Gawing Matagumpay ang Iyong Buhay!
“Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot . . .Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”—AWIT 1:1, 3.
1. (a) Paano minamalas ng maraming kabataan sa sanlibutan ang tagumpay? (b) Paano inilalarawan ng Bibliya ang isang taong matagumpay?
TAGUMPAY—ano ang kahulugan sa iyo ng salitang ito? “Ang pinakamahalagang tunguhin ko ay ang maging matagumpay sa negosyo,” sabi ng isang binatilyo. Sinabi naman ng isang kabataang babae: “Ang pinaka-pangarap ko ay ang magkaroon ng maligayang pamilya.” Pero ganito naman ang sabi ng isang dalagita: “Ang pangarap ko lamang ay ang magkaroon ng magandang condo, isang magarang kotse . . . Sarili ko ang iniisip ko.” Ang problema ay na hindi sukatan ng tagumpay ang salapi, ni ang pamilya, o kahit pa nga ang isang karera na may malaking kita. Sa Awit 1:1-3, ganito ang mababasa natin: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot . . . Ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova . . . Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”
2. Saan masusumpungan ang tunay na tagumpay, at ano ang tanging paraan upang matamo ito?
2 Dito ay nangangako ang Bibliya ng isang bagay na hindi maibibigay ng sinumang tao—ang tunay na tagumpay! Ngunit hindi pinansiyal na pakinabang ang tinutukoy nito. Nagbabala ang Bibliya mismo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” (1 Timoteo 6:10) Ang tunay na tagumpay ay masusumpungan sa pagpapalugod sa Diyos—kasali na ang pagsunod sa batas ni Jehova. Ito lamang ang makapagdudulot ng totoong kasiyahan at tunay na kaligayahan! Marahil ay waring hindi kanais-nais ang ideya na ikaw ay nasa ilalim ng kautusan ni Jehova at kailangang pagsabihan kung ano ang dapat mong gawin. Subalit sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Natatalos mo man o hindi, nilalang ka na taglay ang espirituwal na mga pangangailangan—lakip na ang isang matinding pangangailangan na makilala ang Diyos at maunawaan ang kaniyang mga layunin. Samakatuwid, mararanasan mo lamang ang tunay na kaligayahan kung sasapatan mo ang mga pangangailangang iyon at susundin mo ang “kautusan ni Jehova.”
Kung Bakit Kailangan Natin ang mga Kautusan ng Diyos
3. Bakit dapat na maging maligaya tayo na hayaang si Jehova ang ‘magtuwid ng ating mga hakbang’?
3 Sumulat si propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniya. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Totoo ito sa lahat ng tao, bata at matanda. Hindi lamang tayo kulang ng karunungan, karanasan, at kaalaman upang ituwid ang ating sariling mga hakbang; talagang wala tayong karapatang gawin iyon. Sa Apocalipsis 4:11, sinasabi ng Bibliya: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.” Bilang ating Maylalang, si Jehova “ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Dahil dito, alam niya nang higit kaninuman kung paano natin dapat gamitin ang ating buhay. Kaya gumawa siya ng mga kautusan, hindi upang alisan tayo ng kasiyahan, kundi upang tulungan tayong makinabang. (Isaias 48:17) Ipagwalang-bahala mo ang kautusan ng Diyos, at ikaw ay nakatakdang mabigo.
4. Bakit sinisira ng napakaraming kabataan ang kanilang buhay?
4 Halimbawa, naisip mo na ba kung bakit sinisira ng napakaraming kabataan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng droga, kahalayan, at iba pang bisyo? Nagpapaliwanag ang Awit 36:1, 2: “Ang salita ng pagsalansang sa balakyot ay nasa loob ng kaniyang puso; walang panghihilakbot sa Diyos sa harap ng kaniyang mga mata. Sapagkat siya ay kumilos na may labis na paghanga sa sarili sa kaniyang sariling paningin upang matuklasan ang kaniyang kamalian at kapootan iyon.” Dahil sa wala silang nakabubuting “panghihilakbot sa Diyos,” nililinlang ng maraming kabataan ang kanilang sarili sa pag-aakalang walang masamang ibubunga ang mapanganib na paggawi. Subalit sa dakong huli, kailangan nilang harapin ang di-nagbabagong simulaing ito: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin; sapagkat siya na naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siya na naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang-hanggan mula sa espiritu.”—Galacia 6:7, 8.
‘Pagbilang sa mga Araw’
5, 6. (a) Bakit dapat ‘bilangin [ng mga kabataan] ang kanilang mga araw,’ at ano ang ibig sabihin ng paggawa nito? (b) Ano ang ibig sabihin ng ‘pag-alaala sa ating Dakilang Maylalang’?
5 Paano mo gagawing matagumpay ang iyong buhay at ‘mag-ani ng buhay na walang-hanggan’? Sumulat si Moises: “Ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon . . . Ito ay madaling lumilipas, at kami ay lumilipad.” (Awit 90:10) Baka bihira, kung sakali man, na pag-isipan mo ang tungkol sa kamatayan. Sa katunayan, maraming kabataan ang gumagawi na para bang sila’y walang kamatayan. Subalit tuwirang iniharap sa atin ni Moises ang mapait na katotohanan na ang buhay ay maikli. Wala pa ngang garantiya na mabubuhay tayo nang hanggang 70 o 80 taon. “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay maaaring kumitil kahit na sa mga bata pa at malulusog. (Eclesiastes 9:11) Kung gayon, paano mo gagamitin ang mahalagang buhay na tinatamasa mo ngayon? Nanalangin si Moises: “Ipakita mo sa amin kung paano bibilangin ang aming mga araw upang makapagtamo kami ng pusong may karunungan.”—Awit 90:12.
6 Ano ba ang ibig sabihin ng pagbilang sa iyong mga araw? Hindi ito nangangahulugan na dapat kang labis na mabalisa kung magiging gaano kahaba ang iyong buhay. Nanalangin si Moises na turuan sana ni Jehova ang Kaniyang bayan kung paano gagamitin ang kanilang nalalabing mga araw sa paraan na magdudulot ng karangalan sa Kaniya. Binibilang mo ba ang mga araw ng iyong buhay—anupat itinuturing na ang bawat araw ay isang mahalagang kayamanan na magagamit upang purihin ang Diyos? Ibinibigay ng Bibliya ang ganitong pampatibay-loob sa mga kabataan: “Alisin mo ang kaligaligan mula sa iyong puso, at ilayo mo ang kapahamakan mula sa iyong laman; sapagkat ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan. Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.” (Eclesiastes 11:10–12:1) Ang pag-alaala sa ating Maylalang ay hindi lamang nangangahulugan na hindi natin kinalilimutan na siya’y umiiral. Nang mamanhik ang kriminal kay Jesus, “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian,” hindi niya nais na alalahanin lamang ni Jesus ang kaniyang pangalan. Nais niyang kumilos si Jesus, anupat siya’y buhaying-muli! (Lucas 23:42; ihambing ang Genesis 40:14, 23; Job 14:13.) Sa katulad na paraan, ang pag-alaala kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkilos, anupat ginagawa ang nakalulugod sa kaniya. Masasabi kaya na iyong inaalaala si Jehova?
Huwag Mainggit sa mga Manggagawa ng Kamalian
7. Bakit pinipili ng ilang kabataan na kalimutan ang kanilang Maylalang? Magbigay ng halimbawa.
7 Pinili ng maraming kabataan na kalimutan si Jehova dahil sa inaakala nilang napakahigpit ang pagiging isang Saksi. Nagunita ng isang kapatid sa Espanya kung ano ang nadama niya bilang isang tin-edyer: “Naakit ako sa sanlibutan dahil waring mahirap at mahigpit ang katotohanan. Nangangahulugan ito ng pag-upo, pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, pagsusuot ng kurbata, at ang mga iyon ay mga bagay na hindi ako nasisiyahang gawin.” Kung minsan ba ay nadarama mong may mga bagay na ipinagkakait sa iyo dahil sa naglilingkod ka sa Diyos? Marahil ay magugulat kang malaman na ganiyan mismo ang naramdaman ng isa sa mga manunulat ng Bibliya. Pakisuyong buksan ang iyong Bibliya at basahin ang Awit 73.
8. Bakit “nainggit [si Asap] sa mga hambog”?
8 Suriin nating mabuti ang awit na ito. Sinasabi ng Aw 73 talata 2 at 3: “Kung tungkol sa akin, ang aking mga paa ay muntik nang mapaliko, ang aking mga hakbang ay muntik nang madupilas. Sapagkat ako ay nainggit sa mga hambog, kapag nakikita ko ang kapayapaan ng mga taong balakyot.” Ayon sa superskripsiyon, ang awit na ito ay isinulat ni Asap. Siya ay isang manunugtog na Levita at kapanahon ni Haring David. (1 Cronica 25:1, 2; 2 Cronica 29:30) Bagaman mayroon siyang mainam na pribilehiyo ng paglilingkuran sa templo ng Diyos, siya’y “nainggit” sa mga taong naghahambog sa kanilang katampalasanan. Waring maganda ang kalagayan nila; lumilitaw na sila’y payapa at tiwasay. Sa katunayan, ang kanilang tila mga tagumpay ay ‘nakahigit sa mga guniguni ng kanilang puso.’ (Aw 73 Talata 5, 7) Nagsasalita sila tungkol sa kanilang mga ginagawa “sa matayog na paraan,” samakatuwid nga, nang may paghahambog. (Aw 73 Talata 8) ‘Inilalagay nila ang kanilang bibig sa mga langit at ang kanilang dila ay lumilibot sa lupa,’ anupat walang pakundangan sa kaninuman—sa langit man o sa lupa.—Aw 73 Talata 9.
9. Paano maaaring madama ng ilang kabataang Kristiyano ngayon ang tulad ng nadama ni Asap?
9 Baka ganiyan din ang masasabi tungkol sa iyong mga kamag-aral. Baka naririnig mo sila na walang-kahihiyang ipinagyayabang ang kanilang mga kalokohan sa sekso, ang kanilang magugulong parti, at ang kanilang pagpapakasasa sa alkohol at droga. Kapag inihahambing mo ang kanilang diumano’y pamumuhay sa kalayawan sa makipot na daan na dapat mong lakaran bilang isang Kristiyano, baka kung minsan ay ‘mainggit ka sa mga hambog.’ (Mateo 7:13, 14) Maging si Asap ay umabot sa punto na doo’y ibinulalas niya: “Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso at na hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala. At ako ay sinasalot buong araw.” (Aw 73 Talata 13, 14) Oo, sinimulan niyang pag-alinlanganan ang halaga ng paglilingkod sa Diyos at ng matuwid na pamumuhay.
10, 11. (a) Ano ang dahilan at nagbago ng saloobin si Asap? (b) Paanong nasa “madulas na dako” ang mga manggagawa ng kamalian? Magbigay ng halimbawa.
10 Mabuti na lamang, hindi nagtagal ang panlulumo ni Asap. Agad niyang natanto na ang waring kapayapaan ng mga balakyot ay walang iba kundi isang ilusyon—at pansamantala lamang! Bumulalas siya: “Tunay na inilalagay mo sila sa madulas na dako. Inilugmok mo sila sa pagkawasak. O ano’t sila ay naging bagay na panggigilalasan sa isang sandali! Ano’t sumapit sila sa kanilang kawakasan, sumapit sa kanilang katapusan sa pamamagitan ng mga biglaang kakilabutan!” (Aw 73 Talatang 18, 19) Marami sa iyong mga kaedad ang nasa “madulas na dako” rin naman. Sa malao’t madali, aanihin nila ang bunga ng kanilang di-makadiyos na paggawi, marahil sa isang di-ninanais na pagdadalang-tao, isang sakit na naililipat sa pagtatalik, maging sa pagkabilanggo o pagkamatay! Masahol pa, sila’y mapapalayo sa Diyos.—Santiago 4:4.
11 Tuwirang naranasan ng isang kabataang Saksi sa Espanya ang katotohanang ito. Bilang isang kabataan, siya’y nagkaroon ng dobleng pamumuhay, anupat nasangkot nang husto sa isang grupo ng mga kabataang walang diyos. Hindi nagtagal, napaibig siya sa isa sa kanila—isang sugapa sa droga. Bagaman siya mismo ay hindi gumagamit ng droga, siya naman ang bumibili ng droga para sa kaniya. “Tinutulungan ko pa nga siya na iturok ang karayom,” ang pag-amin niya. Mabuti na lamang, ang sister ay natauhan at nanumbalik sa espirituwal na kalusugan. Ngunit laking gulat niya nang malaman niya pagkaraan na ang kaniyang boyfriend na gumagamit ng droga ay namatay dahil sa AIDS. Oo, gaya ng sabi ng salmista, ang mga taong walang diyos ay nasa “madulas na dako.” Ang ilan ay baka mamatay nang di-inaasahan bunga ng kanilang maluwag na istilo ng pamumuhay. Ang iba naman, maliban nang magbago sila, ay malapit nang humarap sa “pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagdadala siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”—2 Tesalonica 1:7, 8.
12. Paano natanto ng isang kabataan sa Hapon na isang kamangmangan ang mainggit sa mga manggagawa ng kamalian?
12 Ano ngang laking kamangmangan, kung gayon, na mainggit sa mga “hindi nakakakilala sa Diyos”! Ang totoo, yaong mga nakakakilala kay Jehova at may pag-asang mabuhay magpakailanman ang dapat kainggitan. Natanto ito ng isang kabataang brother sa Hapon. Bilang isang kabataan, siya rin ay “nagnais ng higit na kalayaan.” Ganito ang paliwanag niya: “Akala ko ay may ipinagkakait sa akin. Saka ko natalos kung ano ang magiging buhay ko kung wala ang katotohanan. Nakini-kinita ko ang aking sarili na mabubuhay hanggang 70 o 80 taon at saka mamamatay. Ngunit iniaalok ni Jehova ang pag-asang buhay na walang hanggan! Ang pagkatanto nito ay nakatulong sa akin na pahalagahan ang talagang taglay ko.” Magkagayunman, hindi madali ang manatiling tapat kapag napalilibutan ng mga taong hindi sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Ano ang ilang bagay na magagawa mo upang mapaglabanan ang gayong mga panggigipit?
Piliin ang Iyong mga Kasama!
13, 14. Bakit mahalaga na maging mapamili pagdating sa mga kasama?
13 Tingnan uli natin ang paglalarawan sa taong matagumpay, na nakaulat sa Awit 1:1-3: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot, at sa daan ng mga makasalanan ay hindi tumatayo, at sa upuan ng mga manunuya ay hindi umuupo. Kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi. At siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”
14 Una sa lahat, pansinin na malaking bahagi ang ginagampanan ng iyong mga kasama. Ganito ang sabi ng Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” Hindi ito nangangahulugan ng pagiging malamig at di-palakaibigan, o magaspang sa mga kabataang hindi Saksi ni Jehova. Hinihimok tayo ng Bibliya na ibigin natin ang ating kapuwa at ‘makipagpayapaan tayo sa lahat ng tao.’ (Roma 12:18; Mateo 22:39) Gayunman, baka masumpungan mo ang iyong sarili na “lumalakad sa payo” ng mga hindi sumusunod sa mga pamantayan ng Bibliya kung masyado kang malapit sa kanila.
Ang Kapakinabangan ng Pagbabasa ng Bibliya
15. Paano magkakaroon ang mga kabataan ng pananabik sa pagbabasa ng Bibliya?
15 Sinabi rin ng salmista na ang taong matagumpay ay nalulugod sa pagbasa sa kautusan ng Diyos “nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Totoo, hindi madaling basahin ang Bibliya, at naglalaman ito ng “ilang bagay na mahirap unawain.” (2 Pedro 3:16) Ngunit hindi naman nakababagot na gawain ang pagbabasa ng Bibliya. Maaaring ‘magkaroon ng pananabik sa di-nabantuang gatas’ ng Salita ng Diyos. (1 Pedro 2:2) Subukang magbasa nang kaunti bawat araw. Kung may mga punto na hindi mo maunawaan, magsaliksik ka. Pagkatapos, pag-isipan ang iyong nabasa. (Awit 77:11, 12) Kung nahihirapan kang magtuon ng pansin, subukan mong magbasa nang may tinig na “pabulong.” Sa kalaunan, tiyak na lalo mong magugustuhan ang pagbabasa ng Bibliya. Ganito ang nagunita ng isang kabataang sister sa Brazil: “Dati’y para bang napakalayo ni Jehova sa akin. Pero sa loob ng ilang buwan na ngayon, pinasulong ko ang aking personal na pag-aaral at pagbabasa ng Bibliya. Nadama kong mas matibay ngayon ang kaugnayan ko kay Jehova. Lalo siyang naging totoo sa akin.”
16. Paano tayo makikinabang nang higit sa mga pulong ng kongregasyon?
16 Mahalaga rin sa iyong espirituwal na pagsulong ang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. Kung ikaw ay ‘nagbibigay-pansin kung paano ka nakikinig,’ malaking pampatibay-loob ang matatamo mo. (Lucas 8:18) Kung minsan ba’y nadarama mong nakababagot ang mga pulong? Buweno, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ba ang ginagawa ko para maging kawili-wili ang mga pulong? Ako ba’y nagbibigay-pansin? Ako ba’y naghahanda? Ako ba’y nagkokomento? Tutal, sinasabi sa atin ng Bibliya na “isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na . . . nagpapatibayang-loob sa isa’t isa.” (Hebreo 10:24, 25) Upang magawa ito, kailangan mong makibahagi! Sabihin pa, kailangan mong mag-aral nang patiuna para makabahagi ka. Inamin ng isang kabataang sister: “Talagang mas madaling makibahagi sa mga pulong kapag naghahanda ka.”
Umaakay sa Tagumpay ang Pagsunod sa Daan ng Diyos
17. Paanong “tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig” ang isang masikap na mambabasa ng Bibliya?
17 Inilarawan pa ng salmista na ang taong matagumpay ay “tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig.” Ang mga daloy ng tubig ay maaaring tumutukoy sa mga patubigan na ginagamit noon para diligin ang mga taniman ng puno. (Isaias 44:4) Sa pagbabasa ng Bibliya araw-araw ay para kang nakatanim sa tabi ng gayong walang-tigil na pinagmumulan ng panustos at kaginhawahan. (Jeremias 17:8) Araw-araw ay tatanggap ka ng lakas na kailangan mo upang makayanan ang mga pagsubok at kahirapan. Palibhasa’y nalalaman mo ang pag-iisip ni Jehova, magkakaroon ka ng karunungan na kailangan mo upang makagawa ng matalinong mga pasiya.
18. Ano ang maaaring tumiyak sa tagumpay ng isang kabataan sa paglilingkod kay Jehova?
18 Kung minsan, maaaring waring mahirap maglingkod kay Jehova. Ngunit kailanma’y huwag mong isipin na ito’y napakahirap anupat hindi na makakaya. (Deuteronomio 30:11) Nangangako ang Bibliya sa iyo na ‘lahat ng ginagawa mo ay magtatagumpay’ sa dakong huli, hangga’t ang iyong pangunahing layunin ay ang palugdan si Jehova at pasayahin ang kaniyang puso! (Kawikaan 27:11) At tandaan, hindi ka nag-iisa. Aalalayan ka ni Jehova at ni Jesu-Kristo. (Mateo 28:20; Hebreo 13:5) Alam nila ang mga panggigipit na kinakaharap mo, at hindi ka nila pababayaan kailanman. (Awit 55:22) Nasa iyo rin ang pag-alalay ng “buong samahan ng mga kapatid” at ng iyong mga magulang kung sila’y may takot sa Diyos. (1 Pedro 2:17) Taglay ang gayong suporta, kasabay ng iyong determinasyon at pagsisikap, maaaring magtagumpay ang iyong buhay hindi lamang ngayon kundi magpakailanman!
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ba ang tunay na tagumpay?
◻ Bakit kailangan natin si Jehova para ituwid ang ating mga hakbang?
◻ Paano ‘mabibilang [ng mga kabataan] ang kanilang mga araw’?
◻ Bakit isang kamangmangan ang mainggit sa mga manggagawa ng kamalian?
◻ Paano makatutulong ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at regular na pagdalo sa mga pulong upang maging matagumpay ang buhay ng mga kabataan?
[Larawan sa pahina 20]
Dahil sa wala silang nakabubuting “panghihilakbot sa Diyos,” maraming kabataan ang nasasangkot sa kapaha-pahamak na paggawi
[Larawan sa pahina 22]
Kadalasang nalilimutan ng mga kabataan na may ibubunga ang kanilang ginagawa
[Larawan sa pahina 23]
Linangin ang hilig sa pagbabasa ng Bibliya
[Larawan sa pahina 23
Higit kang masisiyahan sa mga pulong kung nakikibahagi ka