Ang Holocaust—Bakit Pinayagan ng Diyos?
ANG Holocaust ay may nakasisirang epekto sa pananampalataya ng maraming tao. Ang mga Judio at di-Judio ay nagtatanong, Kung may Diyos, bakit niya pinayagan ito? Sapat na bang ipalagay ito na ‘kalupitan ng tao sa tao’? O may iba pa bang salik na nagpapaliwanag kung paano pinalampas, itinuro, pinayagan, o aktibong nakibahagi ang mga lalaki at babae mula sa “sibilisadong” pinagmulan ang sinang-ayunan ng Estado na pagpatay at lansakang pagpatay?
Ang pamayanan ng mga Konserbatibong Judio sa Estados Unidos ay naglathala kamakailan ng isang “Pahayag ng mga Simulain ng Konserbatibong Judaismo,” kung saan sinabi nila: “Ang pag-iral ng masama sa tuwina’y nagbibigay ng pinakamaselan na hadlang sa pananampalataya. Palibhasa’y nalalaman ang napakalaking kakilabutan na kinakatawan ng Auschwitz at Hiroshima, ang problemang ito ay nagkaroon ng bago, nakatatakot na katotohanan sa ating salinlahi. Ang tanong na kung bakit pinayagan ng isang makatarungan at makapangyarihang Diyos ang pagkalipol ng napakaraming walang-malay na mga buhay ay sumasaging lagi sa alaala ng relihiyosong budhi at nakalilito sa isipan.”
Ang mga Saksi ni Jehova, pati na ang angaw-angaw pang iba, ay interesado sa tanong na iyon, at mauunawaan naman, sapagkat ang marami sa kanilang mga kapuwa kapananampalataya ay namatay sa mga concentration camp ng Nazi. Kung gayon, bakit nga pinapayagan ng Diyos ang masama?
Kalayaang Pumili at ang Isyu
Ang nabanggit na publikasyong Judio ay nagbibigay ng bahaging kasagutan sa tanong, na ang sabi: “Sa paglikha sa mga tao na may kalayaang pumili, ang Diyos, sapagkat kinakailangan, ay tinakdaan ang Kaniyang sariling lawak ng pagkilos sa hinaharap. Walang tunay na posibilidad na ang mga tao ay gagawa ng maling pagpili kapag napaharap sa mabuti at masama, ang buong ideya ng pagpili ay walang saysay. Ang pagkakaloob sa tao ng kalayaang pumili ay maaaring tanawin na isang pagkilos ng pag-ibig ng Diyos na nagpapahintulot sa atin mismong integridad at paglaki, kahit na kung ang ating mga pasiya ay maaari ring magdala ng matinding kalungkutan.”
Ang opinyong ito ay kasuwato ng ulat ng Hebreong Kasulatan. Mula sa pasimula, ang tao ay nagkaroon ng kalayaang pumili—ito man ay ang pagpili nina Adan at Eva na sumuway sa Diyos (Genesis 3:1-7) o ang pagpili ni Cain na patayin ang kaniyang kapatid na si Abel. (Genesis 4:2-10) Ang mga Isrealita noong una ay nagkaroon din ng pagpili na iniharap sa kanila ni Jehova: “Tingnan mo, na inilagay ko sa harap mo sa araw na ito ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan. . . . Kaya’t piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi.”—Deuteronomio 30:15, 19.
Subalit may isang mahalagang salik na winawalang-bahala ng Judiong pangungusap. Ang isa mismo na naghimagsik laban sa Diyos at nang dakong huli ay nagpangyari ng mga paghihirap sa tapat na si Job ay aktibo pa rin, pinipilipit ang pag-iisip ng mga tao sa makadiyablong mga pagpili na umakay sa ilang kaso sa mga concentration camp, pagpapahirap, at lansakang pagpatay. Ang isang iyon ay maliwanag na ipinakikila sa aklat ng Job bilang isang mapaghimagsik na anghel na anak ng Diyos, si Satanas, ang Kaaway.—Job 1:6; 2:1, 2.
Ang impluwensiya ni Satanas at ang mga pagpili na iniaalok niya ay lumalaganap sa daigdig ngayon, na humahantong sa karahasan at pagwawalang-halaga sa buhay at sa mga pamantayang moral. Anumang bagay na maglilihis sa pansin ng tao mula sa pag-asa ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ito man ay pulitikal na mga pilosopya, mga pagkakabaha-bahagi dahil sa lahi at relihiyon, pag-abuso sa droga, labis-labis na kalayawan, mga idolong tao—lahat ng ito ay nagsisilbi sa layunin ni Satanas. Hindi kataka-taka na inihula ng Bibliya na kapag ang balakyot na ito ay ihahagis sa kapaligiran ng lupa, ito ay mangangahulugan ng “kaabahan sa lupa at sa dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya”! Mula noong 1914 tayo ay nabubuhay na sa panahong iyon ng marahas na galit.—Apocalipsis 12:12.
Ang sangkatauhan ay nagkaroon, at mayroon pa rin, karapatang pumiling pasakop sa pamamahala ng Diyos o ng kaniyang Kaaway, si Satanas. Ang pagpiling ito mismo ay nagpapahiwatig ng malaon nang isyu sa pagitan ng Diyos at ni Satanas mga 6,000 taon pabalik. Subalit ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay nagtakda na ng panahon upang lutasin ang isyung ito—at sapol noong 1914 ang sangkatauhan ay nabubuhay sa panahon ng kawakasan para sa sistemang ito na dominado-ni-Satanas.—2 Timoteo 3:1-5, 13.
Malapit nang puksain ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng masama at yaong pumipili nito. Yaong pumipiling gawin ang mabuti ay pagkakalooban ng walang-hanggang buhay bilang pagpapasakop sa Diyos sa isang sakdal, walang polusyong lupa.—Apocalipsis 11:18; 21:3, 4.
“Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay”
Ang hinaharap na nilalayon Diyos para sa lupang ito at sa masunuring mga maninirahan nito ang aalis sa nakalipas na masasamang karanasan sa ating alaala: “Ang dating bagay ay hindi na maaalaala, ang mga ito ay hindi na mapapasa-isip pa.”—Isaias 65:17, Tanakh, A New Translation of the Holy Scriptures to the Traditional Hebrew Text.
Kaya, kapag ang pamamahala ng Diyos ay naganap na sa buong lupa, anumang paghihirap na dinanas ng tao ay maglalaho sa wakas sa kanilang isipan. Sa panahong iyon ang mga kagalakan ang mag-aalis sa lahat ng dating masasamang alaala, sapagkat ang Bibliya ay nangangako, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:4, 5.
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang panahon ay malapit na kung kailan gagamitin ng Diyos ang kaniyang makapangyarihan-sa-lahat na lakas upang alisin yaong nagpapangyari ng paghihirap, ito man ay mga tao o mga demonyo. Ang Kawikaan 2:21, 22 ay nagsasabi: “Ang matuwid ay tatahan sa lupa, at ang walang-sala at mamalagi roon. Ngunit ang masama ay maglalaho sa lupain.” (Tanakh) Oo, “ipapahamak [ng Diyos] ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Kasali rin diyan, sa wakas, si Satanas na Diyablo.
Hindi na papayagan ng Diyos na sirain pa ng mga balakyot ang lupa; ni papayagan man niya ang balakyot na mga tao na parusahang mabuti, pahirapan, at ikulong ang kanilang kapuwa. Ang sinumang hindi susunod sa Kaniyang makatarungang mga batas ay hindi papayagan. Yaon lamang gumagalang sa kalooban at batas ng Diyos ang patuloy na mabubuhay.
Mahigit na 4,000 taon na ang nakalipas, “nakita [ng Diyos] kung gaano kabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at kung paanong ang bawat haka ng kaniyang pag-iisip ay pawang masama na lamang sa lahat ng panahon.” Kumilos siya sa pagpapadala ng malaking Delubyo. (Genesis 6:5, Tanakh) Minsan pa ang Diyos ay may higit na dahilan upang kumilos. Subalit kung ibibigay natin sa Diyos ang papuri na nararapat sa kaniya ngayon, buhay na walang-hanggang ang tatamasahin natin sa malapit na hinaharap.—Isaias 65:17-25; Juan 17:3; 1 Timoteo 6:19.
Gayunman, kumusta naman ang angaw-angaw na mga patay na nasa mga libingan, pati na mga biktima ng Holocaust? Anong pag-asa mayroon sila? Sila ba’y nakalimutan na?