Ikaw ba ay Magiging Saksi Para sa Tunay na Diyos?
“‘Kayo ang aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’”—ISAIAS 43:12.
1. Bakit dapat nating parangalan ang tunay na Diyos?
MGA ilang saglit lamang bago namatay si Jesus, siya’y ‘tumingala sa langit’ upang manalangin. Kaniyang tinukoy ang Isa na kaniyang dinadalanginan na “ang tanging tunay na Diyos.” (Juan 17:1, 3) Makatuwiran nga, tanging iisa lamang ang buháy at tunay na Diyos, ang Soberano ng sansinukob, ang Maylikha. Yamang utang natin sa tunay na Diyos ang ating buhay, dapat nating parangalan siya ayon sa karapat-dapat sa kaniya. Gaya ng sabi ng Apocalipsis 4:11: “Karapat-dapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahilan sa iyong kalooban kung kaya’t sila’y umiral at nangalalang.”
2. (a) Ano ang makatuwirang paniwalaan tungkol sa tunay na Diyos? (b) Paano siya nakikipagtalastasan sa mga ibig na sumamba sa kaniya?
2 Makatuwirang asahan na hindi pahihintulutan ng tunay na Diyos na umiral nang panghabang-panahon ang masasamang kalagayan na pumipinsala sa kaniyang mga makalupang nilalang. At makatuwiran ding maniwala na sa mga sumasamba sa kaniya ay ipababatid niya ang kaniyang gagawin at ang nais niyang gawin nila bago niya isagawa ang kaniyang mga inihatol. (Amos 3:7) Paano nga siya nakikipagtalastasan sa mga humahanap ng katotohanan? Ginagamit niya ang mga taong masunurin sa kaniya bilang kaniyang mga tagapagsalita. “‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova . . . ‘Walang nauna sa akin na ibang Diyos, at hindi na rin magkakaroon ng iba bukod sa akin. Ako—ako ay si Jehova, at bukod sa akin ay walang tagapagligtas.’” (Isaias 43:10, 11) Subalit paanong makikilala ng isang tao yaong mga ginagamit ng tunay na Diyos bilang kaniyang mga saksi? Paanong sila, at ang kanilang mensahe, ay naiiba sa mga sumasamba sa mga ibang diyos?
Isang Hamon sa mga Ibang Diyos
3. Anong hamon ang ibinibigay ni Jehova sa lahat ng ibang mga diyos?
3 Kinasihan ni Jehova si Isaias upang isulat ang hamong ito sa lahat ng mga ibang diyos: “Sino sa kanila [na mga diyos ng mga bansa at mga bayan] ang makapagpapahayag nito [ng wastong hula]? O maiparirinig kaya nila sa amin maging ang mga unang bagay [na mangyayari sa hinaharap]? Dalhin nila [bilang mga diyos] ang kanilang mga saksi, upang sila [bilang mga diyos] ay ariing matuwid, o dinggin nila [na mga bayan ng mga bansa] at sila’y magsabi, ‘Iyan ang katotohanan!’” (Isaias 43:9) Sa ganoo’y hinahamon ni Jehova ang lahat ng mga diyos na sinasamba ng mga tao upang patunayan nila na sila’y mga diyos. Ang kanilang mga saksi ay dapat magharap ng katibayan na ang kanilang mga diyos ay maaasahan at karapat-dapat na sambahin.
4. Paano natin nalalaman na ang mga diyos ng sinaunang mga bansa ay walang kabuluhan?
4 Subalit ano ba ang nagawa ng mga diyos na iyon at ng kanilang mga mananamba? Kanila ba tayong naakay tungo sa tunay na kapayapaan, kasaganaan, kalusugan, at buhay? Pinatutunayan ng kasaysayan na ang maraming mga diyos ng sinaunang mga bansa ay walang kabuluhan at walang kapangyarihan. Hindi man lamang sila makapanatili bilang mga diyos na sinasamba, yamang sila ay hindi na umiiral ngayon. Ang maraming diyos ng sinaunang Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma, at iba pang mga bansa ay napatunayang huwad. Sila’y umiiral lamang sa mga aklat ng kasaysayan o sa mga museo na kung saan ang mga istatuwa nila ay dinadalaw upang usyosohin lamang.
5. Ano ang maitatanong natin tungkol sa mga diyos sa modernong panahon?
5 Datapuwat, ang mga diyos sa modernong panahon at ang mga sumasamba sa kanila ay may higit bang kabutihan kaysa mga sinaunang diyos? Kahit na lamang ang relihiyong Hindu ay may angaw-angaw na mga diyos. Ang mga Budista, Katoliko, Confucianista, Judio, Protestante, Shintoista, Taoista, at marami pang mga iba ay mayroong kani-kanilang mga diyos. Sa Aprika, Asia, at saanman, ang mga puwersa ng kalikasan, mga hayop, at mga bagay-bagay ay sinasamba bilang mga diyos. Ang nasyonalismo at materyalismo, at maging ang sarili man ng isang tao, ay naging mga diyos, sa bagay na maraming mga tao ang nag-uukol sa kanila ng kanilang pangunahing debosyon. Aling paraan ng pagsamba ang aktuwal na kumakatawan sa isa na nagsabi: “Ako ay si Jehova, at wala nang iba. Maliban sa akin ay walang ibang Diyos”?—Isaias 45:5.
“Sa Kanilang mga Bunga ay Makikilala Ninyo Sila”
6. Paano natin makikilala ang pagkakaiba ng tunay na pagsamba sa di-tunay na pagsamba?
6 Si Jesus ay nagbigay ng isang mapanghahawakang alituntunin upang makilala kung ano ang totoo o di-totoo tungkol sa relihiyon. Kaniyang sinabi: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. . . . Ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama . . . Bawat punungkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.” (Mateo 7:16-19) Samakatuwid, upang makilala ang tunay na Diyos buhat sa mga di-tunay, at ang mga tunay na mananamba buhat sa mga di-tunay, kailangang suriin natin ang kanilang bunga. Ang kanila bang bunga ay “mabuti,” o iyon ba ay “masama”?
7. Ano ang sinasabi sa atin ng kasaysayan ng siglong ito tungkol sa mga relihiyon ng sanlibutang ito?
7 Halimbawa, alin sa mga relihiyon ng sanlibutan ang nakapagtatag ng tunay na kapayapaan sa gitna ng mga tagasunod nito sa buong lupa? Tiyak, ang mga miyembro ng tunay na relihiyon, na mga espirituwal na magkakapatid, ay hindi dapat magpatayan sa isa’t isa. Subalit isang daang milyon katao ang nangapatay sa mga digmaan sa ika-20 siglong ito, at lahat ng mga digmaang iyon ay suportado ng mga relihiyon ng sanlibutang ito. Kaya naman, pinatay ng mga taong relihiyoso ang kanilang mga kapuwa-taong relihiyoso. Malimit, ang pinapatay nila’y mga taong karelihiyon nila. Pinatay ng mga Katoliko ang mga Katoliko, pinatay ng mga Protestante ang mga Protestante, pinatay ng mga Muslim ang mga Muslim, at ganiyan din ang sinunod na landasin ng mga nasa iba pang relihiyon.
8. Paano kinomentuhan ng mga tagapagmasid ang kabiguan ng relihiyon sa panahon natin?
8 Sa isang editoryal na pinamagatang “Ang Karahasan na Ginawa sa Ngalan ng Diyos,” si Mike Royko, na mistulang ang Diyos ang kinakausap, ay nagsabi tungkol sa mga relihiyon ng sanlibutang ito: “Kanilang ipinapahayag ang kanilang debosyon sa iyo sa pamamagitan ng pagpapatayan sa isa’t isa nang daan-daan. Sa palagay ko kanilang tinataya na kung malilipol ng isang panig yaong kabila, patutunayan niyaon na ang kanilang paraan ng pagsamba sa iyo ang tama.” Sinabi niya na bagaman inilalarawan ng papa na siya’y isang taong mapayapa, “ang kaniyang mga tagasunod naman ay bantog sa pagbububo ng mga ilang milyong galon ng dugo pagka sila’y nagagalit.” Gayundin, nang ang dating Pangulong Carter ng Estados Unidos ay magsabi na “nabaliw na nga ang daigdig,” sinabi niya: “Ang matinding pananalig sa relihiyon, na dapat sanang magbuklod sa mga tao sa pag-iibigan, ay waring kadalasan bahagi ng kabaliwan at pagpapatayan.”
9. Bakit tayo hindi dapat sumunod sa “walang-kabuluhang mga diyos”?
9 Ang ganiyang masamang bunga ang kabaligtaran ng kailangang makita sa mga sumasamba sa tunay na Diyos. (Galacia 5:19-23) Sa gayon, yaong mga sumusuporta sa nagbabaka-bakang mga relihiyon at mga pilosopya ay tiyak na bahagi ng huwad na pagsamba gaya rin ng sinaunang mga Ehipsiyo, Asiryo, Babiloniko, at mga iba pa na sumasamba sa “piping walang-kabuluhang mga diyos.” (Habacuc 2:18) At kung paanong ang makahulang salita ng tunay na Diyos ay natupad sa sinaunang huwad na pagsamba, ganoon din ang mangyayari sa panahon natin: “Ang walang-kabuluhang mga diyos ay mapapawing lubusan.” (Isaias 2:18) Maaasahang matutupad ang kaniyang babala: “Huwag ninyong babalikan ang walang-kabuluhang mga diyos.”—Levitico 19:4.
Sino ang mga Sumasaksi Para kay Jehova?
10. Ang mga tagasunod ba ng mga relihiyon ng sanlibutang ito ay mga saksi ng tunay na Diyos?
10 Ang isang saksi para sa tunay na Diyos ay dapat na isang nagpapatotoo tungkol sa Kaniya. Ang mga tagasunod ba ng mga relihiyon ng sanlibutang ito ay gumagawa ng gayong pagpapatotoo? Gaano kadalas na ang mga tao sa mga relihiyong ito ay nakikipag-usap sa iyo tungkol sa kanilang pagsamba? Kailan sila dumalaw sa iyo sa iyong tahanan upang magpatotoo tungkol sa kanilang diyos? Ang hamon na ibinigay ng tunay na Diyos sa mga diyus-diyosan upang magharap ng mga saksi nila ay hindi pinakikinggan. Ang mga tao ng mga relihiyon ng sanlibutang ito ay hindi nagbibigay ng gayong patotoo. Hindi nila masabi sa iyo kung sino ang tunay na Diyos o kung ano ang kaniyang mga layunin. Sila’y hindi naman tinuruan ng katotohanan ng kanilang klero. “Sila’y mga bulag na tagaakay. Kaya, kung bulag ang umaakay sa bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.”—Mateo 15:14.
11. Sino lamang ang nagpapatotoo sa pangalan ng tunay na Diyos?
11 Sino ang handang magsakripisyo upang gumugol ng panahon, ng materyal na mga ari-arian, o magbigay kahit man ng kanilang buhay, upang sumaksi para sa tunay na Diyos? Sino ang nagsasabi sa mga tao na nagpapahayag ang tunay na Diyos: “Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan”? (Isaias 42:8) Sino ang nagtuturo sa inyo na “ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa”? (Awit 83:18) Noong kaniyang kapanahunan, nasabi nga ni Jesus sa tunay na Diyos: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan.” (Juan 17:6) Sa panahon natin, tanging ang mga Saksi ni Jehova ang makapagsasabi niyan. Anong pagkaangkup-angkop nga ng kanilang pangalan—mga Saksi ni Jehova!
Pagpapatotoo Tungkol sa Kaharian
12. Anong mahalagang turo ang kailangang sabihin sa iba ng mga tunay na saksi?
12 Bukod sa pagpapakilala sa pangalan ng tunay na Diyos, ano, lalo na, ang sasalitain ng kaniyang mga saksi tungkol sa kaniyang mga layunin? Si Jesus ang nagbigay ng halimbawa sa pamamagitan ng pagtuturo sa kaniyang mga tagasunod na manalangin sa tunay na Diyos: “Dumating nawa ang kaharian mo.” (Mateo 6:10) Ang makalangit na Kaharian ng Diyos ang pamahalaan na sa wakas ay maghahari sa buong lupa. (Daniel 2:44) Iyan ang tema ng turo ni Jesus. (Mateo 4:23) Dahil sa ang Kaharian ang tanging lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan, kaniyang ipinayo: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.”—Mateo 6:33.
13. (a) Ano ang ipinakikita ng katibayan tungkol sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ng Kaharian ng Diyos? (b) Paanong ang pangangaral ng Kaharian ay isang ebidensiya na si Jehova ang tanging Diyos ng tunay na hula?
13 Sino sa ngayon ang nagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos? Si Propesor C. S. Braden, isang masigasig na estudyante ng mga relihiyon ng sanlibutan, ay nagsabi: “Ang buong lupa ay literal na nilaganapan ng mga Saksi ni Jehova ng kanilang patotoo. . . . Tunay na masasabing walang isa mang grupo ng mga relihiyoso sa daigdig ang makikitaan ng higit na sigasig at tiyaga sa pagtatangka na palaganapin ang mabuting balita ng Kaharian kaysa mga Saksi ni Jehova.” Subalit kaniyang isinulat iyan halos 40 taon na ngayon ang nakaraan! Sa ngayon ay isang lalong malaking pagpapatotoo sa Kaharian ang naisasagawa, sapagkat mayroong mahigit na sampung beses na dami ng mga Saksi ngayon! Mga tatlo-at-kalahating milyon na sila, sa mahigit sa 54,900 kongregasyon sa buong lupa, na nagpapatotoo sa Kaharian, at ang bilang nila ay mabilis na lumalago. Ang mabuting bungang ito ay ebidensiya na si Jehova ang Diyos ng tunay na hula. Siya ang kumasi sa kaniyang Anak, si Jesus, upang humula tungkol sa panahon natin: “Ang mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14; Juan 8:28.
Pagtulad sa Pag-ibig ng Diyos
14. Anong katangian ang kailangang tularan ng mga tunay na saksi ng Diyos, at ano ang ibig sabihin kung hindi nila ginagawa ito?
14 Ang mga tunay na saksi ng Diyos ay kailangang tumulad sa kaniyang pangunahing katangian—pag-ibig. “Siyang hindi umiibig ay walang kaalaman sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Oo, “dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. . . . Mag-ibigan tayo sa isa’t isa; hindi gaya ni Cain, na nagmula sa balakyot at pinatay ang kaniyang kapatid.”—1 Juan 3:10-12.
15. Bakit natin masasabi na ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng tunay na pag-ibig?
15 Tanging ang mga Saksi ni Jehova ang mayroong ganiyang uri ng pag-ibig. Sila’y hindi napaiilalim sa mga diyos ng digmaan, nasyonalismo, at pagtatangi-tangi ng lahi. Sila’y hindi tumatangkilik sa anumang mga digmaan ng sanlibutang ito at sa gayo’y hindi napapalagay sa kalagayan na kung saan kanilang susuportahan ang pagpapatayan ng kanilang espirituwal na mga kapatid sa mga ibang panig ng daigdig. Sila, gaya ng sinabi ni Jesus, ay “hindi bahagi ng sanlibutan” at kanilang ‘inilapag na ang tabak.’—Juan 17:14; Mateo 26:52.
16. Paanong ang mga iba ay tumutulong upang ipakilala ang tunay na mga saksi ng Diyos?
16 Isang pag-aaral na pinamagatang “Higit Pa Tungkol sa Pagbibigay-matuwid sa Karahasan” ang nagsabi: “Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagbabago sa kanilang paninindigan tungkol sa walang-karahasang ‘pagkaneutral Kristiyano’ . . . Ang kanilang patuloy na paninindigan laban sa anumang anyo ng serbisyong pambansa, bilang militar man o sibilyan, at ang kanilang pagtangging magparangal sa mga simbolo na pagkakakilanlan sa isang bansa ay nagbunga ng mga pag-uusig, pagkabilanggo, at pang-uumog na naganap sa maraming bansa . . . Datapuwat, kailanman ay hindi tumugon ang mga Saksi nang may karahasan.” Ang pahayagan ng Brazil na O Tempo ay nagsabi tungkol sa kanila: “Bagama’t maraming kahanga-hangang mga relihiyon na may kani-kanilang propaganda sa lahat ng panig ng mundo, walang isa man nito sa balat ng lupa ngayon ang nagpapakita ng katulad na pag-ibig.” Ang tunay na pag-ibig na ito, ayon sa ipinahayag ni Jesus, ang pagkakakilanlan sa tunay na mga saksi ng Diyos. “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
Malawak na Patotoo ang Resulta ng Pag-uusig
17, 18. Anong halimbawa kamakailan ang nagpapakita kung paanong ang pag-uusig ay makapagpapalawak ng pagpapatotoo sa Kaharian?
17 Maaaring ang maging resulta pa mandin ng pag-uusig ay isang lalong malawak na patotoo sa Kaharian. Halimbawa, sa India ay mayroon lamang mga 8,000 saksi ni Jehova. Subalit, kamakailan ang pangalan at mga layunin ni Jehova ay nabigyan ng malawak na publisidad sa bansang iyan dahil sa ginawa ng 11 mga batang Saksi na tumulad sa unang-siglong mga Kristiyano na nagsabi sa isang hukuman: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” (Gawa 5:29) Ang mga batang Indian ay pinaalis sa paaralan dahil sa hindi nila pag-awit ng pambansang awit. Subalit ang Korte Suprema ng India ay nagpasiya, ayon sa pagkaulat sa Deccan Herald ng Bangalore, na “walang obligasyon sa bansang ito na awitin ang Pambansang Awit.” Pinansin ng Hukuman na ang mga bata ay “nagpakita ng wastong paggalang” at na ang hindi nila pag-awit ay “sa anumang paraan hindi naman masasabing pagtangging pasakop.” Iniutos ng Hukuman na ang mga bata ay tanggapin uli sa paaralan.
18 Ganito pa rin ang puna ng nasabing pahayagan: “Ang mga batang ito ay tumangging umawit ng Pambansang Awit sapagkat itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na sila’y mga Kristiyano at sila’y nakatalagang lubusan sa Kaharian ng Diyos. . . . Sila kung gayon ay hindi nakikibahagi sa anumang gawaing pulitikal ng Estado.” Gayundin, nag-ulat ang The Telegraph ng Calcutta: “Ang ginawa ng mga batang nag-aaral na ito ay nagpatanyag . . . sa mga Saksi ni Jehova, na dati ay hindi tanyag sa ating bansa.” Oo, ‘ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral bilang patotoo sa lahat ng bansa’ bago dumating ang wakas.—Mateo 24:14.
Pagtitipon sa mga Saksi Para sa Tunay na Diyos
19. Ano ang kailangang gawin ng tapat-pusong mga tao kung ibig nilang sumamba sa tunay na Diyos?
19 Sa ngayon, ang tunay na Diyos, si Jehova, ay kumikilos upang ang kaniyang baya’y magpatotoo sa kaniyang soberanya at mga layunin. Samantalang kanilang ipinamamalita ang kaniyang mensahe nang lalong higit na matindi, kaniyang tinitipon ang parami nang paraming tapat-pusong mga tao buhat sa lahat ng bansa upang makasama ng mga sumasamba sa kaniya. (Isaias 2:2-4) Kanilang iniiwan ang kanilang mga diyus-diyosan at bumabaling sa pagsamba sa tunay na Diyos, kung paanong yaong mga ibig sumamba noon kay Jehova ay pinalaya sa pagkabihag sa sinaunang Babilonya, na kung saan laganap ang pagsamba sa mga diyus-diyosan.—Isaias 43:14.
20, 21. Bakit kailangang agad-agad na itakwil ang mga diyus-diyosan ngayon at huwag maging mga tagamasid na miron lamang?
20 Ikaw ba’y magiging isang saksi para sa tunay na Diyos? Ikaw ba ay maninindigan sa panig ng tunay na pagsamba at iiwasan mo ang maparamay ka sa pagkakasala sa dugo at sa moral ng sanlibutang ito at ng mga diyus-diyosan nito? Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Lumabas kayo sa kaniya [maka-Babilonyang huwad na pagsamba], bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” (Apocalipsis 18:4) Oo, ikaw ay “lumabas,” kumilos bago maging huli na ang lahat! Huwag mong tularan ang lalaki na, nang tanungin ng isang magasing Katoliko kung ano ang kaniyang relihiyon, ay nagsabi: “Sa palagay ko eh ako ay isang Miron ni Jehova. Sa kalakhan ay naniniwala ako sa mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova—pero ayaw kong ako’y mapasangkot.”
21 Gayunman, bawat tao sa lupa ay malapit nang mapasangkot pagka nilipol ni Jehova ang mga diyus-diyosan ng sanlibutang ito at ang mga sumasamba sa kanila: “Ang mga diyos na hindi gumawa ng langit at ng lupa ang siyang mangalilipol sa lupa at sa silong ng langit.” (Jeremias 10:11) Hindi magkakaroon ng tagamasid na mga miron sa panahong iyon. Ang tanging naroroon ay yaong mga saksi ng tunay na Diyos at yaong mga hindi. (Mateo 24:37-39; 2 Pedro 2:5; Apocalipsis 7:9-15) Ikaw ba ay magiging isang saksi para sa tunay na Diyos? Kailangan naman, sapagkat “ang tunay na Diyos sa ganang atin ay Diyos ng kaligtasan; at si Jehova na Soberanong Panginoon ang may kapangyarihan sa mga daan ng paglaya buhat sa kamatayan.”—Awit 68:20.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ang hamon ng tunay na Diyos sa mga diyus-diyosan?
◻ Sa pamamagitan ng anong maaasahang alituntunin makikilala natin ang kaibahan ng tunay na pagsamba sa di-tunay na pagsamba?
◻ Anong bunga ang nagpapakita na ang mga diyos ng sanlibutang ito ay walang kabuluhan gaya ng sinaunang mga diyos?
◻ Anong mabuting bunga ang dapat makita sa mga saksi para sa tunay na Diyos, at sino ang makikitaan nito?
◻ Bakit kailangang agad-agad na kumilos ngayon upang umalis sa di-tunay na pagsamba?
[Mga larawan sa pahina 16]
Ang walang-kabuluhang mga diyos ng sinaunang mga bansa ay naparam na bilang mga diyos na sinasamba
[Larawan sa pahina 17]
Sa ating siglong ito humigit-kumulang isang daang milyon katao ang napatay sa mga digmaang suportado ng mga relihiyon ng sanlibutang ito
[Credit Line]
U.S. Army photo
[Larawan sa pahina 18]
Sinabi ni Jesus na ang mga tunay na saksi ay makikilala sa pag-ibig na taglay nila sa isa’t isa