Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 4/1 p. 21-26
  • Ang mga Kahatulan ng Diyos ay Kailangang Ihayag

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Kahatulan ng Diyos ay Kailangang Ihayag
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nag-uudyok na Motibo at Reaksiyon
  • Ibinubunyag ng Modernong Jeremias ang Sangkakristiyanuhan
  • Binigyang-Babala ang Baha-bahaging Sangkakristiyanuhan
  • Nabunyag ang Sangkakristiyanuhan
  • Ang Gawain ni Jeremias ay Patapos Na
  • Nabunyag ang Sangkakristiyanuhan Bilang Promotor ng Huwad na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Si Jeremias—Di-popular na Propeta ng mga Kahatulan ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Hindi Magawang Manahimik ni Jeremias
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
  • “Sabihin Mo sa Kanila ang Salitang Ito”
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 4/1 p. 21-26

Ang mga Kahatulan ng Diyos ay Kailangang Ihayag

“Bumangon ka at salitain mo sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa iyo. Huwag kang mangingilabot dahilan sa kanila.”​—JEREMIAS 1:17.

1. Paano pinangyari ng mga Saksi ni Jehova na ‘pasikatin ang kanilang liwanag’ sa Alemanyang Nazi?

“ANG pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Kahariang Holocaust [Alemanyang Nazi] ay mayroong kaniyang sariling dako sa gitna ng mga ibang panahon ng pagsubok sa kanilang kasaysayan.” (Holocaust Studies Annual, Volume II​—The Churches’ Response to the Holocaust) Ang Daily News ng Timog Aprika noong Hulyo 15, 1939, ay nagsabi rin tungkol sa mga Saksing Aleman: “Mistulang isang liwanag na kailanma’y hindi kumukurap-kurap, ang munting grupong ito ng mga Kristiyanong lalaki at babae ay naninindigang matapat sa kanilang pananampalataya, isang tinik sa tagiliran ng Monarko ng Munich [si Adolf Hitler] at isang buháy na patotoo na siya’y may kamatayan.” Ang mga salitang ito ay nagpapagunita sa atin ng sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay magiging “ang ilaw ng sanlibutan” at kanilang pangyayarihin na ang kanilang liwanag ay sumikat sa harap ng sanlibutan, anuman ang halagang kapalit nito.​—Mateo 5:11, 12, 14-16.

2, 3. Anong halimbawa ng walang-takot na pangangaral ang nangyari sa Sri Lanka?

2 Isa pang report, na galing sa nililigalig-ng-terorista na Sri Lanka, ang nagbabalita tungkol sa isang kabataang Saksing Tamil, si David Gunaratnam, na, palibhasa’y gumaya sa istilo ni Jeremias, walang-takot na nangaral sa mga maykapangyarihang militar. Siya’y dinakip na kasama ng mga iba pang kabataang lalaki para tanungin. Ang report ay nagsasabi: “Ang mga opisyal at ang mga lalaki ay hangang-hanga sa talino ng taong iyon, at higit pa riyan, sa kaniyang nahahalatang kataimtiman, lalo na nang kaniyang sabihin, ‘At sakaling makakatagpo ko ang sinumang umano’y terorista, ipangangaral ko sa kanila ang ganito ring bagay.’”

3 Nang gabi ring iyon siya ay inagaw sa kaniyang tahanan ng mga terorista, na nagbintang sa kaniya na siya’y nakikipagtulungan daw sa hukbo. Kaniyang ipinilit na siya’y walang kinikilingan at sinabi na ipinangangaral lamang niya ang mensahe ng Kaharian ng Diyos. “Ginagawa ko ang gawain ng Diyos at ipagpapatuloy ko na gawin ito. Ako’y nangangaral nang walang pinipili sa kaninuman na makikinig.” Ang Saksing ito na malakas ang loob ay binaril at napatay ng mga terorista, at nakaiwan ng isang may kabataang biyuda at isang sanggol na lalaki.​—Ihambing ang Gawa 7:51-60.

4. Anong aprobado-ng-klerong pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova ang naganap sa isang bansa sa Latin Amerika?

4 Buhat sa isang bansa sa Latin Amerika, na kung saan ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova ay aprobado at pinalampas ng mga ilang klerigong Katoliko at Presbiteriano, nanggaling ang ganitong pag-uulat: “Mayroong limang Saksi ni Jehova sa garison . . . Sila’y malimit na ginugulpi at pinagbubukud-bukod na isa-isa at hindi binibigyan ng pagkain. Ang pulitikal na opisyal na namamanihala sa indoktrinasyon sa aming yunit ang nagpaparusa sa kanila sapagkat sila’y nangangaral sa mga ibang sundalo. Kaniyang sinabi na sa lahat ng mga kaaway na relihiyoso, ang mga Saksi ni Jehova ang pinakamapanganib.”

Ang Nag-uudyok na Motibo at Reaksiyon

5. Gaya ni Jeremias, kadalasa’y ano ang motibo ng pag-uusig sa mga Saksi?

5 Oo, kung paanong si Jeremias ay pinag-usig ng relihiyoso at pulitikal na mga pinuno noong kaniyang kaarawan, ganoon din na ang mga Saksi ni Jehova ay nakaharap sa pambuong daigdig na pananalansang ng mga elemento ring ito. Ano ang motibo sa likod ng pag-uusig na ito? Bagama’t ang mga Saksi ang pinakamapayapa at masunurin-sa-batas na bahagi ng anumang pamayanan, itinuturing ng kanilang mga kaaway na ang Salita ng Diyos ay mapanganib, sapagkat kanilang kinamumuhian at tinatanggihan ang mensahe nito tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang kanilang walang pakikipagkompromisong pangangaral at mga prinsipyo ang naglalantad ng kaimbutan at pandaraya ng pulitikal, komersiyal, at relihiyosong mga elemento ng sistema ni Satanas.​—Juan 15:18, 19; 1 Juan 5:19.

6. Paano naapektuhan ng pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova?

6 Gayunman, sa kabila ng pagbibilanggo, panggugulpi at kahit kamatayan man, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay naapektuhan nito na gaya ng epekto kay Jeremias noong una. Samantalang nagpapakita sila ng pag-ibig at pagkamataktika, sila’y patuloy na nangangaral ng di-popular na mga kahatulan ng Diyos sa mga bansa. (2 Timoteo 2:23-26) Batid nila na sila’y kailangang sumunod sa Diyos bilang Pinuno bago sa mga tao. (Gawa 4:19, 20; 5:29) Sila’y palaisip sa payo ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano, samakatuwid nga, magtiis sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Kung magkagayon ay masasaksihan nila ang katuparan ng pangako, ang pagtatamo ng buhay na walang-hanggan. Kaya nga, tulad ni Pablo at ni Jeremias, dapat na masabi natin: “Ngunit tayo’y hindi roon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan, kundi roon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas nang buháy ng kaluluwa.”​—Hebreo 10:35-39.

Ibinubunyag ng Modernong Jeremias ang Sangkakristiyanuhan

7. Paanong sa ika-20 siglong ito ay tinularan ng mga Saksi ang tapat na mga propeta ni Jehova na sinugo sa Israel at sa Juda?

7 Kung paanong patuloy na sinugo ni Jehova ang kaniyang mga propeta sa Israel at Juda, kaniyang sinugo ang kaniyang mga saksi upang paulit-ulit na ipahayag ang mensahe ng kaniyang dumarating na kahatulan. (Jeremias 7:25, 26; 25:4, 8, 9) Lalung-lalo na sapol noong nagpapasigla sa espirituwal na taon ng 1919, ang pinahirang nalabi ng mga kapatid ni Kristo ay walang-takot na naghahayag ng mga kahatulan ng Diyos, mga matitinding mensahe ng kapahamakan, sa Sangkakristiyanuhan. (Ihambing ang Jeremias 11:9-13.) Nang taon na iyan ang magasing The Golden Age ay pinasimulan ng paglalathala. Sa paglakad ng mga taon at pagkatapos na baguhin ang mga titulo nito, Consolation (1937) at Awake! (1946), ito’y nagsilbing tagapagbunyag ng Sangkakristiyanuhan sa kaniyang relihiyosong mga kasinungalingan at sa huwad na pagka-Kristiyano nito.

8, 9. (a) Bakit ang mga iglesya ay ibinunyag noong 1922? (b) Anong kapahamakan ang inihulang darating sa kanila?

8 Halimbawa, sa Golden Age noong Oktubre 11, 1922, ibinunyag nito ang huwad na relihiyon sa ganitong mga pananalita: “Lahat ng pagsisikap ng denominasyonal na mga organisasyon ng simbahan, ng kanilang klero, ng kanilang mga lider at ng kanilang mga kaalyado, na mailigtas at muling maitayo ang kaayusan ng mga bagay sa lupa . . . ay kailangang bumagsak, sapagkat ang mga ito ay hindi bahagi ng kaharian ng Mesiyas. Na bagkus pa nga, noong panahon ng Digmaang Pandaigdig [I] ang klero ng iba’t ibang mga denominasyong ito ng relihiyon ay di-tapat sa Panginoong Jesu-Kristo sa bagay na ito, na sila’y nagkamali at nakiisa sa malalaking negosyo at sa malalaking pulitiko upang palawakin ang Digmaang Pandaigdig.”

9 Ang pagbubunyag ay nagpatuloy: “Kanila pang itinakwil ang Panginoon at ang kaniyang kaharian at nagpamalas ng kanilang di-katapatan sa pamamagitan ng kusang pakikiisa nila sa organisasyon ni Satanas at lantarang paghahayag sa daigdig na ang Liga ng mga Bansa ang makapulitikang kapahayagan ng kaharian ng Diyos sa lupa.” Sa wakas dumating ang mensahe ng “kapahamakan,” o kahatulan: “Mayroon ngayong napipinto at halos babagsak na sa mga bansa ng mundo, ayon sa mga salita ni Kristo Jesus, na isang malaking panahon ng ‘kapighatian na hindi pa nangyayari sapol nang magsimula ang sanlibutan hanggang sa panahong ito, at hindi na mangyayari pa uli.’”

10. Anong pagbubunyag ang ginawa noong 1926?

10 Ang papel na ginampanan ni Jeremias ay pinalawak sa pamamagitan ng paggamit ng mga iba pang lathalain, tulad baga ng magasing Bantayan, mga pulyeto, at mga aklat. Halimbawa, noong 1926 sa aklat na Deliverance ay may matinding pagsisiwalat ng nagliligaw na mga turo ng Sangkakristiyanuhan. Sa pahina 203 ay nagsasabi iyon: “Ang kasinungalingang mga aral ay buong layang ipinapasok [sa apostatang Sangkakristiyanuhan] at inihahalili sa katotohanan. Kabilang na rito noong nakaraan at ngayon ang mga aral ng trinidad, kawalang kamatayan ng lahat ng kaluluwa, walang-hanggang pagpapahirap sa mga balakyot, ang bigay-Diyos na karapatan ng klero at ang bigay-Diyos na karapatan ng mga hari na magpuno. Sa paglakad ng panahon si Maria, na ina ng batang si Jesus, ay ginawang diyos; at ang mga tao’y tinawagan na sumamba sa kaniya bilang ang ina ng Diyos.”

Binigyang-Babala ang Baha-bahaging Sangkakristiyanuhan

11, 12. (a) Paano nabunyag ang pagka di-neutral ng klero? (b) Anong babala ang ibinigay ng uring Jeremias?

11 Ang lathalain ding iyan ang nagbunyag ng pagsangkot ng klero sa mga digmaan, na nagsasabi: “Ang klero nitong iba’t ibang mga sistemang relihiyoso ang nagbibendisyon sa mga hukbo na ipinadadala ng mga elementong komersiyal at pulitikal, at ang kanilang bendisyon ay ibinibigay sa alinmang panig na kinabibilangan ng mga hukbong ito. Ang klero ay pawang nagkukunwaring nananalangin sa iisang Diyos upang pagpalain ang nagdidigmaang mga hukbo ng magkapuwa panig.” (Ihambing ang Jeremias 7:31.) Pagkatapos ay ipinahiwatig ang isang napipintong kahatulan: “Lahat ng mga elementong ito na bumubuo ng nakikitang bahagi ng organisasyon ni Satanas ay tinitipon at pinagsasama-sama para sa dakilang labanan ng Armagedon.”​—Apocalipsis 16:14-16.

12 Gaya noong kaarawan ni Jeremias, nang sabihin ng mga lider na sila’y ligtas at may pakikipagpayapaan sa Diyos, “ganoon din na ang mga relihiyosong lider na ito ay nagpapahayag sa kanilang sarili na sila ay ligtas, na kailangan lamang na sila ay tawagin sa pangalan ni Kristo, samantalang sila’y patuloy na nakikipaglaro sa apoy ng Diyablo. Sila’y nagbubulag-bulagan sa tunay na kalagayan sa pamamagitan ng pagsasaboy ng buhangin sa kanilang sariling mga mata at pati na rin sa mga mata ng kanilang kapuwa-tao.” (Deliverance, pahina 270) Ang kanilang panlilinlang sa sarili ay ibinunyag ng masisigasig na mga Bible Students, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon.​—Mateo 7:21-23.

13. Anong pangyayari ang naganap noong 1931, at bakit angkop iyon?

13 Sa paglakad ng panahon, samantalang lalong nagiging maliwanag ang pagkakilala sa Bible Students bilang kahalintulad ni Jeremias, noong 1931, sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, E.U.A., inihayag na ang batay-sa-Bibliyang pangalan ng magiting na grupong ito ng mga Kristiyano ay dapat na “mga Saksi ni Jehova.” (Isaias 43:10-12) Ang pangalang iyan ay napatanghal noong ikawalong siglo  B.C.E. nang ikapit iyon ni Jehova sa Israel. Kung gayon, mga isang daang taon ang nakalipas, nang maglingkod si Jeremias bilang isang propeta, siya ay isa ring saksi para kay Jehova. (Jeremias 16:21) Gayundin naman si Jesus, nang siya’y pumarito sa lupa bilang isang Judio, ay isang saksi para sa kaniyang Ama, si Jehova. (Juan 17:25, 26; Apocalipsis 1:5; 3:14) Samakatuwid, angkop na sa takdang panahon ng Diyos, ang kaniyang bayan ay maging kuwalipikado sa wakas sa pagtanggap ng pangalang ito na bigay mismo ng Diyos​—“mga Saksi ni Jehova.”​—Juan 17:6, 11, 12.

Nabunyag ang Sangkakristiyanuhan

14. Paano nabunyag ang Sangkakristiyanuhan noong nakalipas na 70 taon?

14 Sa loob ng nakalipas na pitumpung taon, may kaugnayan sa paghahayag ng maningning na pag-asa ng dumarating na Kaharian ni Jehova, napalaganap ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang mistulang baha ng pagbubunyag at kahatulan. Sa daan-daang milyong diretsahan, matinding-bumanat na mga salig-sa-Bibliyang lathalain, kanilang ibinunyag ang Sangkakristiyanuhan bilang ang pinakamakapangyarihang puwersa sa relihiyosong patutot, ang “Babilonyang Dakila,” at nabunyag sa Apocalipsis kabanata 17 at 18. (Tingnan ang “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules!, pahina 576-615, lathala noong 1963 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.)

15. Paano nabunyag ang Sangkakristiyanuhan noong 1955?

15 Noong 1955 ang mga Saksi ni Jehova ay namahagi ng milyun-milyong kopya ng pulyetong Christendom or Christianity​—Which One Is “the Light of the World”? Libu-libo nito ang tuwirang ibinigay sa klero ng Sangkakristiyanuhan. At ano ba ang sinabi sa kanila ng pulyetong iyon? Sa tunay na istilong Jeremias, sinabi niyaon: “Sa kabila ng lahat ng kaniyang mga bentaha na nagtulak sa kaniya upang mapasaunahan sa kabuhayan, sa kaisipan at sa hukbong militar, hindi pinatunayan ng Sangkakristiyanuhan na siya ‘ang ilaw ng sanlibutan.’ Bakit hindi? . . . Siya’y hindi nangangaral o nagkakapit man ng pagka-Kristiyano [ng Bibliya].” Pagkatapos ay ibinangon nito ang tanong: “Ang pagbubunyag ba sa mga huwad na relihiyon ay pag-uusig sa kanilang mga tagatangkilik? Ito ba ay isang di-maka-Kristiyanong pagkapanatiko?”

16. Pagkapanatiko ba na ibunyag ng mga Saksi ang Sangkakristiyanuhan?

16 Ang sagot ay: “Hindi; sapagkat kung gayon ay isang panatikong mang-uusig ng mga Judio si Jesu-Kristo, . . . at lahat ng mga propeta ni Jehova noong sinaunang panahon [kasali na si Jeremias] bago kay Jesus ay mga mang-uusig at mga panatiko, sapagkat silang lahat ay nagbunyag sa huwad na relihiyon ng apostatang mga Judio at ng mga bansang Gentil.” Tunay nga, kung ang mga tunay na Kristiyano “ang ilaw ng sanlibutan,” kung gayo’y kailangang ibunyag nila ang espirituwal na “kadiliman.” (2 Corinto 6:14-17) Ito’y hindi nangangahulugan na mga indibiduwal ang inaatake nila kundi, sa halip, yaong sistema na umaalipin sa kanila. Sa gayon, iniutos ni Jehova kay Jeremias: “Ikaw ay magbigkis ng iyong mga balakang, at bumangon ka at salitain mo sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa iyo. Huwag kang mangingilabot dahilan sa kanila . . . At sila’y tiyak na lalaban sa iyo, ngunit sila’y hindi mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasa-iyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’”​—Jeremias 1:17, 19.

Ang Gawain ni Jeremias ay Patapos Na

17, 18. (a) Paano ipinagpapatuloy ng mga Saksi ni Jehova ang gawain ni Jeremias sa nakaraang mga taon? (b) Anong payo ang ibinigay sa tapat-pusong mga tao?

17 Pinahina ba ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang paghahayag ng kahatulan ng Diyos? Totoo, tayo’y nabubuhay sa isang panahon na ang pamimintas sa ibang relihiyon ay hindi dapat gawin. Subalit, ang mga lathalain ng mga Saksi ni Jehova ay may dalang katulad na mensahe ng paghatol sa Sangkakristiyanuhan gaya rin ng dati. Halimbawa, noong nakalipas na apat na taon ang mga Saksi ni Jehova ay nakalimbag ng 32 milyong kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, sa 76 na mga wika. Inihaharap ng aklat na ito ang mga sagot sa maraming kasalukuyang mga tanong, tulad halimbawa ng “Ano ang Nangyayari Kapag ang Isa’y Namatay?” “Bakit kaya Pinayagan ng Diyos ang Masama?” at “Pagkilala sa Tunay na Relihiyon.” Ngunit ito’y nagbibigay rin naman ng isang malinaw na babala tungkol sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.

18 Sa kabanata 25, na pinamagatang “Para sa Sanlibutan ni Satanas, o Para sa Bagong Kaayusan ng Diyos?” sinasabi nito: “Sa Bibliya ang huwad na relihiyon ay isinasagisag bilang isang ‘dakilang patutot,’ o masamang babae, na ang pangala’y ‘Babilonyang Dakila.’ . . . At hindi maitatatuwa na sa buong kasaysayan ang relihiyon ay nakihalubilo sa pulitika, at madalas na nagsasabi kung ano ang dapat gawin ng mga pamahalaan.” Kung gayon, anong hakbangin ang inirirekomenda ng aklat? Itinatanong nito: “Gusto ba ninyong maging bahagi ng sanlibutan ni Satanas? O kayo ba’y para sa bagong kaayusan ng Diyos? Kung kayo ay para sa bagong kaayusan ng Diyos, dapat maging hiwalay sa sanlibutan, pati na sa huwad na relihiyon nito. Susundin ninyo ang utos: ‘Magsilabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila], bayan ko.’ (Apocalipsis 18:4)”

19. Paano mo maipakikita na ang tinig ng modernong Jeremias ay hindi tumatahimik sa atrasadong petsang ito?

19 Ang matinding mensaheng ito ng paghiwalay at kahatulan ang tumataginting nang malinaw sa aklat na Worldwide Security Under the “Prince of Peace,” lathala noong 1986 (anim na milyong kopya sa 25 mga wika). Ibinubunyag nito ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan sa ‘pangangaral sa mga kabataang lalaki na lumaban sa larangan ng digmaan’ ng Digmaang Pandaigdig I. Ito’y nagpapatuloy: “Ang Sangkakristiyanuhan ay patuloy na isang kaaway ng Kataas-taasang Diyos hanggang sa mismong panahong ito. Tunay na wala siya ng makalangit na proteksiyon, kaya naman sa mismong dahilang ito ay masasabing walang kapanatagan ang kaniya mismong buhay.” (Tingnan ang mga pahina 30-2.) Ang tinig ng modernong Jeremias ay hindi tumatahimik! Samantalang ipinagsisigawan ng klero at ng mga pulitiko na patahimikin ang pangangaral ng mga kahatulan ng Diyos, ang kaniyang tapat ng mga Saksi ay patuloy pa rin na gumagawa, disidido na matapos ang gawaing pagbibigay ng babala.​—Jeremias 18:18.

20. Bakit patuloy na ihahayag ng mga Saksi ni Jehova ang mga kahatulan ni Jehova sa mga bansa?

20 At bakit kailangang matapos ang gawaing ito? Sapagkat si Jehova, ang buháy na Soberanong Panginoon ng sansinukob, ay humihingi ng pagsusulit sa mga bansa at sa kanilang mga relihiyon. Gaya ng kung paano tinanong ni Jehova ang magdarayang Juda at Jerusalem, ganoon kumakapit ang tanong na iyan sa Sangkakristiyanuhan sa ngayon: “‘Hindi baga ako hihingi ng pagsusulit dahil sa mismong mga bagay na ito?’ ang sabi ni Jehova. ‘O hindi baga maghihiganti ang aking kaluluwa sa isang bansang gaya niyan?’” Kung gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na dadalaw sa mga bayan-bayan ng mga bansa taglay ang mensahe na sumusugat ng damdamin ng karamihan bilang isang di-popular na kahatulan ngunit isang nagpapaligayang mabuting balita naman para sa ilang mga tao​—ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.​—Jeremias 5:9, 29; 9:9; Gawa 8:4, 12.

21. Sa kabila ng inihulang kapahamakan, anong dakilang pag-asa ang nakaharap sa mga taong makikinig sa gawaing tulad ng kay Jeremias? (Awit 37:9, 11, 18, 19, 28, 29)

21 Bagama’t si Jeremias ay malimit na tinataguriang isang tagapagpalahaw ng kapahamakan, gayunman ay totoo rin na ang kaniyang pabalita ay nagbigay ng silahis ng pag-asa sa mga Judio. (Jeremias 23:5, 6; 31:16, 17) Sa katulad na paraan, samantalang inihahayag ng mga Saksi ni Jehova ang napipintong “malaking kapighatian,” kalakip ng kahatulan ng Diyos sa Armagedon, kanila ring ibinabalita ang mga pagpapala ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” na ang resulta’y ang pagsasauli ng katarungan at Paraiso sa planetang ito, kasama na ang buhay na walang-hanggan. (Mateo 24:21, 22; Apocalipsis 16:16; 21:1-4) Kung gayon, ngayon na ang panahon na pakinggan ang kahatulang pasabi ni Jehova at tangkilikin hanggang sa matapos ang dakilang gawaing tulad ng kay Jeremias.​—Ihambing ang Jeremias 38:7-13.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Tulad ni Jeremias, paano pinag-uusig ang mga Saksi ni Jehova?

◻ Bakit nagpupumilit ang mga Saksi na mangaral?

◻ Paanong ang gawaing Jeremias ay pinalawak?

◻ Anong mga halimbawa kamakailan ang nagpapakita na hindi nagbabago ang pagbubunyag?

◻ Sa kabila ng paghahayag ng mensahe ng kapahamakan, anong pag-asa ang iniaalok din?

[Larawan sa pahina 23]

Sa wakas, si Maria ay ginawang idolo at tinawagan ang mga tao na sambahin siya bilang ang “Ina ng Diyos”

[Larawan sa pahina 24]

Noong 1931 tinanggap ng Bible Students ang pangalang “mga Saksi ni Jehova” sa kanilang kombensiyon sa Columbus, Ohio

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay tumutulad sa halimbawa ni Jeremias

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share