Anong Uri ng Pangalan ang Ginagawa Mo Para sa Iyong Sarili?
NAKAPAGBASA ka na ba ng kolum ng obitwaryo sa inyong lokal na pahayagan o nakakita ka na ba ng isang mahabang salaysay tungkol sa buhay at mga nagawa ng isang taong namatay? Tinanong mo ba ang iyong sarili, ‘Ano kaya ang masasabi ng mga tao tungkol sa akin?’ Gaano kaya karami ang nag-iisip kung paano sila maaalaala pagkamatay nila? Kaya ito ang tuwirang mga tanong: Ano kaya ang sasabihin ng mga tao tungkol sa iyo ngayon kung namatay ka kahapon? Anong uri ng reputasyon ang ginagawa mo para sa iyong sarili? Paano mo gusto na maalaala ka ng mga nakakakilala sa iyo at ng Diyos?
Ang pantas na manunulat ng aklat ng Bibliya na Eclesiastes ay nagsabi: “Ang pangalan ay mas mabuti kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.” (Eclesiastes 7:1) Bakit ang araw ng kamatayan ng isa ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan? Sapagkat sa kapanganakan, ang isang tao ay wala pang nalilikhang reputasyon. Ang kaniyang personal na rekord ay blangkong-blangko pa. Ang landas ng pamumuhay niya ay magbubunga ng alinman sa mabuti o masamang reputasyon. Para sa mga nagkaroon ng isang mabuting pangalan paglipas ng mga taon, ang araw ng kamatayan ay tunay na mas mabuti sa gayong paraan kaysa sa araw ng kapanganakan.
Kaya mayroon tayong mapagpipilian. Sa katunayan, sa araw-araw ay marami tayong ginagawang pagpili na magsasabi kung ano ang magiging reputasyon natin sa araw ng ating kamatayan, lalo na kung paano tayo maaalaala ng Diyos. Kaya, ang nabanggit kaninang pantas na Hebreo ay sumulat: “Ang alaala ng matuwid ay pagpapalain, ngunit ang pangalan ng mga balakyot ay mabubulok.” (Kawikaan 10:7) Kapag naalaala ka ng Diyos para sa isang pagpapala—kaylaki ngang pribilehiyo!
Kung matalino tayo, magiging tunguhin natin na palugdan ang Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay na kasuwato ng kaniyang mga pamantayan. Nangangahulugan iyan ng pagsunod sa saligang mga simulain na ipinahayag ni Kristo: “ ‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.”—Mateo 22:37-40.
Ang ilan ay naaalaala bilang mga pilantropo, mapagkawanggawa, tagapagtaguyod ng mga karapatang sibil, o dahil sa kanilang mga tagumpay sa negosyo, siyensiya, medisina, o sa iba pang mga gawain. Gayunman, paano mo gusto na maalaala ka?
Ipinahayag ng makatang taga-Scotland na si Robert Burns (1759-96) ang kaniyang hangarin na mabigyan sana tayo ng Diyos ng kaloob na makita ang ating sarili kagaya ng pagkakita sa atin ng iba. Makikita mo ba ang iyong sarili sa makatuwirang paraan at masasabing ikaw ay nagtataglay ng isang mainam na reputasyon sa harap ng ibang mga tao at ng Diyos? Sa kalaunan, ang ating kaugnayan sa iba ay tiyak na magiging higit na mahalaga kaysa sa anupamang maaaring nagawa natin sa sandaling panahon sa daigdig ng palakasan o negosyo. Kaya ang katanungan ay: Paanong ang pakikitungo natin sa iba—ang ating pakikipag-usap, ang ating paggawi, ang pagkilos ng ating katawan—ay nakaaapekto sa kanila? Tayo ba ay minamalas nila bilang isang taong madaling lapitan o walang-malasakit? Mabait ba o malupit? Marunong bang makibagay o istrikto? Masigla ba at makatao o di-palakaibigan at di-malapít? Isang nakapipinsalang kritiko ba o isang nakapagpapatibay na tagapayo? Suriin natin ang ilang halimbawa noong una at sa modernong panahon upang makita kung ano ang matututuhan natin.
[Larawan sa pahina 3]
Hinangad ni Robert Burns na mabigyan sana tayo ng Diyos ng kaloob na makita ang ating sarili kagaya ng pagkakita sa atin ng iba
[Credit Line]
Mula sa aklat na A History of England