ISAIAS, AKLAT NG
Dinadakila ng aklat ng Isaias si Jehova sa katangi-tanging paraan bilang “ang Banal ng Israel,” anupat ikinakapit sa kaniya ang pananalitang ito nang may kabuuang 25 ulit. Gayundin, buong-linaw nitong itinatawag-pansin ang Mesiyas, o ang Pinahiran, ni Jehova na sa pamamagitan niya’y matatamo ng bayan ng Diyos ang kaligtasan.
Sa kauna-unahang talata ng aklat ng Isaias, binabanggit na ang nilalaman nito ay “pangitain ni Isaias na anak ni Amoz na nakita niya may kinalaman sa Juda at sa Jerusalem.” Kaya bagaman ang aklat ay naglalaman ng makahulang mga pananalita may kinalaman sa maraming bansa, hindi dapat malasin ang mga ito bilang isang koleksiyon ng di-magkakaugnay na mga kapahayagan may kinalaman sa mga bansang iyon. Sa halip, ang mga ito ay sunud-sunod na mga hula na tuwirang nakaapekto sa Juda at Jerusalem.
Tagpo sa Kasaysayan. Sinasabi sa atin ng Isaias 1:1 na nakita ni Isaias ang mga bagay na ito sa pangitain noong mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda. Ito’y isang yugto ng matinding internasyonal na tensiyon at isang panahon kung kailan ang mga saloobing nauugnay sa huwad na relihiyon ay nakaapekto nang malaki sa mga tao ng Juda. Noong bandang pasimula ng gawain ni Isaias, si Haring Uzias ay namatay na isang ketongin dahil may-kapangahasan niyang ginampanan ang tungkulin ng saserdote. (2Cr 26:16, 19-21) Iniuulat na noong panahon ng paghahari ng anak ni Uzias na si Jotam, bagaman ginawa ng haring ito ang tama, ‘ang bayan ay gumagawi pa rin nang kapaha-pahamak.’—2Cr 27:2; 2Ha 15:34.
Sinundan naman siya ni Haring Ahaz, na sa loob ng 16 na taon ay nagpakita ng masamang halimbawa sa bansa, anupat nagsagawa ng pagsamba kay Baal lakip ang mga ritwal nito ng paghahain ng tao. Umiiral noon ang “malaking kawalang-katapatan kay Jehova.” (2Cr 28:1-4, 19) Noong panahong iyon, kinubkob ng magkaalyadong mga hari ng Sirya at Israel ang Jerusalem. Kaya naman si Ahaz, bilang pagwawalang-bahala sa payo ni Isaias na propeta, ay nagsugo kay Tiglat-pileser III, ang hari ng Asirya, para humingi ng tulong na pangmilitar. (2Ha 16:5-8; Isa 7:1-12) Sa gayon ay ‘laman ang ginawa ni Ahaz na kaniyang bisig, anupat tumalikod kay Jehova ang kaniyang puso.’ (Jer 17:5) Sumang-ayon ang Asirya na makipag-alyansa, ngunit, sabihin pa, pangunahin itong interesado sa pagpapalawak ng sarili nitong kapangyarihan. Nabihag ng hukbong Asiryano ang Damasco ng Sirya at lumilitaw na dinala nito sa pagkatapon ang mga mamamayan ng apostatang Israel na naninirahan sa S ng Jordan.—1Cr 5:26.
Sa kalaunan, nang hindi magbayad ng tributo ang Samaria, kinubkob din iyon at ang mga tumatahan doon ay ipinatapon. (2Ha 16:9; 17:4-6; 18:9-12) Sa gayon ay nagwakas ang sampung-tribong kaharian at naiwan ang Juda na napalilibutan ng mga bansang Gentil. Nang maglaon, ipinagpatuloy ng mga tagapamahalang Asiryano ang mga operasyong militar sa K, anupat sinalakay ang mga lunsod ng Juda at ng nakapalibot na mga bansa. Hiningi pa nga ni Senakerib ang pagsuko ng Jerusalem. Ngunit nagbago na ang situwasyon doon sa ilalim ng paghahari ni Hezekias. Nagtiwala si Hezekias kay Jehova, at sumakaniya si Jehova.—2Ha 18:5-7; Isa kab 36, 37.
Sinimulan ni Isaias ang paglilingkod niya bilang propeta noong panahon ng paghahari ni Uzias, na nagsimulang mamahala noong 829 B.C.E., at nagpatuloy siya bilang propeta hanggang noong panahon ng paghahari ni Hezekias, na natapos noong mga 717 B.C.E. Tinutukoy ng Isaias, kabanata 6, talata 1, ang ‘taon ng pagkamatay ni Haring Uzias’ (mga 778 B.C.E.) bilang ang panahon kung kailan tinanggap ni Isaias ang atas mula kay Jehova na nakatala sa kabanatang iyon, bagaman posible na itinala niya ang naunang impormasyon bago pa ang panahong iyon. Binabanggit naman ng kabanata 36, talata 1 ang “ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias” (732 B.C.E.), nang si Senakerib ay magpadala ng isang hukbo laban sa Jerusalem at pagkatapos ay mapaurong. Bukod pa sa pag-uulat hinggil sa bantang pagkubkob at sa pagliligtas sa Jerusalem, inilahad ni Isaias ang pagbalik ni Senakerib sa Nineve at ang pagpaslang dito. (Isa 37:36-38) Kung ang kaunting makasaysayang impormasyong ito ay isinulat ni Isaias at hindi idinagdag ng ibang tao nang bandang huli, maaaring ipinakikita nito na humula si Isaias nang ilang panahon pa pagkatapos ng ika-14 na taon ni Hezekias. Waring ipinahihiwatig ng mga rekord ng kronolohiya ng Asirya at Babilonya (bagaman kuwestiyunable ang pagkamapananaligan ng mga ito) na si Senakerib ay namahala nang mga 20 taon pa pagkatapos ng kaniyang kampanya laban sa Jerusalem. Ang tradisyong Judio, na posible ring hindi mapananaligan, ay nagsasabing nilagari si Isaias sa utos ni Haring Manases. (Kung ito ang tinutukoy ni Pablo sa Hebreo 11:37, gaya ng pinaniniwalaan ng ilan, ay hindi pa napatutunayan.)—Isa 1:1.
Mayroon ding ilan pang mga pagtukoy na tumutulong upang mapetsahan ang nilalaman ng espesipikong mga bahagi ng aklat ng Isaias. Halimbawa, sinasabi sa kabanata 7, talata 1, na si Peka na hari ng Israel ay umahon laban sa Jerusalem upang makipagdigma noong mga araw ni Haring Ahaz. Bagaman namahala si Ahaz mula 761 hanggang 746 B.C.E., ang paghahari ni Peka ay nagwakas noong mga 758 B.C.E.; kaya malamang na ang insidente ay naganap bago ang taóng iyon. Karagdagan pa, batay sa Isaias 14:28, isang kapahayagan may kinalaman sa Filistia ang ibinigay “noong taóng mamatay si Haring Ahaz,” na papatak ng 746 B.C.E. Ang mga pagtukoy na ito ay tumutulong upang malaman kung kailan naganap ang mga pangyayari sa aklat ng Isaias.
Iisa ang Sumulat. Iginigiit ng ilang kritiko ng Bibliya sa makabagong panahon na hindi lamang si Isaias ang sumulat ng aklat ng Isaias. Inaangkin ng ilan na ang mga kabanata 40 hanggang 66 ay isinulat ng isang di-kilalang tao na nabuhay humigit-kumulang noong pagtatapos ng pagkatapon ng mga Judio sa Babilonya. Ibinubukod ng ilang kritiko ang iba pang mga bahagi ng aklat, anupat ipinapalagay na malamang na hindi si Isaias ang sumulat ng mga iyon. Ngunit ang Bibliya mismo ay hindi sumasang-ayon sa mga pag-aangking ito.
Kinilala ng kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na kapuwa ang materyal na tinutukoy ngayon na mga kabanata 1 hanggang 39 at mga kabanata 40 hanggang 66 ay isinulat ni “Isaias na propeta.” Hindi nila ipinahiwatig na may dalawang tao na nagtataglay ng gayong pangalan o na ang pangalan ng manunulat ng ilang bahagi ng aklat ay hindi alam. (Para sa mga halimbawa, ihambing ang Mat 3:3 at 4:14-16 sa Isa 40:3 at 9:1, 2; gayundin ang Ju 12:38-41 sa Isa 53:1 at 6:1, 10.) Bukod diyan, maraming iba pang pagsipi ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan mula sa huling bahagi ng aklat ng Isaias, at ang mga ito ay espesipiko nilang kinilala na isinulat, hindi ng isang di-kilalang manunulat, kundi ni “Isaias na propeta.” (Ihambing ang Mat 12:17-21 sa Isa 42:1-4; Ro 10:16 sa Isa 53:1.) Si Jesu-Kristo mismo, nang bumasa siya mula sa “balumbon ng propetang si Isaias” sa sinagoga sa Nazaret, ay bumasa mula sa Isaias 61:1, 2.—Luc 4:17-19.
Karagdagan pa, ang Dead Sea Scroll of Isaiah (IQIsa, pinaniniwalaang kinopya noong pagtatapos ng ikalawang siglo B.C.E.) ay kakikitaan ng katibayan na ang tagakopyang sumulat nito ay walang anumang nalalaman sa diumano’y dibisyon sa hula sa katapusan ng kabanata 39. Sinimulan niya ang ika-40 kabanata sa huling linya ng tudling na naglalaman ng kabanata 39.
Ang buong aklat ng Isaias ay nagpasalin-salin sa loob ng maraming siglo bilang iisang akda, hindi bilang dalawa o higit pa. Ang pagiging magkarugtong ng kabanata 39 at kabanata 40 ay ipinakikita ng nakaulat sa Isaias 39:6, 7, na maliwanag na isang transisyon tungo sa kasunod na bahagi.
Yaong mga nagsasabing higit sa isang manunulat ang sumulat ng aklat ay hindi naniniwalang posible para kay Isaias na ihula nang halos dalawang siglo ang kaagahan na isang tagapamahala na nagngangalang Ciro ang magpapalaya sa itinapong mga Judio; dahil dito, ipinapalagay nila na isinulat ito nang mas dakong huli pa, maaaring noong masimulan na ni Ciro ang kaniyang pananakop. (Isa 44:28; 45:1) Ngunit hindi nila nauunawaan ang kahulugan ng buong bahaging ito ng aklat, na ang materyal ay espesipikong tumatalakay sa patiunang kaalaman, sa kakayahan ng Diyos na patiunang sabihin kung ano ang mangyayari sa kaniyang bayan. Halos 200 taon ang kaagahan, iniulat ng hulang ito ang pangalan ng isa na hindi pa naisisilang na siyang lulupig sa Babilonya at magpapalaya sa mga Judio. Ang katuparan nito ay malinaw na patotoo na nagmula ito sa Diyos. Hindi iyon pagtantiya ni Isaias sa mangyayari sa hinaharap, kundi, gaya ng isinulat niya mismo, “ito ang sinabi ni Jehova.” (Isa 45:1) Ipagpalagay man na ang bahaging ito ng Isaias ay isinulat ng isang manunulat noong panahon ni Ciro, hindi pa rin malulutas ang problema ng mga kritiko. Bakit? Sapagkat detalyado ring inihula ng bahaging ito ng aklat ang mga pangyayari sa makalupang buhay at ministeryo ng Mesiyas, si Jesu-Kristo—mga bagay na nasa mas malayong hinaharap pa. Pinagtitibay ng katuparan ng mga hulang ito na ang hula ni Isaias ay kinasihan ng Diyos at hindi isang koleksiyon ng mga akda ng mga impostor.
Sa gayunding mga dahilan, yaong mga tumututol na si Isaias ang sumulat ng mga kabanata 40 hanggang 66 ay kadalasan nang tumututol din na siya ang sumulat ng kabanata 13, may kinalaman sa pagbagsak ng Babilonya. Gayunman, ang kabanata 13 ay ipinakikilala ng mga salitang: “Ang kapahayagan laban sa Babilonya na nakita ni Isaias na anak ni Amoz sa pangitain.” Maliwanag, ito rin ang “Isaias na anak ni Amoz” na ang pangalan ay lumitaw sa pambungad na talata ng kabanata 1.
Kaugnayan sa Ibang mga Aklat. Ang mga isinulat ni Isaias ay lubhang nauugnay sa maraming iba pang bahagi ng Bibliya. Isang siglo o mahigit pa pagkamatay ni Isaias, isinulat ni Jeremias ang rekord na matatagpuan sa mga aklat ng Mga Hari, at kapansin-pansin na ang nakaulat sa 2 Hari 18:13 hanggang 20:19 ay halos walang ipinagkaiba sa matatagpuan sa Isaias kabanata 36 hanggang 39. Bukod sa nag-ulat ang ibang mga propeta ng mga bagay na kahawig ng mga tinalakay ni Isaias, ang ibang mga manunulat ng Bibliya ay gumawa rin ng maraming espesipikong pagtukoy sa mismong mga isinulat ni Isaias.
Kabilang sa pinakanamumukod-tangi at pinakamalimit sipiing mga hula mula sa aklat ng Isaias ay yaong mga patiunang nagsabi ng mga detalye may kinalaman sa Mesiyas. Gaya ng ipinakikita sa kalakip na tsart, marami sa mga ito ang espesipikong sinipi at ikinapit ng kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kapansin-pansin na ang Isaias ang pinakamalimit sipiin ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol upang linawin ang pagkakakilanlan ng Mesiyas.
Hindi itinala rito ang lahat ng pagsipi ng iba pang kinasihang mga manunulat ng Bibliya mula sa hula ni Isaias, ngunit itinatampok nito ang ilan sa pinakakilaláng mga hula ni Isaias. Ang mga hulang ito, kasama ng lahat ng iba pang bahagi ng aklat, ay dumadakila kay Jehova, ang Banal ng Israel, bilang ang Isa na naglalaan ng kaligtasang ito para sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng kaniyang pinahirang Anak.