Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/22 p. 25-27
  • Paano Ko Haharapin ang Aking Malubhang Karamdaman?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Haharapin ang Aking Malubhang Karamdaman?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Positibong Saloobin
  • Paghahanap ng Isang Maunawaing Doktor
  • Makipagpunyagi Para sa Iyong Kalusugan!
  • Tulong Mula sa mga Taong Nakapaligid sa Iyo
  • May Katalinuhang Gamitin ang Iyong Isip at Katawan
  • Huwag Kang Susuko!
  • Bakit Kailangang Magkasakit Ako Nang Malubha?
    Gumising!—1997
  • Kung Paano Tatanggapin ang Katotohanan
    Gumising!—2011
  • Bakit Pa Kasi Ako Nagkasakit?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • “Natupad Ko Na ang Pananampalataya”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Haharapin ang Aking Malubhang Karamdaman?

SI Jason ay 18 anyos lamang, subalit para bang ang kaniyang mga pangarap sa buhay ay hindi na ngayon maaabot. Umaasa siyang makapaglingkod nang buong-panahon bilang isang Kristiyanong ministro, subalit nalaman niya na siya’y may Crohn’s disease​—isang karamdaman sa pagdumi na napakasakit at nakapanghihina. Gayunman, matagumpay na nababata ni Jason sa ngayon ang kaniyang kalagayan.

Marahil ay nagbabata ka rin ng isang malubhang karamdaman. Sa nakaraang labas ng Gumising! ay isinaalang-alang ang mga hamon na kinakaharap ng mga kabataang gaya mo.a Suriin natin ngayon kung ano ang pinakamabuting magagawa mo sa iyong kalagayan.

Isang Positibong Saloobin

Nasasangkot ang isang positibong saloobin sa matagumpay na pagbata sa anumang sakit. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Aalalayan ng diwa ng tao ang kaniyang sakit; ngunit ang bagbag na diwa, sinong makapagbabata nito?” (Kawikaan 18:14) Ang nakahahapis, pesimistikong mga kaisipan at damdamin ay higit na magpapahirap sa paggaling. Nasumpungan ni Jason na ito’y totoo.

Sa simula, kailangang paglabanan ni Jason ang negatibong mga damdamin, gaya ng galit, na dahilan ng kaniyang panlulumo. Ano ang nakatulong? Ganito ang sabi niya: “Ang mga artikulo sa Ang Bantayan at Gumising! tungkol sa panlulumo ang nakatulong sa akin na mapanatili ang isang positibong saloobin. Ngayo’y sinisikap kong harapin ang bawat araw lamang.”b

Natutuhan din ng labimpitong-taóng-gulang na si Carmen na tingnan ang mga bagay sa positibong aspekto nito. Bagaman siya’y pinahihirapan ng sickle-cell anemia, iniisip niya ang kaniyang mga pagpapala. “Iniisip ko ang iba na mas masahol pa ang kalagayan kaysa akin at hindi makagawa ng mga bagay na nagagawa ko,” aniya. “At ako’y nagpapasalamat at hindi ako naaawa sa aking sarili.”

Ang Kawikaan 17:22 ay nagsasabi: “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan.” Baka inaakala ng iba na ang pagtawa ay hindi tama kapag napapaharap sa isang malubhang sakit. Subalit ang mabuting pagpapatawa at kaayaayang pagsasamahan ay makapagpapasigla sa iyong isip at magdaragdag sa iyong pagnanais na mabuhay. Sa katunayan, ang kagalakan ay isang maka-Diyos na katangian, isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Ang espiritung iyan ay makatutulong sa iyo na makadama ng kagalakan bagaman nakikipagpunyagi ka sa isang karamdaman.​—Awit 41:3.

Paghahanap ng Isang Maunawaing Doktor

Malaki ang naitutulong sa mga kabataan ng pagkakaroon ng doktor na nakauunawa. Ang mental at emosyonal na mga pangangailangan ng isang kabataan ay karaniwang naiiba sa mga nasa hustong gulang na. Si Ashley ay sampung taóng gulang lamang nang siya’y maospital upang magpagamot dahil sa nakamamatay na tumor sa utak. Si Ashley ay maawaing pinakitunguhan ng kaniyang doktor at siya’y kinausap sa paraan na kaniyang mauunawaan. Ikinuwento ng doktor kung paanong ang kaniya mismong sakit noong siya’y bata pa ang nag-udyok sa kaniya na maging isang doktor. Ipinaliwanag niya sa mapagmahal ngunit maliwanag na paraan ang iminungkahing paggamot sa kaniya, kaya alam niya kung ano ang dapat asahan.

Baka ibig mo at ng iyong mga magulang na maghanap ng manggagamot na gagalang at makauunawa sa iyong mga pangangailangan. Kung sa ilang kadahilanan ay hindi palagay ang iyong kalooban sa pangangalaga na iyong tinatanggap, malaya mong sabihin ang iyong mga nadarama sa iyong mga magulang.

Makipagpunyagi Para sa Iyong Kalusugan!

Mahalaga rin naman na ikaw ay makipagpunyagi sa iyong karamdaman sa anumang paraan na kaya mo. Halimbawa, alamin mo nang lubusan hangga’t maaari ang tungkol sa iyong kalagayan. “Ang taong maalam ay lumalago ang kapangyarihan,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 24:5) Inaalis ng kaalaman ang takot sa mga bagay na hindi natin alam.

Karagdagan pa, ang isang kabataan na may kaalaman ay maaaring higit na masangkot sa paggagamot sa kaniya at mas nasa mabuting kalagayan upang makipagtulungan dito. Halimbawa, maaari niyang malaman na hindi niya dapat ihinto ang pag-inom ng iniresetang gamot nang walang sinasabi ang doktor. Si Carmen, na binanggit kanina, ay nagbasa ng mga aklat tungkol sa sickle-cell anemia, gaya ng ginawa ng kaniyang mga magulang. Ang kanilang nalaman ay nakatulong sa kanila na magpagamot sa pinakamabuting paraan na makatutulong kay Carmen.

Tanungin mo ng espesipikong mga tanong ang iyong doktor​—hindi lamang minsan kung kinakailangan​—kung hindi maliwanag sa iyo ang ilang bagay. Sa halip na sabihin kung ano ang inaakala mong ibig na marinig ng doktor, may katapatang sabihin mo kung ano ang iyong naiisip at nadarama. Gaya ng sabi ng Bibliya, “nabibigo ang mga plano kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala.”​—Kawikaan 15:22.

Minsa’y halos waring ayaw ipakipag-usap ni Ashley ang tungkol sa kaniyang sakit. Ipinakikipag-usap lamang niya ito sa kaniyang ina. Isang matalinong social worker ang nagtanong sa kaniya nang sarilinan: “Inaakala mo ba na para bang hindi sinabi sa iyo ang lahat?” Ipinagtapat ni Ashley na gayon nga. Kaya ipinakita ng babae kay Ashley ang kaniyang medikal na rekord at ipinaliwanag ito sa kaniya. Hiniling din niya sa mga doktor na gumugol ng mas maraming oras sa pakikipag-usap kay Ashley mismo, kaysa ipagtanong lamang ang tungkol sa kaniyang kalagayan. Sa wakas sa pamamagitan ng pagsasabi ng kaniyang niloloob, nakuha ni Ashley ang tulong na kaniyang kailangan.

Tulong Mula sa mga Taong Nakapaligid sa Iyo

Kapag ang sinumang miyembro ng pamilya ay may malubhang sakit, ito’y nagiging kabalisahan ng pamilya, anupat nangangailangan ng sama-samang pagsisikap. Ang pamilya ni Ashley at ang Kristiyanong kongregasyon ay nagsama-sama sa pagtulong sa kaniya. Pana-panahon ay ipinaaalaala sa kongregasyon na siya’y nasa ospital. Palaging dumadalaw ang mga miyembro ng kongregasyon sa kaniya, at tinulungan nila ang pamilya sa gawaing-bahay at sa paghahanda ng pagkain hanggang sa makabalik na ang pamilya sa dating gawain. Ang mga bata sa kongregasyon ay dumalaw kay Ashley sa ospital nang hindi gaanong malala ang kaniyang kalagayan para samahan. Hindi lamang ito nakabuti kay Ashley kundi rin naman sa kaniyang kabataang mga kaibigan.

Subalit, bago makatulong sa iyo ang ibang tao, kailangang malaman nila na ito’y kailangan mo. Umaasa si Carmen sa kaniyang mga magulang at sa mga elder sa kongregasyon ng emosyonal at espirituwal na tulong. Umasa rin siya ng tulong sa mga nasa paaralan na may katulad niyang Kristiyanong paniniwala. “Sila’y talagang nabahala sa akin,” ang sabi ni Carmen, “at nadama ko na ako’y pinagmamalasakitan.”

Ang iyong paaralan ay maaaring makapagbigay ng makabubuting payo sa paggamot at pananalapi at baka magbigay pa nga ng ilang personal na tulong. Halimbawa, hinimok ng guro ni Ashley ang kaniyang klase na sumulat kay Ashley at dumalaw sa kaniya. Kung hindi nauunawaan ng iyong mga guro ang hirap na iyong dinaranas, maaaring kailanganin na ipakipag-usap ng iyong mga magulang ang iyong kalagayan sa magalang na paraan sa mga awtoridad sa paaralan.

May Katalinuhang Gamitin ang Iyong Isip at Katawan

Kapag malubha ang iyong sakit, baka wala kang magawa kundi ituon ang iyong buong lakas sa pagpapagaling. Kung hindi ka lubusang nanghihina, maraming mabubuting bagay na maaari mong gawin. Sinabi ng awtor na si Jill Krementz tungkol sa kaniyang obserbasyon samantalang nagsasaliksik para sa kaniyang aklat na How It Feels to Fight for Your Life: “Para sa akin ay nakalulungkot na gumugol ng dalawang taon sa paglalakad sa mga pasilyo ng ospital at makakita ng napakaraming bata na nakatitig sa mga telebisyon. Kailangang himukin natin ang mga kabataang ito na higit na magbasa. Ang kama sa ospital ang pinakamabuting lugar upang maehersisyo ang utak ng isang tao.”

Ikaw man ay nasa bahay o nasa ospital, ang pagsasanay sa iyong kakayahang mag-isip ay malimit na makatutulong sa iyo na mas gumaan ang iyong pakiramdam. Nasubukan mo na bang sumulat ng mga liham o mga tula? Gumuhit o magpinta? Kumusta naman ang pagtugtog ng isang instrumento sa musika kung ipinahihintulot ng iyong kalagayan? Kahit na may limitasyon dahil sa kalusugan, napakarami ng posibilidad. Tiyak, ang pinakamabuti mong magagawa ay paunlarin ang kaugalian ng pananalangin sa Diyos at pagbabasa ng kaniyang Salita, ang Bibliya.​—Awit 63:6.

Kung ipinahihintulot ng iyong kalagayan, ang angkop na pisikal na gawain ay makatutulong din sa iyo na bumuti ang iyong pakiramdam. Sa bagay na ito ang medikal na mga pasilidad ay malimit na may mga programa sa terapi sa katawan para sa mga kabataang pasyente. Sa maraming kalagayan ang tamang ehersisyo ay hindi lamang nagpapasulong sa pisikal na paggaling kundi nakatutulong din na mapanatiling masigla ang iyong saloobin.

Huwag Kang Susuko!

Sa harap ng napakatinding paghihirap, si Jesus ay nanalangin sa Diyos, nagtiwala sa Kaniya, at nagtuon ng pansin sa kaniya mismong nakagagalak na kinabukasan sa halip na sa kirot. (Hebreo 12:2) Natuto siya mula sa kaniyang mahirap na mga karanasan. (Hebreo 4:15, 16; 5:7-9) Tumanggap siya ng tulong at pampatibay-loob. (Lucas 22:43) Itinuon niya ang kaniyang pansin sa kapakanan ng iba sa halip na sa kaniyang paghihirap.​—Lucas 23:39-43; Juan 19:26, 27.

Bagaman maaaring malubha ang iyong sakit, ikaw ay maaari ring magsilbing inspirasyon sa iba. Isinulat ng kapatid na babae ni Ashley, si Abigail, para sa ulat sa paaralan ang ganito: “Ang taong aking lubusang hinahangaan ay ang aking kapatid na babae. Bagaman kailangan niyang maospital at masuwero at maraming beses na iniksiyunan, siya’y nakangiti pa rin!”c

Hindi isinuko ni Jason ang kaniyang mga tunguhin, kundi isinaayos lamang niya ang mga ito. Ngayon ang kaniyang tunguhin ay maglingkod kung saan may mas malaking pangangailangan para sa mga mangangaral ng Kaharian ng Diyos. Katulad ng kalagayan ni Jason, baka hindi mo magawa ang lahat ng iyong nais. Ang mahalagang bagay ay matutong mabuhay ayon sa iyong sariling mga limitasyon, sa halip na maging labis na napakaingat o nagwawalang-bahala. Umasa kay Jehova na bigyan ka ng katalinuhan at lakas upang iyong magawa ang pinakamabuti. (2 Corinto 4:16; Santiago 1:5) At tandaan, darating ang panahon kapag ang lupang ito’y magiging paraiso na, kung saan “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ” (Isaias 33:24) Oo, balang araw ay lulusog kang muli!

[Mga talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Abril 22, 1997, pahina 17-19.

b Tingnan Ang Bantayan, Oktubre 1, 1991, pahina 15; Marso 1, 1990, pahina 3-9; at Gumising!, Oktubre 22, 1987, pahina 2-16; Nobyembre 8, 1987, pahina 12-16.

c Tingnan din Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 116-27.

[Larawan sa pahina 26]

Hinahangaan ng nakatatandang kapatid na si Abigail ang tibay ng loob ni Ashley

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share