Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sinasabi ng mga siyentipiko na ang ibang mga bituin ay nasusunog o sumasabog, kung gayo’y bakit sinasabi ng Isaias 40:26 na “walang isa man [sa mga bituin] na nagkukulang”?
Hindi ang tinatalakay rito ni Jehova ay kung pinapayagan niyang mangaparam ang mga bituin. Kaniyang idiniriin ang lawak ng kaniyang karunungan at kapangyarihan.
Kay Haring Ezekias inihatid ni propeta Isaias ang babala ng Diyos na bibihagin ng mga taga-Babilonya ang mga Judio. (Isaias 39:5-7) Magagawa kaya ng mga taga-Babilonya na patuloy na panatilihing bihag ang bayan ng Diyos? Hindi. Hindi lamang nilayon ni Jehova na sila’y palayain pagkatapos ng 70 taon kundi gagawin niya iyon mismo. Walang anuman na makahahadlang sa Isa na ‘tumakal ng tubig sa palad ng kaniyang kamay at sumukat sa langit ng dangkal.’ Siya’y hindi kailangang sumangguni sa kaninuman, sapagkat “ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa isang timba” sa balon niya. (Isaias 40:12-17) Upang idiin ang kaniyang kagila-gilalas na kapangyarihan, itinawag-pansin ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan na mababanaag sa paglalang, na noong nakaraan ay kinilala ni Ezekias. (Isaias 37:16, 17) Sinabi ng Diyos:
“‘Kayong mga tao, kanino ninyo ako itutulad upang ako’y makatumbas niya?’ sabi ng Isang Banal. ‘Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.’”—Isaias 40:25, 26.
Tinataya ng mga siyentipiko na may libu-libong angaw na mga bituin sa ating Milky Way galaxy, at may mga isandaang libong milyong galaxy. Gayunman, alam ng Diyos ang pangalan ng bawat bituin, bilang isang indibiduwal na pangalan o isang tulad-ngalang tawag, marahil sa wikang ginagamit sa langit. Siya ang tagapag-utos sa kanila sa anumang kalagayan nila. Tulad ng isang heneral na may kapangyarihang tumipon sa kaniyang mga tropa, si Jehova ay may kapangyarihan din na tipunin ang mga bituin. Kung kaniyang gagawin iyon, walang isa man na “nagkukulang.” Palibhasa’y alam niya ang kalagayan ng bawat bituin, kahit na kung ang iba sa kanila ay sumapit sa natural na wakas, hindi nagtataka ang Isa na nakababatid ng lahat ng nagaganap.—Ihambing ang Isaias 34:16.
Ang mga astronomo at mga pisisista ang may akalang ang mga bituin ay nasusunog o sumasabog. Sa Red Giants and White Dwarfs, ganito ang teoryang ibinigay ni Robert Jastrow sa kung papaano ito maaaring mangyari: “Sa loob ng . . . bituin sunud-sunod na mga reaksiyong nuklear ang nagaganap, na kung saan lahat ng elemento ng sansinukob ay ginawa buhat sa saligang sangkap, ang hidroheno. Sa bandang huli ang mga nuklear na reaksiyong ito ay natatapos, at natatapos naman ang buhay ng bituin. Pagkatapos na maubos na ang pinagmumulan ng lakas-nuklear, ito’y gumuguho dahil sa sariling bigat, at pagkatapos ng pagguho ay may nagaganap na pagsabog, at iniwiwisik sa espasyo ang lahat ng materyales na nalikha sa loob ng bituin sa panahon na iyon ay nabubuhay.”
Ipinagpapalagay na ang ilang mga bituin, pagkatapos maubos na ang kanilang hidroheno, ay nababago at nagiging mga pulang higante at pagkatapos nauuwi naman sa mga mapuputing duwende o supernovas, ang iba ay nagtatapos sa wakas bilang mga neutron stars o, sa teorya, maiitim na hukay.
Samantalang ang ganiyang mga paliwanag ay tinatanggap nang malaganap, marahil ay hindi pa naririnig ang ultimong salita; higit pa ang maaaring matutuhan. Isaalang-alang, halimbawa, ang mga puntong pinalitaw sa The New York Times ng Enero 24, 1989: “Naniniwala ang mga siyentipiko na sila’y kaylapit-lapit nang makatuklas ng mga pangunahing bagay tungkol sa ‘panahon ng kadiliman’ ng uniberso, ang mapanganib na panahon mula sa tatlong minuto pagkatapos ng sandali ng pagsabog ng paglalang hanggang sa paglitaw ng mga dambuhalang galaxy. . . . Dahilan sa napakaliit na tuwirang ebidensiya, ang pasimula ng kayarian ay lubusang nakalito sa mga siyentipiko. Si James S. Trefil, isang pisisista sa George Mason University sa Fairfax, Va., ay sumulat: ‘Ang problema sa pagpapaliwanag ng pag-iral ng mga galaxy ay napatunayang isa sa pinakamasalimuot sa cosmology. Kung sa lahat ng karapatan ibabatay, sila’y hindi nga dapat na naroroon, subalit sila’y naroroong nakaupo.’”
Tinalakay ng artikulo ang maaaring nangyari sa loob ng “unang tatlong minuto,” gaya ng ipinaliliwanag ni Dr. John Mather, astrophysicist. Gayunman, ating mababasa: “Si Dr. Mather, na nakahalata sa tumitinding kalituhan ng tagapagpanayam, ay huminto sandali sa kaniyang pagpapahayag tungkol sa tinatanggap ng karamihan na eksena ng paglalang upang sabihin, ‘Mangyari pa, aming ginagawang lahat ito,’ na ang ibig sabihin ay isa itong pagpapaliwanag ng mga teorya na nakasalig sa mga pagpapahiwatig.”
Oo, ang mga siyentipikong tao ay lubhang limitado ang talagang alam at maaaring malaman. Datapuwat, anong laki ng pagkakaiba ng Maylikha. Ang kaniyang kaalaman at dinamikong lakas ay tunay na dapat makasindak sa atin. Tama ang pagkasabi ng salmista: “Kaniyang sinasaysay ang bilang ng mga bituin; lahat sila’y kaniyang tinatawag sa kani-kanilang pangalan. Ang ating Panginoon ay dakila at pagkalaki-laki ang kapangyarihan; ang kaniyang unawa ay walang-hanggan. . . . Purihin ninyo si Jah, ninyo bayan!”—Awit 147:4, 5, 20.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
NASA photo