Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 10/1 p. 4-7
  • Daniel—Isang Mapaniniwalaang Aklat ng Hula

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Daniel—Isang Mapaniniwalaang Aklat ng Hula
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mapaniniwalaang Propeta
  • Ang Pagparito at ang Pagkamatay ng Mesiyas
  • Tulad-Hayop na mga Kapangyarihang Pandaigdig
  • Daniel—Isang Aklat na Nililitis
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • Ikaw at ang Aklat ng Daniel
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Daniel
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 10/1 p. 4-7

Daniel​—Isang Mapaniniwalaang Aklat ng Hula

ANG Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Nang unang taon ni Belsasar na hari ng Babilonya, si Daniel ay nagkaroon ng isang panaginip at mga pangitain ng kaniyang ulo sa kaniyang higaan. Nang magkagayo’y kaniyang isinulat ang panaginip. Kaniyang isinaysay ang kabuuan ng mga bagay.”​—Daniel 7:1.

Yao’y noong ikalawang kakalahatian ng ikaanim na siglo B.C.E. isinulat ito ni Daniel at ang iba pang mga panaginip at mga pangitain na may epekto sa atin ngayon. Taglay natin “ang kabuuan” ng gayong mga pangitain sa makahulang aklat ni Daniel.

Ang Mapaniniwalaang Propeta

Si Kristo mismo ang nagpatotoo na si Daniel ay isang propeta. Kapani-paniwala, ginawa iyon ni Jesus sa kaniyang sariling hula tungkol sa tanda ng kaniyang “pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sa gayo’y kaniyang inilagay ang buong katuparan ng hula ni Daniel hanggang sa ating kaarawan, na ngayo’y nasasaksihan natin ang sarisaring bahagi ng tanda, tulad baga ng pandaigdig na mga digmaan, kakapusan sa pagkain, mga lindol, at pambuong-daigdig na mga hapdi ng kahirapan.​—Mateo 24:3-8, 15.

Sinabi ni Jesus: “Maraming mga bulaang propeta ang babangon at magliligaw sa marami; . . . ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas. Kaya nga, pagkakita ninyo sa kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan, ayon sa sinalita sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa dakong banal, (unawain ng bumabasa,) kung magkagayo’y magsimula na ng pagtakas sa mga bundok ang mga nasa Judea. . . . Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”​—Mateo 24:11-34.

Ang bagay na si Jesus ay nagbabala na magkakaroon ng mga bulaang propeta bago niya binanggit sa kaniyang mga alagad si “Daniel na propeta” ay nagpapatunay na kaniyang itinuring si Daniel na isang tunay na propeta ng Diyos. Napansin natin sa naunang artikulo na ang ilan sa kinasihang mga hula ni Daniel, tulad baga ng hula tungkol sa pansamantalang pagkabaliw ni Nabukodonosor at ng pagbagsak ng Babilonya, ay natupad sa panahon na nabubuhay pa si Daniel. Subalit si Daniel ay humula rin tungkol sa mga mangyayari makalipas ang daan-daang taon. Ano ba ang ilan sa pangmatagalang mga hula na isinulat sa aklat ni Daniel?

Ang Pagparito at ang Pagkamatay ng Mesiyas

Ang isang hula na tiyakang nagpapakitang isang mapaniniwalaang propeta si Daniel ay yaong tinatawag na 70 makahulang mga sanlinggo. Ganito ang isang bahagi niyaon: “Pitumpung sanlinggo ang ipinasiya sa iyong mga tao at sa iyong banal na lunsod, upang tapusin ang pagsalansang, at upang wakasan ang pagkakasala, at upang linisin ang kasamaan . . . At iyong talastasin at unawain na mula sa paglabas ng utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magiging pitong sanlinggo, at animnapu’t-dalawang sanlinggo [69 lahat-lahat]. . . . At pagkatapos ng animnapu’t-dalawang sanlinggo [alalaong baga, 7 + 62, o pagkatapos ng ika-69 sanlinggo] ang Mesiyas ay mahihiwalay . . . At kaniyang paiiralin ang tipan para sa marami sa loob ng isang linggo [ang ika-70]; at sa kalahati ng sanlinggo ay kaniyang ipatitigil ang hain at ang handog.”​—Daniel 9:24-27.

Maraming mga iskolar ng Bibliya na Judio, Katoliko, at Protestante ang nagkakaisa na ang mga “sanlinggo” ng hulang ito ay mga sanlinggong taon. Ganito ang mababasa sa Revised Standard Version, Edisyong Ecumenikal: “Pitumpung sanlinggong mga taon ang itinakda tungkol sa iyong bayan.” Ang 490 mga taon na iyon ay nagsimula noong 455 B.C.E. nang si Jeremias ay bigyang-karapatan ng hari ng Persia na si Artaxerxes na “isauli at muling itayo ang Jerusalem.” (Nehemias 2:1-8) Makalipas ang animnapu’t-siyam na sanlinggong mga taon, samakatuwid nga, noong 29 C.E., si Jesus ay binautismuhan at pinahiran, at naging ang Kristo, o ang Pinahiran, ang Mesiyas. “Sa kakalahatian ng [ika-70] sanlinggo,” noong 33 C.E., siya’y ‘inihiwalay.’ Ang kaniyang sakripisyong kamatayan ay nagsilbing panlinis sa mga kasalanan ng sangkatauhan, kaya ang mga haing hayop sa ilalim ng Kautusan ni Moises ay ‘tumigil’ na.a

Dahilan sa mapanghahawakang hulang ito, ang mga Judio noong unang siglo ay “nakababatid na ang pitumpung sanlinggong mga taon na inihula ni Daniel ay malapit nang matapos; walang sinumang nagtaka nang marinig si Juan Bautista sa pagbabalita na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”​—Manuel Biblique, ni Bacuez at Vigouroux.

Tulad-Hayop na mga Kapangyarihang Pandaigdig

Isa pang pangmatagalang hula, na napakahalaga sa mga taong nabubuhay ngayon, ay tungkol sa pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig, na isinagisag ng apat na kakila-kilabot na hayop, na kailangang magbigay-daan sa Kaharian ng Diyos.

Inilahad ni Daniel: “May nakita ako sa aking pangitain sa kinagabihan . . . At apat na malalaking hayop ang nagsiahon mula sa dagat, pawang nagkakaiba-iba. Ang una’y gaya ng leon . . . At, narito! isa pang hayop, ang ikalawa, na gaya ng isang oso. . . . At, narito! isa pang hayop, na gaya ng leopardo . . . Pagkatapos nito’y tumingin ako sa mga pangitain sa kinagabihan, at, narito! ang ikaapat na hayop, kakila-kilabot at makapangyarihan at pambihira ang lakas. . . . Ang mga dakilang hayop na ito na apat, ay apat na hari na magbabangon sa lupa. Ngunit ang mga banal ng Kataas-taasan ay magsisitanggap ng kaharian, at kanilang aariin ang kaharian hanggang sa panahong walang takda.”​—Daniel 7:2-18.

Ang mga hayop na ito ay kumakatawan sa mga kapangyarihang pandaigdig, gaya ng pinatutunayan ng isa pang pangitain ni Daniel. Sa pagpapaliwanag ng pangitaing ito, siya’y sumulat: “Ang tupang lalaki na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia. At ang mabalahibong lalaking-kambing ay kumakatawan sa hari ng Gresya.”​—Daniel 8:20, 21.

Gayundin naman, ang apat na hayop ng Daniel kabanatang 7 ay sumasagisag sa apat na mga kapangyarihang pandaigdig mula noong kaarawan ni Daniel pasulong, hanggang sa panahon ng pagtatatag ng Kaharian ng Diyos. Si Daniel ay nabuhay hanggang sa pagkatapos pang bumagsak ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya, (ang leon) at buhay pa rin siya hanggang sa pagsisimula ng humalili rito, ang Medo-Persia (ang oso). Ang pangmatagalang hula ni Daniel ay tungkol sa pagbagsak ng Medo-Persia bago humalili ang Gresya (ang leopardo), na ito nama’y hahalinhan ng “ikaapat na hayop,” ang Imperyo Romano at ang supling nito, ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig.b

Wastong inihula ni Daniel ang pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig, na pawang nagbubo ng dugo tulad ng mga mababangis na hayop sa kanilang pagkagahaman sa pananakop sa daigdig. Gayundin, ang matuwid na Kaharian na kaniyang inihula ay kaylapit-lapit nang humalili sa kasalukuyang mga kapangyarihang pulitikal. Sa isang pangitain ay nakita ni Daniel “ang Matanda sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova, na nagbibigay sa “anak ng tao,” si Jesus na Mesiyas, ng “kapangyarihan at kaluwalhatian at kaharian, upang lahat ng mga bayan, bansa at mga wika ay mangaglingkod sa kaniya.” Ito ba’y magiging isang walang hanggang solusyon sa mga problema ng sangkatauhan? Oo, sapagkat ang pamamahala rito ni Jesus ay tinutukoy na isang “walang hanggang kapangyarihan na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.”​—Daniel 7:13, 14; ihambing ang Mateo 16:27, 28; 25:31.

Ang pangmadalian at pangmatagalang mga hula na maikliang tinalakay sa dalawang artikulong ito ay isang sampol lamang ng mga panaginip, mga pangitain, at mga hula na nasa Daniel. Ang mga halimbawang ito ay patotoo na ang Daniel ay isang mapaniniwalaang aklat ng hula​—kasaysayan na isinulat nang patiuna. Ang katuparan ng mga hulang ito ay nagpapatuloy hanggang sa ika-20 siglo at nagbibigay ang mga ito ng isang kahanga-hangang pag-asa, gaya ng tatalakayin ng sumusunod na mga labas ng magasing ito.

[Mga talababa]

a Para sa iba pang detalye ng hulang ito, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na “Let Your Kingdom Come,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Para sa detalyadong paliwanag ng hulang ito, tingnan ang kabanata 6 at 7 ng aklat na Our Incoming World Government​—God’s Kingdom, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 6]

ANG BUNGANG-ISIP NA “ATRASADONG-PETSA”

SANG-AYON sa Bibliya ang aklat ng Daniel ay isinulat ng propeta na may ganiyang pangalan, samakatuwid nga’y isinulat ito kung gayon noong ikaanim na siglo B.C.E. (Daniel 7:1) Subalit ang mga hula na taglay nito ay totoong nakapanggigilalas kung kaya’t marami ang nag-aalinlangan kung ang mga ito nga’y isinulat bago nangyari ang mga pangyayaring inihula. May mga di-Kristiyano, at marami ring mga komentarista ng Bibliya na Kristiyano ang tawag sa kanilang sarili, ang may alinlangan sa pagiging tunay ng aklat ng Daniel. Mas gusto nila ang umano’y teoriya ng atrasadong-petsa, o Macabeong-petsa, na unang-unang iniharap noong ikatlong siglo C.E. ng isang anti-Kristiyanong pilosopong nagngangalang Porphyry. Ano ba ang mga argumento na sumusuporta sa teoriyang ito, at ano ang maihahalaga sa mga ito?

Sa panghihinuha na lahat ng hula ay imposible, sinabi ni Porphyry na ang aklat na may pangalan ni Daniel ay aktuwal na isinulat ng isang di-kilalang Judio noong panahong Macabeo, nang ikalawang siglo B.C.E., samakatuwid nga, pagkatapos na marami sa mga pangyayaring inihula sa Daniel ay maganap na. Ayon sa kaniyang haka-haka ang manghuhuwad na sumulat sa pangalan ni Daniel ay ginawa iyon upang palakasin ang moral ng mga Judio noong panahon ng paghihimagsik ng mga Macabeo laban sa mga Seleucido noong ikalawang siglo B.C.E. Subalit ang kagalang-galang at mahinahong ikinilos ba ni Daniel at ng kaniyang tatlong mga kasamahang Hebreo sa Babilonya ay maituturing sa anumang paraan na isang pagpukaw ng paghihimagsik? Tunay na hindi. (Daniel 1:8; 2:49; 3:16-18, 30) Ang pagdating ng “Mesiyas na Lider” sa eksaktong panahon noong 29 C.E., nang matapos ang 69 “sanlinggong” mga taon ng Daniel 9:25, ay nagpapabulaan sa pag-aangkin ni Porphyry noong ikalawang siglo B.C.E. at nagtitingin iyon na isang kamangmangan.

Sang-ayon sa historyador Judiong si Josephus, ang canon ng Kasulatang Hebreo, kasali na rito ang Daniel, ay natapos noong panahon ni Ezra, noong ikalimang siglo B.C.E. Kung gayon, paanong masasabi na ang Daniel ay hindi isinulat kundi noong “atrasadong petsa” ng ikalawang siglo B.C.E.? At, ipinakikita ng Dead Sea Scrolls na ang aklat ng Daniel ay malaganap na tinatanggap bilang bahagi ng Kasulatan sa lipunang Judio noong ikalawang siglo B.C.E. Ito kaya ay posibleng mangyari kung ang aklat na ito ay isinulat sa isang atrasadong petsa?

Ang isa pang argumento na ginamit ni Porphyry at ng marami pang mga matataas na kritiko ay na mayroon daw mga katiwaliang makasaysayan ang aklat ng Daniel. Ang kanilang teoriya ay na isinulat daw ang Daniel noong ikalawang siglo B.C.E. Subalit nang panahong iyan, ang umuunawang mga Judio ay tumatanggi na sa Unang Aklat ng Macabeo bilang di-dapat na isali sa canon ng Kasulatan, bagama’t kanilang itinuturing iyon noon na wasto ang taglay na kasaysayan. Ang edukadong mga Judio, na nakakabasa ng mga isinulat ng sekular na mga historyador na gaya ni Herodotus, ay tunay na tatanggi sa aklat ng Daniel kung ito’y mayroong mga kamalian ng kasaysayan. Isa pa, pinatunayan ng mga natuklasan ng mga arkeologo ang pag-iral ni Belsasar at ang iba pang mga detalye sa Daniel na pinabubulaanan ni Porphyry at ng maraming nakatataas na mga kritiko.

Tungkol sa paratang ni Porphyry na ang mga hula ng Daniel ay isinulat pagkatapos na maganap ang mga inihula nitong pangyayari, ganito ang isinulat ni Philip R. Davies, ng Department of Biblical Studies, University of Sheffield, Inglatera: “Ito’y isang nakalulungkot na paghatol sa aklat ng Daniel bilang isang kinusang panghuhuwad para papaniwalain ang (ipinagpapalagay) na mapaniwalaing mga mambabasa, wika nga, isang mapapakinabangang layunin sa pamamagitan ng mga paraang walang katotohanan . . . Para sa akin ay mahirap paniwalaan ang gayong pagkamapaniwalain ng mga unang mambabasa ng aklat. Kung mayroon mang pagkamapaniwalain tungkol dito, marahil ay sa bahagi ng mga kritikong may sariling pangangatuwiran.”​—Journal for the Study of the Old Testament, Isyu 17, 1980.

Hindi nga kataka-taka na ang isang neo-Platonikong pilosopo ay magtatatuwa na ang isang manunulat ng Bibliya ay kinasihan ng Diyos upang humula ng mangyayari sa hinaharap. Subalit nakalulungkot nga na ang mga komentarista ng Bibliya na nag-aangking mga Kristiyano ay magsisikap na sirain ang pagtitiwala ng mga tao sa isang mahalagang makahulang aklat ng Kasulatan. Ito’y nagtatambad lamang ng kakulangan ng pananampalataya sa isang nagsabi: “Sapol sa pasimula aking isiniwalat ang hinaharap, patiuna, ng mga bagay na hindi pa nangyayari.”​—Isaias 46:10, The New Jerusalem Bible.

[Dayagram sa pahina 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

70 sanlinggo (490 taon)

69 sanlinggo (483 taon) 1 sanlinggo (7 taon)

455 B.C.E. 29 C.E. 33 C.E. 36 C.E.

“Mula sa paglabas “hanggang sa “ang Mesiyas “At kaniyang

ng salita na isauli Mesiyas na ay mahihi paiiralin ang

at muling itayo Lider. . .” walay. . .” tipan sa

ang Jerusalem, loob ng

. . . ” Daniel 9:24-27  . . . isang

linggo”

[Mga larawan sa pahina 7]

Babilonya

Medo-Persia

Gresya

Roma​—Britaniya at E.U.A.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share