Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • sh kab. 6 p. 129-160
  • Budhismo—Paghahanap ng Kaliwanagan Nang Hiwalay sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Budhismo—Paghahanap ng Kaliwanagan Nang Hiwalay sa Diyos
  • Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Suliranin ng Mapanghahawakang Impormasyon
  • Ang Paglilihi at Pagsilang sa Budha
  • Pagiging-Naliwanagan​—Kung Papaano Nangyari
  • Ang Pagiging-Naliwanagan​—Ano Ba Ito?
  • Pinalalaganap ng Budhismo ang Impluwensiya Nito
  • Sarisaring Pamamaraan ng Budhismo
  • Ang Tatlong Basket at Iba Pang Kasulatang Budhista
  • Ang Siklo ng Karma at Samsara
  • Nirvana​—Pagkakamit ng Hindi Makakamit?
  • Kaliwanagan o Kasiphayuan?
  • Kaliwanagan Nang Hiwalay sa Diyos?
  • Bahagi 8—c. 563 B.C.E. patuloy—Isang Kaliwanagan na Nangako ng Pagpapalaya
    Gumising!—1989
  • Ang Ideya ay Pumasok sa mga Relihiyon sa Silangan
    Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?
  • Mga Misyonero—Sino ang Dapat na Magpakita ng Uliran?
    Gumising!—1994
  • Natutuhan Kong Pahalagahan ang Tunay na Karunungan
    Gumising!—1988
Iba Pa
Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
sh kab. 6 p. 129-160

Kabanata 6

Budhismo​—Paghahanap ng Kaliwanagan Nang Hiwalay sa Diyos

1. (a) Papaano nakarating ang Budhismo sa Kanluran? (b) Ano ang sanhi ng pagsulong na ito sa Kanluran?

HALOS hindi pa nababalitaan sa labas ng Asya noong pasimula ng ika-20 siglo, ang Budhismo ngayon ay isa nang pandaigdig na relihiyon. Sa katunayan, marami sa Kanluran ang nagigitla kapag natutuklasan nila na ang Budhismo ay tanyag na sa kanilang pook. Isang pangunahing dahilan ay ang pandaigdig na paglikas ng mga refugee. Malalaking mga Asyanong komunidad ang naitatag na sa Kanlurang Europa, Hilagang Amerika, Australiya, at iba pang dako. Habang dumarami ang mga dayuhan sa bagong mga lupain, dala rin nila ang kanilang relihiyon. Kasabay nito, ang mga taga-Kanluran ay napapaharap nang mukhaan sa Budhismo sa kaunaunahang pagkakataon. Ito, lakip ang kaluwagan at espirituwal na pagguho sa tradisyonal na mga iglesiya, ay umakay sa pagkakumberte ng marami sa “bagong” relihiyon.​—2 Timoteo 3:1, 5.

2. Saan masusumpungan ngayon ang mga tagasunod ng Budhismo?

2 Kaya, ayon sa 1989 Britannica Book of the Year, ang Budhismo ay nag-aangkin ng mga 300 milyong miyembro sa buong daigdig, na may tig-200,000 sa Kanlurang Europa at Hilagang Amerika, 500,000 sa Latin Amerika, at 300,000 sa Unyong Sobyet. Gayumpaman, karamihan ng mga tagasunod ng Budhismo ay masusumpungan pa rin sa mga bansang Asyano, gaya ng Sri Lanka, Myanmar (Burma), Thailand, Hapon, Korea, at Tsina. Sino ba talaga si Budha? Papaano nagsimula ang relihiyong ito? Ano ang mga turo at kaugalian ng Budhismo?

Ang Suliranin ng Mapanghahawakang Impormasyon

3. Saan makakakuha ng materyales hinggil sa buhay ng Budha?

3 “Ang nalalaman natin tungkol sa buhay ni Budha ay nasasalig pangunahin na sa ebidensiya ng mga kanonikal na kasulatan, na ang pinakamalawak at pinaka-detalyado ay yaong nakasulat sa Pali, isang wika ng sinaunang Indiya,” sabi ng aklat na World Religions​—From Ancient History to the Present. Ang gustong sabihin ay walang makukuhang materyales mula sa panahon niya na makapagsasabi ng anoman tungkol kay Sidhārtha Gautama, tagapagtatag ng relihiyong ito, na nabuhay sa hilagang Indiya noong ikaanim na siglo B.C.E. Kaya ito ay naghaharap ng suliranin. Gayunman, mas mahalaga ang suliranin hinggil sa kung kailan at papaano ginawa ang “mga kanonikal na kasulatan.”

4. Papaano naingatan sa pasimula ang orihinal na turo ng Budha?

4 Ayon sa tradisyong Budhista, di nagtagal pagkamatay ni Gautama ay nagpulong ang isang konsilyo ng 500 monghe upang ipasiya kung ano ang talagang turo ng kanilang Panginoon. Kung aktuwal ngang idinaos ang gayong konsilyo ay paksa ng malaking pagtatalo sa gitna ng mga Budhistang iskolar at mananalaysay. Subalit ang mahalagang punto na dapat pansinin ay na inaamin maging ng mga kasulatang Budhista na ang mga turong napagpasiyahan ay hindi agad napasulat kundi isinaulo lamang ng mga alagad. Ang aktuwal na pagsulat ng sagradong teksto ay naghintay pa ng mahabang panahon.

5. Kailan isinulat ang mga kasulatang Pali?

5 Ayon sa mga kronika ng Sri Lanka noong ikaapat at ikaanim na siglo C.E., ginawa ang una sa “mga kanonikal na kasulatang” Pali nang si Vattagamani Abhaya ang hari noong unang siglo B.C.E. Hindi lumitaw ang ibang ulat ng buhay ni Budha kundi noon lamang marahil una o ikalimang siglo C.E., halos isang libong taon pagkaraan niya.

6. Anong mga pagpuna ang ginawa laban sa “mga kanonikal na kasulatan”? (Ihambing ang 2 Timoteo 3:16, 17.)

6 Kaya, nagkomento ang Abingdon Dictionary of Living Religions, “Ang ‘mga talambuhay’ ay kapuwa atrasado sa panahon at lipos ng alamat at mitolohiya, at ang pinakamatatandang kanonikal na kasulatan ay produkto ng mahabang panahon ng pagsasali’t-saling sabi na tiyak na naglakip ng ilang pagbabago at ng maraming dagdag.” Isang iskolar pa man din ang “nakipaggiitan na isa mang salita sa nakaulat na turo ay hindi maiiukol nang may katiyakan kay Gautama mismo.” Mapanghahawakan ba ang mga pagpunang ito?

Ang Paglilihi at Pagsilang sa Budha

7. Ayon sa mga kasulatang Budhista, papaano ipinaglihi si Budha?

7 Isaalang-alang ang sumusunod na mga paghalaw sa Jataka, bahagi ng kanon ng Pali, at sa Buddha-charita, ikalawang-siglo C.E. na tekstong Sanskrit hinggil sa buhay ng Budha. Una, ang ulat kung papaano siya ipinaglihi ng kaniyang ina, si Reyna Maha-Maya, habang ito ay nananaginip.

“Dumating ang apat na anghel-dela-guwardiya at binuhat siya, pati ang kaniyang higaan, at dinala siya sa mga Bundok ng Himalaya. . . . Pagkatapos ay dumating ang mga asawa ng mga anghel, at inihatid siya sa Lawa ng Anotatta, pinaliguan siya, upang alisin ang bawat kapintasan ng tao. . . . Kalapit nito ay ang Pinilakang Burol, na may ginintuang palasyo. Nakalatag doon ang isang banal na higaan na ang uluna’y nasa silangan, at dito siya inihiga. Ngayon ang panghinaharap na Budha ay naging isang marilag na puting elepante . . . Umahon siya sa Pinilakang Burol, at . . . tatlong ulit niyang nilibot ang higaan ng kaniyang ina, na nasa gawing kanan niya, at sabay hampas sa kanang bahagi ng ina, ay waring pumasok siya sa bahay-bata nito. Sa gayo’y ipinaglihi siya sa kapistahan ng kalagitnaan ng tag-araw.”

8. Ano ang inihula hinggil sa hinaharap ng Budha?

8 Nang isalaysay ito ng reyna sa hari, 64 mararangal na paring Hindu ang ipinasundo ng hari, pinakain at binihisan sila, at hiniling sa kanila ang kahulugan ng panaginip. Ganito ang sagot:

“Huwag mabalisa, dakilang hari! . . . Magkakaanak ka ng lalaki. At siya, kung mamamalagi sa sambahayan, ay magiging hari ng sansinukob; ngunit kung lilisanin niya ang sambahayan at tatalikdan ang daigdig, siya ay magiging Budha, at kaniyang papawiin ang mga ulap ng pagkakasala at kamangmangan ng daigdig na ito.”

9. Anong di-karaniwang mga pangyayari ang di-umano’y sumunod sa paghahayag hinggil sa hinaharap ng Budha?

9 Pagkatapos nito, 32 himala ang di-umano’y naganap:

“Lahat ng sampung libong daigdig ay biglang nayanig, nangatog, at nauga. . . . Napawi ang mga apoy sa lahat ng impiyerno; . . . gumaling ang mga sakit ng tao; . . . lahat ng instrumento sa musika ay nagsipagtugtugan bagaman walang manunugtog; . . . tumamis ang tubig sa malalaking karagatan; . . . ang sampung libong daigdig ay naging malaking kuwintas ng mga bulaklak na sukdulan ang ganda.”

10. Papaano inilalarawan ng sagradong mga kasulatang Budhista ang pagsilang ng Budha?

10 Pagkatapos ay naganap ang kakatwang pagsilang ng Budha sa hardin ng mga punongkahoy na sal na tinawag na Halamanang Lumbini. Nang inaabot ng reyna ang sanga ng pinakamataas na punongkahoy na sal, pinagbigyan siya ng punongkahoy at yumuko ito upang maabot niya. Habang nakahawak sa sanga at nakatayo, siya ay nanganak.

“Lumabas siya sa bahay-bata ng kaniyang ina gaya ng isang mangangaral na bumababa sa pulpito, o ng isang tao na nananaog sa hagdan, na nakadipa ang mga paa’t kamay, at hindi nadudungisan ng anomang karumihan mula sa bahay-bata ng kaniyang ina. . . . ”

“Pagkasilang-na-pagkasilang, matatag na itinuntong ng [hinaharap na Budha] ang dalawang paa sa lupa, humakbang nang pito pahilaga, na sa ibabaw ng ulo’y may puting kulandong, habang minamasdan ang bawat sulok ng daigdig, at nagsasalita sa walang-katulad na himig: Sa buong daigdig ako ang pinuno, pinakamagaling at pangunahin; ito ang huli kong pagsilang; hindi na ako muling isisilang.”

11. Ano ang naging konklusyon ng ilang iskolar hinggil sa mga ulat ng buhay ng Budha na nasa mga sagradong kasulatan?

11 Marami pang ibang detalyadong kuwento tungkol sa kaniyang pagkabata, pakikipag-ugnayan sa mga dalagang tagahanga, paglilimayon, at halos lahat ng pangyayari sa kaniyang buhay. Hindi katakataka, ito marahil ang dahilan kung bakit niwawalang-bahala ng maraming iskolar ang mga ito bilang alamat at mitolohiya lamang. Sinasabi pa nga ng isang opisyal ng British Museum na dahil sa “malaking kalipunan ng alamat at himala, . . . ang isang makasaysayang talambuhay ng Budha ay mahirap nang mabuo.”

12, 13. (a) Ano ang tradisyonal na ulat hinggil sa buhay ng Budha? (b) Ano ang karaniwang paniwala hinggil sa panahon ng pagsilang ng Budha? (Ihambing ang Lucas 1:1-4.)

12 Sa kabila ng mga alamat na ito, laganap na naipamahagi ang isang tradisyonal na ulat sa buhay ng Budha. Isang makabagong aklat, A Manual of Buddhism, na inilathala sa Colombo, Sri Lanka, ay nagbibigay ng sumusunod na pinaging-payak na ulat.

“Isang araw ng Mayo noong 623 B.C. habang kabilugan ang buwan, isang Prinsipeng Indiyan na Sakya na nagngangalang Sidhattha Gotama ay isinilang sa distrito ng Nepal.a Si Haring Sudhodana ang kaniyang ama, at si Reyna Mahā Māyā ang kaniyang ina. Namatay ang ina ilang araw matapos isilang ang bata at si Mahā Pajāpati Gotamī ang naging kaniyang ina-inahan.

“Sa edad na labing-anim ay pinakasalan niya ang kaniyang pinsan, ang magandang Prinsesa Yasodharā.

“Halos labintatlong taon pagkaraan ng kaniyang maligayang pag-aasawa ay namuhay siya nang maluho, walang kamalaymalay sa iba’t-ibang kalagayan ng buhay sa labas ng mga pintuan ng palasyo.

“Sa paglipas ng panahon, ang katotohanan ay unti-unting nagliwanag sa kaniya. Noong ika-29 niyang taon, na siyang panahon ng pagbabago sa kaniyang karera, ay isinilang ang anak niyang lalaki na si Rāhula. Itinuring niyang balakid ang kaniyang supling, sapagkat naisip niya na walang naitatangi sa pagsilang, sakit at kamatayan. Nang maunawaan na ang dalamhati ay pansansinukob, ipinasiya niyang humanap ng panlahatang-lunas sa pansansinukob na karamdaman ng tao.

“Kaya tinalikdan niya ang kaniyang maharlikang mga kasiyahan, umalis siya ng bahay isang gabi . . . ginupit ang kaniyang buhok, nagsuot ng simpleng damit ng isang ermitanyo, at naglimayon bilang isang Tagapaghanap ng Katotohanan.”

13 Maliwanag na napakalaki ang pagkakaiba ng iilang detalyeng ito ng talambuhay kaysa kagilagilalas na ulat na nasa “mga kanonikal na kasulatan.” At maliban sa petsa ng kaniyang pagsilang, lahat ay tumatanggap sa ulat na ito.

Pagiging-Naliwanagan​—Kung Papaano Nangyari

14. Papaano nagbago ang takbo ng buhay ni Gautama?

14 Ano ang “pagbabago sa kaniyang karera” na binanggit kanina? Yaon ay nang, sa kaunaunahang pagkakataon, makakita siya ng isang maysakit, isang matanda, at isang patay. Dahil sa karanasang ito ay niligalig siya ng pagtuklas sa kahulugan ng buhay​—Bakit isinisilang ang tao, para lamang ba maghirap, tumanda, at mamatay? Pagkatapos, siya raw ay nakakita ng isang taong banal, na tumalikod sa daigdig upang hanapin ang katotohanan. Ito ang nag-udyok kay Gautama na iwanan ang pamilya, pag-aari, at maharlikang pangalan at gugulin ang susunod na anim na taon sa pagtuklas ng kasagutan mula sa mga tagapagturo at gurung Hindu, bagaman hindi siya nagtagumpay. Sinasabi ng mga ulat na itinaguyod niya ang pagbubulaybulay, pag-aayuno, Yoga, at ganap na pagtanggi-sa-sarili, subalit wala siyang nasumpungang espirituwal na kapayapaan o kaliwanagan.

15. Papaano nakamit ni Gautama ang di-umano’y pagiging-naliwanagan niya?

15 Nang maglaon natalos niya na walang kabuluhan ang labis na pagtanggi-sa-sarili gaya rin ng pagpapalayaw-sa-sarili na kaniyang itinaguyod sa simula. Kaya sinunod niya ang tinawag niyang Gitnang Daan, at iniwasan ang mga kalabisan sa estilo ng buhay na kinasanayan niya. Sa pagpapasiya na ang sagot ay makukuha sa sarili niyang isipan, naupo siya at nagbulaybulay sa ilalim ng isang pipal, o punong igos sa Indiya. Habang nilalabanan ang mga pagsalakay at tukso ng diyablong si Mara, matatag siyang nagbulaybulay sa loob ng apat na linggo (pitong linggo ayon sa iba) hanggang sa di-umano’y mahigitan niya ang lahat ng kaalaman at unawa at makamit ang pagiging-naliwanagan.

16. (a) Naging ano si Gautama? (b) Anong sarisaring pangmalas ang umiiral tungkol sa Budha?

16 Sa paraang ito, sa terminolohiyang Budhista, si Gautama ay naging Budha​—ang Natauhan, o Naliwanagan. Narating niya ang sukdulang tunguhin, Nirvana, ang kalagayan ng sakdal na kapayapaan at pagiging-naliwanagan, malaya sa hangarin at paghihirap. Nakilala din siya bilang Sakyamuni (ang paham ng liping Sakya), at malimit niyang tukuyin ang sarili na Tathagata (isa na dumating [upang magturo]). Gayumpaman, ang mga sektang Budhista ay may iba’t-ibang pangmalas sa paksang ito. Itinuturing siya ng iba bilang isang tao na nakatuklas ng landas ng pagiging-naliwanagan at itinuro ito sa kaniyang mga alagad. Itinuturing naman siya ng iba na pangwakas sa serye ng mga Budha na lumitaw sa sanlibutan upang mangaral o magsauli ng dharma (Pali, Dhamma), ang turo o paraan ng Budha. At may nagtuturing din sa kaniya bilang bodhisattva, isa na nagkamit ng kaliwanagan subalit ipinagpaliban ang pagpasok sa Nirvana upang matulungan ang iba sa paghahanap ng kaliwanagan. Anoman yaon, ang pangyayaring ito, Pagiging-Naliwanagan, ay may pangunahing halaga sa lahat ng sarisaring kaisipang Budhista.

Ang Pagiging-Naliwanagan​—Ano Ba Ito?

17. (a) Saan at kanino ipinangaral ni Budha ang kaniyang unang sermon? (b) Ilarawan sa maikli ang Apat na Marangal na Katotohanan.

17 Palibhasa naliwanagan, at napagtagumpayan ang dating pag-aatubili, sinimulan ng Budha na ituro ang kaniyang bagong tuklas na katotohanan, o dharma. Ang una at marahil ay pinakamahalaga niyang sermon ay ibinigay niya sa lunsod ng Benares, sa isang parke ng mga usa, sa harap ng limang bhikku​—mga alagad o monghe. Sa sermon, itinuro niya na upang maligtas, dapat iwasan kapuwa ang pagpapalayaw sa laman at ang pag-eermitanyo at sa halip ay itaguyod ang Gitnang Daan. Pagkatapos, dapat unawain at sundin ang Apat na Marangal na Katotohanan (tingnan ang kahon, kabilang pahina), na ang buod ay:

(1) Lahat ng pag-iral ay pagdurusa.

(2) Ang pagdurusa ay galing sa paghahangad o pagnanasa.

(3) Ang paghinto ng pagnanasa ay ang wakas ng pagdurusa.

(4) Ang paghinto ng pagnanasa ay nakakamit sa pagsunod sa Walong Landas, pagsupil sa gawi, isip, at paniwala.

18. Ayon sa Budha saan nagmula ang kaniyang kaliwanagan? (Ihambing ang Job 28:20, 21, 28; Awit 111:10.)

18 Ang sermon tungkol sa Gitnang Daan at sa Apat na Marangal na Katotohanan ay sumasaklaw sa kahulugan ng Pagiging-Naliwanagan at itinuturing na buod ng lahat ng turo ni Budha. (Bilang paghahambing, tingnan ang Mateo 6:25-34; 1 Timoteo 6:17-19; Santiago 4:1-3; 1 Juan 2:15-17.) Hindi inangkin ni Gautama ang banal na pagkasi sa kaniyang sermon kundi iniukol ito sa sarili sa pamamagitan ng mga salitang “tinuklas ng Tathagata.” Di-umano, sa kaniyang paghihingalo ay sinabi ni Budha sa kaniyang mga alagad: “Sa katotohanan lamang masusumpungan ang kaligtasan; huwag aasa sa tulong ng iba kundi sa sarili.” Kaya, ayon sa Budha, hindi sa Diyos galing ang pagiging-naliwanagan, kundi sa sariling sikap sa pagpapasulong ng wastong isipan at mabubuting gawa.

19. Bakit naging maganda ang pagtanggap sa mensahe ni Budha nang panahong yaon?

19 Madaling makita kung bakit ang turong ito ay buong-pusong tinanggap sa lipunan ng Indiya nang panahong yaon. Hinatulan nito ang sakim at balakyot na mga kaugaliang relihiyoso na itinaguyod ng mga Hindung Brahman, o maka-saserdoteng caste, sa isang dako, at ang matipid na asetismo ng mga Jain at iba pang mahiwagang kulto sa kabilang dako. Pinawi din nito ang mga hain at rituwal, libulibong diyos at diyosa, at ang napakabigat na caste system na nangibabaw at umalipin sa bawat pitak ng buhay ng tao. Sa maikli, nangako ito ng kalayaan sa sinomang handang sumunod sa paraan ni Budha.

Pinalalaganap ng Budhismo ang Impluwensiya Nito

20. (a) Ano ang “Tatlong Hiyas” ng Budhismo? (b) Gaano kalawak ang ginawang pangangaral ng Budha?

20 Nang tanggapin ng limang bhikku ang turo ni Budha, sila ang naging unang sangha, o orden ng mga monghe. Dito nabuo ang “Tatlong Hiyas” (Triratna) ng Budhismo, alalaong baga, ang Budha, ang dharma, at ang sangha, na inasahang tutulong sa tao upang makamit ang kaliwanagan. Ngayong nasasangkapan na, si Gautama na Budha ay yumaong nangangaral sa kahabaan at kalaparan ng Libis ng Ganges. Ang mga tao sa bawat antas at katayuan sa lipunan ay nakinig sa kaniya at naging mga alagad. Nang mamatay sa edad na 80, siya ay tanyag na at iginagalang. Ayon sa ulat, ang huli niyang salita sa kaniyang mga alagad ay: “Ang pagkabulok ay likas sa lahat ng sangkap. Magsikap upang maging marapat sa sariling kaligtasan.”

21. (a) Sino ang nakatulong sa paglawak ng Budhismo? (b) Ano ang resulta ng kaniyang mga pagsisikap?

21 Noong ikatlong siglo B.C.E., 200 taon pagkamatay ni Budha, ay lumitaw ang pinakadakilang tagapagtanggol ng Budhismo, si Emperador Aśoka, na sumakop sa kalakhang bahagi ng Indiya. Nalungkot dahil sa pagpatay at kaguluhan na dulot ng kaniyang pananakop, niyakap niya ang Budhismo at iniukol dito ang pagtangkilik ng Estado. Nagtayo siya ng mga relihiyosong bantayog, nagpulong ng mga konsilyo, at hinimok ang mga tao na mamuhay ayon sa turo ng Budha. Nagsugo rin si Aśoka ng mga misyonerong Budhista sa buong Indiya at sa Sri Lanka, Sirya, Ehipto, at Gresya. Ito ang pangunahing dahilan kung kaya ang Budhismo na isa lamang dating sekta sa Indiya ay naging pandaigdig na relihiyon. Makatuwiran lamang na siya ay ituring na pangalawang tagapagtatag ng Budhismo.

22. Papaano naitatag ang Budhismo sa buong Asya?

22 Mula sa Sri Lanka, ang Budhismo ay lumaganap pasilangan tungo sa Myanmar (Burma), Thailand, at iba pang bahagi ng Indotsina. Sa hilaga, ang Budhismo ay lumaganap sa Kashmir at gitnang Asya. Mula rito, at kasing-aga ng unang siglo C.E., ay tinawid ng mga mongheng Budhista ang nakakatakot na mga bundok at disyerto upang dalhin ang kanilang relihiyon sa Tsina. Mula sa Tsina, isang hakbang lamang ang kinailangan upang marating ang Korea at Hapon. Ang Budhismo ay ipinakilala rin sa Tibet, karatig ng Indiya sa hilaga. Nilahukan ng lokal na mga paniwala, lumitaw ito bilang Lamaismo, na nangibabaw kapuwa sa relihiyoso at makapolitikang buhay doon. Pagsapit ng ikaanim o ikapitong siglo C. E., ang Budhismo ay naitatag na sa buong Timogsilangang Asya at sa Dulong Silangan. Subalit ano ang nagaganap sa Indiya?

23. Ano ang nangyari sa Budhismo sa Indiya?

23 Samantalang lumalaganap ang impluwensiya ng Budhismo sa ibang lupain, unti-unti naman itong humina sa Indiya. Palibhasa lubhang nasangkot sa mga kapakanang pilosopikal at metapisikal, napalayo ang mga monghe sa karaniwan nilang tagasunod. Bukod dito, ang kawalan ng tangkilik ng hari at ang pagyakap sa mga paniwala at kaugaliang Hindu ay mabilis na pumawi ng Budhismo sa Indiya. Maging ang banal na mga dako nito, gaya ng Lumbini, na sinilangan ni Gautama, at ang Budh Gaya, na doon niya nakamit ang “kaliwanagan,” ay pawang naging mga guho. Pagsapit ng ika-13 siglo, halos naglaho na ang Budhismo sa Indiya, ang lupang pinagmulan nito.

24, 25. Anong karagdagang mga pagbabago sa Budhismo ang nakita sa ika-20 siglo?

24 Sa ika-20 siglo, ang Budhismo ay dumanas ng isa pang pagbabago. Ang mga kaguluhan ng politika sa Tsina, Mongolia, Tibet, at mga bansa sa Timogsilangang Asya ay nagdulot dito ng matinding dagok. Libulibong monasteryo at templo ang nawasak, daandaang libong monghe at madre ang pinalayas, binilanggo, o pinatay. Sa kabila nito, ang impluwensiya ng Budhismo ay mariin pa ring nadarama sa kaisipan at ugali ng tao sa mga lupaing ito.

25 Sa Europa at Hilagang Amerika, marami ang naakit sa ideya ng Budhismo na paghanap ng “katotohanan” sa panloob na sarili, at ang kaugalian nito na pagbubulaybulay ay naging paraan ng pagtakas sa magulong buhay sa Kanluran. Kapansinpansin, sa paunang salita ng aklat na Living Buddhism, ganito ang isinulat ni Tenzin Gyatso, Dalai Lama ng Tibet na naging isang tapon: “Marahil ang Budhismo ngayon ay may papel na ginagampanan upang ipaalaala sa mga taga-kanluran ang espirituwal na bahagi ng kanilang buhay.”

Sarisaring Pamamaraan ng Budhismo

26. Sa papaanong mga paraan nababahagi ang Budhismo?

26 Bagaman nakaugalian nang pag-usapan ang Budhismo bilang isang relihiyon, ito sa katunayan ay nababahagi sa maraming paraan ng pag-iisip. Salig sa iba’t-ibang interpretasyon sa katuturan ng Budha at ng mga turo nito, bawat isa ay may kanikaniyang sariling doktrina, kaugalian, at mga kasulatan. Ang mga pamamaraang ito ay muli pang nababahagi sa iba’t-ibang grupo at sekta, at marami rito ay lubhang naimpluwensiyahan ng lokal na mga kultura at tradisyon.

27, 28. Papaano ninyo ilalarawan ang Budhismong Theravada? (Ihambing ang Filipos 2:12; Juan 17:15, 16.)

27 Ang Theravada (Paraan ng Matatanda), o Hinayana (Mas Maliit na Behikulo), ay isang kaisipan ng Budhismo na laganap sa Sri Lanka, Myanmar (Burma), Thailand, Kampuchea (Cambodia), at Laos. Ito ay itinuturing ng iba na konserbatibong kaisipan. Idinidiin nito ang pagkakamit ng karunungan at ng sariling kaligtasan sa pamamagitan ng pagtatakwil sa sanlibutan at pagiging monghe, na nakatalaga sa pagbubulay at pag-aaral sa monasteryo.

28 Sa ilang lupaing ito ay karaniwang tanawin ang mga grupo ng mga binata na ahít ang ulo, nakabata nang kulay-kahel at nakayapak, bitbit ang kanilang mangkok ng pagpapalimos na pinaglalagyan ng araw-araw na rasyon mula sa mga mananampalataya na nakatalagang sumustento sa kanila. Nakaugalian ng mga lalaki na gugulin ang bahagi ng kanilang buhay sa monasteryo. Ang sukdulang tunguhin ng buhay-monghe ay ang pagiging isang arhat, alalaong baga, isang nakarating sa espirituwal na kasakdalan at kalayaan sa sakit at pagdurusa ng mga siklo ng muling pagsilang. Ipinakita ng Budha ang paraan; nasa bawat isa ang pagsunod dito.

29. Ano ang mga katangian ng Budhismong Mahayana? (Ihambing ang 1 Timoteo 2:3, 4; Juan 3:16.)

29 Ang Mahayana (Mas Malaking Behikulo) na kaisipang Budhista ay karaniwang masusumpungan sa Tsina, Korea, Hapon, at Vietnam. Gayon ang tawag dito pagkat idiniriin nito ang turo ni Budha na “ang katotohanan at daan ng kaligtasan ay nauukol sa bawat isa, siya man ay nakatira sa kuweba, monasteryo, o sa bahay . . . Hindi lamang ito ukol sa mga tumatalikod sa daigdig.” Ang saligang paniwala ng Mahayana ay na napakadakila ang pag-ibig at habag ng Budha anupat hindi ito magkakait ng kaligtasan sa kaninoman. Itinuturo nito na palibhasa nasa ating lahat ang kalikasang-Budha, bawat isa ay maaaring maging Budha, isang naliwanagan, o bodhisattva. Ang kaliwanagan ay dumarating, hindi sa mahigpit na pagdidisiplina sa sarili, kundi sa pananampalataya sa Budha at habag sa lahat ng nabubuhay na bagay. Maliwanag na naging mas kaakit-akit ito sa mga masa na praktikal mag-isip. Gayunman, dahil sa mas malayang saloobing ito, umusbong ang mas maraming grupo at kulto.

30. Anong tunguhin ang sinisikap maabot ng mga tagasunod ng Budhismong “Dalisay na Lupa”? (Ihambing ang Mateo 6:7, 8; 1 Hari 18:26, 29.)

30 Kabilang sa maraming sektang Mahayana na nabuo sa Tsina at Hapon ay ang mga kaisipang Budhismo na Dalisay na Lupain at Zen. Ang nauna ay nakapalibot sa pananampalataya sa pagliligtas ng Amida Budha, na nangako ng muling pagsilang sa isang Dalisay na Lupain, o Paraiso sa Kanluran, lupain ng kagalakan at kaligayahan na tinatahanan ng mga diyos at tao. Mula roon, ay madali nang marating ang Nirvana. Sa pag-ulit ng dasal na “Inilalagak ko ang aking pananampalataya kay Amida Budha,” kung minsan ay libulibong beses sa maghapon, dinadalisay ng mananamba ang sarili upang makamit ang kaliwanagan o muling pagsilang sa Paraiso sa Kanluran.

31. Ano ang mga kasangkot sa Budhismong Zen? (Ihambing ang Filipos 4:8.)

31 Ang Zen Buddhism (kaisipang Ch’an sa Tsina) ay kumuha ng pangalan sa kaugalian ng pagbubulaybulay. Ang mga salitang ch’an (Intsik) at zen (Hapon) ay iba’t-ibang anyo ng salitang Sanskrit na dhyāna, nangangahulugang “pagbubulay.” Itinuturo ng disiplinang ito na ang pag-aaral, mabubuting gawa, at mga rituwal ay walang gaanong halaga. Ang kaliwanagan ay makakamit sa pamamagitan lamang ng pagbubulay sa masasalimuot na bugtong na gaya ng, ‘Ano ang tunog ng palakpak ng iisang kamay?’ at, ‘Ano ang makikita sa lugar na walang laman?’ Ang mahiwagang katangian ng Zen Buddhism ay nahahayag sa dinalisay na sining ng pag-aayos ng bulaklak, kaligrapiya, pagpinta sa tinta, tula, paghahalaman, at iba pa, at ang mga ito ay buong lugod na tinanggap sa Kanluran. Sa ngayon, ang mga sentro ng pagbubulay ng Zen ay masusumpungan sa maraming bansang Kanluranin.

32. Papaano isinasagawa ang Budhismo sa Tibet?

32 Panghuli, naroon ang Budhismo ng Tibet, o Lamaismo. Ang anyong ito ng Budhismo ay tinatawag ding Mantrayana (Behikulong Mantra) dahil sa tampok na paggamit ng mga mantra, serye ng mga pantig na maaaring may kahulugan o wala, sa mahahabang orasyon. Sa halip na idiin ang karunungan o habag, ang idinidiin ng anyong ito ng Budhismo ay ang paggamit ng mga rituwal, panalangin, salamangka, at espiritismo sa pagsamba. Ang mga dasal ay libulibong beses na inuusal bawat araw sa tulong ng mga butil o gulong ng panalangin. Matututuhan lamang ang masalimuot na mga rituwal sa ilalim ng bibigang pagtuturo ng mga lama, o pinunong monghe, na ang pinakatanyag ay ang Dalai Lama at ang Panchen Lama. Kapag namatay ang isang lama, hinahanap nila ang sanggol na doon di-umano muling nagkatawang-tao ang lama bilang susunod na pinunong espirituwal. Gayunman, ang pamagat na lama ay karaniwan ding ikinakapit sa lahat ng monghe na ang bilang, ayon sa isang tantiya, ay umabot minsan sa ikalimang bahagi ng populasyon ng buong Tibet. Ang mga lama ay naglilingkod din bilang guro, duktor, hasendero, at mga politiko.

33. Papaano nakakatulad ng Sangkakristiyanuhan ang mga pagkakabahabahagi ng Budhismo? (Ihambing ang 1 Corinto 1:10.)

33 Ang mga pangunahing dibisyong ito ng Budhismo ay nahahati pa sa maraming grupo, o sekta. May mga nakatalaga sa isang partikular na lider, gaya ng Nichiren sa Hapon, na nagturo na tanging sa Mahayana na Lotus Sutra matatagpuan ang tiyak na turo ng Budha, at ng Nun Ch’in-Hai sa Taiwan, na napakaraming tagasunod. Kaya, ang Budhismo ay hindi naiiba sa Sangkakristiyanuhan na napakarami ring denominasyon at sekta. Ang totoo’y ang mga nag-aangking Budhista ay karaniwan nang nakikibahagi sa mga kaugalian ng Taoismo, Shinto, pagsamba sa ninuno, at maging sa mga kaugalian ng Sangkakristiyanuhan.b Inaangkin ng lahat ng sektang ito na ang paniwala at kaugalian nila ay salig sa turo ng Budha.

Ang Tatlong Basket at Iba Pang Kasulatang Budhista

34. Ano ang dapat isipin kapag isinasaalang-alang ang mga turo ng Budhismo?

34 Ang mga turong galing di-umano sa Budha ay isinalin nang bibigan at isinulat maraming dantaon lamang matapos na siya’y mawala sa mundo. Kaya, sa pinakamainam, kumakatawan ang mga ito sa inaakala ng kaniyang mga tagasunod na sinabi niya o ginawa pagkaraan pa ng maraming salinlahi. Lalo pa itong nagiging magusot sapagkat nang panahong iyon, ang Budhismo ay nabahabahagi na sa maraming kaisipan. Kaya, ang iba’t-ibang kasulatan ay may iba’t-ibang bersiyon ng Budhismo.

35. Ano ang una sa mga sagradong kasulatan ng Budhismo?

35 Ang pinakamaaga sa mga kasulatang Budhista ay isinulat sa Pali, di-umano’y nauugnay sa katutubong wika ng Budha, noong mga unang siglo B.C.E. Ayon sa kaisipang Theravada ito’y tunay na mga kasulatan. Binubuo ito ng 31 aklat na inayos sa tatlong koleksiyon na tinatawag na Tipitaka (Sanskrit, Tripitaka), nangangahulugang “Tatlong Basket,” o “Tatlong Koleksiyon.” Ang Vinaya Pitaka (Basket ng Disiplina) ay may kinalaman pangunahin na sa mga tuntunin at kautusan para sa mga monghe at madre. Ang Sutta Pitaka (Basket ng mga Diskurso) ay naglalaman ng mga sermon, talinghaga, at kawikaan na binigkas ni Budha at ng pangunahin niyang mga alagad. Bilang huli, ang Abhidhamma Pitaka (Basket ng Sukdulang Doktrina) ay binubuo ng mga komentaryo sa mga doktrinang Budhista.

36. Ano ang katangian ng mga kasulatan ng Budhismong Mahayana?

36 Sa kabilang dako, karamihan ng mga sulat ng kaisipang Mahayana ay nasa Sanskrit, Intsik, at Tibetano, at napakakapal ng mga ito. Ang mga kasulatang Intsik lamang ay binubuo na ng mahigit na 5,000 tomo. Naglalaman ito ng maraming paniwala na wala sa naunang mga kasulatan, gaya ng mga Budha na kasindami ng mga buhangin ng Ganges, na di-umano’y nabuhay nang di-mabilang na milyunmilyong taon, na bawat isa ay namamahala sa kaniyang sariling daigdig ng Budha. Hindi kalabisan ang komento ng isang manunulat na ang mga kasulatan “ay may katangian ng pagkasarisari, sobrang imahinasyon, makukulay na personalidad, at malabis na pag-ulit.”

37. Anong mga suliranin ang ibinangon ng mga kasulatang Mahayana? (Ihambing ang Filipos 2:2, 3.)

37 Hindi na kailangang sabihin na kakaunti ang nakauunawa sa lubhang matalinghagang mga kasulatang yaon. Dahil dito, ang mga huling dagdag na ito ay naglayo sa Budhismo mula sa orihinal na intensiyon ng Budha. Ayon sa Vinaya Pitaka, nais ng Budha na ang kaniyang mga turo ay maunawaan ng lahat at hindi lamang ng mga edukado. Dahil dito, iginiit niya na ang kaniyang mga ideya ay ituro sa wika ng karaniwang tao, hindi sa sagradong patay na wika ng Hinduismo. Kaya, sa pagtutol ng mga Budhistang Theravada na ang mga aklat na ito ay hindi kanonikal, itinutugon ng mga alagad ng Mahayana na ang unang tinuruan ni Gautama Budha ay ang mga karaniwan at walang-alam, subalit sa mga marurunong at pantas ay inihayag niya ang mga turo na napasulat nang dakong huli sa mga aklat na Mahayana.

Ang Siklo ng Karma at Samsara

38. (a) Papaano ihahambing ang mga turong Budhista at Hindu? (b) Sa teoriya at sa katunayan, ano ang paniwala ng mga Budhista hinggil sa kaluluwa?

38 Bagaman medyo napalaya ng Budhismo ang mga tao sa mga tanikala ng Hinduismo, ang saligang mga ideya nito ay minana pa rin sa mga turong Hindu hinggil sa Karma at samsara. Ang Budhismo, ayon sa unang pagtuturo ng Budha, ay naiiba sa Hinduismo pagkat tumatanggi ito sa pag-iral ng kaluluwang hindi namamatay at sa halip ay tinutukoy ang indibiduwal bilang “kombinasyon ng mga puwersa o enerhiya ng katawan at isip.”c Gayunman, ang mga turo nito ay pumapalibot pa rin sa paniwala na ang sangkatauhan ay palabuylaboy mula sa isang buhay tungo sa susunod dahil sa di-mabilang na mga muling pagsilang (samsara) at nagdurusa bunga ng paggawi nito sa nakaraan at kasalakuyan (Karma). Bagaman waring kaakit-akit ang mensahe hinggil sa kaliwanagan at kalayaan mula sa ganitong siklo, ang iba’y nagtatanong: Gaano katatag ang saligan? Ano ang patotoo na lahat ng pagdurusa ay bunga ng paggawi sa nakaraang buhay? At, nasaan ang ebidensiya na may nakaraan ngang buhay?

39. Papaano ipinaliliwanag ng isang kasulatang Budhista ang batas ng Karma?

39 Sinasabi ng isang paliwanag hinggil sa batas ng Karma:

“Ang Kamma [katumbas ng Karma sa Pali] ay isang batas sa ganang sarili. Ngunit hindi ito nangangailangan ng tagapagbigay-batas. Ang karaniwang mga batas ng kalikasan, gaya ng grabitasyon, ay hindi nangangailangan ng tagapagbigay-batas. Ang batas din ng Kamma ay hindi humihiling ng tagapagbigay-batas. Kumikilos ito sa sariling larangan nang walang pakialam mula sa alinmang panlabas, independiyenteng umuugit na ahensiya.”​—A Manual of Buddhism.

40. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pag-iral ng mga batas ng kalikasan? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sanhi at epekto?

40 Mabisa bang pangangatuwiran ito? Talaga bang ang mga batas ng kalikasan ay hindi nangangailangan ng tagapagbigay-batas? Sinabi minsan ng eksperto sa mga rocket na si Dr. Wernher von Braun: “Napaka-eksakto ang mga batas ng kalikasan sa sansinukob anupat hindi mahirap magpadala ng isang spaceship sa buwan at matatantiya natin nang may katumpakan ang haba ng paglipad hanggang sa kaliitliitang bahagi ng isang segundo. Tiyak na may naglagay sa mga batas na ito.” Bumabanggit din ang Bibliya hinggil sa batas ng sanhi at epekto. Sinasabi nito, “Ang Diyos ay hindi maaaring tuyain. Sapagkat anoman ang ihasik ng tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Sa halip na sabihing ang batas na ito ay hindi ibinigay ninoman, idinidiin nito na “ang Diyos ay hindi maaaring tuyain,” upang ipahiwatig na ang batas na ito ay pinakikilos ng Maygawa, si Jehova.

41. (a) Papaano paghahambingin ang batas ng Karma at ang batas ng mga hukuman? (b) Ihambing ang Karma sa pangako ng Bibliya.

41 Bukod dito, sinasabi ng Bibliya na “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,” at “ang namamatay ay napapalaya sa kaniyang kasalanan.” Maging mga hukuman ng katarungan ay kumikilala na walang dapat magdusa nang makalawa dahil sa isang pagkakasala. Kaya, bakit ang isang nakabayad na sa pagkakasala nang siya’y mamatay ay isisilang na naman upang pagdusahang muli ang kaniyang nakalipas na pagkakasala? Bukod dito, kung hindi niya alam kung aling nakalipas na pagkakasala ang pinagdudusahan niya, papaano siya magsisisi at magbabago? Katarungan ba ito? Naayon ba ito sa awa, na di-umano’y siyang namumukod-tanging katangian ng Budha? Sa kabaligtaran, pagkaraang sabihin na “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,” ay nagpapatuloy pa ang Bibliya: “Subalit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” Oo, ipinapangako nito na aalisin ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan, pagkakasala, at kamatayan at magdudulot siya ng kalayaan at kasakdalan sa buong sangkatauhan.​—Roma 6:7, 23; 8:21; Isaias 25:8.

42. Papaano ipinaliliwanag ng isang Budhistang iskolar ang muling pagsilang?

42 Kung tungkol sa muling pagsilang, narito ang paliwanag ng Budhistang iskolar na si Dr. Walpola Rahula:

“Ang isang kinapal ay kombinasyon lamang ng mga puwersa o enerhiyang pisikal at pangkaisipan. Ang tinutukoy nating kamatayan ay ang ganap na paghinto ng andar ng pisikal na katawan. Lahat ba ng mga puwersa at enerhiya ay humihintong kasabay ng katawan? Sinasabi ng Budhismo na ‘Hindi.’ Ang kalooban, pagkukusa, hangarin, pananabik na mabuhay, pananabik na magpatuloy, pananabik na maging higit at higit pa, ay makapangyarihang puwersa na nagpapakilos sa buong buhay, buong pag-iral, at maging sa buong daigdig. Ito ang pinakamakapangyarihang puwersa, pinakamakapangyarihang enerhiya sa daigdig. Ayon sa Budhismo, ang puwersang ito ay hindi tumitigil sa paghinto ng andar ng katawan, alalaong baga’y ang kamatayan; sa halip patuloy itong nahahayag sa ibang anyo, na nagbubunga ng muling pag-iral na tinatawag na muling pagsilang.”

43. (a) Ayon sa bayolohiya, papaano ipinapasiya ang genetikong pagkatao ng isa? (b) Anong “patotoo” ang inihaharap kung minsan bilang alalay sa muling pagsilang? (c) Ang “patotoo” bang ito ng muling pagsilang ay kasuwato ng karaniwang nararanasan?

43 Sa panahon ng paglilihi, minamana natin ang 50 porsiyento ng ating gene mula sa bawat magulang. Kaya imposible na tayo’y maging 100 porsiyentong kamukha ng sinoman sa nakaraang pag-iral. Oo, ang muling pagsilang ay hindi inaalalayan ng alinmang natuklasan nang prinsipyo ng siyensiya. Malimit, ang ebidensiya na inihaharap niyaong mga naniniwala sa muling pagsilang ay ang karanasan ng mga tao na di-umano’y nakakaalaala ng mga mukha, pangyayari, at dako na hindi nila dating kilala. Makatuwiran ba ito? Kung sasabihin na kayâ naaalaala ng isang tao ang mga bagay sa nakalipas ay sapagkat nabuhay siya nang panahong yaon, dapat ding sabihin na kayâ nahuhulaan ng isang tao ang hinaharap​—at marami ang nakagagawa daw nito​—ay sapagkat nakarating na siya sa hinaharap. Maliwanag na hindi ito totoo.

44. Ihambing ang turo ng Bibliya hinggil sa “espiritu” sa doktrinang Budhista ng muling pagsilang.

44 Mahigit na 400 taon bago kay Budha, bumanggit ang Bibliya tungkol sa puwersa-ng-buhay. Bilang paglalarawan sa nagaganap sa kamatayan, sinasabi nito: “At ang alabok ay bumabalik sa lupa na gaya noong una at ang espiritu ay bumabalik sa tunay na Diyos na nagkaloob nito.” (Eclesiastes 12:7) Ang salitang “espiritu” ay isinalin mula sa salitang Hebreo na ruʹach, nangangahulugang puwersa-ng-buhay na nagpapakilos sa lahat ng nabubuhay na nilikha, maging tao at hayop. (Eclesiastes 3:18-22) Gayunman, ang mahalagang pagkakaiba ay na ang ruʹach ay isang puwersang walang pagkatao; wala itong sariling kalooban ni nagtataglay ito ng personalidad o alinman sa mga katangian ng yumao. Hindi ito lumilipatlipat mula sa isang tao tungo sa iba sa oras ng kamatayan kundi “nagbabalik sa tunay na Diyos na nagkaloob nito.” Sa ibang salita, ang pag-asa ng tao sa hinaharap na buhay​—ang pag-asa sa pagkabuhay-na-muli​—ay lubusan nang nasa kamay ng Diyos.​—Juan 5:28, 29; Gawa 17:31.

Nirvana​—Pagkakamit ng Hindi Makakamit?

45. Ano ang paniwala ng mga Budhista hinggil sa Nirvana?

45 Umaakay ito sa turo ni Budha hinggil sa pagiging-naliwanagan at kaligtasan. Sa mga terminong Budhista, ang saligang ideya ng kaligtasan ay ang paglaya sa mga batas ng Karma at samsara, at ang pagkakamit ng Nirvana. Ano naman ang Nirvana? Ayon sa mga kasulatang Budhista hindi ito maaaring ilarawan o ipaliwanag subalit ito’y maaaring maranasan. Hindi ito langit na pinupuntahan pagkamatay kundi ang pagkakamit ng bagay na maaabot ng lahat, dito at ngayon mismo. Di-umano ang salita ay nangangahulugan ng “paghihip, pagpatay.” Kaya, may mga naglalarawan sa Nirvana bilang paghinto ng lahat ng pita at hangarin; pag-iral na malaya sa lahat ng pakiramdam, gaya ng sakit, takot, pangangailangan, pag-ibig, o poot; isang kalagayan ng walang-hanggang kapayapaan, pagpapahingalay, at kawalang-pagbabago. Pangunahin na, ito raw ay ang paghinto ng pag-iral ng indibiduwal.

46, 47. (a) Ayon sa turong Budhista, ano ang pinagmumulan ng kaligtasan? (b) Bakit magkasalungat ang pangmalas ng Budhismo sa pinagmumulan ng kaligtasan at ang karaniwang nararanasan?

46 Itinuro ng Budha na ang kaliwanagan at kaligtasan​—ang kasakdalan ng Nirvana​—ay dumarating, hindi mula sa Diyos o panlabas na puwersa, kundi sa sariling pagsisikap ng tao na gumawa ng mabuti at mag-isip nang wasto. Nagbabangon ito ng tanong: Makakakuha ba ng sakdal mula sa hindi sakdal? Hindi ba itinuturo ng karanasan, gaya ng sinabi ng propetang Hebreo na si Jeremias na “hindi nauukol sa tao ang sarili niyang lakad. Wala sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang hakbang”? (Jeremias 10:23) Kung walang sinoman ang ganap na makasusupil sa kaniyang paggawi maging sa payak na araw-araw na gawain, makatuwiran bang isipin na makakamit ng sinoman ang walang-hanggang kaligtasan sa ganang sarili lamang?​—Awit 146:3, 4.

47 Kung papaanong ang isang nahigop ng kumunoy ay mahirap makaahon sa sariling pagsisikap, gayundin lahat ng tao ay nahuli ng bitag ng kasalanan at kamatayan, at walang maaaring kumalas sa pagkakasilo. (Roma 5:12) Subalit, itinuro ng Budha na ang kaligtasan ay salig lamang sa sariling pagsisikap. Ang pahimakas niyang payo sa kaniyang mga alagad ay “magtiwala sa sarili at huwag umasa sa panlabas na tulong; manghawakan sa katotohanan bilang ilawan; sa katotohanan lamang masusumpungan ang kaligtasan; huwag aasa sa tulong ng iba.”

Kaliwanagan o Kasiphayuan?

48. (a) Papaano inilalarawan ng isang aklat ang epekto ng masalimuot na paniwalang Budhista sa Nirvana? (b) Ano ang resulta ng bagong pagkahilig sa mga turong Budhista sa ilang dako?

48 Ano ang epekto ng doktrinang ito? Pinasisigla ba nito ang mga tao sa tunay na pananampalataya at debosyon? Iniuulat ng aklat na Living Buddhism na sa ilang bansang Budhista, pati “mga monghe ay di na gaanong nagbibigay-pansin sa kabanalan ng kanilang relihiyon. Para sa marami ang pagkakamit ng Nirvāna ay imposible at hindi makatotohanang ambisyon, at ang pagbubulaybulay ay hindi na gaanong ginagawa. Bukod sa manakanakang pag-aaral ng Tipitaka, ang pinagbubuhusan nila ng loob ay ang maging isang mabait at mapayapang impluwensiya sa lipunan.” Kahawig nito, sinabi ng World Encyclopedia (Hapon), bilang komento sa bagong bugso ng interes sa mga turong Budhista: “Mentras nagiging dalubhasa ang pag-aaral ng Budhismo, lalo lamang itong lumalayo sa orihinal na layunin nito​—ang pumatnubay sa tao. Mula sa punto-de-bistang ito, ang bagong hilig sa masinsinang pag-aaral ng Budhismo ay hindi tunay na pagpapasiglang-muli sa isang buháy na pananampalataya. Sa halip, mapapansin na ang relihiyon ay nawawalan ng puwersa bilang isang tunay na pananampalataya kapag ito ay pinag-ukulan ng masalimuot at masusing metapisikal na pag-aaral.”

49. Para sa marami, naging ano ang Budhismo?

49 Ang saligang paniwala ng Budhismo ay na ang kaalaman at unawa ay umaakay sa kaliwanagan at kaligtasan. Subalit ang masalimuot na mga doktrina ng iba’t-ibang kaisipan ng Budhismo ay nagbunga lamang ng kababanggit na “imposible at di-makatotohanang” situwasyon na mahirap maarok ng karamihan ng mananampalataya. Para sa kanila, ang Budhismo ay ang paggawa lamang ng mabuti at pagsunod sa ilang rituwal at payak na mga panuntunan. Hindi ito sumasagot sa nakalilitong mga katanungan hinggil sa buhay, gaya ng: Saan tayo nagmula? Bakit tayo narito? At ano ang hinaharap ng tao at ng lupa?

50. Anong tanong ang sumasagi sa isipan dahil sa mga karanasan ng ilang tapat na Budhista? (Ihambing ang Colosas 2:8.)

50 May mga taimtim na Budhista na nakakakilala sa kalituhan at kasiphayuan na ibinubunga ng masalimuot na mga doktrina at nagpapabigat na mga rituwal ng Budhismo na isinasagawa ngayon. Dahil sa pagkakawanggawa ng mga grupo at samahang Budhista sa ilang bansa marami ang nadulutan ng ginhawa sa hirap at pagdurusa. Subalit bilang bukal ng kaliwanagan at kalayaan para sa lahat, natupad ba ng Budhismo ang pangako nito?

Kaliwanagan Nang Hiwalay sa Diyos?

51. (a) Ano ang sinasabi ng isang salaysay hinggil sa mga turo ng Budha? (b) Anong mahalagang bagay ang maliwanag na nakaligtaan sa mga turo ng Budha? (Ihambing ang 2 Cronica 16:9; Awit 46:1; 145:18.)

51 Ayon sa mga ulat hinggil sa buhay ng Budha siya at ang kaniyang mga alagad ay dumating minsan sa gubat. Dumampot siya ng isang dakot na dahon at nagsabi sa kaniyang mga alagad: “Ang naituro ko sa inyo ay maihahambing sa mga dahon na nasa aking kamay, ang hindi ko naituro sa inyo ay maihahambing sa dami ng mga dahon sa kagubatan.” Kaya, ipinahihiwatig nito na ang naituro ng Budha ay maliit na bahagi lamang ng kaniyang nalalaman. Gayunman, isang mahalagang bagay ang nakaligtaan​—halos walang nasabi si Gautama Budha tungkol sa Diyos; ni nag-angkin siya ng pagiging Diyos. Sa katunayan, sinabi niya di-umano sa kaniyang mga alagad, “Kung may Diyos, mahirap maniwala na Siya’y magiging interesado sa aking araw-araw na gawain,” at “walang mga diyos na may kaya at handang tumulong sa tao.”

52. (a) Ano ang pangmalas ng Budhismo hinggil sa Diyos? (b) Ano ang niwalang-bahala ng Budhismo?

52 Sa diwang ito, napakaliit ang papel na ginagampanan ng Budhismo sa paghahanap sa tunay na Diyos. Sinasabi ng The Encyclopedia of World Faiths na “waring hindi isinaalang-alang ng sinaunang Budhismo ang pag-iral ng Diyos, at tiyak na hindi ito nagtuturo o humihiling ng paniniwala sa Diyos.” Sa pagdiriin sa sariling pagsisikap ng tao na humanap ng kaligtasan, sa pagbaling sa sariling isipan o diwa upang maliwanagan, ang Budhismo ay tunay na agnostiko, kung hindi man ateyistiko. (Tingnan ang kahon, pahina 145.) Sa pagwawaksi ng mga tanikala ng pamahiin at nakalilitong hanay ng maka-alamat na mga diyos ng Hinduismo, ginawa naman ng Budhismo ang kabaligtaran. Niwalang-halaga nito ang saligang paniwala sa Kataastaasan, na dahil sa kalooban Niya’y umiiral at kumikilos ang lahat ng bagay.​—Gawa 17:24, 25.

53. Ano ang masasabi hinggil sa paghahanap ng kaliwanagan nang hiwalay sa Diyos? (Ihambing ang Kawikaan 9:10; Jeremias 8:9.)

53 Dahil sa malasarili at indipendiyenteng kaisipan, ang ibinunga ay nakalilitong mga alamat, tradisyon, masalimuot na doktrina, at interpretasyon na likha ng maraming kaisipan at sekta sa paglipas ng mga dantaon. Ang sana’y payak na solusyon sa masalimuot na mga suliranin ng buhay ay naging isang relihiyoso o pilosopikal na sistema na hindi masakyan ng karamihan ng tao. Sa halip, ang karaniwang tagasunod ng Budhismo ay naging abala na lamang sa pagsamba sa mga idolo at relikya, mga diyos at demonyo, mga espiritu at ninuno, at sa marami pang ibang rituwal at kaugalian na malayung-malayo sa itinuro ni Gautama Budha. Kaya, ang paghahangad ng kaliwanagan nang hiwalay sa Diyos ay hindi posible.

54. Mga turo ng sinong dalawang relihiyosong pilosopo ang susunod na isasaalang-alang?

54 Kasabay halos ng paghahanap ni Gautama Budha sa daan ng kaliwanagan, milyunmilyong tao sa iba namang bahagi ng kontinente ng Asya ang naimpluwensiyahan ng mga ideya ng dalawang pilosopo. Sila’y si Lao-tzu at Confucio, dalawang paham na iginagalang ng maraming henerasyon ng mga Intsik at iba pang tao. Ano ang itinuro nila, at papaano nila naimpluwensiyahan ang paghahanap ng tao sa Diyos? Ito ang isasaalang-alang natin sa susunod na kabanata.

[Mga talababa]

a Ito ang pagpapakahulugan ng pangalan niya ayon sa pagbaybay sa Pali. Mula sa Sanskrit ang pagpapakahulugan ay Sidhārtha Gautama. Ngunit iba-iba ang iniuulat na petsa ng pagsilang niya, gaya ng 560, 563, o 567 B.C.E. Karamihan ng autoridad ay tumatanggap sa petsang 560 o sa ikaanim na siglo man lamang bilang kaniyang kapanganakan.

b Maraming Budhista sa Hapon ang nagdiriwang ng isang maluhong “Pasko.”

c Ang mga doktrinang Budhista, gaya ng anatta (walang sarili), ay tumatanggi sa pag-iral ng walang-pagbabago o walang-hanggang kaluluwa. Gayunman, karamihan ngayon ng Budhista, lalo na yaong nasa Dulong Silangan, ay naniniwala sa pagpapalipatlipat ng hindi namamatay na kaluluwa. Ang pagsamba nila sa ninuno at paniwala sa impiyernong pahirapan ay maliwanag na patotoo nito.

[Kahon sa pahina 139]

Ang Apat na Mararangal na Katotohanan ng Budha

Ang saligang turo ng Budha ay ipinaliwanag niya sa tinatawag na Apat na Mararangal na Katotohanan. Sumisipi kami mula sa Dhammacakkappavattana Sutta (Ang Saligan ng Kaharian ng Katuwiran), sa isang salin ni T. W. Rhys Davids:

▪ “Narito ngayon, O Bhikkus, ang marangal na katotohanan tungkol sa pagdurusa. Ang pagsilang ay may kaakibat na kirot, ang pagkabulok ay makirot, ang karamdaman ay makirot, ang kamatayan ay makirot. Ang pakikipagkaisa sa di-kasiyasiya ay makirot, makirot ang paghiwalay sa bagay na kasiyasiya; at alinmang hangad na hindi nasasapatan, ito rin ay makirot. . . .

▪ “Narito ngayon, O Bhikkus, ang marangal na katotohanan tungkol sa pinagmulan ng pagdurusa. Ang totoo, yao’y ang pagkauhaw, na sanhi ng pagbabago ng pag-iral, may lakip na kasiyahan ng laman, ng paghahangad ng kabusugan, ngayo’y dito, mamaya’y doon​—alalaong baga, ang hangad na mapalugdan ang pita, o ang paghahangad sa buhay, o sa tagumpay. . . .

▪ “Narito ngayon, O Bhikkus, ang marangal na katotohanan tungkol sa paglipol ng pagdurusa. Ang totoo, yaon ang paglipol sa pagkauhaw na ito, hanggang sa wala nang natitirang pita; ang pagsasa-isang tabi, pagwawaksi, pagkalas, at hindi na pagkadama ng ganitong uhaw. . . .

▪ “Narito ngayon, O Bhikkus, ang marangal na katotohanan tungkol sa landas na umaakay sa pagkalipol ng dalamhati. Ang totoo, ito ang marangal na waluhang landas; alalaong baga: wastong mga pangmalas; wastong mithiin; wastong pananalita; wastong paggawi; wastong hanapbuhay; wastong pagsisikap; wastong pag-aalala; at wastong pagbubulay.”

[Kahon sa pahina 145]

Ang Budhismo at ang Diyos

“Ang Budhismo ay nagtuturo ng daan tungo sa sakdal na kabutihan at karunungan nang hiwalay sa isang personal na Diyos; sa pinakamataas na kaalaman bagaman walang ‘kapahayagan’; . . . ng pagkatubos bagaman walang manunubos, ng kaligtasan na kung saan ang bawat isa ay sarili niyang tagapagligtas.”​—The Message of Buddhism, ng Bhikkhu Subhadra, ayon sa pagsipi sa What Is Buddhism?

Kaya ang mga Budhista ba’y ateyista? Sumasagot ang aklat na What Is Buddhism? na inilathala ng Lohiyang Budhista, Londres: “Kung ang kahulugan ng ateyista ay isa na tumatanggi sa paniwala sa isang personal na Diyos, oo.” Pagkatapos ay nagpapatuloy pa ito: “Napakadaling matanggap ng isang sumusulong na isipan ang ideya ng Sansinukob na pinapatnubayan ng Batas na walang pagbabago, kung papaanong matatanggap nito ang paniwala sa isang malayong Persona na hindi kailanman nito makikita, na tumatahan sa hindi nalalaman, at na mula sa wala ay lumikha minsan ng isang Sansinukob na laganap ang alitan, pang-aapi, pagtatangi, at walang-hanggang pagdurusa at pag-aaway.”

Kaya, ayon sa teoriya, ang Budhismo ay hindi nagtataguyod ng paniwala sa Diyos o sa isang Maylikha. Gayunman, ang mga templo at stupa ng Budhismo ay masusumpungan sa halos lahat ng bansang kinaroroonan ng Budhismo, at ang mga imahen at relikya ng mga Budha at bodhisattva ay naging tampulan ng panalangin, handog, at pagsamba ng debotadong mga Budhista. Ang Budha, na kailanma’y hindi nag-angking Diyos, ay naging isang diyos sa bawat kahulugan ng salita.

[Mapa sa pahina 142]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pagsapit ng ikapitong siglo C.E., ang Budhismo ay lumaganap na mula sa Indiya hanggang sa buong silangang Asya

INDIYA

Benares

Budh Gaya

IKA-3 SIGLO B.C.E. SRI LANKA

UNANG SIGLO B.C.E. KASHMIR

GITNANG ASYA

UNANG SIGLO C.E. TSINA

MYANMAR

THAILAND

KAMPUCHEA

JAVA

IKA-4 NA SIGLO C.E. KOREA

IKA-6 NA SIGLO C.E. HAPÓN

IKA-7 SIGLO C.E. TIBET

[Mga larawan sa pahina 131]

Iba’t-iba ang estilo ng mga templong Budhista sa buong daigdig

Chengteh, hilagang Tsina

Kofu, Hapón

Lungsod ng Nueba York, E. U. A.

Chiang Mai, Thailand

[Larawan sa pahina 133]

Ukit sa bato, Panaginip ni Maya, mula sa Gandhara, Pakistan, naglalarawan sa hinaharap na Budha bilang puting elepante na may sinag sa ulo habang pumapasok sa kanang tagiliran ni Reyna Maya upang maganap ang paglilihi nito

[Mga larawan sa pahina 134]

Mga monghe at mananambang Budhista sa isang templo sa Lungsod ng Nueba York

[Mga larawan sa pahina 141]

Mga imahen ng Budha sa iba’t-ibang estilo ng pagkumpas

pagpasok sa Nirvana

pagtuturo

pagbubulay

paglaban sa tukso

[Larawan sa pahina 147]

Prusisyon bilang parangal sa kaarawan ni Budha, sa Tokyo, Hapón. Ang puting elepante sa likuran ay sumasagisag sa Budha

[Mga larawan sa pahina 150]

Mga pahina ng Lotus Sutra (ika-10 siglo), sa Intsik, ay naglalarawan sa kapangyarihan ng bodhisattva Kuan-yin na magligtas mula sa apoy at baha. Si Bodhisattva Ksitigarbha, kanan, ay tanyag sa Korea noong ika-14 na siglo

[Larawan sa pahina 155]

Budhistang balumbon mula sa Kyoto, Hapón, na naglalarawan sa mga pahirap sa “impiyerno”

[Mga larawan sa pahina 157]

Mga Budhista sa ngayon na sumasamba sa harapan ng, pakanan mula sa kaliwang itaas, isang lingam sa Bangkok, Thailand; relikya ng Ngipin ni Budha sa Kandy, Sri Lanka; mga imahen ng Budha sa Singapore at Nueba York

[Mga larawan sa pahina 158]

Babaeng Budhista na nananalangin sa harap ng altar ng pamilya, at mga anak na sumasamba sa templo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share