Nang Magtagpo ang Silangan at ang Kanluran
“AH, ANG Silangan ay Silangan, at ang Kanluran ay Kanluran, at kailanma’y hindi magkakasundo ang dalawa.” Sa mga salitang ito ng makata ng Britanya na si Rudyard Kipling ay ating nagugunita ang malalaking pagkakaiba sa kultura na nagbabaha-bahagi sa sangkatauhan, na sanhi ng mga pagkakapootan ng mga tribo, lahi, at mga bansa na sumisiklab sa buong palibot natin sa ngayon. Marami ang nagtatanong, Wala kayang magagawa ang Diyos tungkol sa kalagayang ito? Oo, mayroon siyang magagawa! At ngayon ay ginagawa na nga niya iyon! Tinutukoy ito ng susunod na taludtod ng tula ni Kipling. Hanggang kailan mananatiling nababahagi ang Silangan at ang Kanluran? Sinabi ng makata: “Hanggang sa ang Lupa at ang Langit ay tumayo sa dakilang Luklukan ng Diyos sa Paghuhukom sa malapit na hinaharap.”
Ang pananagutan ng paghatol ay ipinagkaloob ng Diyos sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 5:22-24, 30) Subalit kailan nagsisimula ang panahong iyon ng paghatol? Sino ang hinahatulan, at ano ang kahihinatnan? Si Jesus ang naglarawan sa hula ng mga digmaang pandaigdig at kasabay na mga kahirapan na nagsimulang maranasan ng sangkatauhan noong 1914. Sinabi niya na ang mga ito “ang tanda” ng kaniyang di-nakikitang “pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 24:3-8.
Sa sukdulan ng dakilang hulang ito, ang ating kasalukuyang panahon ay ipinakikilala ni Jesus na panahon ng paghuhukom, na ang sabi tungkol sa kaniyang sarili: “Kapag ang anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng anghel na kasama niya, kung magkagayon siya ay uupo sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao mula sa isa’t isa, kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.” Sa matalinghagang pananalita, lahat ng bayan sa lupa ay tinitipon ngayon sa harap ng Hukom at sila’y mananagot sa paraan ng pagtugon nila sa kaniyang pabalita ng kaligtasan. Pagka ang hatol ay isinagawa na sa malapit na hinaharap sa malaking kapighatian, ang masuwaying tulad-kambing na mga tao “ay magtutungo sa walang-hanggang pagkaputol, ngunit ang mga matuwid [ang masunuring tulad-tupang mga tao] ay sa buhay na walang-hanggan.”—Mateo 25:31-33, 46; Apocalipsis 16:14-16.
‘Mula sa Sikatan ng Araw at Mula sa Lubugan ng Araw’
Ang paghuhukom sa sanlibutang ito ay aktuwal na nagsimula noong maligalig na mga taon ng Digmaang Pandaigdig I. Nang panahong iyon, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nagbigay ng buong-pusong pagsuporta sa nagdirigmaang mga panig. Ito’y nagpakilala sa kanila bilang bahagi ng balakyot na sanlibutan na karapat-dapat sa “poot ng Diyos.” (Juan 3:36) Ngunit kumusta naman ang maibigin-sa-kapayapaang mga Kristiyano na nagsagawa ng pananampalataya sa Diyos? Pasimula ng taóng 1919, ang mga ito ay sinimulang tipunin sa panig ng Hari, si Kristo Jesus.
Sila’y nanggaling buhat sa lahat ng panig ng globo, una ang mga nalalabi pa sa 144,000 pinahiran, pinili magbuhat pa sa nakalipas na daan-daang taon ng panahong Kristiyano. Ang mga ito ay magiging “kasamang mga tagapagmana ni Kristo” sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Roma 8:17) Sa mga ito ay sinasabi ng propeta ng Diyos: “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasaiyo. Mula sa sikatan ng araw ay dadalhin ko ang iyong binhi, at mula sa lubugan ng araw ay pipisanin kita. Sasabihin ko sa hilaga, ‘Bayaan mo!’ at sa timog, ‘Huwag mong pigilin. Dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae mula sa kadulu-duluhan ng lupa, bawat isa na tinatawag sa aking pangalan at yaong aking nilikha sa aking ikaluluwalhati, yaong aking inanyuan, oo, yaong aking ginawa.’”—Isaias 43:5-7.
Subalit hindi pa iyan ang lahat! Lalung-lalo na mula noong mga taon ng 1930, isang malaking pulutong, na ngayo’y umaabot na sa milyun-milyon, ang sinimulang tipunin. Ito “ang mga tupa” na tinukoy ni Jesus sa Mateo 25:31-46. Tulad ng pinahirang nalabi sa harap nila, ang mga ito ay “may pananampalataya” sa Isa na nagsasabi: “Kayo ay aking mga saksi, at ako ang Diyos.” (Isaias 43:10-12) Ang pagtitipon sa malaking pulutong na ito ay nagaganap din ‘mula sa sikatan ng araw at sa lubugan ng araw, mula sa hilaga at sa timog, at mula sa kadulu-duluhan ng lupa.’
Ang maibigin-sa-kapayapaang mga tupang ito ay pinagkakaisa sa isang pambuong-daigdig na kapatiran. Sila’y nagsasalita ng maraming iba’t ibang wika ng 231 lupain na kinatitirhan nila. Gayunman sila ay nagkakaisa sa espirituwal sa pagkatuto ng “dalisay na wika” ng mensahe ng Bibliya tungkol sa Kaharian, “upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” (Zefanias 3:9) Ang kanilang pagkakaisa ng paniniwala, layunin, at pagkilos ay nagbibigay ng kamangha-manghang patotoo na tunay ngang nagtagpo na ang Silangan at ang Kanluran, at ang mga bayan buhat sa lahat ng direksiyon, sa paglilingkod at pagpuri sa Soberanong Panginoong Jehova.
Sa ilang lupain ang pagtitipong ito ay nagaganap sa ilalim ng kapuna-punang mga kalagayan, gaya ng ipakikita ng sumusunod na mga pag-uulat.