KABANATA 11
“Mga Pastol na Kaayon ng Aking Puso”
1, 2. (a) Ano ang puwedeng mangyari kapag hindi naprotektahan ang isang kawan ng mga tupa? (b) Ano ang trabaho ng isang pastol noong panahon ng Bibliya?
ANG batang si Hiroyasu sa Japan ay ibinili ng nanay niya ng isang pares ng tupa. Inalagaan niya ito. Bawat taon, nanganganak ang inahin ng dalawang tupa. Noong 12 anyos na siya, mayroon na siyang mga 12 o 13 tupa. “Isang umaga habang nakahiga pa ako,” ang sabi ni Hiroyasu, “narinig ko silang umiiyak. Pero hindi ako agad lumabas. Nang puntahan ko sila, nagtatakbuhan na ang mga aso. Nilapa ng mga aso ang mga tupa. Nataranta ako. Hinanap ko ang inahin, at nakita ko itong duguan at naghihingalo na. Ang barako lang ang nakaligtas. Sising-sisi ako. Dapat pinuntahan ko sila agad nang marinig ko silang umiiyak. Wala silang kalaban-laban sa mga aso.”
2 Noong panahon ng Bibliya, halos lahat ay pamilyar sa gawain ng isang pastol. Trabaho niyang pastulan ang kawan at tiyaking nakakakain silang mabuti. Pinoprotektahan niya rin sila mula sa mababangis na hayop, at kapag may nawala, hinahanap niya ito. (1 Sam. 17:34-36) Nakabantay siya habang nagpapahinga ang kawan. Pinapaanak niya ang mga tupa at inaalagaan ang mga ito. Maraming manunulat ng Bibliya, kabilang na si Jeremias, ang gumamit ng salitang “pastol” para ilarawan ang isa na may pananagutan sa pangangalaga sa mga tao, bilang pinuno o tagapangasiwa sa kongregasyon.
3. Ano ang tinutukoy ni Jeremias sa paggamit niya ng mga salitang “pastol” at “nagpapastol”?
3 Baka iniisip ng ilan sa kongregasyon na ang mga elder ay nagiging mga pastol lamang kapag dumadalaw ang mga elder para mag-shepherding. Pero batay sa pagkakagamit ni Jeremias sa mga salitang “pastol” at “nagpapastol,” makikita natin na ikinapit niya ito sa lahat ng gawain ng mga nangunguna sa Juda at nangangalaga sa bayan ng Diyos. Madalas kondenahin ni Jehova ang mga prinsipe, propeta, at mga saserdote sa Juda dahil mga pabaya silang pastol. (Jer. 2:8) Minaltrato, iniligaw, at pinabayaan nila ang kanilang mga “tupa,” at inuna ang sarili nilang kapakanan. Naging kalunus-lunos ang espirituwalidad ng bayan ng Diyos. Sinabi ni Jehova na mananagot ang mga bulaang pastol na iyon. At nangako siya sa kaniyang bayan na bibigyan niya sila ng mapagmalasakit na mga pastol na talagang magsasanggalang sa kawan.—Basahin ang Jeremias 3:15; 23:1-4.
4. Sino ang nangangalaga sa kawan ng Diyos ngayon? Ano ang saloobin nila?
4 Natupad ang pangako ng Diyos, pangunahin na kay Jesus bilang ang Punong Pastol, na siyang naging Ulo ng kongregasyong Kristiyano. Tinawag ni Jesus ang kaniyang sarili na “mabuting pastol.” Nagpakita siya ng tunay na habag sa mga tupa ni Jehova. (Juan 10:11-15) Para maalagaan ang kaniyang kawan sa lupa ngayon, gumagamit si Jehova ng mga katulong na pastol—mga elder mula sa uring tapat at maingat na alipin at mula sa “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9) Sinisikap ng mga pastol na ito na tularan ang mapagsakripisyong saloobin ni Jesus. Gusto nilang pakainin at alagaan ang kongregasyon, gaya ng ginawa ni Kristo. Kaabahan nga para sa sinumang nagpapabaya o namamanginoon sa kawan o may mabagsik o mapagmataas na saloobin sa kanila! (Mat. 20:25-27; 1 Ped. 5:2, 3) Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga Kristiyanong pastol ngayon? Ano ang matututuhan natin sa mga isinulat ni Jeremias hinggil sa dapat na maging saloobin at motibo ng mga elder? Tingnan natin ang papel nila bilang mga tagapangalaga ng kawan, mga guro sa loob at labas ng kongregasyon, at mga hukom.
PANGANGALAGA SA KAWAN
5-7. (a) Anong paraan ng pangangalaga sa kaniyang mga tupa ang inaasahan ni Jehova, at bakit? (b) Paano makapagpapakita ng tunay na pag-ibig ang mga elder sa kanilang mga kapatid, pati na sa mga napawalay?
5 Tinukoy ni apostol Pedro si Jehova bilang “pastol at tagapangasiwa ng [ating] mga kaluluwa.” (1 Ped. 2:25) Ano ang saloobin ng Diyos sa kaniyang “mga tupa”? Makikita natin ang sagot kung babalik tayo sa panahon ni Jeremias. Matapos kondenahin ang pabayang mga pastol na nagpangalat sa kawan, sinabi ni Jehova na “titipunin” niya ang kaniyang mga tupa at ibabalik sa pastulan. Nangako siya na mag-aatas siya ng mabubuting pastol, “na talagang magpapastol sa kanila” at poprotekta sa kanila laban sa ganid na mga kaaway. (Jer. 23:3, 4) Oo, napakahalaga kay Jehova ng mga tupa niya noon. At ganiyan din ang tingin niya sa mga tupa niya ngayon. Napakamahal ng ibinayad niya para sa kanilang walang-hanggang kinabukasan.—1 Ped. 1:18, 19.
6 Gaya ng literal na mga pastol, ang mga Kristiyanong tagapangasiwa ay hindi dapat magpabaya sa kongregasyon. Kung isa kang elder, nagiging alisto ka ba sa anumang palatandaan na may problema ang iyong mga kapatid, at handa ka bang tumulong agad? Sumulat ang matalinong si Haring Solomon: “Dapat mo ngang alamin ang kaanyuan ng iyong kawan. Ituon mo ang iyong puso sa iyong mga kawan.” (Kaw. 27:23) Sa tekstong ito, itinatampok ang kasipagan ng isang literal na pastol; pero maikakapit din ito sa pangangalaga ng espirituwal na mga pastol. Kung isa kang elder, iniiwasan mo bang maging dominante? Nang banggitin ni Pedro ang tungkol sa mga “namamanginoon sa mga mana ng Diyos,” ipinapakita nito na talagang may posibilidad na magawa ito ng isang elder. Ano ang maitutulong mo para matupad ang inilalarawan sa Jeremias 33:12? (Basahin.) Ang mga nagsosolong magulang, balo, pamilya sa muling pag-aasawa, may-edad na, at kabataan ay maaaring nangangailangan ng lingap at pag-alalay.
7 Tulad ng ginagawa ng pastol sa literal na mga tupa, kailangan minsan ng isang pastol sa kongregasyon na hanapin at tulungan ang mga indibiduwal na sa ilang kadahilanan ay napawalay sa kawan. Kailangan ng elder na magsakripisyo at magpakumbaba. Matiisin siyang naglalaan ng panahon para maasikaso ang mga ipinagkatiwala sa kaniyang pangangasiwa. Makakabuti kung tapatang tatanungin ng mga elder ang kanilang sarili: ‘Sinisikap ko bang magpasigla at magpatibay sa halip na humatol o mamintas? Gusto ko ba talagang sumulong pa sa bagay na ito?’ Baka kailangang paulit-ulit na paalalahanan ang isang kapatid para makita niya ang pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay. Kapag ayaw tanggapin ng isang mamamahayag ang isang maka-Kasulatang payo (hindi lang basta sariling opinyon), isipin ang Pinakadakilang Pastol at Tagapangasiwa, si Jehova. Matiisin siya at ‘patuloy na nagsalita.’ Sinikap niyang tulungan ang kaniyang suwail na bayan. (Jer. 25:3-6) Hindi naman gumagawa ng masama ang marami sa bayan ng Diyos ngayon, pero kapag kailangang magpayo, dapat tularan ng isang elder si Jehova sa pagbibigay nito.
8. Paano matutularan ng espirituwal na mga pastol ang halimbawa ni Jeremias?
8 Hindi tumigil si Jeremias sa pananalangin dahil may nakikita siyang pag-asa na magbabalik-loob pa ang kaniyang mga kababayan. Sinabi niya sa Diyos: “Alalahanin mo ang aking pagtayo sa harap mo upang magsalita ng mabuti may kinalaman pa nga sa kanila, upang pawiin ang iyong pagngangalit mula sa kanila.” (Jer. 18:20) Makikita mo rito na mabubuting katangian pa rin ng kaniyang mga kapatid ang tinitingnan ni Jeremias, hindi ang kanilang pagkakamali. Sa ngayon, dapat tularan ng mga Kristiyanong tagapangasiwa ang saloobin ni Jeremias, maliban na lang kung talagang ayaw nang magsisi ng isa. Bigyan ng komendasyon ang mga kapatid sa mabubuting bagay na nagagawa nila at manalangin para sa kanila at manalanging kasama nila.—Mat. 25:21.
Sa pamamagitan ni Jeremias, ano ang ipinangako ng Diyos may kinalaman sa espirituwal na mga pastol? Paano mapapangalagaan ng mga Kristiyanong tagapangasiwa ang kongregasyon?
“TIYAK NA PAKAKAININ NILA KAYO”
9, 10. Bakit kailangang maging guro ang isang mabuting pastol (elder sa kongregasyon)?
9 Kaayon ng mababasa sa Jeremias 3:15, ang mga Kristiyanong pastol ay ‘magpapakain ng kaalaman at kaunawaan,’ ibig sabihin, magsisilbi silang mga guro. (1 Tim. 3:2; 5:17) Nangako si Jehova sa kaniyang bayan na gagawin iyan ng mabubuting pastol. At hinimok niya ang mga Judio na tanggapin ang pagtutuwid at pagtuturo ng propeta niyang si Jeremias. (Basahin ang Jeremias 6:8.) Para maging malusog ang mga tupa, kailangan nila ng pagkain. Para manatiling malusog sa espirituwal ang bayan ng Diyos, kailangan nila ng maka-Kasulatang turo at tagubilin.
10 May dalawang aspekto ang papel ng mga elder bilang mga guro—magturo sa kongregasyon at magturo sa mga hindi pa tunay na Kristiyano. Tungkol sa huling nabanggit, tandaan ito: Ang isang pangunahing dahilan kung bakit may Kristiyanong kongregasyon ay upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kaya ang mga elder ay dapat na maging masisigasig na mangangaral. (Jer. 1:7-10) Sa gayon, magagampanan nila ang pananagutan nila sa Diyos at magiging mabuting halimbawa sa mga kapatid. Kung isa kang elder at regular kang nangangaral kasama ng iba’t ibang kapatid, hindi ba’t isang pagkakataon iyon para matulungan mo silang mapahusay ang kanilang paraan ng pagtuturo, pati na ang sa iyo? Ang masipag mong pangunguna sa pangangaral ay magpapatibay sa mga kapatid at makakatulong para sumulong ang buong kongregasyon.
11, 12. Ano ang dapat bigyang-pansin ng isang elder kung gusto niyang maging mabuting pastol?
11 Magiging kapaki-pakinabang sa kongregasyon ang itinuturo ng mga elder kung ito ay nakasalig sa Bibliya. Kaya para maging epektibong mga guro ang mga pastol ng kongregasyon, dapat silang maging masisipag na estudyante ng Salita ng Diyos. Hindi ito nagawa ng mga tagapanguna sa bayan ng Diyos noon, kaya nasabi ni Jeremias tungkol sa kanila: “Ang mga pastol ay gumawi nang di-makatuwiran, at hindi nila hinanap si Jehova. Kaya naman hindi sila kumilos nang may kaunawaan, at ang lahat ng kanilang mga hayop na nanginginain ay nangalat.” (Jer. 10:21) Ang mga dapat sanang maging guro ay hindi sumunod sa mga simulain ng Kasulatan; hindi nila hinanap ang Diyos kaya wala silang tunay na karunungan. Mas mabigat na hatol ang inihayag ni Jeremias para sa mga bulaang propetang ito.—Basahin ang Jeremias 14:14, 15.
12 Di-tulad ng mga pabayang pastol, pinag-aaralan at tinutularan ng mga Kristiyanong tagapangasiwa ang halimbawa ni Jesus. Kaya makapagpapastol sila sa kawan nang may karunungan. Maaaring mahirap mag-iskedyul ng regular na pag-aaral dahil sa dami ng kanilang pananagutan. Pero kung isa kang elder, talaga bang kumbinsido ka na kung iaayon mo sa Salita ng Diyos at tagubilin ng tapat at maingat na alipin ang iyong pagtuturo, saka lamang ito magiging wasto at kapaki-pakinabang, anupat makapagbibigay ng kaalaman at kaunawaan? Kung sa tingin mo ay hindi ka na nakakapag-personal study gaya ng dati, ano ang gagawin mo para hindi ka matulad sa mga pabayang pastol noong panahon ni Jeremias?
13. Ano ang isang dahilan kung bakit epektibong guro si Jeremias? Ano ang matututuhan dito ng mga Kristiyanong pastol ngayon?
13 Ang isang dahilan kung bakit epektibong guro si Jeremias ay ang paggamit niya ng mga ilustrasyon. Sabihin pa, tinuruan siya ni Jehova. Hindi mo siguro basta malilimutan kung nakita mo ang paghahagis niya ng palayok sa lupa para ipakita at ihayag ang sasapitin ng Jerusalem at ng mamamayan nito. (Jer. 19:1, 10, 11) Gumawa rin si Jeremias ng kahoy na pamatok at pinasan ito para ipakita sa mga kababayan niya na aalipinin sila ng Babilonya. (Jer., kab. 27-28) Hindi ipinapagawa ng Diyos sa mga elder ninyo ang gaya ng mga ginawang iyon ni Jeremias para magdiin ng mga punto. Pero hindi ka ba nagpapasalamat na gumagamit sila ng angkop na mga ilustrasyon at karanasan kapag sila ay nagtuturo? Talaga namang mabisa at nakapagpapasigla ang mga ilustrasyon na angkop at pinag-isipang mabuti.
14. (a) Bakit angkop ang pagtukoy ni Jeremias sa “balsamo sa Gilead”? (b) Paano mapangangalagaan ng mga Kristiyanong elder ang espirituwal na kalusugan ng kanilang mga kapatid?
14 Laking pasasalamat natin sa pagtuturo ng mga Kristiyanong pastol! Noong panahon ni Jeremias, nakita niya na kailangan ng kaniyang bayan ng espirituwal na pagpapagaling. Nagtanong siya: “Wala bang balsamo sa Gilead? O wala bang tagapagpagaling doon?” (Jer. 8:22) May literal na balsamo sa Gilead, isang lupain sa Israel sa silangan ng Ilog Jordan. Nakapagpapaginhawa at nakapagpapagaling ng sugat ang mabangong langis na ito mula sa halaman. Gayunman, walang espirituwal na pagpapagaling. Bakit? Sinabi ni Jeremias: “Ang mga propeta ay nanghuhula nang may kabulaanan; at kung tungkol sa mga saserdote, sila ay nanunupil ayon sa kanilang mga kapangyarihan. At gayon ang inibig ng aking sariling bayan.” (Jer. 5:31) Kumusta naman ngayon? Hindi ba’t talagang may “balsamo sa Gilead,” sa inyo mismong kongregasyon? Gaya ng nakagiginhawang balsamo, pinagiginhawa ng maibiging mga Kristiyanong pastol ang kawan. Inaakay nila ang mga kapatid sa mga simulain ng Bibliya, pinapatibay sila, at ipinapanalangin sila at nananalangin kasama nila.—Sant. 5:14, 15.
Ano ang pinahahalagahan mo sa pagtuturo ng mga elder sa inyong kongregasyon? Bakit epektibo ang kanilang pagtuturo?
“ITO ANG SINABI NI JEHOVA”
15, 16. Bakit parehong nangangailangan ng pangangalaga ang literal at espirituwal na kawan?
15 Tuwang-tuwa ang isang pastol kapag malusog ang bagong-silang na mga tupa. Sulit ang hirap at pagod niya! Pero alam niyang kailangang alagaan at pakaining mabuti ang mga ito para mabuhay. Gusto rin ng pastol na laging malinis at malusog ang mga alaga niya. At dahil mahahaba ang buntot ng mga bagong-silang na tupa, maaari itong sumayad sa dumi at putik kaya pinuputulan niya ang buntot ng mga ito. Maingat siya para hindi sila masyadong masaktan. Ganiyan din ang mga espirituwal na pastol. Maibigin nilang inaalagaan ang mga tupa, ang mga miyembro ng kongregasyon. (Juan 21:16, 17) Masayang-masaya din ang mga elder kapag kumikilos ang mga interesado para maging tunay na Kristiyano. Gusto nila na maging malusog at napapakaing mabuti ang lahat ng tupa, bata’t matanda, kaya hindi sila tumitigil sa pagbibigay ng atensiyon sa kawan, at namamagitan sila kapag kailangan. Kasama sa gawaing ito ang pagpapaalala sa kanilang mga kapatid kung ano “ang sinabi ni Jehova,” samakatuwid, ang itinuturo ng Bibliya.—Jer. 2:2, 5; 7:5-7; 10:2; Tito 1:9.
16 Kailangan ni Jeremias na maging matapang para maihayag ang mensahe ng Diyos. Gayundin ang mga elder, lalo na kapag kailangan nilang magsalita para maingatan ang kanilang mga kapatid. Halimbawa, maaaring gumawa ng hakbang ang isang espirituwal na pastol para hindi madumhan ng sanlibutan ni Satanas ang isang ‘bagong-silang na tupa’ o kahit ang adultong “tupa.” Oo, baka hindi naman humihingi ng payo ang tupa na nasa panganib. Pero maaatim ba ng isang mabuting pastol na manood na lang habang sumusuong sa kapahamakan ang isang miyembro ng kaniyang kawan? Hinding-hindi! Ni mamaliitin man niya ang sitwasyon at iisiping wala namang problema, gayong kitang-kita nang nanganganib ang kaugnayan kay Jehova ng isang kapatid.—Jer. 8:11.
17. Kailan at paano maaaring magbigay ng pantanging atensiyon ang isang pastol sa indibiduwal na tupa?
17 Kung may tupang mapahiwalay, kikilos agad ang isang alistong pastol para akayin ito pabalik sa kawan. (Basahin ang Jeremias 50:6, 7.) Sa katulad na paraan, kailangan minsan ng isang tagapangasiwa na makipagkatuwiranan sa isa na nasa alanganing sitwasyon, sa matatag pero maibiging paraan. Halimbawa, baka isang magkasintahang malapit nang ikasal ang napapansin niyang walang tsaperon sa mga lugar kung saan puwede silang matuksong gumawa ng hindi dapat. Ang isang mabait at maunawaing elder ay makakatulong sa kanila na umiwas sa gayong delikadong sitwasyon. Maaari niyang itawag-pansin sa kanila ang mga sitwasyong posibleng mauwi sa gawaing kinapopootan ni Jehova. Gayunman, iiwasan niyang mag-akusa. Gaya ni Jeremias, hindi kinukunsinti ng tapat na mga elder ang mga bagay na hinahatulan ng Diyos. Tinutularan nila si Jehova, na hindi naging mabagsik kundi nakiusap sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng kaniyang propeta: “Pakisuyo, huwag ninyong gawin ang ganitong uri ng karima-rimarim na bagay na kinapopootan ko.” (Jer. 5:7; 25:4, 5; 35:15; 44:4) Talaga bang pinahahalagahan mo ang malasakit ng maibiging mga pastol?
18. Ano ang nagiging resulta ng pagsisikap ng mga espirituwal na pastol?
18 Sabihin pa, hindi lahat ng pinayuhan ni Jeremias ay nakinig. Pero may nakinig. Halimbawa, nang si Baruc, ang kasama at sekretaryo ni Jeremias, ay kinailangang ituwid, hindi nag-atubili si Jeremias na payuhan siya. (Jer. 45:5) Ano ang resulta? Naging kalugud-lugod si Baruc sa Diyos at nakaligtas sa pagkawasak ng Jerusalem. Sa ngayon, ang positibong resulta ng pagtulong sa mga kapatid ay nagpapasigla sa mga elder na patuloy na “magsikap” sa ‘pagpapayo at pagtuturo’ na nakapagliligtas-buhay.—1 Tim. 4:13, 16.
DISIPLINA SA “WASTONG ANTAS”
19, 20. Ano ang pananagutan ng mga elder may kinalaman sa mga gumagawa ng kamalian?
19 Ang mga tagapangasiwa ngayon ay espirituwal na mga hukom din. Minsan, kailangang asikasuhin ng mga elder ang mga kusang nagkasala; nais nilang akayin sa pagsisisi ang mga ito. May-kabaitan ngunit tuwirang hinimok ni Jehova ang mga gumagawa ng kasamaan na talikuran ang masamang landas. (Jer. 4:14) Pero kung hindi titigil ang isang miyembro ng kongregasyon sa ginagawa niyang kasalanan, dapat umaksiyon ang mga tagapangasiwa para maprotektahan ang kawan sa posibleng masamang impluwensiya. Gaya ng tagubilin ng Kasulatan, baka kailangang itiwalag ang isang iyon. Inaasahan ni Jehova na itataguyod ng mga elder ang banal na katarungan sa gayong mga sitwasyon. Magandang halimbawa rito ang mabuting haring si Josias. “Ipinagtanggol niya ang pag-aangkin sa batas ng napipighati at ng dukha.” Tinularan niya ang pagiging makatarungan ng Diyos. Kaya may kinalaman sa ginawa ni Josias, itinanong ni Jehova: “Hindi ba iyon isang halimbawa ng pagkilala sa akin?” Dahil naging makatarungan at makatuwiran si Josias, “napabuti siya.” Hindi ba’t mas panatag ka kapag sinisikap ng inyong mga elder na tularan ang halimbawa ni Josias?—Jer. 22:11, 15, 16.
20 Magtiwala ka na dinidisiplina ni Jehova “sa wastong antas” ang mga nagkakasala. (Jer. 46:28) Sa katulad na paraan, depende sa kalagayan at saloobing ipinapakita ng isang nagkasala, maaari siyang payuhan, himukin, o sawayin ng mga elder. At kung hindi nagsisisi ang isa, baka kailangan siyang itiwalag. Sa gayong kaso, ang mga itiniwalag na tuloy pa rin sa paggawa ng kasalanan ay hindi isinasama ng mga elder sa pangmadlang panalangin; walang saysay na gawin pa iyon.a (Jer. 7:9, 16) Gayunman, tutularan nila ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi sa itiniwalag kung paano siya makapanunumbalik. (Basahin ang Jeremias 33:6-8.) Bagaman masakit ang pagtitiwalag, makakatiyak tayo na makatuwiran at makatarungan ang mga pamantayan ng Diyos, at para iyon sa ikabubuti ng lahat.—Panag. 1:18.
21. Ano ang dapat na kondisyon ng kawan ng Diyos? Paano ka makakatulong sa bagay na ito?
21 Kapag pinag-aaralan at ikinakapit ng mga pastol sa kongregasyon ang mga pamantayan ng Diyos, ang kawan ay mapapakain, mananatiling malusog, at maipagsasanggalang. (Awit 23:1-6) Ang mga itinawag-pansin ni Jeremias tungkol sa mga saloobin at motibo, mga angkop at di-angkop, ay makakatulong sa mga Kristiyanong tagapangasiwa sa pagganap nila sa kanilang seryosong pananagutang pangalagaan ang kawan ng Diyos. Kaya maaaring itanong ng bawat isa sa atin, ‘Patuloy ko bang pahahalagahan ang kaayusan ni Jehova sa pagtuturo, pag-akay, at pangangalaga sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga pastol na ‘talagang nagpapastol’ sa kawan nang may “kaalaman at kaunawaan”?’—Jer. 3:15; 23:4.
Sa anong mga kalagayan dapat kumilos nang may katapangan ang mga tagapangasiwa? Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga Kristiyanong elder bilang mga hukom?