“Sagradong Paglilingkod Taglay ang Inyong Kakayahan sa Pangangatuwiran”
“Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.”—ROMA 12:1.
1, 2. Papaanong ang pagkatutong ikapit ang mga simulain sa Bibliya ay kagaya ng pagiging dalubhasa sa isang bagong wika?
NASUBUKAN na ba ninyong mag-aral ng isang bagong wika? Kung gayon, walang-alinlangang sasang-ayon kayo na ito ay mahirap. Kung sa bagay, higit pa ang nasasangkot kaysa basta pagkatuto lamang ng bagong mga salita. Ang bihasang paggamit ng isang wika ay nangangailangan din ng kadalubhasaan sa balarila nito. Kailangang maunawaan ninyo kung papaano nauugnay sa isa’t isa ang mga salita at kung papaano pinagsasama-sama ang mga ito upang makabuo ng kompletong kaisipan.
2 Gayundin sa ating pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Higit pa ang nasasangkot kaysa pagkatuto lamang ng ilang piling teksto sa Kasulatan. Kailangang matutuhan din natin ang balarila ng Bibliya, wika nga. Kailangang maunawaan natin kung papaano nauugnay sa isa’t isa ang mga kasulatan at kung papaanong ang mga ito ay nagsisilbing mga simulain na maikakapit sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sa gayon tayo ay nagiging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:17.
3. Hinggil sa paglilingkod sa Diyos, anong pagbabago ang naganap noong 33 C.E.?
3 Sa ilalim ng kaayusan ng kodigo ng Batas Mosaiko, maipamamalas ang katapatan, sa malawak na paraan, sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa maliwanag na mga alituntunin. Gayunman, noong 33 C.E., pinawi ni Jehova ang Batas, sa katunayan ay ‘ipinako ito sa pahirapang tulos’ na ginamit sa pagpatay sa kaniyang Anak. (Colosas 2:13, 14) Magmula noon, ang bayan ng Diyos ay hindi na binigyan ng mahabang talaan ng mga hain na ihahandog at mga alituntunin na susundin. Sa halip, sila’y sinabihan: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Oo, ang mga Kristiyano ay kailangang masikap, taglay ang kanilang buong-puso, kaluluwa, isip, at lakas sa paglilingkod sa Diyos. (Marcos 12:30; ihambing ang Awit 110:3.) Subalit ano ang ibig sabihin ng maghandog ng “sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran”?
4, 5. Ano ang nasasangkot sa paglilingkod kay Jehova taglay ang ating kakayahan sa pangangatuwiran?
4 Ang pariralang “kakayahan sa pangangatuwiran” ay isinalin buhat sa Griegong salitang lo·gi·kosʹ, na nangangahulugang “makatuwiran” o “matalino.” Hinihiling sa mga lingkod ng Diyos na gamitin ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya. Sa halip na isalig ang kanilang mga pasiya sa napakaraming tuntunin na patiunang itinakda, kailangang maingat na isaalang-alang ng mga Kristiyano ang mga simulain sa Bibliya. Kailangan nilang maunawaan ang “balarila” ng Bibliya, o kung papaano nauugnay sa isa’t isa ang iba’t ibang simulain nito. Sa gayon, makagagawa sila ng timbang na mga pasiya taglay ang kanilang kakayahan sa pangangatuwiran.
5 Nangangahulugan ba ito na ang mga Kristiyano ay walang batas? Tiyak na hindi. Malinaw na ipinagbabawal ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang idolatriya, seksuwal na imoralidad, pagpatay, pagsisinungaling, espiritismo, ang maling paggamit ng dugo, at marami pang ibang kasalanan. (Gawa 15:28, 29; 1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8) Gayunman, sa isang lalong malawak na antas kaysa roon sa hiniling sa mga Israelita, kailangang gamitin natin ang ating kakayahan sa pangangatuwiran upang matutuhan at ikapit ang mga simulain sa Bibliya. Tulad ng pag-unawa sa isang bagong wika, ito’y nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Papaano natin lilinangin ang ating kakayahan sa pangangatuwiran?
Nililinang ang Inyong Kakayahan sa Pangangatuwiran
6. Ano ang nasasangkot sa pag-aaral ng Bibliya?
6 Una, kailangang tayo ay maging masisigasig na estudyante ng Bibliya. Ang kinasihang Salita ng Diyos ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Hindi natin dapat laging asahan na ang sagot sa isang suliranin ay masusumpungan sa isa lamang talata sa Bibliya. Sa halip, baka kailanganin na tayo’y mangatuwiran sa maraming kasulatan na nagbibigay-liwanag sa isang partikular na situwasyon o suliranin. Kakailanganin na tayo’y magsaliksik nang masikap para sa kaisipan ng Diyos tungkol sa bagay na iyon. (Kawikaan 2:3-5) Kailangan din natin ang kaunawaan, sapagkat “ang taong may unawa ang siyang kumukuha ng magaling na patnubay.” (Kawikaan 1:5) Mapagbubukud-bukod ng isang taong may unawa ang bawat salik sa isang bagay at pagkatapos ay mauunawaan ang kaugnayan sa isa’t isa ng mga ito. Tulad sa isang palaisipan, pinagsasama-sama niya ang mga bahagi upang makita niya ang kabuuang larawan.
7. Papaano makapangangatuwiran ang mga magulang sa mga simulain ng Bibliya hinggil sa disiplina?
7 Halimbawa, isaalang-alang ang tungkol sa pagiging mga magulang. Sinasabi ng Kawikaan 13:24 na ang isang ama na umiibig sa kaniyang anak ay “naglalapat sa kaniya ng disiplina.” Kung ito lamang sa ganang sarili ang isasaalang-alang, ang kasulatang ito ay maaaring may kamaliang ikapit upang bigyang-katuwiran ang malupit, madalas na pagpaparusa. Datapuwâ, naglalaan ang Colosas 3:21 ng timbang na payo: “Kayong mga ama, huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” Ang mga magulang na gumagamit ng kanilang kakayahan sa pangangatuwiran at gumagawang kasuwato ng mga simulaing ito ay hindi gagamit ng disiplina na matatawag na “mapang-abuso.” Pakikitunguhan nila ang kanilang mga anak nang may pagkamagiliw, pang-unawa, at karangalan. (Efeso 6:4) Kung gayon, sa pagiging magulang o sa anumang iba pang bagay na nasasangkot ang mga simulain sa Bibliya, mapauunlad natin ang ating kakayahan sa pangangatuwiran sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng magkakaugnay na salik. Sa ganitong paraan, mauunawaan natin ang “balarila” ng mga simulain ng Bibliya, kung ano ang layunin ng Diyos at kung papaano tutuparin iyon.
8. Papaano natin maiiwasang sumunod sa mahigpit, dogmatikong mga pangmalas kung tungkol sa paglilibang?
8 Ang ikalawang paraan na doo’y malilinang natin ang ating kakayahan sa pangangatuwiran ay ang iwasan ang pagsunod sa mahigpit, dogmatikong mga punto de vista. Ang isang istriktong pangmalas ay nakahahadlang sa pagsulong ng ating kakayahan sa pangangatuwiran. Kuning halimbawa ang tungkol sa paglilibang. Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Nangangahulugan ba ito na bawat aklat, pelikula, o programa sa telebisyon na ginagawa ng sanlibutan ay masama at sataniko? Talagang hindi makatuwiran ang gayong pangmalas. Mangyari pa, maaaring piliin ng ilan na lubusang iwasan ang telebisyon, sine, o sekular na mga babasahín. Karapatan nila iyon, at hindi sila dapat punahin dahil doon. Subalit hindi rin nila dapat sikaping gipitin ang iba na magkaroon ng gayunding paninindigan. Ang Samahan ay naglathala ng mga artikulo na naghaharap ng mga simulain sa Bibliya na makatutulong sa atin na maging matalino at mapili sa ating pamamahinga o paglilibang. Totoong isang kamangmangan na lumampas pa sa mga alituntuning ito at ihantad ang ating sarili sa imoral na kaisipan, malubhang karahasan, o espiritismo na malaganap sa mga libangan ng sanlibutang ito. Talaga naman, ang matalinong pagpili ng libangan ay humihiling na gamitin natin ang ating kakayahan sa pangangatuwiran na ikapit ang mga simulain ng Bibliya upang magkaroon ng malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng tao.—1 Corinto 10:31-33.
9. Ano ang ibig sabihin ng “ganap na kaunawaan”?
9 Karamihan sa libangan ngayon ay maliwanag na di-angkop para sa mga Kristiyano.a Samakatuwid, kailangang sanayin natin ang ating puso na “kapootan ang masama” upang hindi tayo maging gaya ng ilan noong unang siglo na “nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal.” (Awit 97:10; Efeso 4:17-19) Upang makapangatuwiran sa gayong mga bagay, kailangan natin ang “tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan.” (Filipos 1:9) Ang Griegong salitang isinaling “kaunawaan” ay nagpapahiwatig ng “sensitibong pagkaunawa sa kabutihang-asal.” Ang salita ay tumutukoy sa literal na pandama ng tao, tulad ng paningin. Kung tungkol sa paglilibang o anumang ibang bagay na nangangailangan ng sariling pagpapasiya, ang ating pakiramdam sa kabutihang-asal ay nararapat na itutok upang makita natin hindi lamang ang maliwanag, tiyak na mga isyu kundi maging yaong mga nasa alanganin. Kasabay nito, nararapat nating iwasan ang di-makatuwirang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya at paggigiit na gawin din iyon ng lahat ng ating mga kapatid.—Filipos 4:5.
10. Papaano natin mauunawaan ang personalidad ni Jehova gaya ng isinisiwalat sa Awit 15?
10 Ang ikatlong paraan upang malinang ang ating kakayahan sa pangangatuwiran ay ang magkaroon ng kabatiran sa pag-iisip ni Jehova at ikintal ito nang malalim sa ating puso. Sa kaniyang Salita, isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang personalidad at mga pamantayan. Halimbawa, mababasa natin sa Awit 15 ang tungkol sa uri ng tao na inaanyayahan ni Jehova na maging panauhin sa kaniyang tolda. Ang gayong tao ay nagsasagawa ng katuwiran, nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso, tapat sa kaniyang mga pangako, at hindi nagsasamantala sa iba. Habang binabasa ang awit na ito, tanungin ang inyong sarili, ‘Inilalarawan kaya ako ng mga katangiang ito? Aanyayahan kaya ako ni Jehova na maging panauhin sa kaniyang tolda?’ Ang ating kakayahang umunawa ay napatitibay habang nagiging kasuwato tayo ng mga daan at pag-iisip ni Jehova.—Kawikaan 3:5, 6; Hebreo 5:14.
11. Papaano ‘nilalampasan [ng mga Fariseo] ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos’?
11 Sa puntong ito lubhang nabigo ang mga Fariseo. Batid ng mga Fariseo ang teknikal na balangkas ng Batas ngunit hindi maunawaan ang “balarila” nito. Nabibigkas nila ang di-mabilang na detalye ng Batas, subalit hindi nila naunawaan ang Personalidad na nasa likod nito. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng ruda at ng bawat iba pang gulay, ngunit nilalampasan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos!” (Lucas 11:42) Dahil sa kanilang istriktong pag-iisip at matigas na puso, hindi nagamit ng mga Fariseo ang kanilang kakayahan sa pangangatuwiran. Nahayag ang kanilang pabagu-bagong pangangatuwiran nang batikusin nila ang mga alagad ni Jesus dahil sa pangingitil ng butil at pagkain ng laman niyaon sa panahon ng Sabbath; subalit, nang bandang huli sa araw ding iyon, hindi nabagabag ang kanilang budhi nang magsanggunian sila upang patayin si Jesus!—Mateo 12:1, 2, 14.
12. Papaano tayo lalong makakasuwato ni Jehova bilang isang Persona?
12 Ibig nating mapaiba sa mga Fariseo. Ang ating kaalaman sa Salita ng Diyos ay dapat tumulong sa atin na maging lalong kasuwato ni Jehova bilang isang Persona. Papaano natin magagawa ito? Pagkatapos basahin ang isang bahagi ng Bibliya o ng salig-Bibliyang babasahín, ang ilan ay natulungan sa pamamagitan ng mapanuring mga tanong na gaya nito, ‘Ano ang itinuturo sa akin ng impormasyong ito tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga katangian? Papaano ko maipamamalas ang mga katangian ni Jehova sa aking mga pakikitungo sa iba?’ Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga tanong ay nagpapasulong sa ating kakayahan sa pangangatuwiran at tinutulungan tayong maging ‘mga tagatulad sa Diyos.’—Efeso 5:1.
Mga Alipin ng Diyos at ni Kristo, Hindi ng mga Tao
13. Papaano kumilos ang mga Fariseo na parang mga diktador ng kabutihang-asal?
13 Nararapat na pahintulutan ng matatanda yaong nasa ilalim ng kanilang pangangalaga na gamitin ang kanilang kakayahan sa pangangatuwiran. Ang mga miyembro ng kongregasyon ay hindi mga alipin ng tao. “Kung nagpapalugod pa ako sa mga tao,” isinulat ni Pablo, “hindi ako magiging alipin ni Kristo.” (Galacia 1:10; Colosas 3:23, 24) Sa kabaligtaran, ibig ng mga Fariseo na ang mga tao’y maniwala na mas mahalagang matamo ang pagsang-ayon ng mga tao kaysa yaong sa Diyos. (Mateo 23:2-7; Juan 12:42, 43) Inatasan ng mga Fariseo ang kanilang mga sarili bilang mga diktador ng kabutihang-asal na bumubuo ng kanilang sariling mga alituntunin at pagkatapos ay hinahatulan ang iba batay sa kung nakaaabot sila rito. Yaong mga sumunod sa mga Fariseo ay naging mahina sa paggamit ng kanilang budhing sinanay sa Bibliya, anupat naging alipin ng mga tao.
14, 15. (a) Papaano maipakikita ng matatanda ang kanilang sarili bilang mga kamanggagawa ng kawan? (b) Papaano nararapat harapin ng matatanda ang mga bagay na nasasangkot ang budhi?
14 Batid ng Kristiyanong matatanda sa ngayon na ang kawan ay hindi sa kanila pangunahing magsusulit. Bawat Kristiyano ay kailangang magdala ng kaniyang sariling pasan. (Roma 14:4; 2 Corinto 1:24; Galacia 6:5) Ito ay angkop lamang. Sa katunayan, kung ang mga miyembro ng kawan ay magiging alipin ng mga tao, anupat sumusunod lamang dahil binabantayan, ano kayâ ang gagawin nila kung wala ang mga taong iyon? May dahilan si Pablo na magalak sa mga taga-Filipos: “Sa paraan na kayo ay laging sumusunod, hindi lamang sa panahon ng aking pagkanaririyan, kundi lalo pa ngang higit ngayon sa panahon ng aking pagiging wala riyan, patuloy ninyong isagawa ang inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.” Tunay na sila’y mga alipin ni Kristo, at hindi ni Pablo.—Filipos 2:12.
15 Samakatuwid, sa mga bagay na nasasangkot ang budhi, ang matatanda ay hindi nagpapasiya para doon sa mga nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. Ipinaliliwanag nila ang mga simulain sa Bibliya na nasasangkot sa isang bagay at saka hinahayaan ang mga taong nasasangkot na gamitin ang kanilang sariling kakayahan sa pangangatuwiran upang makagawa ng pasiya. Ito ay isang maselang na pananagutan, subalit isa ito sa mga kailangang pasanin ng isang tao mismo.
16. Anong sistema ang umiiral sa Israel sa paglutas ng mga suliranin?
16 Isaalang-alang ang panahon nang gumamit si Jehova ng mga hukom upang patnubayan ang Israel. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. Nahirating gumawa ang isa ng kung ano ang matuwid sa kaniyang sariling mga mata.” (Hukom 21:25) Gayunma’y naglaan si Jehova sa kaniyang bayan ng paraan upang makasumpong ng patnubay. Ang bawat lunsod ay may nakatatandang mga lalaki na makapaglalaan ng may-karanasang tulong sa mga tanong at mga suliranin. Karagdagan pa, ang mga Levitang saserdote ay kumilos bilang isang puwersa sa ikabubuti sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao ng mga batas ng Diyos. Kapag bumangon ang lubhang mahihirap na suliranin, ang mataas na saserdote ay maaaring sumangguni sa Diyos sa pamamagitan ng Urim at Thummim. Ganito ang komento ng Insight on the Scriptures: “Ang taong gumagamit para sa kaniyang sarili ng mga paglalaang ito, na nagtatamo ng kaalaman sa batas ng Diyos at nagkakapit nito, ay may matatag na patnubay para sa kaniyang budhi. Ang paggawa niya ng ‘kung ano ang matuwid sa kaniyang sariling mata’ sa gayong kaso ay hindi magbubunga ng masama. Pinapayagan ni Jehova ang mga tao na magpakita ng sumasang-ayon o di-sumasang-ayon na saloobin at landasin.”—Tomo 2, pahina 162-3.b
17. Papaano maipakikita ng matatanda na sila’y nagpapayo ayon sa mga pamantayan ng Diyos sa halip na yaong sa kanilang sarili?
17 Tulad ng mga hukom at mga saserdoteng Israelita, ang matatanda sa kongregasyon ay naglalaan ng may-karanasang tulong sa mga suliranin at nagbibigay ng mahalagang payo. Kung minsan, sila pa nga ay ‘sumasaway, sumasawata, nagpapayo nang masidhi, na may buong mahabang-pagtitiis at sining ng pagtuturo.’ (2 Timoteo 4:2) Gayon ang ginagawa nila ayon sa mga pamantayan ng Diyos, hindi sa ganang sarili nila. Ano ngang bisa nito kapag nagpapakita ang matatanda ng halimbawa at nagsusumikap na abutin ang mga puso!
18. Bakit lalo nang mabisa para sa matatanda na maabot ang mga puso?
18 Ang puso ang “makina” ng ating Kristiyanong gawain. Kaya sinasabi ng Bibliya: “Mula roon ang bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Nasusumpungan niyaong matatanda na nakaaantig ng mga puso na sa pamamagitan nito yaong mga nasa kongregasyon ay napakikilos na gawin ang buong makakaya nila sa paglilingkod sa Diyos. Sila ang magiging tagapagpaandar-sa-sarili, anupat hindi laging kailangang itulak ng iba. Ayaw ni Jehova ng sapilitang pagsunod. Hinahanap niya ang pagsunod na nagbubuhat sa isang pusong punô ng pag-ibig. Mapasisigla ng matatanda ang gayong udyok-ng-pusong paglilingkuran sa pamamagitan ng pagtulong doon sa mga nasa kawan na pasulungin ang kanilang kakayahan sa pangangatuwiran.
Nililinang “ang Pag-iisip ni Kristo”
19, 20. Bakit mahalaga para sa atin na linangin ang pag-iisip ni Kristo?
19 Gaya ng nabanggit, hindi sapat na malaman lamang ang mga batas ng Diyos. “Bigyan mo ako ng unawa,” ang pagsusumamo ng salmista, “upang masunod ko ang iyong batas at maingatan ko ng aking buong puso.” (Awit 119:34) Isiniwalat ni Jehova sa kaniyang Salita “ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Bilang isa na naglingkod kay Jehova taglay ang kaniyang kakayahan sa pangangatuwiran, iniwanan tayo ni Jesus ng isang sakdal na huwaran. Naunawaan niya ang mga batas at simulain ng Diyos, at ikinapit niya ang mga ito nang walang pagkukulang. Sa pamamagitan ng pag-aaral sa kaniyang halimbawa, magagawa nating ‘maintindihan sa isipan . . . kung ano ang lapad at haba at taas at lalim, at upang makilala ang pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman.’ (Efeso 3:17-19) Oo, ang natututuhan natin mula sa Bibliya tungkol kay Jesus ay nakahihigit pa sa pagkakaroon ng maraming kaalaman; ito’y nagbibigay sa atin ng maliwanag na larawan ng kung ano ang kagaya ni Jehova mismo.—Juan 14:9, 10.
20 Sa gayon, habang pinag-aaralan natin ang Salita ng Diyos, mauunawaan natin ang kaisipan ni Jehova sa mga bagay-bagay at makagagawa tayo ng timbang na mga pasiya. Mangangailangan ito ng pagsisikap. Kailangang tayo’y maging masisigasig na estudyante ng Salita ng Diyos, na ginagawang sensitibo ang ating sarili sa personalidad at mga pamantayan ni Jehova. Natututo tayo ng isang bagong balarila, wika nga. Gayunman, yaong gumagawa nito ay sumusunod sa payo ni Pablo na “iharap [ang kanilang] mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang [kanilang] kakayahan sa pangangatuwiran.”—Roma 12:1.
[Mga talababa]
a Kasali sa dapat iwasan ang paglilibang na makademonyo, pornograpiko, o makasadista, gayundin ang tinaguriang pampamilyang libangan na nagtataguyod ng mahalay o tiwaling mga idea na hindi maaaring sang-ayunan ng mga Kristiyano.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Ano ba ang Natutuhan Mo?
◻ Anong pagbabago hinggil sa paglilingkod sa Diyos ang naganap noong 33 C.E.?
◻ Papaano natin malilinang ang ating kakayahan sa pangangatuwiran?
◻ Papaano matutulungan ng matatanda yaong mga nasa kawan upang maging mga alipin ng Diyos at ni Kristo?
◻ Bakit nararapat nating linangin “ang pag-iisip ni Kristo”?
[Larawan sa pahina 23]
Tinutulungan ng matatanda ang iba na gamitin ang kanilang kakayahan sa pangangatuwiran