Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Wala Ako ng mga Bagay na Gusto Ko?
“May ilang bagay na talagang maganda, at gustung-gusto kong magkaroon nito; pero hindi kayang bilhin ng aking mga magulang.”—Mike.
MAYROON bang mga bagay na talagang gusto mo pero wala ka naman nito? Marahil ay gustung-gusto mong magkaroon ng bagong stereo, ng sapatos na kagaya ng isinusuot ng ibang bata, o basta ng isang bagong maong na may tatak. Ang ilan sa iyong mga kaedad ay mayroon—at buong-yabang na nagdidispley—ng gayong mga bagay. Kaya kung sabihin sa iyo na hindi kayang bilhin iyon ng mga magulang mo, baka malungkot ka.
Ngunit bagaman normal lamang na magnais ka ng ilang materyal na bagay, para sa maraming kabataan, ang paghahangad na magkaroon ng mga ito ay halos isang pagkahumaling na. Lumilitaw na kadalasa’y bunga ito ng propaganda ng media. Ang kaakit-akit na mga anunsiyo sa TV, magasin, at radyo ay naghahatid ng mensahe na maliban nang mayroon kang damit o mga produktong may ganito’t ganoong tatak, talagang wala kang kuwenta. Aba, ang mga tin-edyer ay gumagasta ng mahigit sa 100 bilyong dolyar sa isang taon sa Estados Unidos lamang!
Pagkatapos ay nariyan ang panggigipit mula sa mga kasama. “Sa walang-pakundangang simpleng daigdig ng mga nagbibinata’t nagdadalaga,” sabi ng isang artikulo sa magasing Marketing Tools, “kapag itinuring kang wala-sa-uso ng grupong nais mo, hindi ito nangangahulugan na nabigo ka lamang na maabot ang kanilang pamantayan, o kaya’y tinanggihan ka nila: iyon ay tanda ng pagiging isang Bigo.” Ang susi sa pagiging “nasa uso”? Sa maraming grupo, iyon ay ang pagkakaroon ng pinakamaganda at pinakabagong materyal na mga bagay. At kung hindi mo kayang bilhin ito? “Talagang napakahirap,” inamin ng isang Kristiyanong kabataan. “Pumapasok ka sa paaralan na ang mga damit ay walang tatak, at tinutukso ka ng lahat.” Inamin ng isa pang kabataan, “Kung minsa’y para akong iniiwasan ng aking mga kasama.”
Ganito ring mga panggigipit ang maaaring nararanasan ng mga kabataang nakatira sa papaunlad na mga bansa, kung saan ang mga tao ay nagtatrabaho ng mahahabang oras para lamang makabili ng mga pangunahing kailangan sa buhay. Kung totoo ito sa iyong pamilya, likas lamang na maghangad ka ng isang mas mabuting buhay. Palibhasa’y nakapapanood ng mga palabas sa TV at pelikula mula sa mas mayayamang lupain, baka magsimula kang maghangad ng mamahaling mga damit, tahanan, at kotse na itinatampok sa mga palabas at pelikulang iyon. Dahil sa waring imposibleng makamit ang gayong mga bagay, baka sumamâ ang loob mo o manlumo ka pa nga.
Ikaw man ay nakatira sa isang mahirap o mayamang bansa, makapipinsala lamang sa iyo ang magalit o masiphayo dahil sa wala ka ng ilang bagay. Maaari rin itong humantong sa palaging pakikipagtaltalan sa iyong mga magulang. Ang tanong ay, Paano mo makakayanan ito?
Isang Timbang na Pangmalas sa Materyal na mga Bagay
Una, tantuin na hindi nais ng Diyos na Jehova na maghikahos ang kaniyang bayan o hindi magkaroon ng mga bagay na talagang kailangan nila. Sa katunayan, inilagay ng Diyos sina Adan at Eva, hindi sa isang tambakan ng basura, kundi sa isang magandang halamanan na punô ng mga punungkahoy na kalugud-lugod sa mata. (Genesis 2:9) Nang maglaon, ang ilang lingkod ng Diyos, gaya nina Abraham, Job, at Solomon, ay nagtaglay ng maraming materyal na ari-arian. (Genesis 13:2; Job 1:3) Aba, gayon na lamang karaming ginto ang naging pag-aari ni Solomon anupat ang pilak ay itinuring na “walang halaga” noong siya’y naghahari!—1 Hari 10:21, 23.
Subalit sa pangkalahatan, karamihan sa bayan ng Diyos ay hindi naman mayayaman. Si Jesu-Kristo mismo ay isang mahirap; ni wala siyang “dakong mapaghigan ng kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Magkagayunman, wala kang mababasa na doo’y nagreklamo si Jesus dahil sa hindi siya makabili ng mga bagay na gusto niya. Sa halip, itinuro niya: “Huwag kayong mabalisa kailanman at sabihing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ . . . Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:31-33.
Hindi ito nangangahulugan na obligado ang Diyos na sapatan ang paghahangad ng isa sa mga kasuutang may tatak o elektronikong kagamitan. Inilalaan ng Diyos ang ating mga pangangailangan—hindi ang ating mga kagustuhan. Iyan ang dahilan kung kaya hinihimok tayo ng Bibliya na makontento na sa “pagkain at pananamit.” (1 Timoteo 6:8) Pero aminin natin, hindi madali ang manatiling kontento. “Laging may labanan sa pagitan ng iyong mga kagustuhan at mga kailangan,” inamin ng kabataang nagngangalang Mike. Bukod sa ating sariling mapag-imbot na hilig, kailangan nating paglabanan ang impluwensiya ng pusakal na kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) At isa sa kaniyang pinakamatandang panlinlang ay ang ipadama sa mga tao na nawawalan sila ng pagkakataon. Kaya naman nahikayat si Eva na isiping pinagkakaitan siya—bagaman nakatira siya sa isang ganap na paraiso!—Genesis 3:2-6.
Paano mo maiiwasang mahulog sa patibong ng pagiging di-kontento? Waring isang lumang kasabihan, pero maraming dahilan para bilangin ang iyong mga pagpapala. Huwag mong ubusin ang panahon mo sa pag-iisip tungkol sa mga bagay na wala sa iyo. Maging positibo ka, at ipaalaala sa iyong sarili kung ano ang talagang mayroon ka. (Ihambing ang Filipos 4:8.) Ganito ang sabi ni Mike: “Maraming bagay na talagang gusto ko, pero hindi ko gaanong iniisip ang mga iyon.”
Nakatutulong din na pagdudahan ang tusong mga anunsiyo na nagsasamantala sa iyong mga emosyon.a (Kawikaan 14:15) Bago isiping “mamamatay” ka kung wala ka ng bagong sapatos na iyon o ng compact disc player na iyon, mag-isip-isip ka muna. Tanungin ang iyong sarili: ‘Talaga bang kailangan ko ito? Praktikal ba ito? Sapat na ba kung ano ang mayroon ako?’ Lalo nang mag-ingat sa mga anunsiyo na nagtatampok ng katanyagan kapag mayroon ka nito. Seryoso ang mga salita ni apostol Juan na masusumpungan sa 1 Juan 2:16: “Ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.”
Kapag Talagang Kailangan Mo ang Isang Bagay
Paano kung may isang bagay na talaga namang kailangan mo? Bago kausapin ang iyong mga magulang tungkol dito, pag-aralan mo muna ito. Maging handa na ipaliwanag nang husto kung bakit kailangan mo ang bagay na iyon, kung paano mo binabalak na gamitin iyon, at bakit inaakala mong pakikinabangan mo iyon. Baka makagawa ng paraan ang iyong mga magulang para isingit ito sa badyet ng pamilya. Ngunit paano kung hindi nila kaya sa ngayon? Baka wala kang magagawa kundi ang magtiis. (Eclesiastes 7:8) Ito ay “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” at talagang hindi kaya ng maraming magulang ang lahat ng bagay na maaaring hilingin ng kanilang mga anak. (2 Timoteo 3:1) Kung iiwasan mong gumawa ng di-makatuwirang mga kahilingan sa iyong mga magulang, aktuwal na mapagagaan mo nang kaunti ang kanilang mahirap na tungkulin.
Gayunman, baka naman puwedeng ikaw na ang gumawa ng paraan. Halimbawa, mayroon ka bang tinatanggap na panggastos? Kung gayo’y pag-aralang ibadyet nang maingat ang iyong pera upang makapagtabi ka ng kaunti nito bawat buwan. Baka posible pa nga sa iyo na magbukas ng savings account sa isang malapit na bangko. (Ihambing ang Lucas 19:23.) Iyan ang ginawa ng isang batang babaing nagngangalang Abigail. Sabi niya: “Hinahati ko ang aking pera sa dalawa—ang isa ay para sa aking deposito sa bangko at ang isa naman ay panggastos.” Kung nasa hustong gulang ka na, maaari mong subuking tumanggap ng pana-panahon o pansamantalang trabaho.b Sa paano man, kapag nakikita ng mga magulang mo na talagang gusto mong bumili ng isang bagay at pursigido kang mag-ipon, baka mapakilos silang makihati sa iyo sa gastos, kung posible naman ito.
Maaari ring makatulong sa iyo ang paggawa ng ilang pagbabago sa paraan ng iyong pamimili. Halimbawa, kung napakataas ang presyo ng isang bilihin, baka puwede namang tawaran iyon. Kung hindi puwede, maghintay ka at tingnan mo kung ibabaratilyo iyon. Pumunta ka sa iba pang tindahan para makita kung may ganoon ding bagay sa mas murang halaga. Suriin mong mabuti ang kalidad ng mga bilihin; kung minsan ay mas mura at mahusay ang mga produktong generic.c
Matutong Makontento
Nagbabala ang Kawikaan 27:20: “Ang Sheol at ang dako ng kapahamakan ay hindi nasisiyahan kailanman; ni nasisiyahan man ang mga mata ng isang tao.” Oo, kung paanong walang-sawa ang libingan sa pagtanggap ng mga inililibing, gayundin ang ilang tao na ang gusto’y magkaroon ng higit at higit pa—gaano man karami ang taglay na nila. Iwasan ang ganiyang mapag-imbot na paraan ng pag-iisip. Sa dakong huli, kabiguan at kalungkutan lamang ang idudulot ng kasakiman. Ganito ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Jonathan: “Kung ang kaligayahan mo ay laging nakasalig sa pagkakaroon ng mga bagay-bagay, hindi ka kailanman magiging maligaya. Laging may bagong bagay na gusto mo. Kailangan mong matutong masiyahan sa kung ano ang mayroon ka.”
Kung kontento ka na, makakayanan mong harapin ang panggigipit ng mga kasamahan. Sabi ng kabataang si Vincent: “Hindi dahil sa nakikita ko ang isa na may bagong sapatos na may tatak ay nangangahulugan na kailangang bumili rin ako para sa akin.” Mangyari pa, paminsan-minsan, baka mag-alala ka pa rin kapag wala ka ng isang bagay na gusto mo. Pero huwag mong kalimutan kailanman na alam ni Jehova ang iyong mga pangangailangan. (Mateo 6:32) At hindi na magtatagal, kaniyang ‘bibigyang-kasiyahan ang pagnanasa ng lahat ng bagay na buhay.’—Awit 145:16.
[Mga talababa]
a Tingnan ang seryeng “Pag-aanunsiyo—Paano Ka Naaapektuhan Nito?,” na lumabas sa Agosto 22, 1998, isyu ng Gumising!
b Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kaya Ako Kikita ng Salapi?,” sa aming isyu ng Agosto 22, 1998.
c Para sa karagdagang kapaki-pakinabang na mungkahi, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapabubuti ang Aking mga Damit?,” sa aming isyu ng Enero 22, 1995.
[Blurb sa pahina 13]
‘Pumapasok ka sa paaralan na ang mga damit ay walang tatak, at tinutukso ka ng lahat’
[Larawan sa pahina 14]
Maaari kang lumigaya kahit wala ka ng lahat ng gusto mo