AGILA
[sa Heb., neʹsher; sa Aramaiko, nesharʹ; sa Gr., a·e·tosʹ].
Isang malaking ibong maninila. Naniniwala ang ilan na ang pangalan nito sa Hebreo ay hinalaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “luray-lurayin o wakwakin.” Ipinapalagay naman ng iba na ito ay onomatopoeic (isang pangalan na ang mismong tunog ay nagpapahiwatig kung ano ang tinutukoy) at sinasabi nila na ang neʹsher ay nagpapahiwatig ng “humahagibis na tunog,” o “kumikislap na sinag,” samakatuwid ay isang ibon na dumadagit sa sisilain nito, anupat bumubulusok na may humahagibis na tunog at tulad ng kumikislap na liwanag sa himpapawid. Sa alinmang kaso, tumpak na inilalarawan ng terminong Hebreo ang agila, na ang tulad-kidlat na pagbulusok nito mula sa napakatataas na dako ay lumilikha ng humahaginit na tunog habang ang hangin ay dumaraan sa mga dulong balahibo ng nakabukang mga pakpak nito. Palibhasa’y isang ibong naninila at umiinom ng dugo (Job 39:27, 30), ang agila ay kasama sa mga ibon na nakatala sa Kautusang Mosaiko bilang “marumi.”—Lev 11:13; Deu 14:12.
Mga Uri ng Agila sa Palestina. Kabilang sa mga agila na makikita ngayon sa Israel ang imperial eagle (Aquila heliaca), ang golden eagle (Aquila chrysaëtos), at ang short-toed eagle (Circaëtus gallicus). Ang golden eagle, na tinawag nang gayon dahil may ginintuang kinang ang ulo at batok nito, ay isang kahanga-hanga at matingkad-kayumangging ibon na ang taas ay mga 1 m (3 piye), anupat ang sukat ng nakabukang mga pakpak nito mula sa dulo’t dulo ay mga 2 m (6.5 piye). Ang mga agila ay karaniwan nang medyo malaki ang ulo at nakausli ang dakong kilay sa ibabaw ng mga mata nito, may maikli, malakas at hugis-kalawit na tuka, malalakas na binti, at matatalim at malalakas na kuko.
‘Dinala sa mga pakpak ng mga agila’—ano ang saligan ng makasagisag na pananalitang ito?
Ang rehiyon ng Sinai ay tinatawag na “lupain ng mga agila,” kung saan ang mga ibong ito ay pumapaimbulog at sumasalimbay sa pamamagitan ng kanilang malalakas at malalapad na pakpak. Kaya naunawaan ng pinalayang mga Israelita na nagkatipon sa Bundok Sinai ang pagiging angkop ng larawang itinatawid ng mga salita ng Diyos, na dinala niya sila papalabas ng Ehipto “sa mga pakpak ng mga agila.” (Exo 19:4; ihambing ang Apo 12:14.) Pagkaraan ng halos 40 taon, maihahambing ni Moises ang pag-akay ni Jehova sa Israel sa ilang sa pangangalaga ng agila na “gumagalaw ng kaniyang pugad, umaali-aligid sa kaniyang mga inakáy, nag-uunat ng kaniyang mga pakpak, kumukuha sa kanila, nagdadala sa kanila sa kaniyang mga bagwis.” (Deu 32:9-12) Kapag maaari nang lumipad ang mga inakáy, pinakikilos sila ng kanilang magulang, anupat ipinapagaspas at ikinakampay ang kaniyang mga pakpak upang ipakita sa mga inakáy kung ano ang gagawin, at pagkatapos ay itinutulak sila sa gilid ng pugad at inuudyukan sila na lumipad.
Bagaman pinag-aalinlanganan ng ilan kung aktuwal ngang dinadala ng agila ang inakáy sa likuran nito, iniulat ni Sir W. B. Thomas na pinatutunayan ng isang guide sa Scotland, hinggil sa golden eagle, na “ang mga magulang na ibon, matapos ganyakin ang inakáy at kung minsan ay itulak ito mula sa pugad, ay sumasalimbay sa ilalim ng nagpupunyaging inakáy at sinasalo ito ng kanilang mga pakpak at likuran.” (The Yeoman’s England, London, 1934, p. 135) Sinipi sa Bulletin ng Smithsonian Institution (1937, Blg. 167, p. 302) ang sinabi ng isang tagapagmasid sa Estados Unidos: “Nagsimula ang ina sa pugad na nasa malalaking bato, at walang-ingat na nakitungo sa inakáy anupat hinayaan niya itong mahulog, sa palagay ko, nang mga siyamnapung piye; pagkatapos ay sasalimbay siya sa ilalim nito nang nakabuka ang mga pakpak at dadapo ang inakáy sa kaniyang likuran. Lilipad siya sa taluktok ng kabundukan kasama ito at uulitin niya ang proseso. . . . Manghang-mangha kami ng aking ama habang pinanonood namin ito nang mahigit sa isang oras.” Bilang komento sa mga pananalitang ito, si G. R. Driver ay nagsabi: “Kung gayon, ang paglalarawan [sa Deuteronomio 32:11] ay hindi kathang-isip lamang kundi batay sa tunay na pangyayari.”—Palestine Exploration Quarterly, London, 1958, p. 56, 57.
Mataas na Pugad at Malayong Abot ng Paningin. Ang mga ugali ng agila sa paggawa ng pugad ay idiniin sa pagtatanong ng Diyos kay Job sa Job 39:27-30. Ang pugad ay maaaring nasa mataas na punungkahoy o nasa malaking bato ng isang dalisdis o mabatong bangin. Sa paglipas ng mga taon, ang pugad ay maaaring tumaas nang hanggang 2 m (6.5 piye), anupat yaong sa ibang mga agila ay maaari pa ngang tumimbang nang mga isang tonelada! Ang seguridad at pagiging mahirap maabot ng pugad ng agila ay ginamit din ng mga propeta sa makasagisag na paraan sa kanilang mga mensahe laban sa matayog na kaharian ng Edom na nasa mabatong kabundukan ng rehiyon ng Araba.—Jer 49:16; Ob 3, 4.
Ang malayong abot ng paningin ng agila, na binanggit sa Job 39:29, ay pinatutunayan ni Rutherford Platt sa kaniyang aklat na The River of Life (1956, p. 215, 216), na naglalahad din tungkol sa kakaibang disenyo ng mata ng agila, anupat pinatototohanan ang karunungan ng Maylalang. Ang aklat ay nagsasabi:
“Makikita natin ang pinakamatalas na mga mata sa buong kaharian ng mga hayop . . . [sa] mga mata ng agila, buwitre, at lawin. Napakalinaw ng mga mata nila anupat mula sa isang libong piye sa himpapawid ay kaya nilang makita ang isang rabit o isang ibong grouse na halos nakatago sa damuhan.
“Matalas ang paningin ng mata ng isang maninila dahil ang repleksiyon ng bagay na nakita ay tumatama sa makapal na kumpol ng mga selulang matutulis at hugis-balisungsong. Ang maliit na bahaging ito sa likuran ng bilog ng mata ay tumatanggap ng liwanag mula sa bagay na tinitingnan sa pamamagitan ng libu-libong tulis sa isang pantanging paraan na nakabubuo ng isang malinaw na larawan sa isipan. Sa halos lahat ng mga maninila, gaya ng skunk, cougar, at tao, ang nag-iisang bahagi na may mga selulang hugis-balisungsong ay sapat na; tumitingin tayo nang deretso sa unahan at direktang nilalapitan ang bagay na tinitingnan natin. Ngunit hindi ganito ang agila o ang lawin yamang pagkatapos niyang tutukan ang rabit sa damuhan ng kaniyang matalas na pampokus na mga selulang hugis-balisungsong, dinadagit niya ito sa pamamagitan ng isang mahaba at pahilis na pagsalimbay. Dahil dito, ang larawan ng pinupuntirya ay tumatagos sa likod ng bilog ng mata sa isang pakurbang linya. Ang gayong linya ay eksaktong nakalatag para sa mata ng agila anupat sa halip na may isang kumpol lamang ng mga selulang hugis-balisungsong, ang sumasalimbay na ibon ay may pakurbang linya ng gayong mga selula. Kaya naman habang sumasalimbay ang agila, ang kaniyang mga mata ay nananatiling nakapokus sa rabit na nasa damuhan.”—Ihambing ang Jer 49:22.
Mga Kakayahan sa Paglipad. Ang pagiging matulin ng agila ay itinatampok sa maraming teksto. (2Sa 1:23; Jer 4:13; Pan 4:19; Hab 1:8) Iniulat na may mga agilang lumalampas sa bilis na 130 km bawat oras (80 mi bawat oras). Nagbabala si Solomon na ang kayamanan ay ‘gumagawa ng mga pakpak para sa kaniyang sarili’ gaya ng mga pakpak ng agilang lumilipad patungo sa himpapawid (Kaw 23:4, 5), at nagdalamhati naman si Job dahil sa mabilis na paglipas ng buhay, anupat inihambing ito sa tulin ng isang agila na naghahanap ng masisila. (Job 9:25, 26) Gayunman, yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay tatanggap ng lakas upang makapagpatuloy, na para bang pumapailanlang sila sa pamamagitan ng tila walang-kapagurang mga pakpak ng pumapaimbulog na agila.—Isa 40:31.
Ang makabagong mga siyentipiko ay humahanga sa “lipad ng agila sa langit,” gaya ng pagkamangha ng manunulat ng Kawikaan 30:19. Inilahad ni Clarence D. Cone, Jr., na ang pag-oobserba sa maringal at halos walang kahirap-hirap na pagpapaimbulog ng mga agila, mga lawin, at mga buwitre ay “nakatulong sa pagkatuklas ng isang saligang mekanismo ng meteorolohiya.” Ipinakita niya kung paano lubusang ginagamit ng malalaking ibon ang malalakas na daloy ng mainit na hangin na pumapailanlang mula sa lupa dahil sa init ng araw at kung paanong napakahusay ng aerodynamics ng mga dulo ng mga pakpak ng agila anupat hindi bumabagal ang mga ito dahil walang hanging bumabalik sa pakpak.—Scientific American, Abril 1962, p. 131, 138.
Makasagisag na Paggamit. Ang malakas na ibong maninilang ito ay madalas gamitin ng mga propeta upang lumarawan sa nagdidigmaang mga hukbo ng kaaway na mga bansa dahil sa kanilang biglaan at kadalasan ay di-inaasahang pagsalakay. (Deu 28:49-51; Jer 48:40; 49:22; Os 8:1) Ang mga tagapamahalang Babilonyo at Ehipsiyo ay inilarawan bilang mga agila. (Eze 17:3, 7) Kapansin-pansin na sa maraming sinaunang bansa, kabilang na ang Asirya, Persia, at Roma, ang larawan ng agila ay laging ginagamit sa maharlikang mga setro, mga estandarte, at mga stela, kung paanong sa makabagong panahon ay ginagamit ito ng Alemanya, Estados Unidos, at iba pa.
Kinukuwestiyon ng ilan ang paggamit sa pananalitang “mga agila” sa Mateo 24:28 at Lucas 17:37, anupat sinasabi nila na ang mga tekstong ito ay malamang na tumutukoy sa mga buwitre na nagkukumpulan sa palibot ng bangkay. Gayunman, bagaman hindi mga bangkay ang pangunahing pagkain ng agila, di-gaya ng buwitre, kung minsan ay kumakain din ito ng mga bangkay. (Palestine Exploration Quarterly, 1955, p. 9) Isa pa, bagaman kadalasan ay mag-isang naninila ang agila, di-gaya ng mga buwitre na mahilig magsama-sama, kung minsan ay naninila ang mga ito nang pares-pares. Iniuulat ng aklat na The Animal Kingdom (Tomo II, p. 965) ang isang pangyayari na doo’y “lansakang sinalakay ng maraming agila ang isang prong-horned antelope.” (Inedit ni F. Drimmer, 1954) Ang nabanggit na hula ni Jesus ay binigkas may kaugnayan sa kaniyang ipinangakong “pagkanaririto.” Samakatuwid, hindi lamang ito kumakapit sa pagkatiwangwang ng bansang Judio noong 70 C.E. sa kamay ng mga hukbong Romano, na ang mga estandarte ay may mga larawan ng agila.
Ang mga agila ay ginamit sa Apocalipsis upang kumatawan sa mga nilalang na naglilingkod sa trono ng Diyos at nagpapatalastas ng mga mensahe ng kahatulan ng Diyos para sa mga nasa lupa, walang alinlangang nagpapahiwatig ng tulin at malayong abot ng paningin.—Apo 4:7; 8:13; ihambing ang Eze 1:10; 10:14.
Ang isa pang teksto na itinuturing ng maraming iskolar na tumutukoy sa buwitre sa halip na sa agila ay ang Mikas 1:16, kung saan binabanggit na ang Israel, sa makasagisag na paraan, ay ‘nagpapalapad ng pagkakalbo nito na gaya ng sa agila.’ Mabalahibo ang ulo ng agila; maging ang bald eagle ng Hilagang Amerika ay tinutukoy lamang na “kalbo” dahil sa puting balahibo sa ulo nito na siyang dahilan kung kaya nagtitingin itong kalbo sa malayo. Ang griffon vulture (Gyps fulvus), na makikita pa rin sa Israel, ay mayroon lamang ilang malalambot na puting balahibo sa ulo nito, at ang leeg nito ay halos walang balahibo. Kung ito ang tinutukoy ng teksto, ipinahihiwatig nito na ang Hebreong neʹsher ay maaaring tumukoy sa iba pang mga ibon bukod sa agila. Mapapansin na ang griffon vulture, bagaman hindi ibinibilang ng mga ornitologo sa “uri” o “genus” ng agila, ay itinuturing na kabilang sa “pamilya” nito (Accipitridae). Gayunman, ipinapalagay ng ilan na ang Mikas 1:16 ay tumutukoy sa paglulugas ng balahibo ng agila, bagaman sinasabi na ang prosesong ito ay unti-unti at hindi nahahalata. Maaaring ang prosesong ito, na nakababawas ng pagkilos at lakas at sinusundan ng pagbabalik ng normal na pamumuhay, ang tinutukoy ng salmista sa pagsasabing ang kabataan ng isa ay “nababagong tulad ng sa agila.” (Aw 103:5) Iniisip naman ng iba na tumutukoy ito sa mahabang buhay ng agila, anupat ang ilan ay umabot nang 80 taon.
Ang pangalang Aquila (Gaw 18:2) ay salitang Latin para sa agila.