Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w09 4/15 p. 7-11
  • Mapasasaya Mo ang Puso ni Jehova!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapasasaya Mo ang Puso ni Jehova!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Huwag Kalimutan Kung Sino Talaga ang Kaaway
  • Magkaroon ng Malapít na Kaugnayan kay Jehova
  • Tinutulungan ni Jehova ang Kaniyang Tapat na mga Lingkod
  • Pinarangalan ni Job ang Pangalan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Ang Katapatan ni Job—Sino ang Makatutulad Doon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Ang Katapatan ni Job—Bakit Totoong Pambihira?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • “Umasa Ka kay Jehova”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
w09 4/15 p. 7-11

Mapasasaya Mo ang Puso ni Jehova!

“Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”​—KAW. 27:11.

1, 2. (a) Anong akusasyon ni Satanas ang mababasa sa aklat ng Job? (b) Ano ang nagpapahiwatig na patuloy pa ring tinutuya ni Satanas si Jehova hanggang ngayon?

PINAHINTULUTAN ni Jehova si Satanas na subukin ang tapat niyang lingkod na si Job. Nawala ang mga alagang hayop ni Job at namatay ang kaniyang mga anak. Nagkaroon din siya ng makirot na karamdaman. Pero hindi lang si Job ang nasa isip ni Satanas nang kuwestiyunin niya ang katapatan nito. “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa,” ang pag-aangkin ni Satanas. Maliwanag na nasasangkot sa isyung ito ang lahat ng tao, at nagpapatuloy ito kahit patay na si Job.​—Job 2:4.

2 Mga 600 taon pagkatapos ng pagsubok kay Job, kinasihan si Solomon na isulat: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kaw. 27:11) Oo, hinahamon pa rin ni Satanas si Jehova noong panahong iyon. Bukod diyan, nakita ni apostol Juan sa isang pangitain na inaakusahan ni Satanas ang mga lingkod ng Diyos pagkatapos siyang ihagis sa lupa nang maitatag ang Kaharian ng Diyos noong 1914. Kaya maging sa huling bahaging ito ng mga huling araw, kinukuwestiyon pa rin ni Satanas ang katapatan ng mga lingkod ng Diyos!​—Apoc. 12:10.

3. Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin sa aklat ng Job?

3 Kung gayon, isaalang-alang natin ang tatlong mahahalagang aral na matututuhan natin sa aklat ng Job. Una, isinisiwalat sa atin nito na si Satanas na Diyablo ang tunay na kaaway ng sangkatauhan at ang pangunahing sumasalansang sa bayan ng Diyos. Ikalawa, ang pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos ay makatutulong sa atin na manatiling tapat anumang pagsubok ang mapaharap sa atin. Ikatlo, makatitiyak tayo na tutulungan tayo ng Diyos para mabata ang mga pagsubok kung paanong tinulungan niya si Job. Sa ngayon, tinutulungan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, organisasyon, at banal na espiritu.

Huwag Kalimutan Kung Sino Talaga ang Kaaway

4. Sino ang dapat sisihin sa kalagayan ng daigdig ngayon?

4 Marami ang hindi naniniwalang umiiral si Satanas. Kaya bagaman nababahala sila sa mga kalagayan sa daigdig, hindi nila alam na si Satanas na Diyablo ang tunay na sanhi nito. Totoo, tao rin ang dahilan kung bakit maraming problema ngayon. Ipinasiya ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, na humiwalay sa kanilang Maylalang. At mula noon, tinularan sila ng mga sumunod na henerasyon. Gayunpaman, ang Diyablo ang siyang nanlinlang kay Eva upang maghimagsik ito sa Diyos. Siya ang gumawa ng sistemang ito ng mga bagay na binubuo ng di-sakdal at namamatay na mga tao. Siya rin ang kumokontrol dito. Yamang si Satanas ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” tinutularan siya ng sangkatauhan. Makikita rito ang pagmamapuri, hilig na makipagtalo, inggit, kasakiman, pandaraya, at paghihimagsik. (2 Cor. 4:4; 1 Tim. 2:14; 3:6; basahin ang Santiago 3:14, 15.) Bilang resulta, nagkaroon ng mga pulitikal at relihiyosong alitan, pagkakapootan, katiwalian, at kaguluhan. Dahil dito, naging miserable ang kalagayan ng daigdig.

5. Ano ang nais nating gawin sa napakahalagang kaalamang taglay natin?

5 Oo, alam natin kung sino ang dapat sisihin sa lumalalang kalagayan ng daigdig. Napakahalaga nga ng kaalamang ito para sa mga lingkod ni Jehova! Kung gayon, hindi ba dapat lamang na ibahagi natin ang kaalamang ito sa iba? Hindi ba tayo dapat malugod na nasa panig tayo ng tunay na Diyos, si Jehova? At hindi ba tayo nasisiyahang ipaliwanag sa iba kung paano niya lulutasin ang mga problema ng tao at pupuksain si Satanas?

6, 7. (a) Sino ang pangunahing umuusig sa mga tunay na mananamba? (b) Paano natin matutularan ang halimbawa ni Elihu?

6 Si Satanas din ang pangunahing sumasalansang sa bayan ng Diyos. Determinado siyang subukin tayo. Sinabi ni Jesu-Kristo kay apostol Pedro: “Simon, Simon, narito! hiningi ni Satanas na kayo ay mapasakaniya upang salain kayong gaya ng trigo.” (Luc. 22:31) Kaya ang bawat isa na sumusunod kay Jesus ay makararanas ng pagsubok sa iba’t ibang paraan. Inihambing ni Pedro ang Diyablo sa “isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” At sinabi ni Pablo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.”​—1 Ped. 5:8; 2 Tim. 3:12.

7 Kapag nakaranas ng trahedya ang isang kapananampalataya, paano natin maipapakita na hindi natin nalilimutan kung sino talaga ang kaaway? Sa halip na layuan siya, tinutularan natin si Elihu na nakipag-usap kay Job gaya ng isang tunay na kaibigan. Tinutulungan natin ang ating kapatid na labanan ang ating kaaway, si Satanas. (Kaw. 3:27; 1 Tes. 5:25) Gusto natin siyang manatiling tapat anuman ang mangyari, at sa gayo’y mapasaya niya si Jehova.

8. Bakit hindi nagtagumpay si Satanas na mapahinto si Job na parangalan si Jehova?

8 Ang unang pinuntirya ni Satanas kay Job ay ang kaniyang mga alagang hayop. Malamang na ito ang kabuhayan niya na ginamit din niya sa pagsamba kay Jehova. Pagkatapos pabanalin ni Job ang kaniyang mga anak, “maaga siyang bumabangon sa kinaumagahan at naghahandog ng mga haing sinusunog ayon sa bilang nilang lahat; sapagkat, ang sabi ni Job, ‘baka nagkasala ang aking mga anak at isinumpa ang Diyos sa kanilang puso.’ Gayon ang laging ginagawa ni Job.” (Job 1:4, 5) Pero nang magsimula na ang mga pagsubok, hindi na siya makapaghandog ng mga hayop kay Jehova. Wala na ang kaniyang “mahahalagang pag-aari” para purihin si Jehova. (Kaw. 3:9) Pero mapararangalan niya si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga labi. At gayon nga ang ginawa niya!

Magkaroon ng Malapít na Kaugnayan kay Jehova

9. Ano ang pinakamahalaga sa ating buhay?

9 Mahirap man tayo o mayaman, bata o matanda, malusog man o may karamdaman, maaari tayong magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Kapag may malapít tayong kaugnayan kay Jehova, makatutulong ito sa atin na manatiling tapat sa harap ng anumang pagsubok. Sa gayo’y mapasasaya natin si Jehova. Maging ang ilang indibiduwal na may kaunting kaalaman sa katotohanan ay nanindigan sa panig ni Jehova at nanatiling tapat.

10, 11. (a) Paano tumugon ang isang sister nang subukin ang kaniyang katapatan? (b) Paano napabulaanan ng sister na ito ang pag-aangkin ni Satanas?

10 Isaalang-alang ang halimbawa ni Sister Valentina Garnovskaya. Isa siya sa maraming Saksi sa Russia na naging tapat gaya ni Job sa kabila ng matitinding pagsubok. Noong 1945, nang siya ay mga 20 anyos, may isang Saksi na nagpatotoo sa kaniya. Tatlong beses lamang silang nagkausap ng Saksing ito tungkol sa Bibliya, at pagkatapos ay hindi na sila muling nagkita. Magkagayunman, nagsimulang mangaral si Valentina sa kaniyang mga kapitbahay. Dahil dito, inaresto siya at sinentensiyahan ng walong-taóng pagkabilanggo sa isang kampo. Nang siya’y palayain noong 1953, agad niyang ipinagpatuloy ang kaniyang pangangaral. Muli siyang inaresto at ibinilanggo. Sa pagkakataong ito, sampung taon ang kaniyang sentensiya. Pagkatapos ng ilang taon, inilipat siya sa ibang kampo, kung saan may mga sister na may iisang kopya ng Bibliya. Isang araw, ipinakita ng isang sister ang Bibliya kay Valentina. Napakasaya nga ni Valentina! Noon lang siya ulit nakakita ng Bibliya mula nang makausap niya ang Saksing nagpatotoo sa kaniya noong 1945!

11 Noong 1967, pinalaya si Valentina at sa wakas ay nabautismuhan. Puspusan siyang nakibahagi sa ministeryo hanggang noong 1969. Nang taóng iyon, muli siyang inaresto, at sinentensiyahan ng tatlong-taóng pagkabilanggo. Pero patuloy pa ring nangaral si Valentina. Bago siya namatay noong 2001, natulungan niya ang 44 na tao na makaalam ng katotohanan. Gumugol siya ng 21 taon sa mga bilangguan at kampo. Handa niyang isakripisyo ang lahat, pati na ang kaniyang kalayaan, para manatiling tapat sa Diyos. Bago siya namatay, sinabi ni Valentina: “Hindi ako kailanman nagkaroon ng sariling tirahan. Nasa isang maleta lamang ang lahat ng gamit ko, pero masaya pa rin ako at kontento sa paglilingkod kay Jehova.” Isa ngang sampal kay Satanas ang ginawa ni Valentina! Makatitiyak tayong napasaya niya si Jehova dahil napabulaanan niya ang pag-aangkin ng Diyablo na hindi magiging tapat sa kaniya ang mga tao sa harap ng pagsubok. (Job 1:9-11) Tiyak ding nananabik siya na buhaying muli si Valentina at ang iba pang lingkod niya na namatay nang tapat.​—Job 14:15.

12. Bakit mahalaga ang pag-ibig sa ating kaugnayan kay Jehova?

12 Nakasalig sa pag-ibig ang ating pakikipagkaibigan kay Jehova. Gustung-gusto natin ang mga katangian ng Diyos at ginagawa natin ang ating buong makakaya para mamuhay kasuwato ng kaniyang layunin. Taliwas sa pag-aangkin ng Diyablo, kusa nating inibig si Jehova at wala tayong hinihintay na kapalit. Dahil sa pag-ibig na ito, napapatibay tayong manatiling tapat sa harap ng mga pagsubok. At sa bahagi naman ni Jehova, “babantayan niya ang mismong daan ng kaniyang mga matapat.”​—Kaw. 2:8; Awit 97:10.

13. Ano ang mahalaga kay Jehova?

13 Napapakilos tayo ng pag-ibig kay Jehova na parangalan ang kaniyang pangalan, kahit nadarama nating limitado lamang ang nagagawa natin. Hindi niya tayo hinahatulan kapag hindi natin nagagawa ang lahat ng gusto nating gawin sa paglilingkod sa kaniya. Ang mahalaga sa kaniya ay hindi lamang kung ano ang nagagawa natin kundi pati na rin ang ating motibo. Bagaman labis na namighati at nagdusa si Job, sinabi niya sa mga nag-aakusa sa kaniya ang tungkol sa kaniyang pag-ibig sa mga daan ni Jehova. (Basahin ang Job 10:12; 28:28.) Sa huling kabanata ng aklat ng Job, ipinahayag ng Diyos ang kaniyang galit kina Elipaz, Bildad, at Zopar dahil hindi sila nagsalita ng katotohanan. Sa kabilang banda, ipinahiwatig ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon kay Job anupat apat na beses siyang tinukoy na “aking lingkod” at inutusan siya na mamagitan alang-alang sa kaniyang huwad na mga kaibigan. (Job 42:7-9) Tularan nawa natin si Job upang sang-ayunan tayo ni Jehova.

Tinutulungan ni Jehova ang Kaniyang Tapat na mga Lingkod

14. Paano itinuwid ni Jehova si Job?

14 Nanatiling tapat si Job kahit hindi siya sakdal. Dahil sa matinding pagsubok, may panahong nagkaroon siya ng maling pananaw. Halimbawa sinabi niya kay Jehova: “Humihingi ako sa iyo ng tulong, ngunit hindi mo ako sinasagot . . . Taglay ang buong kalakasan ng iyong kamay ay nagkikimkim ka ng matinding poot sa akin.” Bukod diyan, labis na ipinagmatuwid ni Job ang kaniyang sarili nang sabihin niya: “Hindi ako mali” at “walang karahasan sa aking mga palad, at ang aking panalangin ay dalisay.” (Job 10:7; 16:17; 30:20, 21) Gayunpaman, mabait si Jehova at tinulungan niya si Job na huwag magtuon ng pansin sa kaniyang sarili. Nagbangon ang Diyos ng sunud-sunod na tanong upang maging malinaw kay Job na Siya ang Kataas-taasan at hamak lamang ang tao. Tinanggap ni Job ang pagtutuwid sa kaniya.​—Basahin ang Job 40:8; 42:2, 6.

15, 16. Paano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa ngayon?

15 May-kabaitang nagbibigay si Jehova ng tuwirang payo sa kaniyang mga lingkod sa ngayon. Bukod diyan, nagbibigay rin siya ng mahahalagang kaloob. Halimbawa, ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili bilang haing pantubos na naging saligan ng kapatawaran ng mga kasalanan. Salig sa haing iyan, naging posible na magkaroon tayo ng malapít na kaugnayan sa Diyos kahit hindi tayo sakdal. (Sant. 4:8; 1 Juan 2:1) Kapag sinusubok tayo, hinihingi natin sa Diyos ang kaniyang banal na espiritu upang mapalakas tayo. Nariyan din ang Bibliya. Naihahanda natin ang ating sarili sa mga pagsubok kapag binabasa at binubulay-bulay natin ang nilalaman nito. Nakatutulong sa atin ang pag-aaral ng Bibliya upang maunawaan ang isyu hinggil sa katapatan at sa pansansinukob na soberanya.

16 Bukod diyan, malaking tulong sa atin ang maging bahagi ng pandaigdig na kapatiran yamang pinaglalaanan ito ni Jehova ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Sa mahigit 100,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, idinaraos ang mga pagpupulong upang maturuan at mapalakas tayo na harapin ang mga pagsubok sa pananampalataya. Makikita ito sa karanasan ni Sheila, isang Saksing tin-edyer na taga-Alemanya.

17. Paano ipinakita ng karanasan ng isang tin-edyer ang karunungan ng palaging pagdalo sa mga pulong?

17 Isang araw, sandaling iniwan ng titser ni Sheila ang kanilang klase. Naglaro ang mga kaklase niya ng Ouija board. Kaagad na lumabas si Sheila sa silid-aralan. Laking pasasalamat niya na gayon ang ginawa niya. Kasi nabalitaan niya na habang naglalaro sila ng Ouija board, nadama ng ilan sa kanila ang presensiya ng mga demonyo at nagtakbuhan sa takot. Bakit hindi nagdalawang-isip si Sheila na umalis agad sa silid-aralan? Sinabi ni Sheila: “Tinalakay po kasi sa pulong sa Kingdom Hall ang panganib ng paglalaro ng Ouija board. Kaya alam ko po kung ano ang dapat kong gawin. Gusto kong pasayahin si Jehova gaya ng sinasabi sa Kawikaan 27:11.” Mabuti na lamang at dumalo ng pulong si Sheila at nakinig na mabuti!

18. Ano ang determinado mong gawin?

18 Maging determinasyon nawa nating maingat na sundin ang mga tagubilin mula sa organisasyon ng Diyos. Kapag regular tayong dumadalo ng pulong, nagbabasa ng Bibliya, nag-aaral ng ating mga publikasyon, nananalangin, at nakikisama sa may-gulang na mga Kristiyano, matatanggap natin ang kinakailangan nating patnubay at tulong. Gusto ni Jehova na manatili tayong tapat, at nagtitiwala siyang magagawa natin ito. Kaylaki ngang pribilehiyo na maparangalan ang pangalan ni Jehova, manatiling tapat sa kaniya, at mapasaya ang kaniyang puso!

Naaalaala Mo Ba?

• Ano ang naidulot ni Satanas sa sangkatauhan at sa mga lingkod ng Diyos?

• Ano ang pinakamahalaga sa ating buhay?

• Sa ano nakasalig ang ating pakikipagkaibigan kay Jehova?

• Ano ang ilang paraan kung paano tayo tinutulungan ni Jehova sa ngayon?

[Larawan sa pahina 8]

Napapakilos ka bang ibahagi sa iba ang kaalamang taglay mo?

[Larawan sa pahina 9]

Maaari nating tulungan ang ating mga kapananampalataya na manatiling tapat

[Larawan sa pahina 10]

Handang isakripisyo ni Valentina ang lahat para manatiling tapat

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share