Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 9/1 p. 26-27
  • Si Jehova’y Nagbibigay ng Pag-asa sa Gitna ng Kapanglawan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova’y Nagbibigay ng Pag-asa sa Gitna ng Kapanglawan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nangyari sa Jerusalem
  • “Ang Mabangis na Galit ni Jehova”
  • Mananatili ang Awa ni Jehova
  • “Panumbalikin Mo Kami”
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Panaghoy
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Aklat ng Bibliya Bilang 25—Mga Panaghoy
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Aklat ng Bibliya Bilang 24—Jeremias
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Si Jeremias—Di-popular na Propeta ng mga Kahatulan ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 9/1 p. 26-27

Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Mga Panaghoy 1:1–5:22

Si Jehova’y Nagbibigay ng Pag-asa sa Gitna ng Kapanglawan

SI Jehova “ang Diyos na nagbibigay ng pag-asa,” kahit na sa gitna ng kapanglawan. (Roma 15:13) Ito’y isang punto na nililinaw sa aklat ng Mga Panaghoy, na tinapos ng propeta at saksi ni Jehova na si Jeremias noong 607 B.C.E. Subalit ating itampok ang ilan sa mga aral na taglay nito.

Ang Nangyari sa Jerusalem

Walang kagalakang dulot ang kasalanan. Narito! Ang makasalanang Jerusalem, na dating namumutiktik sa dami ng tao na kabisera ng Juda, ay nasa pag-iisa. Ang Juda mismo ay mistulang isang nananangis, nabiyudang prinsesa dahilan sa siya’y nagiba. Ang kaniyang “mga mangingibig” na gaya ng Ehipto ay hindi nakapagligtas sa kaniya sa pananakop ng mga Babiloniko noong 607 B.C.E. Ang mga tao ay hindi na dumadagsa sa Sion para sa pagdiriwang ng mga kapistahan. Ang kaniyang mga anak ay mga bihag, at ang kaniyang pagbagsak ay pinagtatawanan ng mga kaaway niya. Karumal-dumal na mga banyaga ang lumapastangan sa templo, at ang mga mamahaling ari-arian ng kaniyang mga mamamayan ay ibinigay kapalit ng pagkain. Lahat na ito ay dahilan sa pagkakasala!​—1:1-11.

Matuwid si Jehova sa pagpaparusa sa mga manggagawa ng kasamaan. Ito’y inaamin ng Jerusalem mismo sa kaniyang pagsasalita. Kaniyang itinatanong kung mayroong anumang kapanglawan na gaya ng pinapangyari ng Diyos na maranasan niya. Ang Diyos ay nagpadala ng apoy na sumupok sa templo. Ang mga kasalanan ng lunsod ay naging mistulang pamatok, at ang dugo ay naging mistulang katas na umaagos samantalang niyuyurakan ng Diyos ang “pisaan ng ubas” ng lunsod. Inilaladlad ng Sion ang kaniyang mga kamay dahil sa pamimighati at pagmamakaawa ngunit hindi nakasumpong ng mang-aaliw, at si Jehova ay matuwid sa pagpaparusa sa mapaghimagsik na Jerusalem. Sana’y kaniyang pakitunguhan nang gayong kabagsik ang kaniyang nagkakatuwaang mga kaaway.​—1:12-22.

“Ang Mabangis na Galit ni Jehova”

Ang mga dapat managot ay nagkakasala kung hindi nila hinahatulan ang kasamaan ng kasalanan. Ang Jerusalem ay ibinulusok ng Diyos “mula sa langit hanggang sa lupa,” at pinayagan na siya’y mapuksa at pati ang kaniyang “tuntungan ng paa,” ang templo. (Awit 132:7) Sa ganoo’y kaniyang “ipinahamak ang kaharian” ng Juda. Tulad ng isang hamak na kubol, ang templo ay niwasak ng mga kaaway na ang mga sigaw ng tagumpay ay mistulang mga pagsasaya. Mga anak na mamamatay na lamang ang nagmakaawa na bigyan sila ng pagkain ng kanilang mga ina. Subalit sino lalo na ang nagkasala? Mga bulaang propeta na nagsalita ng mga panlilinlang sa halip na hatulan ang pagkakasala ng Jerusalem. (Jeremias 14:13) Angkop naman ang manalangin, sapagkat napakarami ang nangamatay sa ‘araw ng mabangis na galit ni Jehova’ na ito’!​—2:1-22.

Mananatili ang Awa ni Jehova

Tayo’y dapat matiyagang maghintay kay Jehova. Ito ang puntong nililiwanag ni Jeremias samantalang siya’y nagsasalita bilang kumakatawan sa namimighating bayan. Pinagsarhan ng Diyos ang kaniyang pakinig sa panalangin ni Jeremias, at si Jeremias ang naging paksa ng tumutuyang awit ng kaniyang mga kaaway. Ang kaniyang pag-asa, o “paghihintay kay Jehova,” ay wari ngang pumanaw na. Subalit siya’y “maghihintay” sapagkat “mabuti si Jehova sa naghihintay sa kaniya.”​—3:1-27.

Sa tunay na pagsisisi iginagawad ang awa ni Jehova. Palibhasa’y kumbinsido rito, ganito ang payo ni Jeremias: “Tayo’y manumbalik kay Jehova.” Nakakahalintulad ng isang bunton ng ulap ng pagkagalit, dahilan sa kasalanan ng mga tao ay pinagsarhan ng Diyos ang kaniyang pakinig sa kanilang panalangin. Subalit si Jeremias ay nanalangin: “Ako’y tumawag sa iyong pangalan, Oh Jehova. . . .Huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking pagsusumamo.” Mangyari pa, ang mga kaaway na hindi nagsisisi ay lilipulin.​—3:28-66.

“Panumbalikin Mo Kami”

Pagkapuksa ang maidudulot natin sa ating sarili dahilan sa kusang pagkakasala. Dahilan sa kasalanan ng Juda, “ang mahalagang mga anak ng Sion” ay itinuring na walang halagang nagkabasag-basag na palayok. Sa naganap na pagkubkob, yaong mga pinatay ng tabak ay mas magaling kaysa mga iba na unti-unting namamatay dahilan sa gutom. Oo, tunay na “ang kaniyang mabangis na galit ay ibinuhos” ng Diyos. Ang karumal-dumal na mga propeta at mga saserdote ay parang mga bulag na pagala-gala, at si Haring Zedekias​—“ang pinahiran ni Jehova”​—ay nabihag na. Ngayon ay ibabaling naman ng Diyos ang kaniyang pansin sa makasalanang Edom.​—4:1-22.

Si Jehova lamang ang nagbibigay ng tunay na pag-asa sa gitna ng kapanglawan. Ito’y natanto ni Jeremias, sapagkat siya’y nagsumamo: “Alalahanin mo, Oh Jehova, ang nangyari sa amin.” ‘Mga banyaga ang gumagamit ng aming mga bahay. Aming pinagdurusahan ang kasalanan ng aming mga ninuno, at kahit mga bata lamang ay pumapasan ng mga kahoy na panggatong sa kanilang pagtatrabaho nang puwersadong trabaho.’ Gayunman, inaasahan ni Jeremias na siya’y kaaawaan, at ang dalangin niya: “Panumbalikin mo kami sa iyo, Oh Jehova, at kami’y agad manunumbalik sa iyo.”​—5:1-22.

Kung gayon, pag-isipan ninyo ang mga aral na ito na itinuturo ng Mga Panaghoy: Ang kasalanan ay hindi nagdadala ng kagalakan, ang Diyos ay matuwid sa pagpaparusa sa mga makasalanan, at ang may mga pananagutan ay nagkakasala kung hindi nila hahatulan ang gawang masama. Tayo’y dapat matiyagang maghintay kay Jehova, nagtitiwala na ang awa ng Diyos ay nakakamtan dahilan sa tunay na pagsisisi, samantalang tayo ay nakapagdudulot ng pagkapuksa sa ating sariling dahilan sa kusang pagkakasala. Ang kinasihang aklat na ito ay kumukumbinsi rin sa atin na si Jehova lamang ang nagbibigay ng tunay na pag-asa sa gitna ng kapanglawan.

[Kahon sa pahina 27]

SINURING MGA TEKSTO SA BIBLIYA

◻ 1:15​—‘Niyapakan ni Jehova ang mismong pisaan ng ubas ng anak na dalaga ng Juda’ sapagkat kaniyang ipinag-utos at ipinahintulot ang nangyari. “Ang anak na dalaga ng Juda” ay ang Jerusalem, ipinalalagay na gaya ng isang malinis na babae. Nang wasakin ng mga Babiloniko ang kabiserang lunsod na iyon ng Juda noong 607 B.C.E. napakaraming nabubong dugo, katulad ng pagpiga ng katas mula sa ubas sa isang pisaan ng ubas. Titiyakin ni Jehova na ang Sangkakristiyanuhan, ang antitipikong Jerusalem, ay pipisain din na tulad noon.

◻ 2:6​—Ang “kubol” ng Diyos ay ang templo sa Jerusalem. Nang ang santuwaryong iyon ay wasakin ng mga Babiloniko, ipinahintulot niya na ito ay ‘tratuhin nang may karahasan,’ gaya ng isang kubo lamang sa isang halamanan. Ang gayong panandaliang lilim buhat sa mainit na araw ay ibinagsak.

◻ 3:16​—Isang malaking sakuna na ipinahintulot ni Jehova na danasin ng di-tapat na Jerusalem bilang resulta ng pagbagsak ng lunsod sa mga taga-Babilonya ay inilalarawan sa mga salitang, “Kaniya namang binungi ang aking mga ngipin ng mga maliliit na graba.” Maliwanag, nang ang mga Israelita ay patungo sa kanilang pagkabihag, kanilang iniluluto ang tinapay sa mga hukay sa lupa. Kaya, ang mga tinapay ay nagkaroon ng maliliit na graba, at ang isang taong kumakain ng gayong tinapay ay maaaring mabungi ang kaniyang ngipin.

◻ 4:3​—Ang kalupitan ng mga ina sa kanilang mga anak ay kabaligtaran ng pangangalaga ng mga chakal sa kaniyang mga anak. Bagaman ang mga chakal ay maituturing na mabangis na hayop, kanila pa ngang ‘inilalabas ang suso at pinasususo ang kanilang mga anak.’ Dahil sa matinding kakapusan ng pagkain sa nakubkob na Jerusalem, ang gutóm na mga babae ay naging malupit sa paraan na wala silang gatas na maibigay sa kanilang mga anak at aktuwal na kinain nila ang kanila mismong mga anak upang manatiling buháy. (Panaghoy 2:20) Kaya, ang mga babae ay naging tulad ng mga avestruz na nangingitlog at iniiwan ang mga ito.

◻ 5:7​—Kailangang pasanin ng mga Judio noong kaarawan ni Jeremias ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno subalit hindi ito nangangahulugan na tuwirang pinarurusahan ni Jehova ang mga anak dahil sa mga kasalanan ng kanilang mga magulang. Sa katunayan, ang masamang mga resulta ng kasamaan ay nadaranasan ng mga darating na salinlahi. (Jeremias 31:29, 30) Makabubuting tandaan natin na tayo’y personal na magsusulit sa Diyos.​—Roma 14:12.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share