Matakot kay Jehova at Luwalhatiin ang Kaniyang Banal na Pangalan
“Sino nga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?”—APOCALIPSIS 15:4.
1, 2. (a) Papaano binuksan ni Jehova ang mga durungawan ng langit noong 1991? (b) Anong karanasan sa buhay ang nag-udyok sa isang tapat na misyonero na magbigay ng payo na: “Matakot kay Jehova”? (Tingnan din ang 1991 Yearbook, pahina 187-9.)
‘BINUKSAN [ni Jehova] ang mga durungawan ng langit at aktuwal na inihulog ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ Ang mga salitang iyon ay maikakapit nang paulit-ulit sa mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon. (Malakias 3:10) Halimbawa, noong taunang paglilingkod ng 1991, nasaksihan ang kasiglahan ng dumadalaw na mga Saksi at ng lokal na mga kombensiyonista sa kanilang pagsasama-sama bilang mga Kristiyano sa pantanging mga kombensiyon na ginanap sa buong lupa—buhat sa mga Kombensiyon ng “Dalisay na Wika” sa Buenos Aires sa Timog Amerika; at sa Maynila, Taipei, at Bangkok sa Oryente; hanggang sa “Mga Umiibig sa Kalayaan” na mga Kombensiyon sa Budapest, Prague, at Zagreb (Agosto 16-18, 1991) sa Silanganing Europa.
2 Anong laking kagalakan na ang mga delegado sa ibayong dagat ay makipagtipon sa malaon nang tapat na mga Saksi sa mga lugar na iyon! Halimbawa, sa Bangkok, si Frank Dewar—minsan siyang nag-iisang mamamahayag ng Kaharian sa Thailand—ay naglahad ng kaniyang 58 taon ng pagmimisyonero. Ang kaniyang mga gawain ay mula sa mga isla ng Pasipiko hanggang sa Timog-silangang Asia, at umabot pa hanggang Tsina. Siya’y napaharap sa mga panganib sa paglubog ng barko, sa mababangis na hayop sa mga kagubatan, sa mga sakit sa tropiko, at sa malupit na rehimen ng mga Hapones na mandirigma. Nang tanungin kung anong payo ang ibibigay niya sa mga kombensiyonista, simple lamang ang tugon niya: “Matakot kay Jehova!”
3. Bakit tayo dapat magpakita ng maka-Diyos na takot?
3 “Matakot kay Jehova!” Anong halaga nga na lahat tayo’y magpaunlad ng magaling na pagkatakot na iyan! “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Awit 111:10) Ang pagkatakot na ito ay di isang nakapanlulumong takot kay Jehova. Bagkus, ito ay isang matinding paggalang sa kaniyang kasindak-sindak na kamahalan at maka-Diyos na mga katangian, batay sa matalinong unawa na tinanggap natin sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Sa Apocalipsis 15:3, 4, ang awit ni Moises at ng Kordero ay nagpapahayag: “Dakila at kagila-gilalas ang iyong mga gawa, Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Haring walang-hanggan. Sino nga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?” Upang makapagpakita ng katapatan sa kaniyang mga mananamba, si Jehova ay may “isang aklat ng alaala . . . na isinulat sa harapan niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” Sila ay ginagantimpalaan ng buhay na walang-hanggan.—Malakias 3:16; Apocalipsis 20:12, 15.
Nagtatagumpay ang maka-Diyos na Pagkatakot
4. Anong sinaunang pagliligtas ang dapat magpatibay-loob sa atin na matakot kay Jehova?
4 Nang lumabas sa Ehipto ni Faraon ang Israel, malinaw na ipinakita ni Moises na siya’y kay Jehova lamang natatakot. Hindi nagtagal, ang mga Israelita ay nakulong sa pagitan ng Mapulang Dagat at ng makapangyarihang hukbong militar ng Ehipto. Ano ang maaari nilang gawin? “Sinabi ni Moises sa bayan: ‘Huwag kayong matakot. Kayo’y tumayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova, na gagawin niya sa inyo ngayon. Sapagkat ang mga Ehipsiyo na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita magpakailanman. Si Jehova mismo ang makikipaglaban para sa inyo, at kayo mismo ay matatahimik.’ ” Sa pamamagitan ng himala, ang tubig ay pinaghiwalay ni Jehova. Ang mga Israelita ay dumaan sa ibabaw ng tuyong lupa. Pagkatapos ay nagsalikop muli ang tubig. Nalunod na lahat ang mga kawal ni Faraon. Iniligtas ni Jehova ang may-takot-sa-Diyos na bansang iyon, samantalang kasabay niyaon ay kaniyang pinarusahan ang mapaglapastangan-sa-Diyos na Ehipto. Ganiyan din ang kaniyang gagawin ngayon, ipakikita niya ang kaniyang katapatan sa pagliligtas sa kaniyang may-takot-sa-Diyos na mga Saksi buhat sa sanlibutan ni Satanas.—Exodo 14:13, 14; Roma 15:4.
5, 6. Anong mga pangyayari sa panahon ni Josue ang nagpapakita na tayo’y dapat matakot kay Jehova imbes na sa tao?
5 Pagkatapos ng Exodo (paglabas) mula sa Ehipto, si Moises ay nagsugo ng 12 espiya sa Lupang Pangako. Sampu ang nahintakutan nang makita ang mistulang higanting mga tao roon at nagsikap na sirain ang loob ng Israel sa pagpasok sa lupain. Subalit ang dalawa pa, si Josue at si Caleb, ay nag-ulat: “[Iyon] ay isang napakainam na lupain. Kung kinalugdan tayo ni Jehova, dadalhin nga niya tayo sa lupaing ito at ibibigay niya iyon sa atin, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot. Huwag lamang kayong maghihimagsik kay Jehova; at kayo, huwag kayong matatakot sa mga tao ng lupain, sapagkat sila’y tinapay sa atin. Ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at si Jehova ay sumasaatin. Huwag kayong matakot sa kanila.”—Bilang 14:7-9.
6 Gayunman, ang mga Israelitang iyon ay napadaig sa pagkatakot sa tao. Kaya naman, sila’y hindi kailanman nakarating sa lupaing ipinangako. Subalit si Josue at si Caleb, kasama ang isang bagong salinlahi ng mga Israelita, ay nagkapribilehiyo na pumasok sa magaling na lupaing iyon at linangin ang mga ubasan at mga taniman ng olibo roon. Sa kaniyang pahimakas na mga pahayag sa nagkatipong mga Israelita, ganito ang payo na ibinigay ni Josue: “Matakot kayo kay Jehova at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan.” At isinusog pa ni Josue: “Sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod kay Jehova.” (Josue 24:14, 15) Kay-inam na mga salitang pampatibay-loob sa mga ulo ng pamilya at sa lahat ng iba pa na matakot kay Jehova habang tayo’y naghahanda na tumawid tungo sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos!
7. Papaano idiniin ni David ang kahalagahan ng pagkatakot sa Diyos?
7 Ang binatilyong pastol na si David ay nagpakita rin ng ulirang pagkatakot kay Jehova nang kaniyang hamunin si Goliat sa ngalan ng Diyos. (1 Samuel 17:45, 47) Nang malapit nang mamatay, naaring maipahayag ni David: “Ang espiritu ni Jehova ang nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay sumaaking dila. Sinabi ng Diyos ng Israel, ang Bato ng Israel ang nagsalita sa akin, ‘Pagka ang naghahari sa mga tao ay matuwid, na namamahala nang may takot sa Diyos, ang gayon ay gaya ng liwanag sa kinaumagahan, pagka ang araw ay sumisikat, sa isang umagang walang mga alapaap.’ ” (2 Samuel 23:2-4) Ang pagkatakot na ito sa Diyos ay hindi umiiral sa gitna ng mga pinunò ng sanlibutang ito, at anong pagkalungkut-lungkot nga ng resulta! Anong laking pagkakaiba pagka si Jesus, “ang Anak ni David,” ay naghari na sa lupa taglay ang takot kay Jehova!—Mateo 21:9.
Pagkilos Nang May Takot kay Jehova
8. Bakit ang Juda ay umunlad sa ilalim ng paghahari ni Jehoshaphat, na nagpapakita ng ano para sa atin sa ngayon?
8 Mga isandaang taon pagkamatay ni David, si Jehoshaphat ay naging hari sa Juda. Naritong muli ang isang hari na naglingkod nang may takot kay Jehova. Kaniyang isinauli ang kaayusang teokratiko sa Juda, naglagay siya ng mga hukom sa buong lupain, at binigyan sila ng ganitong mga tagubilin: “Hindi kayo nagsisihatol alang-alang sa tao kundi alang-alang kay Jehova; at siya’y sumasainyo sa paghatol. At ngayon ay sumainyo nawa ang takot kay Jehova. Magsipag-ingat kayo at inyong gawin, sapagkat kay Jehova na ating Diyos ay walang kasamaan o pagtatangi o pagtanggap ng suhol. . . . Ganito ang inyong gagawin sa pagkatakot kay Jehova na may pagtatapat at may sakdal na puso.” (2 Cronica 19:6-9) Sa gayon, ang Juda ay umunlad taglay ang takot kay Jehova, gaya kung papaano nakikinabang ang bayan ng Diyos sa paglilingkod ng maawaing mga tagapangasiwa ngayon.
9, 10. Papaano nagtagumpay si Jehoshaphat nang may takot kay Jehova?
9 Datapuwat, ang Juda ay may mga kaaway. Ang mga ito’y nagpasiyang lipulin ang bansa ng Diyos. Ang pinagsama-samang hukbong militar ng Ammon, Moab, at Bundok Seir ay dumagsa sa teritoryo ng Juda at pinagbantaan ang Jerusalem. Iyon ay isang malakas na hukbo. Si Jehoshaphat ay nanalangin kay Jehova “samantalang ang buong Juda ay nakatayo sa harap ni Jehova, maging ang kanilang mumunting mga anak, ang kani-kanilang mga asawang babae at ang kani-kanilang mga anak na lalaki.” Pagkatapos, bilang sagot sa panalanging iyan, ang Levitang si Jahaziel ay napuspos ng espiritu ni Jehova, na nagsabi: “Ganito ang sabi ni Jehova sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o mangilabot man dahilan sa lubhang karamihang ito; sapagkat ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Diyos. Bukas ay magsilusong kayo laban sa kanila. . . . Kayo’y hindi na kakailanganing makipaglaban sa labanang ito. Magsilagay kayo sa inyu-inyong puwesto, magsitayo kayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas sa inyo ni Jehova. Oh Juda at Jerusalem, huwag kayong matakot o mangilabot man. Bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila, at si Jehova ay sasainyo.’ ”—2 Cronica 20:5-17.
10 Kinabukasan, ang mga lalaki ng Juda ay bumangong maaga. Habang sila’y masunuring lumalabas upang makipagsagupaan sa kaaway, si Jehoshaphat ay tumayo at nagsabi: “Dinggin ninyo ako, Oh Juda at ninyong mga taga-Jerusalem! Sumampalataya kayo kay Jehova ninyong Diyos upang kayo’y mabuhay nang matagal. Sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta at sa gayo’y magtatagumpay kayo.” Nauuna sa mga kawal, ang mga mang-aawit kay Jehova ay sama-samang nagsiawit: “Purihin ninyo si Jehova, sapagkat hanggang sa panahong walang-takda ang kaniyang kagandahang-loob.” Ipinahayag ni Jehova ang kagandahang-loob na iyan nang kaniyang lituhin ang mga kaaway na anupa’t nagpatayan sila sa isa’t isa hanggang sa malipol na lahat. Nang ang mga lalaki ng Juda ay dumating sa bantayang-moog sa ilang, tanging ang mga bangkay ng mga kaaway ang naroroon.—2 Cronica 20:20-24.
11. Kung tungkol sa pagkatakot, papaano napapaiba ang mga bansa sa bayan ng Diyos?
11 Nang ang kalapit na mga bansa ay makabalita ng kahima-himalang pagliligtas na ito, “ang pagkatakot sa Diyos” ay sumakanila. Sa kabilang panig, ang bansa na tumalima nang may takot kay Jehova ngayon ay nagkaroon ng “kapahingahan sa palibot.” (2 Cronica 20:29, 30) Sa katulad na paraan, pagka isinagawa na ang kahatulan ni Jehova sa Armagedon, ang mga bansa ay matatakot sa Diyos at sa kaniyang Tagapuksang Anak, si Jesu-Kristo, at sila’y hindi makatatayo sa dakilang araw ng galit ng Diyos.—Apocalipsis 6:15-17.
12. Papaanong ang pagkatakot kay Jehova ay ginantimpalaan noong sinaunang panahon?
12 Ang maka-Diyos na takot kay Jehova ay nagdala ng mayayamang gantimpala. Si Noe ay nagpakita ng maka-Diyos na takot at gumawa ng daong para sa ikaliligtas ng kaniyang sambahayan. (Hebreo 11:17) At tungkol sa unang siglong mga Kristiyano, iniuulat na, pagkatapos ng isang panahon ng pag-uusig, ang kongregasyon ay “pumasok sa panahon ng kapayapaan, palibhasa’y pinatibay; at sa paglakad na may takot kay Jehova at may kaaliwan ng banal na espiritu ay patuloy na dumami”—gaya ng nangyayari sa Silangang Europa ngayon.—Gawa 9:31.
Ibigin ang Mabuti, Kapootan ang Masama
13. Sa papaano lamang mararanasan natin ang pagpapala ni Jehova?
13 Si Jehova ay pawang kabutihan. Sa gayon, “ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” (Kawikaan 8:13) Nasusulat tungkol kay Jesus: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan. Kaya naman ikaw ay pinahiran ng Diyos, ng iyong Diyos, ng langis ng kasayahan.” (Hebreo 1:9) Kung tayo, tulad ni Jesus, ay nagnanais ng pagpapala ni Jehova, kailangan na kapootan natin ang masama, ang imoralidad, ang karahasan, at ang kasakiman ng mapagmataas na sanlibutan ni Satanas. (Ihambing ang Kawikaan 6:16-19.) Ibigin natin ang iniibig ni Jehova at kapootan ang kaniyang kinapopootan. Tayo’y matakot na gumawa ng anuman na hindi makalulugod kay Jehova. “Dahil sa pagkatakot kay Jehova ang isa ay humihiwalay sa kasamaan.”—Kawikaan 16:6.
14. Papaano nag-iwan sa atin si Jesus ng isang huwaran?
14 Si Jesus ay nag-iwan sa atin ng isang huwaran na dapat nating sundin nang buong-ingat ang kaniyang mga hakbang. “Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti ng pag-alipusta. Nang siya’y nagdurusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Pedro 2:21-23) Sa pagkatakot kay Jehova, tayo man ay makapagtitiis ng mga pag-upasala, ng mga panlilibak, ng mga pag-uusig, na ibinubunton sa atin ng sanlibutan ni Satanas.
15. Bakit tayo dapat matakot kay Jehova imbes na sa mga makapapatay ng katawan?
15 Sa Mateo 10:28, tayo’y pinaaalalahanan ni Jesus: “Huwag kayong matakot sa nagsisipatay ng katawan datapuwat hindi makapatay ng kaluluwa; kundi bagkus ang katakutan ninyo ay yaong nakapupuksa ng kapuwa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” Kahit na kung ang isang natatakot kay Jehova ay mapatay ng kaaway, ang hapdi ng kamatayan ay pansamantala lamang. (Oseas 13:14) Pagka siya’y binuhay na muli, ang taong iyon ay makapagsasabi: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibò?”—1 Corinto 15:55.
16. Papaano nagpakita si Jesus ng pagkatakot kay Jehova at siya’y niluwalhati ni Jesus?
16 Si Jesus mismo ay nagpakita ng isang magandang halimbawa para sa lahat ng umiibig sa katuwiran ni Jehova at napopoot sa masama. Ang kaniyang pagkatakot kay Jehova ay mababanaag sa kaniyang pangkatapusang mga pananalita sa kaniyang mga alagad, gaya ng makikita sa Juan 16:33: “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pamamagitan ko ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” Ang paglalahad ni Juan ay nagpapatuloy: “Sinalita ni Jesus ang mga bagay na ito, at, nang nakatingala na siya sa langit, sinabi niya: ‘Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong anak, upang ikaw naman ay luwalhatiin ng iyong anak . . . Ipinakilala ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin buhat sa sanlibutan.’ ”—Juan 17:1-6.
Matakot kay Jehova at Purihin Siya
17. Sa papaano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus?
17 Tayo ba sa ngayon ay makatutulad sa halimbawa ni Jesus na taglay ang tibay ng loob? Tiyak na magagawa natin iyan nang dahil sa pagkatakot kay Jehova! Ipinakilala sa atin ni Jesus ang maningning na pangalan at mga katangian ni Jehova. Sa pagkatakot kay Jehova bilang ating Soberanong Panginoon, ating dinarakila siya nang higit sa lahat ng iba pang mga diyos, kasali na ang walang pangalan, mahiwagang Trinidad ng Sangkakristiyanuhan. Si Jesus ay naglingkod kay Jehova na taglay ang magaling na pagkatakot, anupa’t siya’y tumangging masilo ng takot sa taong may kamatayan. “Sa mga araw ng kaniyang laman si Kristo ay naghandog ng mga pagsusumamo at pati ng mga paghiling sa Isa na nakapagligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, kasabay ng matinding pagtangis at ng mga luha, at siya’y may pagsang-ayong dininig dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.” Tulad ni Jesus, harinawang tayo man ay matakot kay Jehova samantalang tayo’y patuloy na natututo ng pagsunod dahil sa mga bagay na ating dinanas—laging ang walang-hanggang kaligtasan ang ating tunguhin.—Hebreo 5:7-9.
18. Papaano tayo makapaghahandog sa Diyos ng banal na paglilingkod nang may maka-Diyos na pagkatakot?
18 Sa may bandang huli ng liham na iyan sa mga Kristiyanong Hebreo, ipinayo ni Pablo sa pinahirang mga Kristiyano: “Yamang nakikita natin na tayo’y tatanggap ng isang kaharian na hindi matitinag, patuloy na magkaroon tayo ng di-sana nararapat na awa, na sa pamamagitan nito ay maaari tayong kalugud-lugod na makapaghandog sa Diyos ng banal na paglilingkod na may kasamang maka-Diyos na takot at sindak.” Sa ngayon, ang “malaking pulutong” ay may bahagi sa banal na paglilingkod na iyan. At ano ba ito? Pagkatapos talakayin ang di-sana nararapat na awa ni Jehova sa paglalaan ng hain ng Kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sinabi ni Pablo: “Sa pamamagitan niya tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.” (Hebreo 12:28; 13:12, 15) Bilang pagpapahalaga sa di-sana nararapat na awa ni Jehova, nanaisin nating mag-ukol ng bawat oras na maaari sa banal na paglilingkod sa kaniya. Bilang tapat na mga kasama ng natitira pang pinahirang mga Kristiyano, ang malaking pulutong sa ngayon ang siyang gumaganap ng malaking bahagi ng paglilingkurang iyan. Ang kanilang kaligtasan ay ipinahahayag nila na nanggagaling sa Diyos at kay Kristo, samantalang sila’y makasagisag na nakatayo sa harap ng trono ng Diyos, “naghahandog sa kaniya ng banal na paglilingkod araw at gabi.”—Apocalipsis 7:9, 10, 15.
Luwalhatiin si Jehova Magpakailanman
19, 20. Anong dalawang uri ng pagkatakot ang makikita sa “araw ni Jehova”?
19 Ang maluwalhating araw ng pagbabangong-puri ni Jehova ay mabilis na dumarating! “ ‘Narito! ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno, at ang lahat na palalo at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami. At ang araw na dumarating ay susunog sa kanila,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” Ang panahong iyan ng kapahamakan “ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Malakias 4:1, 5) Ito ang magdadala ng “kakilabutan” sa puso ng mga balakyot at ang mga ito “sa anumang paraan ay hindi makaliligtas.”—Jeremias 8:15; 1 Tesalonica 5:3.
20 Datapuwat, ang bayan ni Jehova ay pinupukaw ng isang naiibang uri ng pagkatakot. Ang anghel na pinagkatiwalaan ng “walang-hanggang mabuting balita” ay nanawagan sa kanila na taglay ang malakas na tinig, na nagsasabi: “Matakot kayo sa Diyos at siya’y luwalhatiin, sapagkat ang oras ng kaniyang paghuhukom ay sumapit na.” (Apocalipsis 14:6, 7) Tayo’y tatayo nang may pagkasindak sa paghuhukom na iyan samantalang ang sumusunog na init ng Har–Magedon ay tumutupok sa sanlibutan ni Satanas. Ang magaling na pagkatakot kay Jehova ay mapapasulat nang walang pagkapawi sa ating mga puso. Harinawang pagpalain tayo na tayo’y makabilang sa ‘mga iniligtas na tumawag sa pangalan ni Jehova’!—Joel 2:31, 32; Roma 10:13.
21. Anong mga pagpapala ang ibubunga ng pagkatakot kay Jehova?
21 Kagila-gilalas na mga pagpapala ang kasunod, kasali na ang “mga taon ng buhay” na walang katapusan! (Kawikaan 9:11; Awit 37:9-11, 29) Samakatuwid, ang pag-asa man natin ay ang magmana ng Kaharian o maglingkod sa nasasakupan nito sa lupa, tayo’y magpatuloy ng banal na paglilingkod sa Diyos taglay ang maka-Diyos na takot at sindak. Patuloy na luwalhatiin natin ang kaniyang banal na pangalan. At ano ang pinagpalang ibubunga nito? Pagpapasalamat magpakailanman na ating isinapuso ang pantas na payo na laging matakot kay Jehova!
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ibig sabihin ng “pagkatakot kay Jehova”?
◻ Papaano pinakinabangan ng kaniyang sinaunang bayan ang pagkatakot sa Diyos?
◻ Anong huwaran ng maka-Diyos na takot ang iniwan ni Jesus upang sundin natin?
◻ Papaano tayo makapananatiling tapat nang may takot kay Jehova?
[Larawan sa pahina 18]
Sa aklat ng Apocalipsis, ang mga kapatid ni Jesus ay makikitang umaawit ng “awit ni Moises,” isang awit na pumupuri kay Jehova
[Larawan sa pahina 20]
Nagtatagumpay ang hukbo ni Jehoshaphat na may pagkatakot kay Jehova
[Larawan sa pahina 23]
Mga taon ng buhay na walang-katapusan ang magiging gantimpala ng mga natatakot kay Jehova