Pagpapaunlad sa Maka-Diyos na Pagkatakot
“Matakot ka kay Jehova at humiwalay ka sa kasamaan.”—KAWIKAAN 3:7.
1. Para kanino isinulat ang Mga Kawikaan?
ANG aklat ng Bibliya na Mga Kawikaan ay mayaman sa espirituwal na payo. Sa pasimula ay inilaan ni Jehova ang giyang aklat na ito upang turuan ang kaniyang tipikong bansa ng Israel. Sa ngayon, ito’y naglalaan ng pantas na mga kasabihan para sa kaniyang banal na bansang Kristiyano, “na dinatnan ng mga wakas ng mga sistemang ito ng mga bagay.”—1 Corinto 10:11; Kawikaan 1:1-5; 1 Pedro 2:9.
2. Bakit ang babala sa Kawikaan 3:7 ay lubhang napapanahon ngayon?
2 Kung bubuklatin sa Kawikaan 3:7, ating mababasa: “Huwag kang magpakadunong sa iyong sariling mga mata. Matakot ka kay Jehova at humiwalay ka sa kasamaan.” Buhat pa nang panahon ng ating unang mga magulang, nang akitin ng Ahas si Eba sa pangako na kanilang “makikilala ang mabuti at ang masama,” ang hamak na karunungan ng tao ay nabigo na makatugon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. (Genesis 3:4, 5; 1 Corinto 3:19, 20) Wala pang yugto ng panahon sa kasaysayan na ito’y halatang-halata kundi sa ika-20 siglong ito—sa “mga huling araw” na ito na ang sangkatauhan, na umaani ng bunga ng ateyistikong kaisipan sa ebolusyon, ay sinasalot ng pagtatangi-tangi ng lahi, karahasan, at bawat uri ng imoralidad. (2 Timoteo 3:1-5, 13; 2 Pedro 3:3, 4) Ito ay isang ‘bagong sanlibutang kaguluhan’ na hindi maitutuwid kahit ng UN ni ng baha-bahaging mga relihiyon ng daigdig.
3. Anong mga pangyayari ang inihula para sa ating kaarawan?
3 Ipinababatid sa atin ng makahulang Salita ng Diyos na ang mga hukbo ng mga demonyo ay nagpupunta sa “mga hari ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat . . . sa dako na tinatawag sa Hebreo na Har-Magedon.” (Apocalipsis 16:14, 16) Malapit nang ang mga haring ito, o mga pinuno, ay lipusin ng pangingilabot buhat kay Jehova. Iyon ay makakatulad ng kakilabutan na naranasan ng mga Cananeo nang dumating si Josue at ang mga Israelita upang isagawa ang inihatol sa kanila. (Josue 2:9-11) Subalit sa ngayon ang isa na inilarawan ni Josue, si Kristo Jesus—na “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon”—ang ‘hahambalos sa mga bansa at papastulin sila ng tungkod na bakal’ sa pagtatanghal ng “kabangisan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”—Apocalipsis 19:15, 16.
4, 5. Sino ang mga maliligtas, at bakit?
4 Sino ang maliligtas sa panahong iyon? Yaong maliligtas ay hindi yaong mga nadaig ng takot, kundi lahat ng nagpaunlad ng may pakundangang pagkatakot kay Jehova. Sa halip na magpakadunong sa kanilang sariling mga mata, ang mga ito ay ‘humiwalay sa kasamaan.’ Palibhasa’y mapagpakumbaba, ang ipinapasok nila sa kanilang isip ay ang mabuti, anupat ang masama ay hindi nagiging bahagi ng kanilang kaisipan. Kanilang itinatangi ang kapaki-pakinabang na paggalang sa Soberanong Panginoong Jehova, ang “Hukom ng buong lupa,” na halos kikilos na lamang upang lipulin ang lahat ng nangungunyapit sa kasamaan, gaya nang lipulin niya ang ubod-samang mga taga-Sodoma. (Genesis 18:25) Oo, para sa sariling bayan ng Diyos, “ang pagkatakot kay Jehova ay bukal ng buhay, upang makaiwas sa mga silo ng kamatayan.”—Kawikaan 14:27.
5 Sa kaarawang ito ng paghuhukom ng Diyos, lahat ng lubusang nagtatalaga ng kanilang sarili kay Jehova na natatakot na di-makalugod sa kaniya ay makatatalos ng katotohanan na sinabi nang matalinghaga sa Kawikaan 3:8: “Harinawang [ang pagkatakot kay Jehova] ay maging kagalingan sa iyong pusod at kaginhawahan sa iyong mga buto.”
Pagpaparangal kay Jehova
6. Ano ang dapat pumukaw sa atin upang sundin ang Kawikaan 3:9?
6 Ang ating nagpapahalagang pagkatakot kay Jehova, lakip ang matinding pag-ibig sa kaniya, ay dapat pumukaw sa atin na sundin ang Kawikaan 3:9: “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahalagang mga ari-arian at ng mga unang bunga ng lahat mong ani.” Tayo ay hindi pinipilit na parangalan si Jehova ng ating mga handog. Ang mga ito ay dapat na kusang-loob, gaya ng ipinakikita nang mga 12 ulit mula sa Exodo 35:29 hanggang sa Deuteronomio 23:23 na tungkol sa mga paghahain sa sinaunang Israel. Ang mga unang bungang ito para kay Jehova ay dapat na ang pinakamagaling na kaloob na ating maihahandog, sa pagkilala sa kabutihan at kagandahang-loob na ating tinatamasa sa kaniyang kamay. (Awit 23:6) Sa mga ito ay dapat mabanaag ang ating pasiya na “patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mateo 6:33) At ano ang resulta ng pagpaparangal kay Jehova ng ating mahalagang mga ari-arian? “Kung magkagayo’y mapupuno nang sagana ang iyong mga kamalig; at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.”—Kawikaan 3:10.
7. Anong mga unang bunga ang dapat nating ihandog kay Jehova, at ano ang magiging resulta?
7 Ang pangunahing paraan ni Jehova ng pagpapala sa atin ay espirituwal. (Malakias 3:10) Sa gayon, ang unang mga bunga na ating ihahandog sa kaniya ay dapat pangunahin nang espirituwal. Dapat nating gamitin ang ating panahon, lakas, at kasiglahan sa paggawa ng kaniyang kalooban. Ito ang magsisilbing pagkain natin, kagaya rin kay Jesus na ang gayong gawain ay nagsilbing pampalakas na “pagkain.” (Juan 4:34) Mapupuno ang ating espirituwal na mga bangan ng pagkain, at ang ating kagalakan, na isinasagisag ng bagong alak, ay aapaw. Gayundin, samantalang tayo’y may pagtitiwalang nananalangin na bigyan tayo ng sapat na materyal na pagkain sa bawat araw, tayo’y makapag-aabuloy nang sagana buhat sa ating tinatangkilik sa pagsuporta sa pambuong daigdig na gawain ng Kaharian. (Mateo 6:11) Lahat ng taglay natin, kasali na ang materyal na mga ari-arian, ay nanggaling sa ating maibiging Ama sa langit. Siya’y magbubuhos ng higit pang mga pagpapala, kung ginagamit natin ang mahahalagang bagay na ito sa kaniyang kapurihan.—Kawikaan 11:4; 1 Corinto 4:7.
Mga Saway ng Pag-ibig
8, 9. Papaano natin dapat ituring ang saway at disiplina?
8 Sa mga Kaw 3 talatang 11 at 12, ang Kawikaan kabanata 3 ay muling bumabanggit ng maligayang ugnayan ng ama at anak na umiiral sa maka-Diyos na mga pamilya, at gayundin yaong umiiral sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang sinisintang espirituwal na mga anak sa lupa. Ating mababasa: “Anak ko, huwag mong tanggihan ang disiplina ni Jehova; at huwag mong kayamutan ang kaniyang pagsaway sa iyo, sapagkat sinasaway ni Jehova ang kaniyang iniibig, gaya ng pagsaway ng ama sa kaniyang anak na kinalulugdan.” Ang mga tao ng sanlibutan ay namumuhi sa pagsaway. Dapat namang tanggapin ito ng bayan ni Jehova. Ang mga salitang ito ay sinipi ni apostol Pablo buhat sa Mga Kawikaan, na nagsasabi: “Anak ko, huwag mong hamakin ang disiplina buhat kay Jehova, ni manlupaypay ka man pagka ikaw ay itinutuwid niya; sapagkat ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina . . . Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot; subalit pagkatapos sa mga nasanay na ay namumunga iyon ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.”—Hebreo 12:5, 6, 11.
9 Oo, ang saway at disiplina ay isang kinakailangang bahagi ng pagsasanay ng bawat isa sa atin, maging iyon ma’y nagmumula sa mga magulang, sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano, o samantalang nagbubulay-bulay tayo ng Kasulatan sa panahon ng ating personal na pag-aaral. Sa pakikinig sa disiplina ay nasasangkot ang buhay at kamatayan, gaya ng sinasabi rin ng Kawikaan 4:1, 13: “Dinggin ninyo, Oh mga anak, ang pagdisiplina ng isang ama at makinig kayo, upang matuto ng kaunawaan. Manghawakan ka sa disiplina; huwag mong bibitiwan. Ingatan mo, sapagkat naroon ang iyong buhay.”
Ang Pinakamalaking Kaligayahan
10, 11. Ano ang ilan sa mga katangian ng kalugud-lugod na mga salita sa Kawikaan 3:13-18?
10 Anong gandang mga salita ang kasunod ngayon, oo ‘ang kalugud-lugod at tamang mga salita ng katotohanan’! (Eclesiastes 12:10) Ang kinasihang mga salitang ito ni Solomon ay naglalarawan ng tunay na kaligayahan. Mga salita iyan na dapat nating isulat sa ating puso. Ating mababasa:
11 “Maligaya ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pakinabang dito ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at sa kalakal na ginto. Mahalaga nga kaysa mga korales, at lahat ng iba pang kinalulugdan mo ay hindi maihahalintulad dito. Ang haba ng mga araw ay nasa kanang kamay nito; sa kaliwang kamay nito ay mga kayamanan at kaluwalhatian. Ang mga daan nito ay mga daan ng kaligayahan, at lahat nitong mga landas ay kapayapaan. Ito’y punungkahoy ng buhay sa lahat ng nanghahawakan dito, at tatawaging maliligaya yaong patuluyang nanghahawakang mahigpit dito.”—Kawikaan 3:13-18.
12. Papaano natin pakikinabangan ang karunungan at kaunawaan?
12 Karunungan—anong dalas itong binabanggit sa aklat ng Mga Kawikaan, 46 na ulit lahat-lahat! “Ang pagkatakot kay Jehova ay pasimula ng karunungan.” Ito ang maka-Diyos, praktikal na karunungan na salig sa kaalaman sa Salita ng Diyos na tumutulong sa kaniyang bayan na maglayag nang ligtas sa mapanganib na mga bagyo na nagngangalit sa sanlibutan ni Satanas. (Kawikaan 9:10) Ang kaunawaan, na binanggit nang 19 na ulit sa Kawikaan, ay kasama ng karunungan, tumutulong sa atin na labanan ang mga pakana ni Satanas. Sa pagsasakatuparan ng kaniyang mga gawang katusuhan, ang dakilang Kaaway ay may libu-libong taon ng karanasan. Subalit taglay natin ang lalong mahalaga kaysa karanasan bilang isang tagapagturo—ang maka-Diyos na kaunawaan, ang kakayahan na makilala ang tama sa mali at piliin ang tamang daan na lalakaran. Ito ang itinuturo sa atin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita.—Kawikaan 2:10-13; Efeso 6:11.
13. Ano ang makapagsasanggalang sa atin kung panahon ng mahirap na kabuhayan, at papaano?
13 Ang krisis sa ekonomiya sa kasalukuyang sanlibutan ay isang tagapagbalita ng katuparan ng hula sa Ezekiel 7:19: “Ang kanilang mga pilak ay ihahagis nila sa mga lansangan, at ang kanila mismong ginto ay magiging isang kasuklam-suklam na bagay. Ang kanilang pilak ni ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ni Jehova.” Lahat ng materyal na kayamanan sa lupa ay hindi maihahambing sa nagliligtas na kapangyarihan ng karunungan at kaunawaan. Ang pantas na si Haring Solomon ay nagsabi sa isang pagkakataon: “Ang karunungan ay pananggalang na gaya ng salapi na pananggalang; ngunit ang kahigitan ng kaalaman ay na iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga nagtataglay niyaon.” (Eclesiastes 7:12) Maligaya nga ang lahat na ngayon ay lumalakad sa mga daan ni Jehova ng kaluguran at sa karunungan ay pinipili ang “kahabaan ng mga araw,” ang buhay na walang-hanggan na kaloob ng Diyos sa sinuman na sumasampalataya sa haing pantubos na ibinigay ni Jesus!—Kawikaan 3:16; Juan 3:16; 17:3.
Pagpapaunlad sa Tunay na Karunungan
14. Sa anong mga paraan nagpakita si Jehova ng ulirang karunungan?
14 Angkop na tayong mga tao, na nilalang ayon sa larawan ng Diyos, ay magsumikap na paunlarin ang karunungan at kaunawaan, mga katangian na ipinakita mismo ni Jehova sa pagsasagawa ng kaniyang kamangha-manghang mga gawang paglalang. “Nilikha ni Jehova ang lupa sa pamamagitan ng karunungan. Itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan.” (Kawikaan 3:19, 20) Nilalang niya ang buháy na mga nilikha, hindi sa pamamagitan ng isang mahiwaga, di-maipaliwanag na paraan ng ebolusyon, kundi sa pamamagitan ng tuwirang paglalang, bawat isa ay “ayon sa kani-kaniyang uri” at ukol sa isang matalinong layunin. (Genesis 1:25) Nang sa wakas ay lalangin ang tao na taglay ang talino at mga kakayahan na makapupong higit sa taglay ng mga hayop, ang pagpapalakpakan ng mga anghel na anak ng Diyos ay tiyak na umalingawngaw at muli’t muling narinig sa langit. (Ihambing ang Job 38:1, 4, 7.) Ang malawak na pang-unawa ni Jehova, ang kaniyang karunungan, at ang kaniyang pag-ibig ay malinaw na makikita sa lahat ng kaniyang mga nilalang sa lupa.—Awit 104:24.
15. (a) Bakit hindi sapat na magpaunlad lamang ng karunungan? (b) Anong pagtitiwala ang dapat pukawin sa atin ng Kawikaan 3:25, 26?
15 Ang kailangan natin ay hindi lamang ang paunlarin ang mga katangian ni Jehova na karunungan at kaunawaan kundi gayundin ang manghawakang mahigpit sa mga ito, hindi kailanman naglulubay sa ating pag-aaral ng kaniyang Salita. Tayo’y pinapayuhan niya: “Anak ko, huwag sanang mahihiwalay ang mga ito sa iyong mga mata. Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang umisip, at sa gayo’y magiging buhay ang mga ito sa iyong kaluluwa at biyaya sa iyong leeg.” (Kawikaan 3:21, 22) Sa gayon tayo ay makalalakad nang may katiwasayan at kapayapaan ng isip, maging sa panahon man ng tulad-magnanakaw na pagdating ng araw ng “biglang pagkapuksa” na magaganap sa sanlibutan ni Satanas. (1 Tesalonica 5:2, 3) Sa panahon ng malaking kapighatian mismo, “hindi ka matatakot ng biglang pagkatakot, ni mabubuwal man ng pagkabuwal ng masama, sapagkat iyon ay dumarating. Sapagkat si Jehova ang magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa upang huwag kang mahuli.”—Kawikaan 3:23-26.
Pag-ibig sa Paggawa ng Mabuti
16. Ano ang kahilingan sa mga Kristiyano bukod sa sigasig sa ministeryo?
16 Ito ay mga araw para sa pagpapakita ng sigasig sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian bilang patotoo sa lahat ng bansa. Subalit ang gawaing pagpapatotoong ito ay kailangang may kasama pang ibang gawaing Kristiyano, gaya ng inilalarawan sa Kawikaan 3:27, 28: “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, pagka kaya mong gawin ito. Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa: ‘Yumaon ka, saka ka na bumalik at bukas ay bibigyan kita,’ kung mayroon din lamang na maibibigay ka.” (Ihambing ang Santiago 2:14-17.) Ngayong ang kalakhang bahagi ng daigdig ay nasa karalitaan at taggutom, may apurahang mga panawagan na tulungan natin ang ating kapuwa-tao, lalo na ang ating espirituwal na mga kapatid. Papaano nga tumugon ang mga Saksi ni Jehova?
17-19. (a) Anong apurahang pangangailangan ang natugunan noong 1993, at ano ang tugon? (b) Ano ang nagpapakilala na ang ating nanganganib na mga kapatid ay “lubusang nagtatagumpay”?
17 Kunin ang isang halimbawa: Noong nakalipas na taon, isang apurahang panawagan ng paghingi ng tulong ang nanggaling sa dating Yugoslavia. Ang kapatiran sa kalapit na mga bansa ay tumugon sa kagila-gilalas na paraan. Sa napakaginaw na mga buwan ng nakaraang taglamig, nakalusot sa lugar ng labanan ang ilang convoy na may dalang tulong, nagdala ng kasalukuyang mga publikasyon, mga kasuutang pampainit, pagkain, at mga gamot para sa nangangailangang mga Saksi. Minsan, ang mga kapatid ay humingi ng permiso upang makapagpasok ng 15 tonelada ng pantulong na mga panustos, ngunit nang kanilang tanggapin ang permiso, iyon ay para sa 30 tonelada! Ang mga Saksi ni Jehova sa Austria ay dagling nagpadala ng tatlo pang trak. Lahat-lahat, 25 tonelada ang nakarating sa kanilang talagang patutunguhan. Anong laki ng kagalakan ng ating mga kapatid nang tanggapin nila ang saganang espirituwal at materyal na mga paglalaang ito!
18 Papaano tumugon ang mga tumanggap na iyon? Mas maaga ng taóng ito, isang matanda ang sumulat: “Ang mga kapatid sa Sarajevo ay buháy at malulusog, at ang pinakamahalaga, kami ay malalakas pa rin sa espirituwal hanggang ngayon upang matiis ang walang-katuwirang digmaang ito. Ang kalagayan ay napakahirap kung tungkol sa pagkain. Harinawang kayo’y pagpalain at gantihin ni Jehova sa inyong mga pagsisikap na matulungan kami. Ang mga awtoridad ay may natatanging paggalang sa mga Saksi ni Jehova dahilan sa kanilang ulirang pamumuhay at dahilan sa kanilang paggalang sa mga awtoridad. Kami ay napasasalamat din ukol sa espirituwal na pagkain na inihatid ninyo sa amin.”—Ihambing ang Awit 145:18.
19 Ang nanganganib na mga kapatid na ito ay nagpakita rin ng pagpapahalaga, sa pamamagitan ng kanilang masigasig na ministeryo sa larangan. Maraming mga kapitbahay ang lumalapit sa kanila at humihiling ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Sa siyudad ng Tuzla, na kung saan naghatid ng limang tonelada ng tulong na pagkain, 40 mamamahayag ang nag-ulat ng 25 oras bawat isa sa paglilingkuran bilang aberids sa naturang buwan, isang mainam na pagsuporta sa siyam na payunir sa kongregasyon. Sila’y may kahanga-hangang bilang na 243 na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Ang mahal na mga kapatid na ito ay tunay ngang “lubusang nagtatagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umiibig.”—Roma 8:37.
20. Anong “pagkakapantay-pantay” ang nangyari sa dating Unyong Sobyet?
20 Ang pagkabukas-palad na nasaksihan sa malalaking convoy ng tulong na mga pagkain at mga kasuutang pampainit na ipinadala patungo sa dating Unyong Sobyet ay nakatumbas rin ng sigasig ng mga kapatid doon. Halimbawa, sa Moscow ang bilang ng mga dumalo sa Memoryal sa taóng ito ay 7,549, kung ihahambing sa 3,500 noong nakaraang taon. Sa panahon ding iyan, ang mga kongregasyon sa siyudad na iyan ay dumami mula sa 12 hanggang 16. Sa buong dating Unyong Sobyet (hindi kasali ang Baltic States), ang isinulong sa bilang ng mga kongregasyon ay 14 na porsiyento, sa mga mamamahayag ng Kaharian ay 25 porsiyento, at sa mga payunir ay 74 na porsiyento. Anong inam na espiritu ng sigasig at pagsasakripisyo sa sarili! Ito’y nagpapagunita ng tungkol sa “pagkakapantay-pantay” noong unang siglo. Ang mga Kristiyano na may espirituwal at materyal na mga ari-arian ay nagbigay ng saganang mga kaloob sa mga wala sa gayong mapalad na mga lugar, samantalang ang sigasig ng mga maralitang ito ay nagdulot ng kagalakan at pampatibay-loob sa mga nagkaloob.—2 Corinto 8:14.
Mapoot sa Masama!
21. Papaano ipinakikita ang pagkakaiba ng marurunong at ng mga mangmang sa panghuling mga salita ng Kawikaan kabanata 3?
21 Ang ikatlong kabanata ng Kawikaan ay naghaharap ngayon ng sunud-sunod na mga pagkakaiba, at nagtatapos sa payong ito: “Huwag kang managhili sa taong marahas, ni pumili ng anuman sa kaniyang mga lakad. Sapagkat ang taong magdaraya ay kasuklam-suklam kay Jehova, ngunit Siya’y may matalik na kaugnayan sa mga matuwid. Ang sumpa ni Jehova ay nasa bahay ng balakyot, ngunit kaniyang pinagpapala ang tahanan ng mga matuwid. Kung tungkol sa mga manlilibak, siya man ay manunuya; ngunit ang maaamo ay kaniyang pagpapalain. Ang marurunong ay magtatamo ng karangalan, subalit ang mga mangmang ay mangapapahiya.”—Kawikaan 3:29-35.
22. (a) Papaano natin maiiwasan na mapabilang sa mga mangmang? (b) Ano ang kinapopootan ng marurunong, at ano ang kanilang pinauunlad, taglay ang anong gantimpala?
22 Papaano natin maiiwasang mapabilang sa mga mangmang? Kailangang matutuhan nating kapootan ang masama, oo, masuklam sa kinasusuklaman ni Jehova—sa lahat ng likong mga lakad ng marahas, mapagbubo ng dugo na sanlibutang ito. (Tingnan din ang Kawikaan 6:16-19.) Sa kabaligtaran, kailangang pasulungin natin ang mabuti—kabanalan, katuwiran, at kaamuan—upang sa taglay na kababaangloob at pagkatakot kay Jehova tayo ay magtamo ng “kayamanan at kaluwalhatian at buhay.” (Kawikaan 22:4) Ito ang gantimpala sa lahat sa atin na may katapatang nagkakapit ng payo: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo.”
Ano ang Komento Mo?
◻ Papaano kumakapit sa ngayon ang tekstong pinakatema ng pag-aaral na ito?
◻ Papaano natin mapararangalan si Jehova?
◻ Bakit hindi natin dapat hamakin ang disiplina?
◻ Saan masusumpungan ang pinakamalaking kaligayahan?
◻ Papaano natin maiibig ang mabuti at kapopootan ang masama?
[Larawan sa pahina 18]
Yaong mga naghahandog ng kanilang pinakamagaling na hain kay Jehova ay saganang pagpapalain