Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mapahihinto ang Palaging Paninisi sa Akin?
“Ako lagi ang sinisisi sa mga bagay-bagay. Kapag hindi nakandado ang bahay o naiwang bukas ang kalan o anumang bagay ang wala sa lugar o hindi nagawa, kasalanan ito ni Ramon!”—Ramon.
KAPAG ikaw ay isang tin-edyer, kung minsan ay wari bang ikaw ang sinisisi sa halos anumang bagay o lahat ng bagay na mali. Sa nakaraang artikulo, nalaman natin na kung minsan ang mga magulang ay napakabilis na manisi sa kanilang mga anak.a Ang mga dahilan ay maaaring mula sa likas na pagkabahala ng mga magulang hanggang sa matinding kaigtingan ng damdamin. Anuman ang dahilan, ang papanagutin sa mga bagay-bagay na hindi mo naman kasalanan ay maaaring masakit at nakahihiya.
Mangyari pa, bilang isang di-sakdal na tao, paminsan-minsa’y makagagawa ka ng mga pagkakamali. (Roma 3:23) Isa pa, dahil sa bata ka pa, sa paano ma’y kulang ka sa karanasan. (Kawikaan 1:4) Malamang na makagawa ka paminsan-minsan ng mga pagkakamali sa pagpapasiya. Kaya kapag nagkamali ka, tama lamang naman at makatuwiran na panagutan mo ito.—Eclesiastes 11:9.
Kung gayon, paano ka dapat tumugon kapag ikaw ay sinisi sa isang bagay na talagang ikaw ang gumawa? Sinisikap ng ilang kabataan na kumilos na para bang sila’y mga biktima ng napakalubhang kawalang-katarungan. Sila’y nagpapalahaw at nagsisisigaw dahil sa lagi silang sinisisi ng kanilang mga magulang sa lahat ng bagay. Ang resulta? Ginagamit ng bigong mga magulang ang mas mahigpit na mga pamamaraan upang maitawid ang kanilang ibig ipaunawa. Ganito ang payo ng Bibliya: “Ang mga mangmang lamang ang humahamak sa karunungan at disiplina. Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang batas ng iyong ina.” (Kawikaan 1:7, 8) Kapag inamin mo ang iyong mga pagkakamali at gumawa ka ng kinakailangang mga pagbabago, matututo ka mula sa iyong mga pagkakamali.—Hebreo 12:11.
“Kompidensiyal na Pakikipag-usap” sa Iyong mga Magulang
Subalit, lubusang ibang bagay naman kapag sinisi ka sa mga bagay na hindi mo kasalanan o kapag ang paninisi ay patuloy. Mauunawaan naman, ikaw ay maaaring magalit at sumama ang loob. Mahihikayat ka pa ngang gumawi nang hindi tama, iniisip mo na tutal masisisi ka rin naman. (Eclesiastes 7:7) Gayunman, ang mapaghiganting mga pagkilos ay makasasakit sa lahat. (Ihambing ang Job 36:18.) Sinabi ng Kawikaan 15:22 ang mas mabuting paraan ng pakikitungo sa mga bagay na tulad nito, sa pagsasabing: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang kompidensiyal na pakikipag-usap.” Oo, ang isang paraan upang mabago ang pakikitungo sa iyo ng iyong mga magulang ay ipaalam sa kanila kung ano ang iyong nadarama.
Una muna, hanapin ang tinatawag ng Bibliya na “tamang panahon.” (Kawikaan 15:23) Ganito ang sabi ng manunulat na si Clayton Barbeau: “Pumili ng panahon at oras kung saan malamig ang ulo ng lahat at maganda ang pakiramdam ng lahat.” Isa pa, ang Bibliya ay nagbababala: “Ang salitang nakakasakit ay humihila ng galit.” (Kawikaan 15:1) Kaya sikaping maging mabait at magalang sa iyong paglapit, hindi mapanlaban. Iwasang sumabog ang iyong galit. (Kawikaan 29:11) Sa halip na pagalit na sabihan ang iyong mga magulang (‘Lagi ninyo akong sinisisi sa lahat ng bagay!’), ipaliwanag kung ano ang iyong nadarama dahil sa patuloy nilang paninisi sa iyo. (‘Sumasama ang loob ko kapag sinisisi ninyo ako sa mga bagay na hindi ko naman kasalanan.’)—Ihambing ang Genesis 30:1, 2.
Gayundin ang masasabi sa mga panahon kapag nagagalit ang iyong mga magulang dahil sa ilang di-pagkakaunawaan. Ang mga magulang ng batang si Jesus ay minsang nagalit nang hindi nila malaman kung saan siya naroroon. Subalit si Jesus ay hindi umangal o nagreklamo. Sa mahinahong paraan ay ipinaliwanag niya ang situwasyon. (Lucas 2:49) Bakit hindi pakitunguhan ang iyong sariling mga magulang sa isang adultong paraan kapag ikaw ay nagkaproblema? Isipin mo na sila’y nagagalit dahil sa sila’y nagmamalasakit sa iyo! Makinig nang may paggalang. (Kawikaan 4:1) Maghintay ka hanggang sa humupa ang mga bagay-bagay bago mo ibulalas ang iyong panig.
‘Patunayan ang Iyong Sariling Gawa’
Subalit, bakit ang ilang magulang ay nakahilig na gumawa agad ng maling mga konklusyon tungkol sa kanilang mga anak? Ang totoo, kung minsan ang mga kabataan ay nagbibigay sa kanilang mga magulang ng mga dahilan upang sila’y maghinala. Ganito ang sabi ng Kawikaan 20:11: “Ang bata ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa kung ang kaniyang mga gawa ay magiging malinis at kung magiging matuwid.” Ano bang reputasyon ang iyong nagawa sa iyong mga magulang? Ipinakita ba ng iyong “mga gawa” na ikaw ay “matuwid” at taimtim o walang ingat at iresponsable? Kung ang huling nabanggit ang iyong kalagayan, huwag mong ipagtaka kung malimit silang gumawa agad ng maling mga konklusyon sa iyo. “Kailangan kong maging tapat sa aking sarili,” ang pag-amin ni Ramon, ang kabataan na nabanggit kanina, tungkol sa pagpuna ng kaniyang mga magulang. “Kung minsan ay totoo ang kanilang ipinaghihinala.”
Kung totoo ito sa iyong kalagayan, ang tanging magagawa mo ay burahin ang iyong nagdaang mga ginawa. Sa pamamagitan ng pagpapasimulang gumawi na mapagkakatiwalaan at responsable, baka unti-unti mong makumbinsi ang iyong mga magulang na nagbago ka na at mapagkakatiwalaan ka na.
Ipinakita ng karanasan ni Ramon ang bagay na ito. Pabirong binansagan si Ramon ng kaniyang mga kaibigan at pamilya ng propesor na lumilipad ang isip dahil sa kaniyang pagiging malilimutin. Ikaw ba’y binansagan nang negatibo ng iyong mga magulang gaya ng tawag na “isip-bata” o “iresponsable”? Gaya ng sabi ng manunulat na si Kathleen McCoy, maaaring ipalagay ng mga magulang na ang gayong pagbabansag ay nagsisilbi “upang matukoy kung ano ang problema upang maunawaan ito ng tin-edyer at magbago.” Subalit, sa totoo ang gayong mga bansag ay malimit na totoong nakasasakit ng loob. Magkagayon man, natanto ni Ramon na makatotohanan nga ang palayaw na iyan. “Ang isip ko’y laging nakatuon sa iisang bagay lamang, kaya naiwawaglit ko ang mga bagay-bagay gaya ng susi o ang aking takdang-aralin at nalilimutan ko ang mga gawain sa bahay,” ang pag-amin niya.
Kaya nagsimulang magbago si Ramon. “Inumpisahan kong alamin ang mga pananagutan at mga priyoridad,” ang kaniyang gunita. “Gumawa ako ng iskedyul at higit na naging seryoso ako sa aking personal na pag-aaral ng Bibliya. Natutuhan ko na pinahahalagahan ni Jehova ang maliliit na bagay gayundin naman ang malalaking bagay.” (Lucas 16:10) Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, unti-unting naiwala ni Ramon ang reputasyon ng pagiging makakalimutin. Bakit hindi mo rin gawin iyon? At kung ang isang bansag o palayaw ay talagang nakababalisa sa iyo, ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang. Marahil ay kanilang uunawain ang iyong nadarama.
Kapag Ito’y Waring Paboritismo
Kung minsan ay paboritismo o pagtatangi ang nasa likod ng paninising ito. Ganito ang naalaala ni Ramon: “Ang aking mga kuya at ate ay uuwi ng bahay nang gabing-gabi na at nakakalusot naman sila. Pero pagagalitan ako kapag ako ang ginabi.” Naalaala ng isang lalaking nagngangalang Albert na taga-Guyana ang gayunding damdamin nang siya’y lumalaki pa lamang. Wari bang sa tingin niya’y mas mahigpit ang pagdidisiplina sa kaniya ng kaniyang ina kaysa ginagawa nito sa kaniyang kapatid na lalaki.
Gayunman, hindi naman laging gayon ang mga bagay-bagay. Malimit na binibigyan ng mga magulang ng higit na kalayaan ang mas nakatatandang mga anak, hindi dahil sa paboritismo, kundi dahil sa inaakala nila na sila’y kikilos nang responsable. O baka nasasangkot ang natatanging mga kalagayan. Inamin ni Albert na ang kaniyang kapatid na lalaki ay hindi pinapalo kapag dinidisiplina dahil ito’y “maliit at masasakitin.” Paboritismo ba sa panig ng mga magulang kung kinikilala nila ang naiibang pangangailangan o mga limitasyon sa isang partikular na anak?
Mangyari pa, kung minsa’y may kani-kaniya paborito ang mga magulang. (Ihambing ang Genesis 37:3.) Ganito ang sabi ni Albert tungkol sa kaniyang masasakiting kapatid na lalaki: “May naiibang pagmamahal si Inay sa kaniya.” Mabuti na lamang, ang pag-ibig Kristiyano ay malawak. (2 Corinto 6:11-13) Kaya kahit na ang iyong mga magulang ay may “naiibang pagmamahal” sa isa sa iyong mga kapatid, hindi ito nangangahulugan na wala nang natitirang pag-ibig para sa iyo. Ang tunay na usapin ay, Pinakikitunguhan ka ba nila nang hindi makatuwiran, anupat sinisisi ka dahil sa maling pagmamahal sa isang kapatid? Kung waring iyan ang kalagayan, sa anumang paraan ay ipaalam mo sa kanila kung ano ang iyong nadarama. Sa isang mahinahon at makatuwirang paraan, banggitin sa kanila ang espesipikong mga halimbawa kung paanong nadama mo na nagpakita sila ng paboritismo. Marahil ay makikinig sila.
Mga Pamilyang may Problema
Sabihin pa, hindi lahat ng kalagayan ay madaling baguhin. Para sa ilang magulang, ang panghihiya at paninisi ay nakatanim nang ugali. Ito’y lalo nang totoo sa gitna ng mga magulang na may mga problema sa emosyon o nakikipagpunyagi sa pagkasugapa. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, kakaunti ang magagawa ng pagtatangkang ipakipag-usap ang mga bagay-bagay. Kung ito’y waring totoo sa iyong kalagayan, dapat mong mabatid na ang problema ng iyong mga magulang ay hindi mo kontrolado at malamang na ito’y malutas lamang sa tulong ng iba. Ang pinakamabuting magagawa mo ay pagkalooban sila ng angkop na pagpipitagan at paggalang at sikaping iwasan ang di-kinakailangang alitan. (Efeso 6:1, 2) Ganito ang sabi ng Kawikaan 22:3: “Matalino ang isa na nakakakita ng kapahamakan at ikinukubli ang sarili.”b
Gayundin naman, humingi ng tulong sa iba. Makipag-usap sa isang maygulang na adulto, marahil sa isang Kristiyanong elder. Malaki ang magagawa ng maibiging atensiyon mula sa gayong tao upang mahadlangan ang palagay na ikaw lagi ang may kasalanan sa mga bagay-bagay. Gayundin, ‘lumapit ka sa Diyos.’ (Santiago 4:8) Bagaman maaaring sisihin ka ng iba sa di-makatuwirang paraan, ‘[ang Diyos] ay hindi makikipag-alit na palagi, ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailanman . . . Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.’ (Awit 103:9, 14) Ang pagkaalam na ikaw ay mahalaga sa harapan ng Diyos ay makatutulong sa iyo na mabata ang di-makatuwirang paninisi.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ako na Lang Lagi ang May Kasalanan?” na lumitaw sa aming labas ng Hulyo 22, 1997.
b Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mababata ang Panlalait?” sa aming labas ng Hunyo 8, 1989. Tingnan din ang serye ng “Mula sa Salitang Nakasasakit Tungo sa Salitang Nakagagaling,” sa Oktubre 22, 1996, ng Gumising!
[Larawan sa pahina 21]
Ang pag-amin sa ating mga kasalanan ay makatutulong sa atin na matuto mula sa ating mga pagkakamali