Pagalakin ang Puso ni Jehova sa Pamamagitan ng Katapatan!
“Sa mabuhay man tayo o sa mamatay man tayo, tayo ay kay Jehova.”—ROMA 14:8.
1, 2. (a) Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay disididong manatiling tapat sa Diyos? (b) Subalit anong mga tanong ang bumabangon?
ANONG inam na ipinahahayag ng mga salitang iyan ni apostol Pablo ang damdamin ng tanging tunay na mga nag-iingat ng katapatan sa ika-20 siglong ito! Kung tayo’y magkapribilehiyong mabuhay nang patuloy at makita ang kasalukuyang pagguho ng kasalukuyang balakyot na sistema sa harap ng ating mismong mga mata, anong laki nga ng ating kalagakan! Ngunit kung sakaling tayo’y mamatay na naglilingkod sa Diyos, mabuti pa. Sa alinman diyan, tayo ay disididong maging tapat na mga saksi ng ating Diyos, si Jehova. Tayo’y mananatili sa ating integridad o katapatan sa kaniya. Bakit? Sapagkat sa mabuhay man tayo o mamatay, tayo nga ay kay Jehova!
2 Datapuwat, ano nga ba ang integridad o katapatan? Ano ang mga kahilingan nito sa atin? At ang atin bang pag-iingat ng katapatan ay talagang mahalaga sa Diyos?
Ang Katapatan at ang mga Kahilingan Nito
3. Ayon sa Bibliya, ano ang kahulugan ng pag-iingat ng katapatan?
3 Sa Salita ng Diyos, ang integridad o katapatan ay tumutukoy sa mahusay at sakdal na asal, ang pagiging walang kapintasan at kasiraan. Ito’y nangangahulugan ng di-lumilihis na debosyon sa katuwiran. Sa katunayan, ang katapatan ay humihingi ng di-nasisirang debosyon sa isang persona—sa Diyos na Jehova. Oo, ang pag-iingat ng katapatan ay nangangahulugan ng patuloy na pagsasagawa ng kalooban ni Jehova bilang soberano.
4. Sino ang unang sumira ng kaniyang katapatan, at sa ano hinikayat niya ang unang-unang mag-asawa?
4 Ang unang sumira ng katapatan ay ang espiritung nilalang na humikayat sa unang mag-asawa upang maghimagsik laban sa kanilang Maylikha. Si Adan at si Eva ay nagkaroon sana ng pagkakataon na ipakilala ang kanilang katapatan kay Jehova sa pamamagitan ng paggalang sa utos ng Diyos tungkol sa punungkahoy ng kaalaman. Subalit nang hikayatin sila ng kaaway upang padala sa kaimbutan, sila ay sumuway. Ang kanilang mga puso ay hindi napatunayang walang kapintasan sa mga tagubilin ni Jehova, at hindi sila nanatili sa katapatan sa kaniya.—Awit 119:1, 80.
5. Ang paghihimagsik ni Satanas ay nagbangon ng anong isyu, at paano ito pinatutunayan ng mga karanasan ng matuwid na si Job?
5 Ang paghihimagsik ni Satanas ay nagbangon ng isyu ng pagkamatuwid ng kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng Kaniyang mga nilalang, sa karapatan ni Jehova na hilingan sila ng lubos na pagsunod. Sa gayon ay naging isang mahalagang bahagi ng isyu ng pansansinukob na soberanya ang tungkol sa katapatan ng tao sa kalooban ng Diyos bilang soberano. Ang patotoo nito ay makikita sa kaso ng lingkod ni Jehova na si Job, isang taong walang kapintasan, matuwid, at may takot sa Diyos. (Job 1:1) Si Job ay hindi lumihis sa matuwid na daan ng Diyos. Hindi siya napadala sa seksuwal na imoralidad. Kailanman ay hindi siya naging mapang-api o walang pagmamalasakit sa babaing balo, sa mga ulila, o sa mga dukha. Imbis na ang materyal na kayamanan ang kaniyang pagtiwalaan, si Job ay lubusang nagtiwala sa Kataas-taasan. (Job 31:7-40) Gayunman ay ipinangalandakan ng Diyablo na si Job ay naglilingkod sa Diyos ng dahil sa pag-iimbot. Bagama’t pinayagan ni Jehova si Satanas na hubaran si Job ng kaniyang mga pag-aari at pati kaniyang mga anak ay nangamatay, ang pusakal na magdaraya ay nabigo na sirain ang katapatan ng matuwid na taong iyan. Kahit na ang mahirap tiising sakit at mga paninira ng nagkunwaring mga mang-aaliw ay hindi nagtagumpay, sapagkat napatunayan na si Job ay isang tapat.—Job 1:6–2:13; 27:5, 6; 31:6; 42:8, 9.
6. Ano ang kahilingan sa mga taong para “kay Jehova”?
6 Samakatuwid ang mga tao ay may walang-katulad na pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa pagbabangong-puri ng banal na pangalan ng Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng pananatiling tapat, na nagpapakita na sila ay may katapatang sumusuporta sa pansansinukob na soberanya ni Jehova. Ano, kung gayon, ang kahilingan sa mga tao para “kay Jehova”? Tayo’y kailangang maglingkod sa Diyos na taglay ang sakdal na debosyon, kailanma’y hindi kinalilimutan na si Jehova ay “isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.”—Exodo 20:5.
Mapagagalak Natin ang Puso ni Jehova
7, 8. (a) Yamang tayo ay mga di-sakdal, paano tayo makapananatili sa ating katapatan sa Diyos? (b) Kung tayo’y mga nag-iingat ng katapatan, paano kakapit sa atin ang Kawikaan 27:11?
7 Yamang lahat tayo ay di-sakdal, tayo’y hindi makaabot nang may kasakdalan sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Kung gayon, ang ating pagiging tapat ay hindi nangangahulugan ng sakdal na pagkilos o pagsasalita. Bagkus, iyon ay nangangahulugan ng pagiging buong-puso, o ng kaganapan ng debosyon ng puso. Kaya naman, bagaman si David ay gumawa ng malubhang mga pagkakasala, siya’y ‘lumakad na taglay ang katapatan ng puso.’ (1 Hari 9:4) Siya’y tumanggap ng saway, kaniyang itinuwid ang kaniyang lakad at sa gayo’y napatunayang ang kaniyang puso’y lipos ng tunay na pag-ibig kay Jehova. (Awit 26:1-12) Tayo man, naman, ay maaaring magpakita ng gayong pag-ibig, na kumikilos ‘ayon sa katapatan ng puso.’—Awit 78:72.
8 Ang pag-iingat ng katapatan ay posible sapagkat tayo’y may matinding pananampalataya sa Diyos na Jehova at lubos na pagtitiwala sa kaniya at sa kaniyang kapangyarihan na iligtas tayo. (Awit 25:21; 41:12) Hindi nga madali na manatili sa ating katapatan, sapagkat si Satanas na Diyablo—ang pinakamahigpit na kaaway ni Jehova, at natin—ang bumubulag sa isip ng mga di-sumasampalataya at kaniyang “dinadaya ang buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 4:4) Subalit, tulad ni Job, tayo’y makapananatiling tapat. Bagaman tayo’y hindi sakdal, atin namang mapagagalak ang puso ng ating maibiging Diyos. Gaya ng pagkasabi ng Kawikaan 27:11: “Magpakadunong ka, anak ko, at pagalakin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” Nakatutuwa naman, bilang tapat na mga lingkod ni Jehova, mabibigyan natin siya ng isang mabisang kasagutan sa kaniyang nangungutyang Kaaway. Samakatuwid ay talagang mahalaga ang ating pag-iingat ng katapatan. Bilang mga nananatili sa katapatan, mapagagalak natin ang puso ni Jehova. At anong laking kagalakan ang dala nito sa atin!
Isang Mahabang Hanay ng mga Nag-iingat ng Katapatan
9. Sino ang ilan sa makapal na “ulap” ng mga tapat na saksi ni Jehova, at anong mga pagsubok sa katapatan ang pinagtiisan nila?
9 Sa katunayan, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay bahagi ng isang mahabang hanay ng mga nag-iingat ng katapatan. Unang-unang nagsimula ito sa tapat na si Abel at kasali ang mga lalaki at mga babae na gaya nina Abel, Enoc, Noe, Abraham, Sara, Isaac, Jacob, Jose, Moises, Rahab, Gideon, Barac, Samson, Jepte, David, at Samuel. Ang mga tapat na sina Sadrach, Mesach, at Abednego, na tumangging sumamba sa imahen na itinayo ng hari ng Babilonya na si Nabukodonosor at sa gayo’y inihagis sila sa isang hurnong pagkainit-init, ay maliwanag na siyang tinutukoy bilang yaong mga “nagsipatay sa bisa ng apoy.” Ang mga ibang saksi ni Jehova bago ng panahon ng mga Kristiyano ay ‘nilibak, binugbog, ibinilanggo, binato, tinukso, nilagare, pinatay sa tabak; sila’y nagparo’t-parito na nakadamit tupa, nakadamit kambing, samantalang dumaranas ng kapighatian at kalupitan.’ Tunay na nakikiisa tayo kay Pablo, na nagsabi: “Ang sanlibutan ay hindi karapat-dapat sa kanila.” Anong laking kaligayahan na tayo’y mapalibutan ng ganiyang makapal na “ulap” ng mga saksing tapat!—Hebreo 11:1–12:1; tingnan din ang Daniel, kabanata 3.
10. Paano pinagalak ni apostol Pablo ang puso ni Jehova?
10 Taglay ang bigay-Diyos na tibay ng loob at lakas, si apostol Pablo ay nagtiis ng pagkabilanggo, panggugulpe, pagkalubog ng sasakyang pandagat, maraming mga panganib, ng mga gabing pagpupuyat, ng gutom, uhaw, kaginawan, kahubaran, at ng “malimit na halos kamatayan na.” (2 Corinto 11:23-27) Siya’y dumanas ng gayong mga kahirapan alang-alang sa ministeryo, at sa lahat na ito ay pinagalak niya ang puso ni Jehova bilang isang matapang na tagapag-ingat ng katapatan. Magagawa rin natin iyan.
11. Kung tungkol sa katapatan, anong halimbawa ang ipinakita ni Jesu-Kristo?
11 Nangunguna sa mga tapat ay “ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya,” si Jesu-Kristo. Nang siya’y tuksuhin sa ilang ng Diyablo, si Jesus ay kumapit nang mahigpit sa kaniyang katapatan, at sa wakas ay nasabi niya: “Lumayo ka, Satanas, sapagkat nasusulat, ‘Si Jehovang iyong Diyos ang sasambahin mo, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.’” Yamang ang Diyablo’y walang magawa sa harap ng ganiyang bigay-Diyos na determinasyon, kaniyang iniwan si Jesus. Hindi iyon ang huling pagsalakay ni Satanas kay Jesus, subalit ang Diyablo ay walang nagawa upang sirain ang katapatan ng Anak ng Diyos. ‘Sapagkat ang kagalakan na inilagay sa harapan niya ang nagbigay ng lakas kay Jesus upang pagtiisan ang pahirapang tulos,’ at hindi niya kailanman sinira ang kaniyang katapatan. Harinawang laging tularan natin ang kaniyang ulirang halimbawa at pagalakin ang puso ni Jehova bilang mga tagapag-ingat ng katapatan.—Hebreo 12:2, 3; Mateo 4:1-11.
12, 13. Anong mga pagsubok sa katapatan ang napagtagumpayan ng mga sinaunang Kristiyano?
12 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo’y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.” (Mateo 10:22) Anong pagkatotoo nga iyan sa tuwina para sa mga tunay na Kristiyano! Sa kaniyang aklat na Christianity and the Roman Government sumulat si E. G. Hardy: “Lumilitaw sa wakas, kapuwa buhat sa liham ni Pliny at sa isinulat ni Trajan, na ang mga Kristiyano ay naaaring parusahan dahil sa nomen [pangalan] lamang, o sa kahit na lamang pag-aangkin ng pagka-Kristiyano, bukod sa katiyakan o patotoo ng paggawa ng mga krimen.”
13 Anong laking tagumpay ang nakamit ng mga sinaunang Kristiyanong iyon sa mga pagsubok ng kanilang katapatan dahil sa taglay nilang kalakasan na bigay-Diyos! Halimbawa, tungkol sa kanila ay binanggit: “Kung minsan sila ay pinahihirapan at inihahagis sa gutóm na mababangis na hayop sa arena upang magsilbing libangan sa mga tao.” Sa kabila ng mga kahirapan, gayumpaman, binanggit na “ang pag-uusig ay nagsilbi lamang pampalakas sa kanilang pananampalataya at dito’y nakumberte nila ang marami.” (From the Old World to the New, ni Eugene A. Colligan at Maxwell F. Littwin, 1932, pp. 90-1) Ganiyan din naman kung tungkol sa tapat na mga saksi ni Jehova sa ika-20 siglong ito. Walang-wala ang mga ahente ng Diyablo kung ihahambing sa kanila.
14, 15. Sino ang “dalawang saksi,” at ano ang kanilang naranasan noong 1918 at 1919?
14 Isaalang-alang ang noong 1918 at 1919 ay naranasan ng pinahirang mga lingkod ni Jehova, ang makasagisag na “dalawang saksi,” nang ang kanilang mga kaaway ay ‘nagpanukalang manggulo sa pamamagitan ng batas.’ (Apocalipsis 11:3, 7-10; Awit 94:20) Si J. F. Rutherford (presidente noon ng Watch Tower Society) at pito pang mga kasama niya ang ibinilanggo ng walang katarungan. Nang panahong iyon, ang “dalawang saksi” ay napatay kung tungkol sa kanilang ginagawang panghuhula, at nangagalak ang kanilang mga kaaway. Sa kaniyang aklat na Preachers Present Arms, ganito ang puna ni Ray H. Abrams: “Ang pagsusuri sa buong kaso [nina Rutherford at ng kaniyang mga kasama] ay humahantong sa konklusyon na ang mga simbahan at klero ang unang-unang nasa likod ng kilusan na lipulin [ang Bible Students]. . . . Nang ang balita ng dalawampung-taóng sentensiya ay makarating sa mga editor ng mga pahayagang relihiyoso, halos lahat ng mga publikasyong ito, malalaki man at maliliit, ay nangagalak dahil sa pangyayaring iyan. Wala akong natuklasang anumang mga salita ng pakikiramay buhat sa alinman sa mga karaniwang lathalaing relihiyoso.”
15 Gayunman, nang sumapit ang panahon, ang walong ibinilanggong mga Bible Students ay pinalaya at lubusang pinawalang-sala, sa malaking kabiguan ni Satanas at ng kaniyang mga alipores. Pagkatapos na buhayin ng espiritu ng Diyos, ang “dalawang saksi,” ang munting hukbong iyan ng mga pinahiran, ay minsan pang nagsitayo sa kanilang mga paa bilang mga tagapagbalita ng Kaharian. (Apocalipsis 11:11) At ang mga kaaway ni Jehova ay nagsasagawa ng isang talunang pakikipagbaka laban sa gayong mga nag-iingat ng katapatan sa mula’t-sapol.
16. Paanong ipinahayag ng isang tapat na binata ang kaniyang sarili?
16 Bilang halimbawa: Isaalang-alang ang magigiting na salitang isinulat ng isang binata sa kaniyang pamilya samantalang siya’y naghihintay ng kamatayan sa kamay ng mga mang-uusig na Nazi. Siya’y sumulat: “Ngayon ay lampas na sa hatinggabi. Mayroon pa rin akong panahon upang baguhin ang aking pag-iisip. Ah! ako kaya ay muling lumigaya sa daigdig na ito pagkatapos na maitakwil ko ang ating Panginoon? Tiyak na hindi! Subalit ngayon natitiyak ninyo na lilisanin ko ang daigdig na ito na taglay ang kaligayahan at kapayapaan.” Kung pakikinggan ba’y isa siyang mahina, duwag, nanlulumong sumira ng kaniyang katapatan? Tunay na hindi!
17. Ang pag-aresto sa mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet ay nagkaroon ng anong epekto sa kanilang pangangaral ng Kaharian?
17 Ang pagtatangkang sirain ang katapatan ng mga lingkod ni Jehova ay nagpatuloy. Halimbawa, sa kaniyang aklat na Religion in the Soviet Union, ang peryodistang si Walter Kolarz ay bumanggit ng tungkol sa lansakang mga pag-aresto sa mga Saksi ni Jehova noong may pasimula ng 1951 at ang sabi: “Sang-ayon sa mga Saksi mismo tinataya na 7,000 mga tao lahat-lahat ang idiniporta sa Urals, Siberia, sa Far North (Vorkuta) at Kazakhstan.” Isinusog pa niya: “Hindi ito ang wakas ng mga ‘Saksi’ sa Rusya, kundi pasimula lamang ng isang bagong kabanata sa kanilang mga gawaing pagkumberte. Sinisikap pa man din nila na palaganapin ang kanilang relihiyon pagka sila’y huminto sa mga istasyon patungo sa pagdidiportahan sa kanila. Sa pagdidiporta sa kanila ay ginagawan sila ng Gobyernong Sobyet ng pinakamagaling na magagawa para sa pagpapalaganap ng kanilang relihiyon. Buhat sa kanilang kinaroroonang iláng na mga nayon ang mga ‘Saksi’ ay inilalabas at dinadala sa isang lalong malawak na daigdig, kahit na lamang ito ang kakila-kilabot na daigdigan ng mga kampong piitan at yaong para sa trabahong-alipin.” Doon ay nakasumpong ang mga lingkod ni Jehova ng marami na may kagalakang tumanggap sa nagpapaligayang pabalita ng Kaharian.—Ihambing ang Gawa 11:19-21.
Gaya ng Isang Nagtagumpay na Hukbo
18, 19. Paano posible na magtagumpay bilang mga tagapag-ingat ng katapatan?
18 Ang pag-uusig sa bayan ng Diyos ay nagpapatuloy hanggang sa araw na ito. Kaya’t paano ngang posible para sa mga Saksi ni Jehova na magtagumpay bilang mga tagapag-ingat ng katapatan? Magagawa natin iyan dahil sa sumusunod tayo sa Salita ng Diyos, at ang ating ‘mga pang-unawa ay nasanay na kumilala ng kapuwa tama at mali.’ Bilang tapat na mga saksi ni Jehova, tayo ay ‘hindi hinubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay kundi nag-iba tayo sa pamamagitan ng pagbabago ng ating mga pag-iisip.’ May kagalakang ginagawa natin ang nakalulugod kay Jehova, at kaniyang pinagtatagumpay tayo sa ating mga kaaway, mga demonyo at mga tao.—Hebreo 5:12-14; Roma 12:1, 2.
19 Tayo na para “kay Jehova” ay maihahalintulad sa isang nagtagumpay na hukbo. Mangyari pa, espirituwal na pakikipagbaka ang ating isinasagawa, at tayo’y “patuloy na kumukuha ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.” Suot natin ang hustong kagayakan ng espirituwal na baluti buhat sa Diyos, at ang kaniyang banal na espiritu ang umaalalay sa atin. Iyan ang dahilan kung bakit tayo ay “nakatatayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:10-20;2 Corinto 10:3, 4) Oo, at iyan ang dahilan kung bakit tayo ay patuloy na magtatagumpay bilang mga nag-iingat ng katapatan.
20. Anong tulong at katiyakan mayroon tayo samantalang tayo’y gumagawa upang mapanatili ang ating katapatan?
20 Tunay na tayo’y isang pambihirang hukbong panglaban. Aba, may kasama pa tayong “mga babaing bumubuo ng isang malaking hukbo na nangangaral ng mabuting balita”! (Awit 68:11) Bagama’t tayo’y nakaharap sa malalakas na kaaway, ‘mas marami tayo kaysa kanila.’ (2 Hari 6:16) Ang mga anghel ay kasama natin samantalang ipinangangaral natin ang mabuting balita sa mga tao sa lupa. (Apocalipsis 14:6) At bilang mga tagapag-ingat ng katapatan, tayo’y nagtitiwala na ‘walang armas na inanyuan laban sa atin ang magtatagumpay.’—Isaias 54:17.
21. Sa kabila ng pag-uusig na ating dinaranas, ano ang nagpapatuloy?
21 Tiyak iyan, handang-handa na ang larangan sa pagbabaka. Ang mga alipores ni Satanas ay disidido na pahintuin ang ating gawaing pagpapatotoo. Kung gayon, tayo’y walang dapat gawin kundi “patuloy na makipagbaka ng mainam na pakikipagbaka.” (1 Timoteo 1:18) Ngayon na ang niluwalhating si Jesu-Kristo ang ating Komander at Lider, hayaang bawat isa sa atin ay magsilbing “isang mahusay na kawal ni Kristo Jesus.” (2 Timoteo 2:3, 4) Bagama’t tayo ay sinasalakay sa lahat ng panig, tayo ay kailangang manindigan nang matatag—at maninindigan tayong matatag, sa tulong ng di-sana nararapat na awa ng Diyos—bilang mga tagapag-ingat ng katapatan. Nagniningning ang ating mga mukha samantalang nasasaksihan natin ang patuloy na pagdami natin. Parami nang parami ng ‘kanais-nais ng mga bagay ng mga bansa’ ang napapasama sa atin at kanilang pinupuno ng kaluwalhatian ang bahay ni Jehova. (Hagai 2:7) Sa kabila ng pag-uusig, pagbibilanggo, panggugulpe, pagbabawal ng ating gawain sa maraming bansa, at matinding pagsisikap na pahintuin ang ating pangangaral, ang dakilang gawain ng paggawa ng mga alagad ay nagpapatuloy at lalong bumibilis.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
22. Bilang mga taong para kay Jehova, ano ang dapat nating gawin?
22 Habang ang ating pagpuri kay Jehova ay patuloy na lumalakas, ito ay isang panahon ng pagpapasiya para sa lahat ng tao sa lupa. Anong laki ng ating pribilehiyo sa pagpapalaganap ng mabuting balita at pagtuturo sa mga tumatanggap sa tunay na pagsamba! Kung gayon, habang patuloy na dumarami ang nasa “malaking pulutong,” harinawang magpatuloy tayo bilang magigiting na lingkod ng Kataas-taasang Diyos. (Apocalipsis 7:9) ‘Sa mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay kay Jehova.’ Kaya magpatuloy ng pagsulong tungo sa tunguhing buhay, na laging napasasalamat dahil sa ating dakilang pribilehiyo na pagalakin ang puso ni Jehova sa pamamagitan ng pananatiling tapat!
Masasagot Mo Ba?
◻ Ano ba ang integridad o katapatan?
◻ Ano ang mga kahilingan sa mga lingkod ni Jehova ng katapatan?
◻ Paano maipakikita na mahalaga sa Diyos ang ating pananatiling tapat?
◻ Sa anu-anong paraan noong nakaraan ipinakita ng mga iba na sila’y mga tapat?
◻ Papaanong posible na ang mga Saksi ni Jehova ay manatiling tapat ngayon?
[Larawan sa pahina 13]
Ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay bahagi ng isang mahabang hanay ng kaniyang mga saksing tapat. Kabilang ka ba sa kanila?
Enoc
Sara
Jepte
Pablo
Modernong-Panahong mga Kristiyano