MALAAPOY NA AHAS
Ang pangngalang Hebreo na sa·raphʹ, sa anyong pangmaramihan nito, ay isinalin bilang “mga serapin” sa Isaias 6:2, 6 at literal na nangangahulugang “isa na malaapoy,” o “isa na nagliliyab.” Ginamit din ito kaugnay ng panlahatang terminong Hebreo para sa serpiyente (na·chashʹ) at isinalin bilang “makamandag.” Marahil ay tumutukoy ito sa hapdi at pamamaga na dulot ng kamandag ng serpiyente. (Deu 8:15) Una itong binanggit noong parusahan ng Diyos ang mapaghimagsik na mga Israelita sa pamamagitan ng pagsusugo ng “makamandag na mga serpiyente [han·necha·shimʹ has·sera·phimʹ]” sa gitna nila. Pagkatapos mamagitan si Moises, tinagubilinan siya ni Jehova na gumawa ng “isang malaapoy na ahas” at ilagay iyon sa isang posteng pananda. Kapag yaong mga kinagat ay tumingin doon, sila’y mapagagaling at mabubuhay. Inanyuan ni Moises ang ahas na yari sa tanso. (Bil 21:6-9; 1Co 10:9) Binigyan ito ni Jesus ng makahulang kahulugan sa pagsasabing: “Kung paanong itinaas ni Moises ang serpiyente sa ilang, gayundin kinakailangang itaas ang Anak ng tao, upang ang bawat isa na naniniwala sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Ju 3:14, 15.
Sa hatol ng Diyos laban sa Filistia at sa deskripsiyon ng ilang na lugar na nasa T ng Juda, binanggit sa Isaias 14:29 at 30:6 ang isang “malaapoy na ahas na lumilipad.” Ipinapalagay ng ilan na ang pananalitang “lumilipad” ay tumutukoy sa mabilis na pagsugod o tulad-kidlat na pagdaluhong ng makamandag na mga ahas kapag sila’y umaatake.