Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • gm kab. 3 p. 25-36
  • Ang Huwad na Kaibigan ng Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Huwad na Kaibigan ng Bibliya
  • Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hinadlangan ang Pagsasalin sa Bibliya
  • Mga Tagapagtanggol ng Bibliya
  • Maselang na Pagpuna
  • “Pagsasalitaan ng Masama”
  • Nakapanatili ang Salita ng Diyos
  • Itinakwil ng Sangkakristiyanuhan ang Diyos at ang Bibliya
    Ano ang Layunin ng Buhay?—Paano Mo Masusumpungan?
  • Ayaw Nilang Mabasa ng mga Tao ang Salita ng Diyos
    Gumising!—2011
  • Apostasya—Nahadlangan ang Daan Tungo sa Diyos
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Kung Papaano Naging Bahagi ng Sanlibutang Ito ang Sangkakristiyanuhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
gm kab. 3 p. 25-36

Kabanata 3

Ang Huwad na Kaibigan ng Bibliya

Sa kabanatang ito, tatalakayin natin ang pangunahing dahilan kung bakit marami mula sa di-Kristiyanong mga lupain ang aayaw tumanggap sa Bibliya bilang ang Salita ng Diyos. Ayon sa kasaysayan, nag-aangkin ang Sangkakristiyanuhan ng paniniwala sa Bibliya at sa pagiging tagapag-ingat nito. Subali’t ang mga relihiyosong organisasyon ng Sangkakristiyanuhan ay napasangkot sa pinakamalalagim na kabanata ng kasaysayan, mula sa mga Krusada magpahanggang sa mga lansakang pagpatay noong mga Edad Medya at sa Holocaust ng ating kasalukuyang panahon. Ang paggawi ba ng Sangkakristiyanuhan ay matibay na dahilan upang tanggihan ang Bibliya? Sa totoo lang, ang Sangkakristiyanuhan ay napatunayan bilang isang huwad na kaibigan ng Bibliya. Oo, nang lumitaw ang Sangkakristiyanuhan noong ikaapat na siglo C.E., hindi pa nagwakas ang pakikipagpunyagi ng Bibliya upang makapanatili itong umiiral.

1, 2. (Ilakip ang pambungad.) (a) Bakit marami ang ayaw kumilala sa Bibliya bilang Salita ng Diyos? (b) Anong kapakipakinabang na gawain ang natapos noong una at ikalawang siglo, subali’t anong mapanganib na pagsulong ang pinasimulan?

SA DULO ng unang siglo, ang pagsulat sa lahat ng mga aklat ng Bibliya ay natapos na. Magbuhat noon, ang mga Kristiyano ay nanguna sa pagkopya at pamamahagi ng kompletong Bibliya. Kasabay nito, abala sila sa pagsasalin nito sa pinaka-karaniwang wika nang panahong yaon. Gayumpaman, samantalang buhus-na-buhos ang kongregasyong Kristiyano sa kapuripuring gawaing ito, isang pagsulong ang nagsisimulang mabuo na magiging malaking panganib sa pananatili ng Bibliya.

2 Ang pagsulong na ito ay inihula mismo ng Bibliya. Minsan ay nagsalaysay si Jesus ng talinghaga tungkol sa isang tao na naghasik ng maiinam na butil ng trigo sa kaniyang bukid. Subali’t “samantalang natutulog ang mga tao,” isang kaaway ang naghasik ng mga binhi na magbubunga ng mga panirang-damo. Umusbong ang dalawang uri ng binhi, at dumating ang panahon na ang trigo ay natabunan ng mga panirang-damo. Sa talinghagang ito, ipinakita ni Jesus na ang ibubunga ng kaniyang gawain ay ang tunay na mga Kristiyano subali’t pagkamatay niya, ang kongregasyon ay papasukin ng huwad na mga Kristiyano. Sa dakong huli, magiging mahirap ang pagkilala sa pagkakaiba ng tunay at ng huwad.​—Mateo 13:24-30, 36-43.

3. Ayon kay apostol Pedro, ano ang mga magiging epekto sa Bibliya ng tulad panirang-damong “mga Kristiyano”?

3 Tahasang nagbabala si apostol Pedro hinggil sa magiging epekto ng tulad panirang-damong mga “Kristiyano” sa magiging pangmalas ng mga tao sa Kristiyanismo at sa Bibliya. Nagbabala siya: “Sa gitna ninyo’y magkakaroon ng mga bulaang guro. Ang mga ito’y lihim na magpapasok ng nagpapahamak na mga sekta at itatatwa maging ang panginoon na bumili sa kanila, na mangagdadala sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak. Bukod dito, marami ang magsisisunod sa kanilang mga gawang mahalay, at dahil sa kanila ay pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan.”​—2 Pedro 2:1, 2.

4. Papaano natupad ang mga hula nina Jesus at Pedro maging noong unang siglo?

4 Maging noon pa mang unang siglo, ay nangatupad na ang mga hula nina Jesus at ni Pedro. Pinasok ng ambisyosong mga tao ang kongregasyong Kristiyano at doo’y naghasik ng pagkakabahabahagi. (2 Timoteo 2:16-18; 2 Pedro 2:21, 22; 3 Juan 9, 10) Sa sumunod na dalawang siglo, ang kadalisayan ng katotohanan ng Bibliya ay binantuan ng pilosopiyang Griyego, at marami ang buong-pagkakamaling tumanggap sa mga paganong doktrina na waring ang mga ito’y katotohanan ng Bibliya.

5. Anong bagong patakaran ang pinasinayaan ni Constantino sa pasimula ng ikaapat na siglo?

5 Noong ikaapat na siglo, ang “Kristiyanismo” ay pinagtibay ng Romanong emperador na si Constantino bilang ang opisyal na relihiyon ng Imperyong Romano. Subali’t ang “Kristiyanismo” na nakilala niya ay malayung-malayo sa relihiyon na ipinangaral ni Jesus. Nang panahong yaon, ay yumayabong na ang “mga panirang-damo,” gaya ng inihula ni Jesus. Sa kabila nito, matitiyak natin na sa buong panahong yaon, ay may mangilanngilan na kumatawan sa tunay na pagka-Kristiyano at nagsikap na sumunod sa Bibliya bilang kinasihang Salita ng Diyos.​—Mateo 28:19, 20.

Hinadlangan ang Pagsasalin sa Bibliya

6. Kailan nagsimulang mabuo ang Sangkakristiyanuhan, at ano ang isang pagkakaiba ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa Kristiyanismo ng Bibliya?

6 Noong panahon ni Constantino nagsimulang mabuo ang Sangkakristiyanuhan sa anyo na ating nakikilala ngayon. Magmula noon, ang nabansot na anyo ng Kristiyanismo ay hindi lamang naging isang relihiyosong organisasyon. Naging bahagi ito ng estado, at ang mga pinuno nito ay gumanap ng mahalagang papel sa politika. Nang maglaon, ginamit ng apostatang iglesiya ang puwersa nito sa politika sa paraan na salungat-na-salungat sa Kristiyanismo ng Bibliya, at sa gayon ito ay muling nagharap ng isang mapanganib na banta sa Bibliya. Papaano?

7, 8. Kailan nagpahayag ang papa ng pagsalansang sa pagsasalin ng Bibliya, at bakit niya ginawa ito?

7 Nang maglaho ang Latin bilang pang-araw-araw na wika, ay kinailangan ang mga bagong salin ng Bibliya. Subali’t hindi na pabor dito ang Iglesiya Katolika. Noong 1079 humingi ng pahintulot si Vratislaus, na nang maglaon ay naging hari ng Bohemya, kay Papa Gregorio VII upang isalin ang Bibliya sa wika ng kaniyang mga sakop. Hindi pumayag ang papa. Sinabi niya: “Maliwanag ito sa lahat ng mga nag-iisip, na hindi sa walang dahilan kung kaya’t minagaling ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat na ang banal na kasulatan ay manatiling lihim sa ilang dako, palibhasa, kung ito’y madaling maunawaan ng lahat, baka bumaba ang pagtingin dito at hindi na pagpitaganan; o baka maging mali ang pag-unawa rito ng mga hindi gaanong nakapag-aral, at tuloy ay humantong sa pagkakamali.”​1

8 Gusto ng papa na mapanatili ang Bibliya sa ngayo’y patay nang wika na Latin. Ang mga nilalaman nito ay dapat mapanatiling “lihim,” at hindi isinasalin sa mga wika ng karaniwang tao.a Kaya ang Vulgate ni Jerome sa Latin, na isinulat noong ika-5 siglo upang ang Bibliya ay maunawaan ng lahat, ay naging kasangkapan ngayon upang ito’y mapanatiling nakapinid.

9, 10. (a) Papaano sumidhi ang Romano Katolikong pagsalansang sa pagsasalin ng Bibliya? (b) Ano ang layunin ng pagsalansang ng Simbahan sa Bibliya?

9 Habang nagpapatuloy ang mga Edad Medya, lalong humigpit ang ginawang paninindigan ng Simbahan laban sa mga Bibliya sa katutubong wika. Noong 1199 sumulat si Papa Inocentes III ng isang matulis na liham sa arsobispo ng Metz, Alemanya, anupa’t sinunog ng arsobispo ang lahat ng masumpungan niyang Bibliya sa wikang Aleman.​3 Noong 1229, ipinasiya ng konsilyo ng Tolosa, Pransya na ang “karaniwang mamamayan” ay hindi makapag-aari ng alinman sa mga aklat ng Bibliya sa karaniwang wika.​4 Noong 1233 isang panlalawigang konsilyo sa Tarragona, Espanya, ang nag-utos na lahat ng mga aklat ng “Matanda o Bagong Tipan” ay dapat isuko upang sunugin.​5 Noong 1407 ang konsilyo ng mga pari na ipinatawag ni Arsobispo Thomas Arundel sa Oxford, Inglatiyera ay tahasang nagbawal sa pagsasalin ng Bibliya sa wikang Ingles o sa alinpamang ibang makabagong wika.​6 Noong 1431, doon din sa Inglatiyera, ipinagbawal ni Obispo Stafford ng Wells ang pagsasalin ng Bibliya sa Ingles at ang pagmamay-ari ng gayong mga salin.​7

10 Hindi sinikap ng mga pinunong ito ng relihiyon na sirain ang Bibliya. Kanilang binuro ito, sinikap mapanatili sa isang wika na kakaunti lamang ang makababasa. Sa ganitong paraan, umasa sila na hadlangan ang sa akala nila’y taliwas na paniwala subali’t sa katotohanan ay mga paghamon sa kanilang autoridad. Kung nagtagumpay sila, disin sana ang Bibliya’y naging isang bagay lamang na nauukol sa pag-uusyoso ng matatalino, na kung mayroon man ay kakaunti lamang ang impluwensiya sa buhay ng karaniwang mamamayan.

Mga Tagapagtanggol ng Bibliya

11. Ano ang nangyari nang ipuslit ni Julián Hernández ang mga Bibliyang Kastila sa Espanya?

11 Nakagagalak, na sa kabila nito, maraming tapat-pusong tao ang tumangging sumunod sa mga utos na ito. Subali’t naging mapanganib ang ganitong mga pagtanggi. Labis-labis ang hirap na tiniis ng mga indibiduwal dahil sa “krimen” ng pagmamay-ari ng Bibliya. Bilang halimbawa, isaalang-alang ang kaso ng isang Kastilang nagngangalang Julián Hernández. Ayon sa History of Christian Martyrdom ni Foxe, si Julián, (o, Juliano) “ay nagtangkang mag-uwi ng maraming mga Bibliya mula sa Alemanya, na kaniyang ikinubli sa mga bariles ng alak, at nakaimpake na gaya ng alak na Rhenish.” Siya ay ipinagkanulo at dinakip ng Romano Katolikong Inkisisyon. Yaong mga dapat sanang tumanggap ng mga Bibliya “ay pinahirapan nang walang pagtatangi, at karamihan sa kanila ay hinatulan ng sarisaring parusa. Si Juliano ay sinunog, dalawampu ang nilitson habang nakatuhog, marami ang ibinilanggo nang habangbuhay, ang ilan ay nilatigo sa harapan ng madla, at marami ang ginawang taga-gaod sa mga sasakyang-dagat.”​8

12. Papaano natin nalaman na ang mga pinuno ng relihiyon noong mga Edad Medya ay hindi kumakatawan sa Kristiyanismo ng Bibliya?

12 Kasuklamsuklam ang ganitong pag-abuso sa kapangyarihan! Maliwanag na ang mga pinunong ito ng relihiyon ay hindi tunay na mga kinatawan ng Kristiyanismo ng Bibliya! Inilantad mismo ng Bibliya kung kanino sila panig nang sabihin nito: “Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi mula sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagka’t ito ang pasabing inyong narinig buhat nang pasimula, na dapat tayong mangag-ibigan sa isa’t-isa; hindi g̀aya ni Cain, na nagmula sa masama at pinatay ang kaniyang kapatid.”​—1 Juan 3:10-12.

13, 14. (a) Anong kahangahangang katotohanan tungkol sa Bibliya noong mga Edad Medya ang nagpapakita ng banal na pinagmulan nito? (b) Papaano nagbago ang situwasyon may kinalaman sa Bibliya sa Europa?

13 Gayunman, tunay na kamanghamangha na may mga lalaki at babae na handang humarap sa gayong nakasisindak na pagtrato makamit lamang nila ang Bibliya! At ang mga halimbawang ito ay napakaraming beses nang naulit magpahanggang sa ating kaarawan. Ang taimtim na debosyon na pinukaw ng Bibliya sa mga tao, ang pagiging-handa na magdusa nang buong-pagtitiis at ang pagharap ng walang-reklamo sa kahindikhindik na kamatayan nang hindi gumaganti sa mga nagpapahirap sa kanila, ay matitibay na ebidensiya na ang Bibliya ay Salita nga ng Diyos.​—1 Pedro 2:21.

14 Nang maglaon, pagkaraan ng himagsikang Protestante laban sa kapangyarihang Romano Katoliko noong ika-16 na siglo, ang Iglesiya Katolika Romana mismo ay napilitang maglabas ng mga salin ng Bibliya sa karaniwang mga wika sa Europa. Subali’t maging noon, ang Bibliya ay higit na iniugnay sa Protestantismo kaysa sa Katolisismo. Ganito ang isinulat ng Romano Katolikong pari na si Edward J. Ciuba: “Dapat aminin nang buong-katapatan na ang isa sa pinakamasaklap na bunga ng Repormasyong Protestante ay ang pagpapabaya ng tapat na mga Katoliko sa Bibliya. Bagaman hindi naman lubusang nalimutan, ang Bibliya ay naging saradong aklat para sa karamihan ng mga Katoliko.”​9

Maselang na Pagpuna

15, 16. Bakit may pananagutan din ang Protestantismo sa pagsalansang sa Bibliya?

15 Kung tungkol sa pagsalansang sa Bibliya ay hindi rin maituturing na walang pananagutan ang mga iglesiyang Protestante. Sa paglipas ng mga taon, may ilang Protestanteng iskolar na nagbangon ng iba namang uri ng pagsalakay sa aklat na ito: isang intelektuwal na pagsalakay. Noong ika-18 at ika-19 na siglo, bumuo sila ng isang paraan ng pag-aaral sa Bibliya na kung tawagin ay maselang na pagpuna. Itinuro ng maseselang na tagapuna na ang malaking bahagi ng Bibliya ay binubuo ng alamat at kathang-isip. May ilan pang nagsabi na si Jesus ay hindi talaga umiral. Sa halip na ituring itong Salita ng Diyos, pinalitaw ng mga Protestanteng iskolar na ang Bibliya ay hindi lamang salita ng tao, kundi napakagulo pa.

16 Bagaman hindi na pinaniniwalaan sa ngayon ang pinakamalabis sa mga ideyang ito, ang maselang na pagpuna ay itinuturo pa rin sa mga seminaryo, at hindi pambihirang makarinig ng mga Protestanteng klero na hayagang tumatanggi sa malalaking bahagi ng Bibliya. Kaya, isang klerong Anglikano ang sinipi ng isang pahayagang Australyano nang sabihin nito na ang kalakhang bahagi ng Bibliya “ay maling-mali. Mali ang ilang kasaysayan nito. Ang ilan sa mga detalye ay wala sa ayos.” Ang ganitong kaisipan ay bunga ng maselang na pagpuna.

“Pagsasalitaan ng Masama”

17, 18. Papaano nagdulot ng upasala sa Bibliya ang paggawi ng Sangkakristiyanuhan?

17 Gayunman, ang paggawi ng Sangkakristiyanuhan ang marahil ay nakapagharap ng pinakamalaking hadlang sa pagtanggap ng mga tao sa Bibliya bilang Salita ng Diyos. Ang Sangkakristiyanuhan ay nag-aangking sumusunod sa Bibliya. Subali’t, ang paggawi niya ay nakapagdulot ng malaking upasala sa Bibliya at sa mismong pangalang Kristiyano. Gaya ng inihula ni Pedro, ang salita ng katotohanan ay “pagsasalitaan ng masama.”​—2 Pedro 2:2.

18 Bilang halimbawa, noong ipinagbabawal ng simbahan ang pagsasalin ng Bibliya, ang papa ay nagtataguyod naman ng malawak na kilusang militar laban sa mga Muslim sa Gitnang Silangan. Tinawag ito na “sagradong” mga Krusada, subali’t wala naman talagang sagrado tungkol dito. Ang kaunaunahan​—tinukoy nilang “Krusada ng Bayan”​—ay naging huwaran para sa mga susunod pang magaganap. Bago umalis sa Europa, isang walang-disiplinang hukbo, na binuyo ng mga klero, ay bumaling sa mga Judio sa Alemanya, at pinagpapatay ang mga ito sa bawa’t bayan. Bakit? Sinabi ng mananalaysay na si Hans Eberhard Mayer: “Ang pangangatuwiran na, palibhasa’y mga kaaway ni Kristo, ang mga Judio ay karapatdapat lamang parusahan, ay isang mababaw na dahilan upang ikubli ang tunay na motibo: kasakiman.”​10

19-21. Papaano nagdulot ng upasala sa Bibliya ang Tatlumpung Taóng Digmaan, pati na ang pagmimisyonero at kolonyalismo ng Europa?

19 Sa maraming lupain sa Europa ang Romano Katolisismo ay nahubaran ng kapangyarihan dahil sa himagsikang Protestante noong ika-16 na siglo. Ang isang resulta ay ang Tatlumpung Taóng Digmaan (1618-48)​—“isa sa pinakamalagim na digmaan sa kasaysayan ng Europa,” ayon sa The Universal History of the World. Ang saligang dahilan ng digmaan? “Ang pagkapoot ng Katoliko sa Protestante, ng Protestante sa Katoliko.”​11

20 Nang panahong ito, ang saklaw ng Sangkakristiyanuhan ay nakalampas na sa Europa, at naparating nito ang sibilisasyong “Kristiyano” sa ibang bahagi ng lupa. Ang ganitong militaristikong pagpapalawak ay tinampukan ng kalupitan at kasakiman. Sa mga bansa ng Amerika, ang katutubong sibilisasyong Amerikano ay agad winasak ng mga Kastilang konkistador. Ganito ang komento ng isang aklat ng kasaysayan: “Sa pangkalahatan, ang katutubong sibilisasyon ay winasak ng mga gobernador na Kastila nang hindi ipinakikilala ang sa Europeano. Pagkahayok sa ginto ang humila sa kanila tungo sa Bagong Daigdig.”​12

21 Ang mga misyonerong Protestante ay lumisan din sa Europa patungo sa ibang kontinente. Isa sa naging bunga ng kanilang gawain ay ang pagtataguyod ng kolonyalismo. Ganito ang malawakang pangmalas ngayon sa pagsisikap ng mga misyonerong Protestante: “Sa maraming pagkakataon ang pagmimisyonero ay ginamit na dahilan at balatkayo ukol sa pananakop sa mga tao. Kilalang-kilala ang pagkakaugnayan sa pagitan ng misyon, teknolohiya at imperyalismo.”​13

22. Papaano nagdulot ng upasala sa Bibliya ang Sangkakristiyanuhan sa ika-20 siglo?

22 Ang matalik na ugnayan sa pagitan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at ng estado ay nagpapatuloy sa ngayon. Ang huling dalawang digmaang pandaigdig ay pinaglabanan pangunahin na sa pagitan ng mga bansang “Kristiyano.” Ang mga klero sa magkabilang panig ay nagpasigla sa kanilang mga kabinataan na lumaban at sikaping patayin ang kaaway​—na kadalasa’y karelihiyon din nila. Ganito ang iniulat sa aklat na If the Churches Want World Peace: “Tiyak na hindi karangalan ng [mga iglesiya] na ang paraan ng pagdidigmaan sa ngayon ay pinasulong at gumawa ng pinakamalaking pinsala sa mga estado na nakatalaga sa layunin ng Kristiyanismo.”​14

Nakapanatili ang Salita ng Diyos

23. Papaano ipinakikita ng kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan na ang Bibliya ay Salita ng Diyos?

23 Nirerepaso natin ang mahaba, malungkot na kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan upang itampok ang dalawang punto. Una, ang mga pangyayaring ito ay katuparan ng hula ng Bibliya. Inihula nito na maraming nag-aangking Kristiyano ang magdadala ng upasala sa Bibliya at sa pangalan ng Kristiyanismo, at ang bagay na natupad nga ito ay nagbabangong-puri sa Bibliya bilang totoo. Gayumpaman, hindi dapat kaligtaan ang katotohanan na ang paggawi ng Sangkakristiyanuhan ay hindi kumakatawan sa Kristiyanismo na nasasalig sa Bibliya.

24. Ano ang nagpapakilala sa tunay na mga Kristiyano at sa gayo’y maliwanag na humahatol sa Sangkakristiyanuhan bilang di-Kristiyano?

24 Ipinaliwanag mismo ni Jesus kung papaano makikilala ang tunay na mga Kristiyano: “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:35) Karagdagan pa, sinabi ni Jesus: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, na gaya ko naman na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Sa dalawang puntong ito, ay maliwanag na pinabubulaanan ng Sangkakristiyanuhan ang pag-aangkin niya na kumatawan sa Kristiyanismo ng Bibliya. Inaangkin niya na siya’y kaibigan ng Bibliya, subali’t siya’y naging isang huwad na kaibigan.

25. Bakit nakaraos ang Bibliya sa lahat ng mga kapighatian nito magpahanggang sa ngayon?

25 Ang pangalawang punto ay ito: Palibhasa ang Sangkakristiyanuhan ay kumilos nang gayon na lamang laban sa mga kapakanan ng Bibliya, tunay ngang kamanghamangha na ang aklat na ito ay nakapanatili hanggang ngayon at may mabuti pa ring impluwensiya sa buhay ng maraming tao. Nakaligtas ang Bibliya sa mahihigpit na pagsalansang sa pagsasalin nito, sa mga pagsalakay ng makabagong mga iskolar, at sa di-Kristiyanong paggawi ng huwad na kaaway nito, ang Sangkakristiyanuhan. Bakit? Sapagka’t ang Bibliya ay hindi katulad ng ibang kasulatan. Ang Bibliya ay hindi maaaring mamatay. Ito’y Salita ng Diyos, at ang Bibliya mismo ang nagsasabi: “Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta, nguni’t ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailan man.”​—Isaias 40:8, The New English Bible.

[Talababa]

a May mangilanngilan ding salin na ginawa sa karaniwang mga wika. Subali’t kadalasan ay pinaghirapang isulat ang mga ito sa maadornong mga manuskrito at tiyak na hindi ito nilayon upang gamitin nang kahit na sino na lamang.​2

[Blurb sa pahina 34]

Ang pangunahing mga iglesiya ng Protestantismo ay nakibahagi sa malubhang intelektuwal na pagsalakay sa Bibliya

[Larawan sa pahina 26]

Ang kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan ay talagang nagsimula nang gawing-legal ni Constantino ang “Kristiyanismo” noong kaarawan niya

[Mga larawan sa pahina 29]

Sina Papa Gregorio VII at Inocentes III ay nanguna sa pagsisikap ng Iglesiya Katolika na hadlangan ang pagsasalin ng Bibliya sa karaniwang wika ng mga tao

[Larawan sa pahina 33]

Ang nakasisindak na paggawi ng Sangkakristiyanuhan ay umakay sa marami upang mag-alinlangan kung baga ang Bibliya nga’y Salita ng Diyos

[Larawan sa pahina 35]

Noong unang digmaang pandaigdig, yumukod ang mga Rusong kawal na ito sa harap ng isang relihiyosong larawan bago humayo at pumatay sa kanilang mga kapuwa “Kristiyano”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share