Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 9/15 p. 21-24
  • Huwag Hayaang Wasakin ng Kalungkutan ang Iyong Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Huwag Hayaang Wasakin ng Kalungkutan ang Iyong Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Magagawa Mo?
  • Hayaang Tumulong ang mga Kaibigan
  • Nagmamalasakit si Jehova
  • Huwag Mong Sisihin ang Diyos
  • Papaano Matutulungan ang mga Nalulungkot?
  • Papaano Ko Maiwawaksi ang Aking Kapanglawan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Matutulungan Ba ng Bibliya ang Nalulumbay?
    Gumising!—1987
  • Pagdaig sa Kalungkutan
    Gumising!—2004
  • Kapanglawan—Ang Nakakubling Pagdurusa
    Gumising!—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 9/15 p. 21-24

Huwag Hayaang Wasakin ng Kalungkutan ang Iyong Buhay

MAAARING wasakin ng kalungkutan ang buhay ng matatanda at ng mga bata. Ganito ang sabi ng manunulat na si Judith Viorst sa magasing Redbook: “Ang kalungkutan ay tulad ng isang pabigat sa puso. . . . Tayo’y iniiwang hungkag at walang pag-asa dahil sa kalungkutan. Ipinadarama sa atin ng kalungkutan na tayo’y mistulang isang batang walang ina, gaya ng isang korderong naligaw, pagkaliit-liit at nawawala sa isang sanlibutan na napakalawak at walang pakialam.”​—Setyembre 1991.

Ang pagiging malayo sa mga kaibigan, naiibang kapaligiran, diborsiyo, pagkaulila, o pagkaputol ng komunikasyon​—lahat ng ito ay makapagpapalungkot sa iyo. Kahit na kung napalilibutan ng ibang mga tao, ang ilan ay lubhang malungkot.

Ano ang Magagawa Mo?

Kung umatake ang kalungkutan, ikaw ba’y magiging isang walang kalaban-labang biktima? May magagawa ka ba upang hadlangan ang baytang-baytang na pagwawasak sa iyo ng kalungkutan o pag-aalis ng iyong hangaring mabuhay? Talagang may magagawa ka. Maraming makukuhang payo na makatutulong. At maraming mabubuting payo ang ibinibigay ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang gayong pampatibay-loob ang marahil siyang kailangan mo upang mapaglabanan ang kalungkutan.​—Mateo 11:28, 29.

Halimbawa, masusumpungan mong nakapagpapatibay-loob ang pagbabasa tungkol kay Ruth, isang kabataang babae na nakatira sa Gitnang Silangan mga 3,000 taon na ang nakalipas. Siya ay malamang na dumanas ng kalungkutan. Nang mamatay ang kaniyang asawa, siya’y sumama sa kaniyang biyenang babae upang mamuhay sa naiibang kapaligiran ng Israel. (Ruth 2:11) Bagaman siya’y napalayo sa kaniyang pamilya at sa dating mga kaibigan at isang banyaga sa isang naiibang lupain, walang ipinahihiwatig ang Bibliya na siya’y napadaig sa kalungkutan. Mababasa mo ang kaniyang kasaysayan sa Bibliya sa aklat ng Ruth.

Tulad ni Ruth, kailangang manatili kang may positibong pangmalas. Ang paraan ng iyong pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay at mga pangyayari ay maaaring magpatindi ng kalungkutan. Ito ay pinatutunayan ni Ann, na apat na taóng nag-alaga sa kaniyang ama na may sakit na umuubos ng lakas. Nang ito’y mamatay, siya’y labis na nalungkot. “Para bang ako’y nasa hungkag na kalagayan, wala nang halaga​—para bang hindi na ako kailangan ninuman,” aniya. “Ngunit hinarap ko ang katotohanan na ang aking buhay ay nabago na ngayon, at natanto ko na upang mapaglabanan ang aking kalungkutan kailangang tanggapin ko at samantalahin ang aking kalagayan ngayon.” Kung minsan ay maaaring hindi mo mabago ang iyong kalagayan, ngunit marahil ay mababago mo ang iyong saloobin tungkol dito.

Ang pananatiling abala sa nakasisiyang gawain ay hindi siyang buong kasagutan sa pagbaka sa kalungkutan, bagaman nakatutulong iyon. Ito ay napatunayang totoo sa kaso ni Irene, na nabiyuda pagkalipas lamang ng anim na buwan pagkatapos ng kasal. “Nakita kong pinakamatindi ang kalungkutan kapag ako ay di-gaanong abala,” aniya, “kaya nagtutok ako ng pansin sa pagkakaroon ng kaugnayan sa iba at pagtulong sa kanila na harapin ang kanilang mga suliranin.” Ang pagtulong sa iba ay nagdudulot ng kaligayahan, at ang nalulungkot na mga Kristiyano ay makasusumpong ng maraming magagawa sa gawain ng Panginoon.​—Gawa 20:35; 1 Corinto 15:58.

Hayaang Tumulong ang mga Kaibigan

Inilalarawan ng The New York Times Magazine ang malulungkot na bata bilang nasaktan ng “mga sugat na dulot ng kawalan ng kaibigan.” (Abril 28, 1991) Maraming malulungkot na tao, kapuwa bata at matanda, ang nakadarama ng kawalan ng kaibigan. Samakatuwid, isang tunay na bentaha ang magkaroon ng tunay na mga kaibigan buhat sa nagmamalasakit na kongregasyong Kristiyano. Pagsikapang magkaroon ng maraming kaibigan sa loob ng kongregasyon, at hayaang tulungan ka nila sa anumang paraang magagawa nila. Iyan ang layunin ng pagkakaroon ng mga kaibigan​—upang umalalay kung mga panahon ng kabagabagan.​—Kawikaan 17:17; 18:24.

Subalit, alamin mo na dahilan sa dinaranas mong sakit ng damdamin, baka ikaw na rin ang makahadlang sa pagtulong sa iyo ng mga kaibigan. Papaano? Ganito ang paliwanag ng manunulat na si Jeffrey Young: “Ang ilang nalulungkot na mga tao . . . ay nagtataboy sa maaaring maging kaibigan, kung sila na lamang ang salita nang salita kapag nag-uusap o nagsasabi ng mga bagay na nakasusuya at di-nararapat. Sa anumang paraan, ang mga taong labis na nalulungkot ay malamang na sumira ng malalapit na ugnayan.”​—U.S.News & World Report, Setyembre 17, 1984.

Kung minsan, maaaring palalain mo ang mga bagay kung ibubukod mo ang iyong sarili sa ibang mga tao. Ganiyan ang ginawa ni Peter, isang lalaking mahigit nang 50 anyos. Pagkamatay ng kaniyang asawa, nasumpungan niyang inilalayo niya ang sarili sa iba, bagaman sa kaniyang kalooban ay ibig niya ang kanilang tulong. “May mga araw,” aniya, “na hindi ko nais makasama ang iba, at sumapit ang panahon na nasumpungan kong ibinubukod ko ang aking sarili sa mga tao.” Mapanganib ito. Bagaman kapaki-pakinabang ang mga panahon ng pag-iisa, ang pagbubukod ng sarili ay nakapipinsala. (Kawikaan 18:1) Natalos ito ni Peter. Ang sabi niya: “Sa wakas ay napagtagumpayan ko ito, hinarap ko ang aking kalagayan, at, sa tulong ng aking mga kaibigan, muli kong nabuo ang aking buhay.”

Gayunman, huwag ipagpalagay na ang iba ay may obligasyong tumulong sa iyo. Sikaping huwag maging mapaghanap. Malugod na tanggapin ang anumang kabaitan na ipinakita, at ipahayag ang pagpapahalaga roon. Subalit tandaan din ang mabuting payong ito na nasa Kawikaan 25:17: “Maging madalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa, baka mapuno na siya sa iyo at tiyak na kapootan ka.” Si Frances, na napaharap sa matinding kalungkutan nang mamatay ang kaniyang asawa pagkatapos ng 35 taon ng pagsasama, ay nakadaramang mahalaga ang gayong pag-iingat. “Maging makatuwiran sa iyong inaasahan,” aniya, “at huwag umasa ng napakalaking tulong buhat sa iba. Huwag kang palaging nasa pintuan ng iba para humingi ng tulong.”

Nagmamalasakit si Jehova

Kahit na kung minsan ay biguin ka ng mga kaibigang tao, nariyan pa rin ang Diyos na Jehova bilang iyong Kaibigan. Tiyak na nagmamalasakit siya sa iyo. Panatilihing matibay ang iyong pagtitiwala sa kaniya, at patuloy na manganlong sa kaniyang mapagbantay na pangangalaga. (Awit 27:10; 91:1, 2; Kawikaan 3:5, 6) Ganito ang ginawa ng Moabitang si Ruth at siya’y saganang pinagpala. Aba, siya’y naging isang ninuno ni Jesu-Kristo!​—Ruth 2:12; 4:17; Mateo 1:5, 16.

Palaging manalangin kay Jehova. (Awit 34:4; 62:7, 8) Nasumpungan ni Margaret na ang panalangin ay pinagmumulan ng lakas sa pagdaig sa kalungkutan. Nakibahagi siya sa buong-panahong ministeryo kasama ng kaniyang asawa hanggang sa ito ay mamatay samantalang nasa kabataan pa. “Nasumpungan kong nakabubuti ang manalangin nang malakas at sabihin kay Jehova ang lahat ng bagay, lahat ng aking pangamba at kabalisahan,” ang sabi niya. “Tumulong iyon sa akin upang makita ang mga bagay-bagay sa tamang pangmalas kapag umatake na ang kalungkutan. At ang pagkakita na sinasagot ni Jehova ang mga panalanging iyon ay nagbigay sa akin ng pagtitiwala.” Nakinabang siya nang malaki sa pagsunod sa payo ni apostol Pedro: “Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Pedro 5:6, 7; Awit 55:22.

Ang isang mabuting kaugnayan kay Jehova ay tutulong sa iyo na mapanatili ang isang bagay na kadalasang naiwawala ng malulungkot na tao​—ang pagpapahalaga-sa-sarili. Nang mamatay ang kaniyang asawa dahil sa kanser, sumulat ang peryodistang si Jeannette Kupfermann tungkol sa “pagkadama ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili at kawalang-kabuluhan.” Sinabi niya: “Ang pagkadamang ito ng kawalang-kabuluhan ang umaakay sa maraming biyuda sa panlulumong halos nagtataboy sa kanila sa pagpapatiwakal.”

Tandaan na ikaw ay lubhang mahalaga kay Jehova. Hindi niya iniisip na ikaw ay walang-kabuluhan. (Juan 3:16) Aalalayan ka ng Diyos kung papaano niya inalalayan ang kaniyang bayan na mga Israelita noong una. Sinabi niya sa kanila: “Hindi kita itinatakwil. Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasaiyo. Huwag kang manlupaypay, sapagkat ako ang iyong Diyos. Palalakasin kita. Talagang tutulungan kita. Aalalayan kita ng aking kanang kamay ng katuwiran.”​—Isaias 41:9, 10.

Huwag Mong Sisihin ang Diyos

Higit sa lahat, huwag mong sisihin ang Diyos dahil sa iyong kalungkutan. Hindi si Jehova ang may kagagawan nito. Layunin niya sa tuwina na ikaw, at ang buong sangkatauhan, ay magtamasa ng mabuti, kasiya-siyang pagsasamahan. Nang lalangin ng Diyos si Adan, sinabi niya: “Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa. Ako’y gagawa ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” (Genesis 2:18) At gayon nga ang ginawa ng Diyos nang lalangin niya si Eva, ang unang babae. Kung hindi dahil sa paghihimagsik na udyok ni Satanas, ang lalaki at ang babae at ang mga pamilyang nagmula sa kanila ay hindi sana nakaranas ng kalungkutan.

Mangyari pa, ang pansamantalang pagpapahintulot ni Jehova sa kabalakyutan ay nagpahintulot na lumago ang kalungkutan at maganap ang iba pang pagdurusa. Gayunman, panatilihing malinaw sa isip na ito ay pansamantala lamang. Ang mga pagsubok na likha ng kalungkutan ay waring nagiging magaang dalhin kapag isasaalang-alang kung ano ang gagawin ng Diyos para sa iyo sa kaniyang bagong sanlibutan. Samantala kaniyang aalalayan at aaliwin ka.​—Awit 18:2; Filipos 4:6, 7.

Ang pagkaalam nito ay magpapalakas sa iyo. Nang si Frances (nabanggit na) ay nabiyuda, nakasumpong siya ng malaking kaaliwan sa mga salita ng Awit 4:8, lalo na kung gabi: “Payapa akong mahihiga at matutulog, sapagkat ikaw lamang, Oh Jehova, pinatatahan mo ako sa katiwasayan.” Bulay-bulayin ang mga damdamin na gaya niyaong masusumpungan sa aklat ng Mga Awit. Pag-isipan kung papaano nagmamalasakit sa iyo ang Diyos, gaya ng ipinahayag sa Awit 23:1-3.

Papaano Matutulungan ang mga Nalulungkot?

Ang isang pangunahing paraan ng pagtulong sa nalulungkot ay ang pagpakitaan sila ng pag-ibig. Paulit-ulit na hinihimok ng Bibliya ang bayan ng Diyos na magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa, lalo na sa mga panahon ng pagsubok. “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Roma 12:10) Sa katunayan, sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos: “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:8) Papaano ka makapagpapakita ng pag-ibig sa mga nalulungkot?

Sa halip na tanggihan o ipagwalang-bahala ang mga taong nalulungkot, maipakikita ng mga taong nababahala ang kanilang magiliw na pagmamahal sa pamamagitan ng matiising pagtulong sa kanila kailanma’t maaari. Matutularan nila ang taong si Job, na nagsabi: “Aking sasagipin ang nagdurusa na dumaraing, at ang batang lalaking walang ama at sinumang walang katulong. . . . At pagagalakin ko ang puso ng babaing balo.” (Job 29:12, 13) Ang hinirang na matatanda sa kongregasyong Kristiyano at ang madamaying mga kaibigan ay maaaring kumilos sa gayunding makonsiderasyong paraan sa pamamagitan ng paglalaan ng mga pangunahing pangangailangan ng tao na pang-unawa, init, at kaaliwan. Sila’y maaaring magpakita ng empatiya, at kung minsan ay maaari nilang sapatan ang pangangailangan ukol sa kompidensiyal na pag-uusap.​—1 Pedro 3:8.

Kadalasan, ang maliliit na bagay na ginagawa ng mga kaibigan para sa mga taong nalulungkot ang talagang mahalaga. Halimbawa, kapag ang isang kapananampalataya ay naulila sa isang mahal sa buhay, malaking kabutihan ang magagawa sa pamamagitan ng may kabaitang mga gawa ng tunay na pagkakaibigan. Huwag ipagwalang-bahala ang mumunting kabaitan, tulad ng paanyaya sa isang pagkain, isang madamaying pakikinig, o nakapagpapatibay na pag-uusap. Ang mga bagay na ito ay mabisa sa pagtulong sa mga tao upang mapaglabanan ang kalungkutan.​—Hebreo 13:16.

Malamang na lahat tayo ay makararanas ng pakikipagpunyagi sa kalungkutan sa pana-pahanon. Gayunman, ang kalungkutan ay hindi naman kailangang magsilbing isang salot. Punuin mo ang iyong buhay ng makabuluhan, nakabubuting mga gawain. Hayaan mong tulungan ka ng mga kaibigan kung kaya nila. Magtiwala sa Diyos na Jehova. Laging isaisip ang nakapagpapatibay-loob na pangakong nakaulat sa Awit 34:19: “Marami ang kapighatian ng matuwid, subalit sa lahat ng ito ay inililigtas siya ni Jehova.” Bumaling kay Jehova ukol sa tulong, at huwag hayaang wasakin ng kalungkutan ang iyong buhay.

[Kahon sa pahina 24]

ILANG PARAAN UPANG LABANAN ANG KALUNGKUTAN

▪ Manatiling malapít kay Jehova

▪ Humanap ng kaaliwan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya

▪ Panatilihin ang isang positibong Kristiyanong pangmalas

▪ Manatiling abala sa makabuluhang gawain

▪ Paramihin ang iyong mga kaibigan

▪ Gawing madali ang pagtulong ng mga kaibigan

▪ Huwag ibukod ang iyong sarili, kundi linangin ang palakaibigang pag-ibig

▪ Magtiwala na si Jehova ay nagmamalasakit sa iyo

[Kahon sa pahina 24]

KUNG PAPAANO MO MATUTULUNGAN ANG NALULUNGKOT

▪ Maglaan ng pang-unawa, init, at kaaliwan

▪ Sapatan ang pangangailangan ukol sa kompidensiyal na pag-uusap

▪ Magtiyaga sa paggawa ng mumunting bagay na nakatutulong

[Larawan sa pahina 23]

Sa kabila ng kaniyang mahirap na kalagayan, walang ipinahihiwatig na hinayaan ni Ruth na wasakin ng kalungkutan ang kaniyang buhay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share