang susuko; ako’y nakipagkompromiso at magmula noon ay hindi na nagkaroon ng anumang kapayapaan ng isip.” Muling sinariwa ng unang kabataan ang kaniyang pasiya na manindigang matatag. Tayo’y lubusang makapagtitiwala kay Jehova na tutulungan niya tayo na madaig ang anuman at lahat ng pagsisikap ni Satanas na sirain ang ating katapatan.​—Jeremias 7:3-7; 17:1-8; 38:6-13, 15-17.

11. Papaano tayo napasisigla na tumiwala kay Jehova?

11 Ang unang utos ay kababasahan sa isang bahagi: “Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo.” (Marcos 12:30) Samantalang ating binubulay-bulay ang Salita ng Diyos, ang dakilang mga katotohanan na ating natututuhan ay tumatagos nang malalim sa ating puso anupat tayo’y nagaganyak na gugulin ang lahat na taglay natin sa paglilingkuran sa ating kahanga-hangang Diyos, ang Soberanong Panginoong Jehova. Taglay ang isang pusong nag-uumapaw sa pagpapahalaga sa kaniya​—dahil sa lahat ng kaniyang itinuro sa atin, ginawa para sa atin, at gagawin pa para sa atin​—​kung kaya napasisigla tayo na lubusang tumiwala sa kaniyang pagliligtas.​—Isaias 12:2.

12. Habang lumalakad ang mga taon, papaano ipinakita ng maraming Kristiyano ang kanilang pagtitiwala kay Jehova?

12 Ang pagtitiwalang ito ay mapauunlad habang lumalakad ang mga taon. Isang mapagpakumbabang Saksi ni Jehova na naglingkod nang may katapatan sa loob ng mahigit na 50 taon sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, pasimula noong Abril 1927, ay sumulat: “Nang katapusan ng buwan na iyon tumanggap ako ng allowance na $5.00 na nakasilid sa isang sobre na may isang magandang kard na may teksto sa Bibliya sa Kawikaan 3:5, 6 . . . May lahat ng dahilan na magtiwala kay Jehova, sapagkat sa punong-tanggapan ay agad naunawaan ko na si Jehova ay may isang ‘tapat at maingat na alipin’ na may katapatang nangangalaga sa lahat ng kapakanang pang-Kaharian dito sa lupa.​—Mateo 24:45-47.”b Ang puso ng Kristiyanong ito ay nakalagak, hindi sa pag-ibig sa salapi, kundi sa pagtatamo ng “isang di-pumapanaw na kayamanan sa langit.” Gayundin sa ngayon, ang libu-libong naglilingkod sa mga tahanang Bethel ng Samahang Watch Tower sa buong lupa ay gumagawa ng gayon sa ilalim ng isang uri ng legal na panata ng karalitaan. Sila’y nagtitiwala na paglalaanan ni Jehova ang kanilang araw-araw na mga pangangailangan.​—Lucas 12:29-31, 33, 34.

Manalig kay Jehova

13, 14. (a) Saan lamang maaaring masumpungan ang maygulang na payo? (b) Ano ang kailangang iwasan upang makapanatiling matatag sa kabila ng pag-uusig?

13 Ang ating makalangit na Ama ay nagpapayo sa atin: “Huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.” (Kawikaan 3:5) Ang makasanlibutang mga tagapayo at mga sikologo ay hindi kailanman makaaasang maabot ang karunungan at kaunawaan na nakikita kay Jehova. “Ang kaniyang kaunawaan ay walang-hanggan.” (Awit 147:5) Sa halip na manalig sa karunungan ng prominenteng mga tao sa sanlibutan o sa ating sariling walang-muwang na damdamin, bumaling tayo kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa matatanda sa kongregasyong Kristiyano ukol sa may-gulang na payo.​—Awit 55:22; 1 Corinto 2:5.

14 Ang karunungan ng tao o prominenteng posisyon ay walang magagawa para sa atin sa mabilis na napipintong araw ng matinding pagsubok. (Isaias 29:14; 1 Corinto 2:14) Sa Hapón noong Pandaigdig na Digmaang II, isang may kakayahan ngunit palalong pastol ng bayan ng Diyos ang nanalig sa kaniyang sariling kaunawaan. Sa ilalim ng panggigipit siya ay naging apostata, at karamihan ng mga nasa kawan ay huminto nang mapaharap sa pag-uusig. Isang tapat na sister na taga-Hapón, na lakasloob na nakapanatiling matatag sa kabila ng kakila-kilabot na pagtrato sa karima-rimarim na mga selda ng bilangguan, ang nagkomento: “Yaong mga nanatiling tapat ay walang natatanging mga kakayahan at di-pansinin. Tunay na lahat tayo ay kailangang laging tumiwala kay Jehova nang ating buong puso.”c

15. Anong maka-Diyos na katangian ang kailangan kung nais nating makalugod kay Jehova?

15 Ang pagtitiwala kay Jehova, sa halip na sa ating sariling kaunawaan, ay nangangailangan ng pagpapakumbaba. Anong halaga nga ng katangiang ito para sa lahat ng nagnanais na makalugod kay Jehova! Aba, maging ang ating Diyos, bagaman Soberanong Panginoon ng buong sansinukob, ay makikitaan ng pagpapakumbaba sa kaniyang mga pakikitungo sa kaniyang matalinong mga nilalang. Iyan ay dapat nating ipagpasalamat. “Siya ay nagpapakababang tumitingin sa mga bagay sa langit at sa lupa, kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok.” (Awit 113:6, 7) Nang dahil sa kaniyang dakilang awa, pinatatawad niya tayo sa ating mga kahinaan salig sa kaniyang pinakadakilang kaloob sa sangkatauhan, ang mahalagang haing pantubos ng kaniyang sinisintang Anak, si Kristo Jesus. Anong laki ng dapat nating ipagpasalamat dahil sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob na ito!

16. Papaano makapagsusumikap ang mga kapatid na lalaki na bumalikat ng mga pribilehiyo sa kongregasyon?

16 Si Jesus na rin ang nagpapaalaala sa atin: “Sinumang nagmamataas ay mabababa, at sinumang nagpapakababa ay matataas.” (Mateo 23:12) Taglay ang pagpapakumbaba, ang bautisadong mga kapatid na lalaki ay dapat magsumikap na bumalikat ng mga pananagutan sa kongregasyong Kristiyano. Gayunman, dapat ituring ng mga tagapangasiwa ang kanilang pagkahirang, hindi bilang isang status symbol, o tanda ng mataas na kalagayan, kundi ang pagkakataon na magampanan ang isang gawain, nang may pagpapakumbaba, pagpapahalaga, pananabik, gaya ni Jesus, na nagsabi: “Ang aking ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.”​—Juan 5:17; 1 Pedro 5:2, 3.

17. Ano ang dapat pahalagahan nating lahat, na umaakay tungo sa anong gawain?

17 Harinawang tayo ay laging magpakumbaba at may kasamang panalangin na kilalaning tayo ay alabok lamang sa paningin ni Jehova. Anong laki ng ating kagalakan, kung gayon, na “ang maibiging-awa ni Jehova ay mula sa panahong walang-hanggan hanggang sa panahong walang-hanggan para sa mga natatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak”! (Awit 103:14, 17) Lahat tayo kung gayon ay dapat maging masisigasig na mag-aarál ng Salita ng Diyos. Ang panahong ginugugol sa personal at pampamilyang pag-aaral, at sa mga pulong ng kongregasyon, ang dapat na makabilang sa ating pinakamahalagang mga oras linggu-linggo. Sa ganitong paraan tayo ay nagtitipon ng “kaalaman tungkol sa Isang Kabanal-banalan.” Iyan “ang kaunawaan.”​—Kawikaan 9:10.

“Sa Lahat ng Iyong mga Lakad . . .”

18, 19. Papaano natin maikakapit ang Kawikaan 3:6 sa ating buhay, at ano ang resulta?

18 Habang inaakay tayo kay Jehova, ang banal na Pinagmumulan ng kaunawaan, ang Kawikaan 3:6 ay sumunod na nagsasabi: “Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Bahagi ng pagkilalang ito kay Jehova ang pananatiling malapít sa kaniya sa panalangin. Saanman tayo naroroon at anumang kalagayan ang bumangon, tayo’y agad na makalalapit sa kaniya sa panalangin. Samantalang ginagampanan natin ang ating pang-araw-araw na mga gawain, naghahanda ukol sa paglilingkod sa larangan, nagbabahay-bahay sa pangangaral ng kaniyang Kaharian, ang ating laging dalangin ay ang pagpalain nawa niya ang ating gawain. Sa gayon, tayo’y magkakaroon ng walang-katulad na pribilehiyo at kagalakan ng ‘paglakad na kaalinsabay ng Diyos,’ nagtitiwala na kaniyang ‘itutuwid ang ating mga landas,’ gaya ng ginawa niya ukol sa may takot sa Diyos na sina Enoc, Noe, at tapat na mga Israelita, tulad halimbawa nina Josue at Daniel.​—Genesis 5:22; 6:9; Deuteronomio 8:6; Josue 22:5; Daniel 6:23; tingnan din ang Santiago 4:8, 10.

19 Pagka ating ipinaaalám kay Jehova ang ating mga dalangin, makapagtitiwala tayo na ‘ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa ating puso at sa ating kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’ (Filipos 4:7) Ang kapayapaang ito ng Diyos, na mababanaag sa isang masayang ayos ng mukha, ay maaaring magrekomenda ng ating mensahe sa mga maybahay na ating nakakausap sa ating pangangaral. (Colosas 4:5, 6) Ito’y makapagpapalakas-loob din sa mga taong nalulumbay dahilan sa mga kagipitan o mga kaapihan na karaniwan na sa kasalukuyang sanlibutan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na paglalahad.d

20, 21. (a) Sa kakila-kilabot na panahon ng mga Nazi, papaanong ang iba’y pinalakas-loob ng katapatan ng mga Saksi ni Jehova? (b) Anong pasiya ang dapat gisingin sa atin ng tinig ni Jehova?

20 Si Max Liebster, isang likas na Judio na nakaligtas sa Holocaust sa pamamagitan ng isang waring himala, ay naglarawan ng kaniyang paglalakbay patungo sa isang Nazi extermination camp sa ganitong pananalita: “Kami’y ikinandado sa mga bagol ng tren na ginawang maraming maliliit na mga selda para sa dalawang katao. Pagkatapos na mapalagak ako sa isa sa mga iyan, napaharap ako sa isang preso na ang mga mata’y nagbabadya ng kahinahunan. Siya’y naroroon dahilan sa kaniyang paggalang sa kautusan ng Diyos, na ang minabuti’y makulong at marahil ay mamatay sa halip na magbubo ng dugo ng ibang tao. Siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang mga anak ay puwersahang kinuha sa kaniya, at ang kaniyang asawa ay pinatay. Inaasahan niya na ganoon din ang daranasin niya. Ang 14-na-araw na paglalakbay ay nagbigay ng kasagutan sa aking mga panalangin, sapagkat sa mismong paglalakbay na ito patungo sa kamatayan ay natagpuan ko ang pag-asang buhay na walang-hanggan.”

21 Pagkatapos na maranasan ang “yungib ng mga leon” sa Auschwitz, gaya ng tawag niya rito, at pagkatapos na mabautismuhan, ang kapatid na ito ay napakasal sa isa sa mga Saksi ni Jehova na naging bilanggo rin at na ang ama’y nagdusa sa kampong piitan sa Dachau. Samantalang naroon ang ama ng sister, nabalitaan ng ama na ang kaniyang asawa at ang kabataang anak na babae ay inaresto. Inilarawan niya ang epekto nito sa kaniya: “Ako’y lubhang nabalisa. Ngunit isang araw habang ako’y nakapila para maligo, narinig ko ang isang tinig na sumisipi sa Kawikaan 3:5, 6 . . . Iyon ay umalingawngaw na mistulang isang tinig na nagmumula sa langit. Iyon talaga ang kailangan ko upang manumbalik ang aking katatagan.” Ang totoo, tinig iyon ng isa pang bilanggo na sumisipi sa tekstong ito, subalit ang pangyayaring iyon ay nagdiriin ng bisa sa atin ng Salita ng Diyos. (Hebreo 4:12) Harinawang ang tinig ni Jehova ay buong bisang mangusap sa atin ngayon sa pamamagitan ng mga salita ng ating taunang teksto sa 1994: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo”!

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Trusting Jehovah With All My Heart,” ayon sa pagkalahad ni Claude S. Goodman, The Watchtower, Disyembre 15, 1973, pahina 760-5.

b Tingnan ang artikulong “Determined to Praise Jehovah,” ayon sa pagkalahad ni Harry Peterson, The Watchtower, Hulyo 15, 1968, pahina 437-40.

c Tingnan ang artikulong “Hindi Pinababayaan ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod,” ayon sa pagkalahad ni Matsue Ishii, Ang Bantayan, Mayo 1, 1988, pahina 21-5.

d Tingnan din ang artikulong “Kaligtasan! Pinatutunayan ang Ating Pagtanaw ng Utang na Loob,” ayon sa pagkalahad ni Max Liebster, Ang Bantayan, Abril 1, 1979, pahina 20-4.

Bilang Sumaryo

◻ Anong uri ng payo ang inihaharap sa Mga Kawikaan?

◻ Papaano natin pinakikinabangan ang pagtitiwala kay Jehova?

◻ Ano ang kasangkot sa pananalig kay Jehova?

◻ Bakit dapat nating kilalanin si Jehova sa lahat ng ating lakad?

◻ Papaano itinutuwid ni Jehova ang ating mga landas?

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang masayang pabalita ng Kaharian ay umaakit sa tapat-pusong mga tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share