Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 10/14 p. 4-6
  • Kung Paano Makakamit ang Tunay na Tagumpay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Makakamit ang Tunay na Tagumpay
  • Gumising!—2014
  • Kaparehong Materyal
  • Gawing Tunay na Matagumpay ang Iyong Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Ano ba ang Tunay na Tagumpay?
    Gumising!—2014
  • Tagumpay—Anuman ang Halaga?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kung Paano Ka Magiging Matagumpay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Gumising!—2014
g 10/14 p. 4-6
Sina Charlotte at Timothy

TAMPOK NA PAKSA | ANO BA ANG TUNAY NA TAGUMPAY?

Kung Paano Makakamit ang Tunay na Tagumpay

Itinataguyod ng Bibliya ang tamang pangmalas sa tagumpay. Hindi nito itinuturo na ang tagumpay ay makakamit lang ng iilan. Pero hindi rin nito sinusuportahan ang kuwentong pantasya na kung sisikapin mong ‘abutin ang iyong pangarap,’ lahat ng kahilingan mo ay magkakatotoo. Ang ganiyang kaisipan​—na madalas ituro sa mga bata—​ay malamang na mauwi sa kabiguan.

Ang totoo, ang tagumpay ay kayang abutin ng sinuman​—pero kailangan ang pagsisikap. Talakayin natin ang sumusunod na mga simulain.

  • Salansan ng barya

    ANG SABI NG BIBLIYA:

    “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.”​—Eclesiastes 5:10.

    ANG KAHULUGAN NITO. Ang maluhong pamumuhay ay hindi garantiya ng kasiyahan. Sa katunayan, kabaligtaran ang nangyayari. “Ang mga taong nagkukumahog sa pagkita ng pera ay mas balisa at nanlulumo kaysa sa mga taong nagpapahalaga sa matibay na kaugnayan sa iba,” ang isinulat ni Dr. Jean M. Twenge sa kaniyang aklat na Generation Me. Sinabi rin niya: “Laging natutuklasan ng mga mananaliksik na ang kaligayahan ay hindi nabibili ng salapi​—kung nakakaraos ka naman, wala nang kaugnayan ang kinikita sa pagiging masaya.”

    ANG PUWEDE MONG GAWIN. Magtakda ng tunguhing mas kapaki-pakinabang kaysa sa kayamanan at ari-arian. “Magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”​—Lucas 12:15.

  • Mapagmapuring lalaki

    ANG SABI NG BIBLIYA:

    “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.”​—Kawikaan 16:18.

    ANG KAHULUGAN NITO. Ang ambisyon at kayabangan ay hindi makatutulong sa iyo na makamit ang tunay na tagumpay. Ang totoo, sinasabi ng aklat na Good to Great na ang matatagumpay na lider ng kompanya ay “mapagpakumbaba, hindi mayabang, at simple lang. Samantala, dalawang-katlo ng pinagkumparahang mga kompanya ang may mga lider na masyadong mataas ang tingin sa sarili kaya naman bumagsak o hindi umunlad ang kompanya.” Ang aral? Kung masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili, mas malamang na mabigo ka kaysa sa magtagumpay.

    ANG PUWEDE MONG GAWIN. Sa halip na mangarap na maging popular, linangin ang kapakumbabaan. Sinasabi ng Bibliya: “Kung iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga samantalang siya ay walang anuman, nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan”​—na malayong maging katibayan ng tagumpay!​—Galacia 6:3.

  • Kamay na may hawak na martilyo

    ANG SABI NG BIBLIYA:

    “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang . . . magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.”​—Eclesiastes 2:24.

    ANG KAHULUGAN NITO. Kung may dedikasyon ka sa trabaho, malamang na mas ma-enjoy mo ito. Sa aklat ni Dr. Madeline Levine na Teach Your Children Well, sinabi niya: “Para ka makadama ng tagumpay sa isang bagay, dapat kang maging mahusay rito, at para maging mahusay rito, kailangan ang sipag at tiyaga.” Kasama riyan ang pagiging matatag sa pagharap sa paminsan-minsang kabiguan.

    ANG PUWEDE MONG GAWIN. Sikapin mong maging mahusay sa trabaho, at huwag sumuko kapag may mga hadlang. Kung may mga anak ka, bigyan mo sila (depende sa kanilang edad at kakayahan) ng pagkakataong lutasin ang kanilang sariling problema. Huwag agad-agad makialam at ayusin ang mga ito. Ang mga kabataan ay nakadarama ng tunay na kasiyahan​—at tumatanggap ng magandang pagsasanay—​kapag natututo silang maging matatag.

  • Aso

    ANG SABI NG BIBLIYA:

    “Ang buháy na aso ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon.”​—Eclesiastes 9:4.

    ANG KAHULUGAN NITO. Kung may trabaho ka, dapat na maging bahagi ito ng iyong buhay​—pero hindi ito ang iyong buong buhay. Masasabi mo bang matagumpay ka kung umasenso ka nga sa propesyon mo pero nagkasakit ka naman o nawala ang respeto sa iyo ng pamilya mo? Ang mga taong tunay na matagumpay ay nagsisikap na maging timbang sa trabaho, kalusugan, at pamilya.

    ANG PUWEDE MONG GAWIN. Alagaan ang iyong sarili. Magkaroon ng sapat na pahinga. Wala kang mapapala sa pagiging workaholic kung isasakripisyo mo naman ang lahat​—kalusugan, pamilya, at kaibigan—​para lang sa huwad na tagumpay.

  • Nakabukas na Bibliya

    ANG SABI NG BIBLIYA:

    “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”​—Mateo 5:3.

    ANG KAHULUGAN NITO. Ang pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng mga simulain nito ay napakahalaga sa pagkakamit ng tunay na tagumpay. Sa katunayan, nakita ng milyon-milyong Saksi ni Jehova na nabawasan ang kanilang pagkabalisa sa materyal nang unahin nila ang espirituwal na mga bagay sa kanilang buhay.​—Mateo 6:31-33.

    ANG PUWEDE MONG GAWIN. Alamin kung paano ka matutulungan ng Bibliya na makamit ang tunay na tagumpay. Para sa higit pang impormasyon, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o magpunta sa aming website na www.jw.org/tl.

“Hindi Pala Tunay ang Tagumpay Ko Noon”

Sina Charlotte at Timothy

Sina Timothy at Charlotte ay nakatira sa isang malaking bahay na maraming kuwarto. Marami silang mamahaling kotse at gumagastos nang malaki sa ilang beses na pagbabakasyon taon-taon. Pero noong nasa rurok na sila ng tagumpay, tinalikuran nila ito. Tinanong ng Gumising! si Timothy kung ano ang nagpabago sa isip nila.

Ano ba ang trabaho mo noon?

Nagtatrabaho ako noon sa industriya ng musika at nagkaroon ako ng sariling brokerage firm. Si Charlotte naman ay isang chiropractic assistant, at nagtrabaho rin sa bangko. Nang maglaon, nagbukas kami ng apat na barber shop. Masasabing matagumpay ako sa lahat ng ito. Sa katunayan, hindi ko na kailangang magtrabaho dahil may mga tauhan naman ako. Pero nang bandang huli, nagpasiya kami ni Charlotte na magpasimple ng buhay. Ibinenta namin ang marami sa aming mga pag-aari.

Bakit kayo nagpasimple ng buhay?

Nadama kasi naming hindi kami talaga matagumpay. Ang excitement namin sa bawat pagbili ay napakadaling mawala, anupat parang may kulang pa rin, hindi kami kontento, at di-masaya.

Paano mo nakamit ang tunay na tagumpay?

Bilang Saksi ni Jehova, aktibo naman ako sa ministeryong Kristiyano. Bagaman gumugugol kami ni Charlotte ng 70 oras bawat buwan sa pagtuturo ng Bibliya, hindi pa rin kami talaga nakapokus sa aming ministeryo. Kaya ibinenta namin ang aming mga negosyo at inihanda namin ang aming sarili na maglingkod saanman nangangailangan ng higit pang tagapagturo ng Bibliya. Ngayon, naglilingkod kami sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Dahil bahagi ito ng aming ministeryo, wala kaming suweldo at hindi itinuturing na nakahihigit sa iba. Nasasapatan ang pangangailangan namin sa materyal. Pero hindi diyan nakasentro ang aming buhay.

Sa palagay mo, mas matagumpay ka ba ngayon kaysa noon?

Oo naman. Hindi pala tunay ang tagumpay ko noon. Pero ngayon, damang-dama ko ang tunay na kasiyahan. Kasi alam kong ang ginagawa ko ay nakakatulong para madala ang mensahe ng Bibliya sa mga tao sa buong mundo at mapabuti ang buhay nila.a

a Ang mga Saksi ni Jehova ay walang suweldo sa kanilang pagtuturo ng Bibliya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share