Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 6/15 p. 8-11
  • Pumapailanlang na May mga Pakpak Tulad ng Agila

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pumapailanlang na May mga Pakpak Tulad ng Agila
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sa Ilalim ng Bandila ng Agila
  • Ang Mata ng Agila
  • “Ang Daan ng Agila sa mga Langit”
  • Sa Lilim ng mga Pakpak ng Agila
  • Ang Daan sa Pagtakas
  • Agila
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Mata ng Agila
    Gumising!—2002
  • Nagbibigay si Jehova ng Lakas sa Pagód
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
  • Mga Agila o mga Buwitre?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 6/15 p. 8-11

Pumapailanlang na May mga Pakpak Tulad ng Agila

ANO ang nadarama ng isang tao pagkatapos na magbata ng limang taon sa mga kampong piitan ng Nazi? Nasisiraan ng loob? Naghihinanakit? Gustong maghiganti?

Bagaman waring kakatuwa, sumulat ang isang lalaking dumanas ng gayon: “Naging makabuluhan ang aking buhay nang higit kaysa sa aking inaasam.” Bakit gayon ang nadama niya? Ganito ang paliwanag niya: “Nakasumpong ako ng kanlungan sa ilalim ng mga pakpak ng Kataas-taasan, at naranasan ko ang katuparan ng mga salita ni propeta Isaias, nang sabihin niya: ‘Yaong mga umaasa kay Jehova ay magtatamong-muli ng lakas. Sila’y paiilanlang na may mga pakpak tulad ng mga agila. Sila’y . . . lalakad at hindi mapapagod.’ ”​—Isaias 40:31.

Ang Kristiyanong lalaking ito, na ang katawan ay pinahirapan ng lubhang kakila-kilabot na pagtratong maiisip, ay may espiritung pumailanlang sa makasagisag na paraan, isang espiritung hindi malupig ng kahayupan ng Nazi. Tulad ni David ay nakasumpong siya ng kanlungan sa lilim ng “mga pakpak” ng Diyos. (Awit 57:1) Ginamit ng Kristiyanong ito ang isang paghahalintulad na ginamit ni propeta Isaias, anupat inihambing ang kaniyang espirituwal na lakas doon sa lakas ng isang agila na pumapailanlang nang paitaas at paitaas pa sa himpapawid.

Nadama mo na ba na ikaw ay iginugupo na ng mga suliranin? Tiyak na ibig mo ring makasumpong ng kanlungan sa ilalim ng mga pakpak ng Kataas-taasan, upang ‘pumailanlang na may mga pakpak tulad ng mga agila.’ Upang maunawaan kung paano ito posible, makatutulong na malaman ang tungkol sa agila, na madalas gamitin ng Kasulatan sa makasagisag na paraan.

Sa Ilalim ng Bandila ng Agila

Sa lahat ng mga ibon na napagmasdan ng sinaunang mga tao, ang agila marahil ang isa sa lubhang hinangaan dahil sa kapangyarihan at maringal na paglipad nito. Maraming sinaunang hukbo, kasali na yaong sa Babilonya, Persia, at Roma, ang nagmartsa sa ilalim ng bandila ng agila. Ang isa sa mga ito ay ang hukbo ni Ciro na Dakila. Inihula ng Bibliya na ang Persianong haring ito ay magiging gaya ng isang ibong mandaragit na magbubuhat sa silangan upang lamunin ang Imperyo ng Babilonya. (Isaias 45:1; 46:11) Dalawang daang taon pagkatapos isulat ang hulang ito, ang mga kawal ni Ciro, na may mga agila sa kanilang estandarte sa labanan, ay sumalimbay sa lunsod ng Babilonya na para bang isang agilang sumunggab sa biktima nito.

Kamakailan, ang mga mandirigmang tulad nina Carlomagno at Napoleon at ang mga bansang gaya ng Estados Unidos at Alemanya ay pumili rin sa agila bilang kanilang sagisag. Inutusan ang mga Israelita na huwag sumamba sa mga imahen ng agila o ng anumang ibang nilalang. (Exodo 20:4, 5) Gayunman, ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang mga katangian ng agila upang ilarawan ang kanilang mensahe. Kaya ang agila, ang ibong pinakamalimit banggitin sa Kasulatan, ay ginamit upang sumagisag sa mga bagay tulad ng karunungan, banal na proteksiyon, at pagiging matulin.

Ang Mata ng Agila

Kilalang-kilala ang matalas na paningin ng agila. Bagaman bihirang tumimbang nang mahigit sa limang kilo ang bigat ng ginintuang agila, ang mata nito ay aktuwal na mas malaki kaysa sa mata ng tao, at ang paningin nito ay lalong matalas. Si Jehova mismo, nang inilalarawan kay Job ang kakayahan ng agila na humanap ng pagkain nito, ay nagsabi: “Ang mga mata nito ay patuloy na tumitingin sa malayo.” (Job 39:27, 29) Iniulat ni Alice Parmelee, sa kaniyang aklat na All the Birds of the Bible, na “minsa’y namataan ng isang agila ang patay na isdang lumulutang sa lawa na limang kilometro ang layo at sumalimbay ito sa mismong lugar na iyon. Hindi lamang nakita ng agila ang maliit na bagay sa isang napakalayong distansiya kaysa sa makikita ng tao, kundi patuloy pang nakapako ang tingin ng ibon sa isda sa loob ng tatlong-milyang pagsalimbay nito.”

Dahil sa matalas na paningin nito, ang agila ay isang angkop na sagisag ng karunungan, isa sa mga pangunahing katangian ni Jehova. (Ihambing ang Ezekiel 1:10; Apocalipsis 4:7.) Bakit gayon? Kasangkot sa karunungan ang kakayahang makita nang patiuna ang ibubunga ng anumang pagkilos na gagawin natin. (Kawikaan 22:3) Maaaring mamataan ng agila, na may kakayahang makakita sa malayong distansiya, ang panganib kahit malayo pa at sa gayo’y makapag-ingat, tulad ng maingat na tao sa ilustrasyon ni Jesus, na nakaisip na maaaring bumagyo at sa gayo’y nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng malaking bato. (Mateo 7:24, 25) Kapansin-pansin, sa wikang Kastila, ang paglalarawan sa isang tao bilang isang agila ay nangangahulugan na siya ay may malalim na unawa o kaunawaan.

Kung magkaroon ka ng pagkakataong makita nang malapitan ang isang agila, pansinin ang paraan ng paggamit nito sa kaniyang mga mata. Hindi ito basta sumusulyap lamang sa iyo; sa halip, waring sinusuri nito ang bawat detalye ng iyong anyo. Gayundin, sinusuring mabuti ng isang pantas na tao ang isang bagay bago magpasiya sa halip na magtiwala sa kaniyang likas na hilig o damdamin. (Kawikaan 28:26) Samantalang ang matalas na paningin ng agila ay nagpapangyaring ito’y maging angkop na sagisag ng katangian ng Diyos na karunungan, ang kahanga-hangang paglipad nito ay ginagamit din ng mga manunulat ng Bibliya sa makasagisag na paraan.

“Ang Daan ng Agila sa mga Langit”

“Ang daan ng agila sa mga langit” ay kapansin-pansin kapuwa dahil sa bilis nito at sa paraan na waring ito’y walang kahirap-hirap sa paglipad, anupat walang sinusunod na takdang landas at hindi nag-iiwan ng anumang bakas. (Kawikaan 30:19) Ang pagiging matulin ng agila ay ginamit sa Panaghoy 4:19, kung saan inilarawan ang mga sundalong taga-Babilonya: “Napatunayang mas matulin sa mga agila ng mga langit ang mga tumutugis sa atin. Sa ibabaw ng mga bundok ay mainitang tinugis nila tayo.” Kapag namataan ng isang umaali-aligid na agila ang biktima nito, ihihilis nito ang kaniyang mga pakpak at pabulusok na sasalimbay, na aabot sa bilis na hanggang 130 kilometro sa isang oras, ayon sa ilang ulat. Hindi kataka-taka, ginagamit ng Kasulatan ang agila bilang singkahulugan ng bilis, lalo na may kinalaman sa puwersang militar.​—2 Samuel 1:23; Jeremias 4:13; 49:22.

Sa kabilang dako, tinukoy ni Isaias ang walang kahirap-hirap na paglipad ng agila. “Yaong mga umaasa kay Jehova ay magtatamong-muli ng kapangyarihan. Sila’y paiilanlang na may mga pakpak tulad ng mga agila. Sila’y tatakbo at hindi manghihimagod; sila’y lalakad at hindi mapapagod.” (Isaias 40:31) Ano ang lihim ng magaang na paglipad ng agila? Bahagyang puwersa lamang ang kailangan upang pumailanlang yamang ang agila ay gumagamit ng mga thermal, o tumataas na daloy ng mainit na hangin. Hindi nakikita ang mga thermal, ngunit napakahusay ng agila sa paghanap ng mga ito. Minsang masumpungan ang isang thermal, ibinubuka ng agila ang mga pakpak at buntot nito at umiikot sa daloy ng mainit na hangin, na tumatangay sa agila paitaas nang paitaas. Kapag sapat na ang taas, ito’y sumasalimbay sa susunod na thermal, kung saan mauulit ang proseso. Sa ganitong paraan ay nakapananatili sa himpapawid ang agila sa loob ng maraming oras nang hindi gaanong umuubos ng lakas.

Sa Israel, lalo na sa Rift Valley na nagsisimula sa Ezion-geber sa dalampasigan ng Dagat na Pula hanggang sa Dan sa hilaga, pangkaraniwang makikita ang mga agila. Lalo nang napakarami ng mga ito sa panahon ng tagsibol at taglagas kapag nandarayuhan ang mga ito. May mga taon na halos 100,000 agila ang nabilang. Kapag umiinit ang hangin dahil sa sikat ng araw sa umaga, daan-daang ibong mandaragit ang makikitang lumilipad sa ibabaw ng mga dalisdis na nasa hangganan ng Rift Valley.

Ang walang-kahirap-hirap na paglipad ng agila ay isang magandang ilustrasyon kung paano tayo pinasisigla ng lakas ni Jehova sa espirituwal at emosyonal na paraan upang makapagpatuloy tayo sa ating gawain. Kung paanong hindi maaaring pumailanlang nang gayong katayog ang isang agila sa pamamagitan lamang ng sarili nitong lakas, hindi tayo maaaring magtagumpay kung aasa lamang tayo sa sarili nating kakayahan. “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” ang paliwanag ni apostol Pablo. (Filipos 4:13) Tulad ng isang agila na patuloy na naghahanap ng di-nakikitang mga thermal, tayo ay tuloy na humihingi’ ng di-nakikitang aktibong puwersa ni Jehova sa pamamagitan ng ating marubdob na mga panalangin.​—Lucas 11:9, 13.

Madalas matagpuan ng mga nandarayuhang agila ang mga thermal sa pamamagitan ng pagmamasid sa ibang mga ibong mandaragit. Nag-ulat ang naturalistang si D. R. Mackintosh na may isang pagkakataon na 250 agila at mga buwitre ang nakitang umiikut-ikot paitaas sa iisang thermal. Matututo rin naman ang mga Kristiyano sa ngayon na umasa sa lakas ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulad sa tapat na halimbawa ng iba pang maka-Diyos na mga lingkod.​—Ihambing ang 1 Corinto 11:1.

Sa Lilim ng mga Pakpak ng Agila

Isa sa pinakamapanganib na panahon sa buhay ng isang agila ay kapag natututo itong lumipad. Hindi lamang iilang agila ang namatay sa pagtatangkang lumipad. Ang bagong bansang Israel ay nanganib din nang lisanin nito ang Ehipto. Kaya naman angkop na angkop ang mga salita ni Jehova sa mga Israelita: “Nakita ninyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Ehipsiyo, upang aking madala kayo sa mga pakpak ng mga agila at mailapit kayo sa akin.” (Exodo 19:4) May mga ulat na sandaling isinasakay ng mga agila ang inakay nito sa kaniyang likod upang ang inakay ay hindi bumagsak sa mga unang pagtatangka nitong lumipad. Ganito ang komento ni G. R. Driver sa Palestine Exploration Quarterly tungkol sa gayong mga ulat: “Ang paglalarawan [ng Bibliya] kung gayon ay hindi lamang kathang-isip kundi batay sa totoong pangyayari.”

Ang mga agila ay huwarang mga magulang din sa iba pang paraan. Hindi lamang nila pinaglalaanan ang mga inakay ng regular na pagkain kundi maingat ding pinagpuputul-putol ng inahin ang karne na dinadala ng lalaking agila sa pugad upang malulon iyon ng inakay. Yamang ang kanilang mga pugad ay karaniwan nang ginagawa sa mga dalisdis o sa matataas na punungkahoy, ang mga inakay ay nalalantad sa init at lamig. (Job 39:27, 28) Ang nakapapasong araw, na pangkaraniwan sa mga lupain sa Bibliya, ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng inakay kung hindi dahil sa pangangalaga ng mga magulang nito. Ibinubuka ng maygulang na agila ang mga pakpak nito, kung minsan sa loob ng maraming oras, upang takpan ang mahinang inakay nito.

Kaya angkop lamang na ginagamit sa Kasulatan ang mga pakpak ng agila bilang sagisag ng proteksiyon ng Diyos. Inilalarawan sa Deuteronomio 32:9-12 kung paano ipinagsanggalang ni Jehova ang mga Israelita habang naglalakbay sila sa ilang: “Sapagkat ang bahagi ni Jehova ay ang kaniyang bayan; si Jacob ang takdang bahagi na kaniyang minana. Nasumpungan niya siya sa ilang na lupain, at sa isang walang-laman, pumapalahaw na disyerto. Sinimulan niyang palibutan siya, upang alagaan siya, upang ingatan siya bilang balintataw ng kaniyang mata. Kung paanong pinupukaw ng agila ang pugad nito, umaali-aligid sa ibabaw ng mga inakay nito, iniuunat ang mga pakpak nito, kinukuha ang mga ito, dinadala ang mga ito sa kaniyang mga bagwis, mag-isa si Jehova na patuloy na umaakay sa kaniya.” Bibigyan din tayo ni Jehova ng gayunding maibiging proteksiyon kung magtitiwala tayo sa kaniya.

Ang Daan sa Pagtakas

Kung minsan kapag napaharap tayo sa mga suliranin, baka naisin nating takasan ang ating mga suliranin. Ganiyang-ganiyan ang nadama ni David. (Ihambing ang Awit 55:6, 7.) Ngunit bagaman nangako si Jehova na tutulungan tayo kapag napaharap tayo sa mga pagsubok at pagdurusa sa sistemang ito, hindi siya nag-aalok nang lubusang pagtakas. Taglay natin ang katiyakan mula sa Bibliya: “Walang tuksong dumating sa inyo maliban sa kung ano ang karaniwan sa mga tao. Ngunit ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kasama ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”​—1 Corinto 10:13.

Ang “daang malalabasan” o “isang daan sa pagtakas” (King James Version) ay nagsasangkot ng pagkatutong magtiwala kay Jehova. Ito ang natuklasan ni Max Liebster, na ang mga komento ay sinipi sa simula ng artikulong ito. Sa mga taon na ginugol niya sa mga kampong piitan, natututo siyang kumilala at umasa kay Jehova. Gaya ng natuklasan ni Max Liebster, pinalalakas tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon. Maging sa mga kampo, hinanap ng mga Saksi ang kanilang mga kapananampalataya at tinulungan sila sa espirituwal, anupat ibinahagi ang mga maka-Kasulatang kaisipan at anumang literatura sa Bibliya na makukuha. At gaya ng paulit-ulit na pinatutunayan ng mga tapat na nakaligtas, talagang pinatatag sila ni Jehova. “Patuloy akong humingi ng tulong kay Jehova,” paliwanag ni Max, “at inalalayan ako ng kaniyang espiritu.”

Anumang pagsubok ang nakaharap sa atin, maaasahan din naman natin ang banal na espiritu ng Diyos, kung patuloy nating hihilingin iyon. (Mateo 7:7-11) Palibhasa’y pinasigla ng “lakas [na ito] na higit sa karaniwan,” papailanlang tayo sa halip na lumubog sa ating mga suliranin. Patuloy tayong lalakad sa daan ni Jehova, at hindi tayo mapapagod. Papailanlang tayo na may mga pakpak tulad ng agila.​—2 Corinto 4:7; Isaias 40:31.

[Blurb sa pahina 10]

Hindi ito basta sumusulyap lamang sa iyo

[Picture Credit Line sa pahina 9]

Foto: Cortesía de GREFA

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Foto: Cortesía de Zoo de Madrid

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share