Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 1/1 p. 25-29
  • Patuloy na Ipangaral ang Kaharian

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy na Ipangaral ang Kaharian
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Magpupumilit na Magpatuloy?
  • ‘Paano Sila Makakarinig?’
  • Pag-iwas sa Pagkakasala Laban sa Dugo
  • Patuloy na Mangaral!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
  • “Kailangan Munang Maipangaral ang Mabuting Balita”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Ministeryo sa Bahay-bahay—Bakit Mahalaga sa Ngayon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • “Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad sa mga Tao ng Lahat ng mga Bansa”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 1/1 p. 25-29

Patuloy na Ipangaral ang Kaharian

“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—MATEO 24:14.

1, 2. (a) Ano ang pinakamahalagang gawain sa siglong ito, at gaano na ang lawak nito ngayon? (b) Ano ang patotoo na may pagpapala ni Jehova ang gawaing ito?

ANG pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang pinakamahalagang gawain sa siglong ito. Ito ang ibig ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na gawin ngayon, at ito ay isinasagawa bilang katuparan ng kaniyang makahulang Salita. Ang iyong pagtugon dito ay maaaring makaapekto sa iyong walang-hanggang kahihinatnan.​—1 Corinto 9:16, 23.

2 Totoong nakagagalak na makita na ang bilang na may bahagi sa pangangaral na ito ay patuloy na dumarami, at ngayon ay mahigit nang tatlong milyon ang nakikibahagi. Parami nang parami higit kailanman ang pumapasok sa buong-panahong ministeryo. At marami pa na mga taong interesado ang tumatanggap ng pag-aaral sa Bibliya at nagsisikap na matutuhan na gawin ang kalooban ng Diyos.

3. Ano ang baka sabihin ng iba tungkol sa pangangailangan na magpatuloy sa pangangaral ng mabuting balita?

3 Subalit, kung minsan, ang iba ay maaaring ‘nagsasawa sa paggawa ng mabuti’ at ‘nanghihimagod’ sa gawaing pangangaral. (Galacia 6:9; Hebreo 12:3) Baka sabihin nila na ang mabuting balita ay naipangaral na nang malawakan sa kanilang teritoryo at na nakapanindigan na ang mga tao at sila ngayon ay nayayamot pagka ating dinalaw sila sa kanilang mga tahanan. Yaong mga nangangaral doon ay nagkakamit ng kakaunting resulta o wala pa nga. Kaya naman, inaakala nila, na marahil ang gawain sa kalakhang bahagi ay nagawa na, at hindi na kailangang magpatuloy pa. Ano ba ang mali sa ganitong paraan ng pag-iisip?

Bakit Magpupumilit na Magpatuloy?

4. Ano ang dapat na maging motibo natin sa pagpapatuloy ng pangangaral maging sa teritoryo na kung saan hindi mabuti ang pagtugon?

4 Una, ang ating pagtitiis nang may katapatan sa pangangaral ay hindi dapat na maging depende sa kung ang mga tao’y nakikinig sa atin o hindi. Si Jeremias ay nangaral ng 40 taon sa Jerusalem bagama’t iilan-ilan lamang ang nakinig at marami ang marahas na sumalansang sa kaniya. Bakit siya nagpumilit na magpatuloy? Sapagkat siya’y gumagawa ng isang gawain na ipinag-utos ni Jehova at dahilan sa kaniyang kaalaman sa hula ng mangyayari sa Jerusalem siya’y pilit na nagpatuloy ng pagsasalita. (Jeremias 1:17-19) Sinabi niya: “Sa aking puso ay naging parang nag-aalab na apoy iyon na nakukulong sa aking mga buto; at ako’y napagod nang kapipigil at hindi ko na mapigil.” (Jeremias 20:7-10) Ang ating kalagayan ay katulad niyan. Si Jehova, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang nag-utos na ang “mabuting balita” ay dapat ipangaral sa buong tinatahanang lupa. (Mateo 24:14) Pagka tumanggi na makinig ang mga tao, ito’y nagbibigay sa atin ng pagkakataon na ipakita ang lalim ng ating pag-ibig at debosyon kay Jehova sa pamamagitan ng pagpupumilit na gawin yaong matuwid. (1 Juan 5:3) Isa pa, pagka ating binubulaybulay ang taglay para sa sangkatauhan ng malapit na hinaharap, paano nga natin mapipigil ang ating sarili sa pagsisikap na mabigyan-babala ang ating mga kapuwa-tao?​—2 Timoteo 4:2.

5. (a) Sa ano pang dahilan dapat tayong magtiis sa gawaing pangangaral? (b) Paanong ang pangangaral ay isang saligan sa paghatol?

5 Gayundin, ang pangangaral ni Jeremias ay tunay nga na isang gawaing paghatol. Noong 607 B.C.E., wala sa mga taong nangamatay o naging mga alipin nang bumagsak ang Jerusalem ang makapagsasabi na hindi nila alam kung bakit ito’y nangyayari noon sa kanila. Sa loob ng may 40 taon bago pa noon, si Jeremias ay nagbibigay-babala na sa kanila tungkol sa gayong kahihinatnan kung sila’y patuloy na maghihimagsik laban kay Jehova. (Ihambing ang Ezekiel 2:5.) Katulad din naman sa ngayon, ang pangangaral ng mabuting balita bilang “patotoo sa lahat ng bansa” ay isang saligan sa paghatol. Ito’y nililiwanag ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin na si Kristo Jesus ay maghihiganti sa “mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:8, 9) Ang mga tao ay hahatulan batay sa kanilang pagtugon sa mabuting balita. Kung gayon, ang pangangaral ay kailangang magpatuloy nang puspusan hanggang sa wakas. (Apocalipsis 14:6, 7) Walang anuman na dapat humadlang sa mahalagang mensaheng ito upang madala sa mga tao nang pinakamadalas hangga’t maaari. Ito’y nag-aatang ng malaking pananagutan sa lahat ng nag-alay na mga lingkod ni Jehova.

6. Bagaman ang ating mensahe ay marahil balitang-balita na, bakit kailangan pang tayo’y patuloy na mangaral?

6 Totoo, baka tayo ay nakapangaral na ng mabuting balita nang malawakan sa ating lugar. Subalit napakaraming mga bagay ang nangyayari sa daigdig na anupa’t kahit na maraming mga tao ang nakarinig ng ating mensahe, ito’y madali nilang makakalimutan kung tayo’y hihinto ng pangangaral. Isip-isipin ang mga rebolusyon, terorismo, mga welga, iskandalo, at iba pang mga pangyayari na inilalathala nang malawakan. At nariyan pa ang maraming mga anyo ng popular na libangan at iba pang mga bagay na pang-abala. Tayo’y kailangang magpatuloy ng pangangaral upang ang ating mensahe ay patuloy na maitawag-pansin natin sa mga tao sa kabila ng lahat ng mga iba pang bagay na ito na pinag-uukulan nila ng kanilang pansin.

7. Paanong ang pagtugon ng marami sa ngayon ay katulad ng pagtugon ng mga Israelita sa panghuhula ni Isaias, subalit bakit ito hindi dapat na magpahinto sa atin sa pangangaral?

7 Pagka marami ang ayaw magbigay-pansin sa atin, alalahanin natin ang uri ng mga tao na nakaharap ni propeta Isaias sa kaniyang pangangaral. Sinabi sa kaniya ni Jehova: “Sapagkat ito’y mapaghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi nakikinig sa kautusan ni Jehova; na nagsabi sa mga tagakita, ‘Huwag kayong kumita,’ at sa mga may mga pangitain, ‘Huwag kayong manghuhula sa amin ng mga bagay na matuwid. Magsalita kayo sa amin ng mga bagay na malubay; manghula kayo ng magdarayang mga bagay. Humiwalay kayo sa daan; lumihis kayo sa landas. Papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel dahil sa amin.’” Gayunman, may katapatang sinabi ni Isaias sa bayan: “Si Jehova ay Diyos ng kahatulan. Maligaya ang lahat na patuloy na naghihintay sa kaniya.” (Isaias 30:9-11, 18) Ganiyan din ang dapat nating gawin. Habang tayo’y nagpupumilit, ang ating ipinangangaral na mensahe ay tatagos din sa paano man. Ang ilan ay makikinig at ang iba naman ay hindi. Subalit lahat ay magkakaroon ng pagkakataon na makapakinig.

‘Paano Sila Makakarinig?’

8. Bagaman ang mga tao’y waring may paninindigan laban sa katotohanan, anong mga salik ang maaaring bumago ng kanilang pag-iisip?

8 Marahil inaakala natin na ang mga tao sa isang teritoryo ay nakagawa na ng isang tiyakang paninindigan at sila’y disidido na tanggihan ang ating mensahe o dili kaya’y salansangin ito. Subalit tandaan, ang situwasyon sa buhay ng mga tao ay patuluyang nagbabago. Baka sila’y mapaharap sa mga bagong problema o mga situwasyon bukas-makalawa, sa susunod na linggo, o sa susunod na buwan na anupa’t sila’y makikinig na sa katotohanan. Baka makabalita sila ng mga nakababahalang mga pangyayari sa daigdig o marahil sila’y dumaranas ng paghihirap ng kabuhayan, ng sakit, o dili kaya’y namatayan sa kanilang pamilya. Ang ganiyang mga bagay ay maaaring maging dahilan upang sila’y magising at magustuhan nila na alamin ang sanhi ng kanilang kahirapan. Kung tayo’y patuloy na mangangaral, malalaman nila kung saan sila babaling.

9. Paanong ang ating pangangaral ay maihahambing sa gawain ng mga tagasagip na gumagawa sa isang lugar ng sakuna?

9 Ang ating kalagayan ay maihahambing sa mga tagasagip na gumagawa sa isang lugar ng sakuna, gaya baga pagkatapos ng isang lindol. Ang ilan ay baka gumagawa sa isang lugar na kung saan mas kakaunti ang nasumpungang nakaligtas, subalit hindi sila uurong at hihinto dahil lamang sa ang kanilang mga kamanggagawa ay nakakatagpo ng higit pang mga nakaligtas sa ibang lugar. Bagkus, lahat ng mga tagasagip na iyon ay walang sawang nagtitiyaga kahit na inaakala nila na baka wala nang nakaligtas sa lugar na iniatas sa kanila na gawin. At, kung magkagayon, kung minsan sila’y nakakatagpo pa ng isang nakaligtas. Ang paghahanap na iyon ay ipinahihinto lamang pagka ang panahon na lumipas ay nagsisiwalat na wala na ngang pag-asa. Bueno, ang ating paghahanap ay hindi pa naman ipinahihinto, at tayo ay nakakatagpo pa rin ng libu-libong mga taong may ibig na sila’y masagip buhat sa matandang sanlibutang ito at makaligtas sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14) Kahit na sa mga lugar na lubusan nang nagawa at kung saan hindi tumutugon ang karamihan ng tao, mayroon pa ring mga ilang resulta. At mayroong karagdagang mga dahilan upang tayo’y magpatuloy na mangaral.

10. Sa paano lamang malalaman ng mga tao kung saan sila babaling kung ibig nilang hanapin ang katotohanan, ayon sa Roma 10:13, 14?

10 Ang mga tao ay kailangang patuloy na paalalahanan na “lahat ng magsisitawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Gayunman, gaya ng sinabi pa ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, “paano sila magsisitawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na tungkol sa kaniya ay hindi nila napakinggan? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila?” (Roma 10:13, 14) Sa bawat isa sa atin ay dapat itimo ng mga salitang ito ang pangangailangan na magpumilit ng pagpapatuloy ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

11. Ano ang ating pananagutan sa mga kabataan na lumalaki tungo sa pagkamaygulang?

11 Yamang nagpapatuloy ang panahon ng kawakasan, may mga batang isinilang at nagsilalaki tungo sa pagkamaygulang o sa edad ng pananagutan. Kalimitan ang mga kabataang ito ay hindi nagbigay ng anumang pansin sa katotohanan. Baka ang kanilang mga magulang ay tumanggi sa mensahe at nagsalita pa nga laban dito. Subalit ngayon ang mga kabataang ito ay nasa hustong edad na upang masinsinang mag-isip para sa kanilang sarili tungkol sa mga kalagayan sa daigdig, tungkol sa hinaharap, at tungkol sa kanilang layunin sa buhay. Sila man ay kailangang tumawag sa pangalan ni Jehova kung ibig nilang maligtas. Subalit “paano sila . . . sasampalataya sa kaniya na tungkol sa kaniya ay hindi nila napakinggan?” (Roma 10:14) Malimit na ang mga tin-edyer na ito at mga kabataang adulto ay tumatanggap sa katotohanan kaya’t kailangang hanapin natin sila at mangaral tayo sa kanila.

12. Paanong ang ating pagpapatuloy sa pangangaral ay isang kapahayagan ng awa ni Jehova?

12 Ang bagay na bukás pa ang daan sa pangangaral ay isang kapahayagan ng awa ni Jehova. Si apostol Pedro ay sumulat: “Hindi mabagal si Jehova tungkol sa kaniyang pangako, gaya ng pagkamabagal na palagay ng iba, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak kundi ibig niya’y magsisi ang lahat. Isa pa, inyong ariin na ang pagtitiis ng ating Panginoon ay pagliligtas.” (2 Pedro 3:9, 15) Ibig ni Jehova na lahat ng uri ng tao ay maligtas at ito’y ipinahahayag hindi lamang sa pamamagitan ng kaniyang matiising pagpapahintulot na lumawig pa ang panahon bago niya isagawa ang parusa kundi rin naman sa pamamagitan ng kaniyang patuloy na pananawagan sa mga tao upang sila’y bumaling sa kaniya at maligtas. (1 Timoteo 2:4) Habang tayo’y nagpapatuloy na mangaral ng mabuting balita, ating itinatampok ang awa ng Diyos, at sa ganitong paraan ay pinupuri natin siya.

Pag-iwas sa Pagkakasala Laban sa Dugo

13, 14. (a) Paanong ang ating pangangaral ay maihahambing sa gawain ng isang bantay, gaya ng binabanggit sa hula ni Ezekiel? (b) Bakit masasabi ni Pablo na siya’y “malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao,” at sa paano lamang masasabi ito ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?

13 Ang pananagutan ng nag-alay na mga Saksi ni Jehova na babalaan ang tao ng napipintong paghuhukom ng Diyos ay maihahambing sa ginawa ni Ezekiel noong kaniyang kapanahunan. Siya’y inatasan na maging isang bantay sa sambahayan ng Israel. Siya’y inatasan na babalaan ang mga Israelita na darating sa kanila ang pagpaparusa kung hindi sila hihiwalay sa kanilang masasamang lakad. Kung siya bilang isang bantay ay hindi magbibigay-babala, lilipulin din ang mga taong balakyot, subalit ang kanilang dugo ay sisingilin sa nagpabayang bantay. Dito ay ipinakikita ni Jehova ang kaniyang saloobin tungkol sa paghatol: “Wala akong kasayahan sa kamatayan ng balakyot, kundi na ang balakyot ay humiwalay sa kaniyang lakad at aktuwal na mabuhay nang patuloy. Manumbalik kayo, manumbalik kayo buhat sa inyong mga lakad, sapagkat bakit kayo mamamatay, Oh sambahayan ni Israel?”​—Ezekiel 33:1-11.

14 Kinilala ni apostol Pablo ang kaniyang pananagutan bilang isang bantay, at sinabi niya sa mga matatanda sa Efeso: “Kaya nga tinatawagan ko kayo na saksihan sa mismong araw na ito na ako’y malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao.” Bakit niya masasabi iyan? Siya’y nagpapatuloy pa: “Sapagkat hindi ko ikinait ang pagsasabi sa inyo ng lahat ng payo ng Diyos.” (Gawa 20:26, 27) Gayundin naman kung tungkol sa uring bantay sa ngayon, ang nalabi ng pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo. Lahat ng mga ito, kasama na ang mahigit na tatlong milyon ng kanilang mga kasamahan na may pag-asang makaligtas sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay at tumanggap ng buhay na walang-hanggan sa lupa, ang kailangang kailanma’y huwag uurong sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at sa pagbibigay-babala sa darating na paghuhukom niya. Sa ganitong paraan kanilang maiiwasan ang pagkakasala laban sa dugo.

15. Sang-ayon sa Ezekiel kabanata 9, sino ang nilagyan ng tanda, at sino ang naglagay nito?

15 Ang gawaing pangangaral sa ngayon ay inilalarawan sa hula sa Ezekiel kabanata 9. Dito, ipinasiya ni Jehova na parusahan ang lunsod ng Jerusalem. Bago gawin ang inihatol na parusang iyan, isang lalaking nakadamit ng lino at may tintero ng kalihim sa kaniyang balakang ang pinagsabihan na pumaroon sa lunsod at maglagay ng tanda sa noo ng lahat ng mga tao roon na nagbubuntong-hininga dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa roon. Pagka natapos na ang gawaing paglalagay na ito ng tanda, lahat ng mga nasa lunsod maliban sa mga may tanda para sa kaligtasan ay lilipulin. Sa matagumpay na pagtatapos ng kaniyang gawaing pagtatanda, ang lalaki ay nag-ulat: “Ginawa ko na gaya ng iniutos mo sa akin.” (Ezekiel 9:11) Buong katapatan na isinagawa niya iyon hanggang sa matapos ang gawain na iniatas sa kaniya.

16. (a) Sino ang inilalarawan sa ngayon ng lalaking nakadamit lino? (b) Paanong ang isyu ng pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova ay nagtutulak sa atin na patuloy na mangaral?

16 Ang lalaking nakadamit ng lino ay lumalarawan sa pinahirang nalabi ng mga tagasunod ni Kristo, at sa kanila’y may sumamang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa.” Ang malaking isyu sa ngayon, gaya rin noong panahon ni Ezekiel, ay ang pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova. Tungkol sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, sinasabi ni Jehova: “At kakailanganing makilala ng mga bansa na ako’y si Jehova.” (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16; Ezekiel 39:7) Upang makilala ito ng mga bansa, kailangan na ang mga lingkod ni Jehova sa lupa ay magpatuloy ng pangangaral ng kaniyang pangalan at layunin bilang pagpapatotoo sa lahat ng bansa.

17, 18. (a) Paanong ang ating pagpapatuloy ng pangangaral ay tutulong sa atin na manatiling nagbabantay? (b) Anong ulat ang ibig nating lahat na maibigay kay Jehova pagka kaniyang winakasan na ang gawaing pangangaral, at sa paano lamang natin magagawa ito?

17 Sa pamamagitan ng patuloy na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, napananatili nating nakabantay ang ating sarili. Tayo’y laging gising sa kahalagahan ng pangalan at layunin ni Jehova. Kung tayo’y uurong, ang ating pag-asa sa Kaharian ay manghihina at matatangay tayo ng “mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kalayawan ng buhay na ito . . . at tayo’y hindi magbubunga ng kasakdalan.” (Lucas 8:14) Sa pamamagitan ng masigasig na pagtitiyaga sa pangangaral ng “mabuting balita,” may katapatang sinusunod natin ang mga utos ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo: “Manatiling nakabantay, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang takdang panahon. Subalit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, patuloy na magbantay.”​—Marcos 13:10, 33, 37.

18 Kung gayon, hayaang lahat tayo ay magpumilit na patuloy na hanapin ‘yaong mga nagbubuntong-hininga’ habang ipinahihintulot ni Jehova ang panahon para rito. Harinawang lahat tayo, kabilang man tayo sa pinahirang nalabi o sa “mga ibang tupa,” ay maging tapat sa pagganap sa iniatas sa atin na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa. (Mateo 24:14) Pagka ang gawaing ito ay winakasan na mismo ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapasimula sa “malaking kapighatian,” harinawang bawat isa sa atin ay makapagsabi kay Jehova, ‘Ginawa namin ang gaya ng iyong iniutos.’

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ang ipinakikita ng mga resulta tungkol sa ating pangangaral?

◻ Ano ang iba pang mga dahilan kung bakit dapat tayong magpatuloy ng pangangaral?

◻ Paanong ang ating pangangaral ay isang kapahayagan ng awa ni Jehova?

◻ Paano tayo makapananatiling malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao?

◻ Paanong ang ating pangangaral ay tumutulong sa atin na manatiling nagbabantay?

[Chart sa pahina 28]

MGA RESULTA NG PANGANGARAL SA LOOB NG PITONG TAON

Bilang ng Dumalo sa Bilang ng Pag-aaral

Nabautismuhan Memoryal sa Bibliya

1981 119,836 5,987,893 1,475,177

1982 138,540 6,252,787 1,586,293

1983 161,896 6,767,707 1,797,112

1984 179,421 7,416,974 2,047,113

1985 189,800 7,792,109 2,379,146

1986 225,868 8,160,597 2,726,252

1987 230,843 8,965,221 3,005,048

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share