Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 8/1 p. 31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
    Gumising!—1986
  • Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Ang Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Sila’y Maawaing Nagpapastol sa Maliliit na Tupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • “Mga Pastol na Kaayon ng Aking Puso”
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 8/1 p. 31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

◼ Anong saligang payo ang ibinibigay ng Kawikaan 27:23 sa espirituwal na mga pastol at gayundin sa mga Kristiyano sa pangkalahatan?

Ganito ang mababasa sa talata: “Nararapat na alamin mo nang tiyakan ang kalagayan ng iyong kawan. Isapuso mo ang kapakanan ng iyong bakahan.” (Kawikaan 27:23) Ang tekstong ito ay malimit na ginagamit upang himukin ang espirituwal na mga pastol na magpakita ng interes at maging pamilyar sa kalagayan at mga suliranin ng mga Kristiyano sa kongregasyon. Ang gayong paghimok ay angkop, yamang sa Bibliya ang matatanda ay inihahalintulad sa mga pastol at ang kongregasyon sa isang kawan ng mga tupa. (Gawa 20:28, 29; 1 Pedro 5:2-4) Gayunman, bagaman ang nasabing simulain ay kumakapit, ang talatang ito bilang saligan ay hindi tungkol sa espirituwal na mga pastol.

Ang aklat ng Mga Kawikaan ay maraming talata na tumatayong mag-isa bilang maiikli ngunit malalamang mga pangungusap na payo, ngunit ang Kawikaan 27:23 ay bahagi ng isang grupo ng mga talata: “Nararapat na alamin mo nang tiyakan ang kalagayan ng iyong kawan. Isapuso mo ang kapakanan ng iyong mga bakahan; sapagkat ang kayamanan ay hindi magpakailanman, ni mamamalagi man ang korona sa lahat ng sali’t saling-lahi. Ang luntiang damo ay natuyo na, at ang sariwang damo ay lumilitaw na, at ang mga gugulayin sa mga bundok ay naani na. Ang mga batang lalaking tupa ay ukol sa iyong kasuotan, at ang mga lalaking-kambing ay siyang halaga ng bukid. At may sapat na gatas ng mga kambing sa iyong pagkain, sa pagkain ng iyong sambahayan, at pagkain ng iyong mga alilang babae.”​—Kawikaan 27:23-27.

Ang kinasihang mga talatang ito ay nagbibigay-papuri sa isang istilo ng pamumuhay na makikitaan ng pagsisikap, kasipagan, pagiging simple, at kumikilala sa ating pagkaumaasa kay Jehova. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtatampok sa buhay-pastol ng isang pastol na Israelita, marahil bilang pagkakaiba sa isang marangyang buhay na nakasalig sa pagnenegosyo at dagling pagyaman.

Ang “kayamanan,” o yaman na nakamit sa mabilisang pagnenegosyo, na nagbubunga ng katanyagan (“korona”), ay madaling mawawala, gaya ng mapatutunayan ng marami. Mayroon kung gayong higit na masasabi ukol sa isang simpleng pamumuhay, tulad ng sinusunod ng sinaunang mga pastol sa pangangalaga ng hayupan. Ang ganiyang paraan ng pamumuhay ay hindi simple sa diwa na pagiging walang iniintindi. Ang isang pastol ay kailangang maasikaso sa kaniyang kawan, na sinisigurong may proteksiyon ang kaniyang mga tupa. (Awit 23:4) Kung, sa pag-aasikaso sa kanila, kaniyang natuklasan ang isang may-sakit o nasaktan na tupa, maaaring kaniyang pahiran ito ng langis na nagbibigay-kaginhawahan. (Awit 23:5; Ezekiel 34:4; Zacarias 11:16) Sa karamihan ng kaso ang masipag na pastol na nagsasapuso ng kapakanan ng kaniyang mga bakahan ay makakakita sa bunga ng kaniyang mga pagpapagal​—ang unti-unting paglaki ng kaniyang kawan.

Ang isang masipag at maingat na pastol ay may maaasahang mapagkukunan ng tulong​—si Jehova. Sa papaano nga? Bueno, ang Diyos ang naglalaan ng mga lagay ng panahon at mga siklo na sa normal na paraan ay nagpapatubo ng sapat na damo na makakain ng kawan. (Awit 145:16) Sa pagbabago ng lagay ng panahon, ang luntiang damo ay natutuyo sa mabababang lugar, bagaman maaaring ito’y saganang tumutubo sa mas matataas na lugar, na kung saan maaaring mailipat ng isang maasikasong pastol ang kaniyang mga hayop.

Sa Kawikaan 27:26, 27 ay binabanggit ang isang resulta ng gayong pagpapagal​—pagkain at damit. Ipagpalagay natin, ang inilarawan ay hindi maluhong kombinyenteng mga pagkain o mga espesyal para sa mahilig kumain, ni nagbibigay man iyon sa isang manggagawa ng dahilan na umasang makapagsuot ng pinakahuling istilo ng pananamit na pinatanyag ng isang kilalang fashion designer o may pinakamagaling na materyales. Ngunit kung siya’y handang magpagal, buhat sa kawan ay maaaring makakuha ang pastol at ang kaniyang pamilya ng gatas (at pati keso), at gayundin ng lana para makahabi ng matitibay na mga kasuotan.

Samakatuwid ang payo: “Nararapat na alamin mo nang tiyakan ang kalagayan ng iyong kawan” ay hindi lamang para sa espirituwal na mga tagapangasiwa; ito ay para sa lahat ng Kristiyano. Idiniriin nito ang kahalagahan ng ating pagiging kontento sa pagkain at pananamit na nakamtan sa pamamagitan ng patuluyan, masipag na paggawa, na nagtitiwalang hindi tayo pababayaan ng Diyos. (Awit 37:25; 2 Tesalonica 3:8, 12; Hebreo 13:5) Sa paghahambing-hambing ng Kawikaan 27:23-27 at ng payo na nasa Lucas 12:15-21 at 1 Timoteo 6:6-11, ating nakikita kung papaanong tugma-tugma ang payo ng Diyos tungkol sa bagay na ito. Kaya muling basahin natin ang Kawikaan 27:23-27, na tinatanong ang ating sarili, ‘Akin bang isinasapuso ito at ikinakapit ito sa aking araw-araw na pamumuhay?’

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share