FEATURE
Ang Imperyo ng Roma
INILALARAWAN ang Roma sa mga hula sa Bibliya bilang isang hayop na “nakatatakot at kahila-hilakbot at may di-pangkaraniwang lakas,” na may mga ngiping bakal. (Dan 7:7) Ito ang imperyo na pinahintulutan ni Jehova na magwasak sa Jerusalem noong 70 C.E.
Pinahintulutan ng Roma ang halos lahat ng uri ng relihiyosong gawain, hangga’t yaong mga nanghahawakan doon ay makikibahagi rin sa pagsamba sa emperador. Itinuring ang gayong pagsamba sa emperador bilang isang mahalagang salik sa ikapagkakaisa ng imperyo. Kaya ang sinumang tumangging makibahagi roon ay ibinilang na mga kaaway ng estado. Ang mga Kristiyano ay hindi nakisali sa gayong pagsamba. Kaya bagaman sila ay mga tapat na mamamayan, ang mga Kristiyano ay madalas na naging mga tudlaan ng malupit na pag-uusig. Kabilang sa mga nagsulsol ng gayong pag-uusig ay ang mga emperador na sina Nero, Domitian, Marcus Aurelius, at Diocletian. Nang gipitin ng mga lider ng relihiyon ng mga Judio, ipinag-utos pa nga ni Poncio Pilato, isang Romanong gobernador ng Judea, ang pagpatay kay Jesu-Kristo, anupat ginawa iyon para sa kaniyang pulitikal na kapakanan.
MAPA: Ang Imperyo ng Roma
Si Augusto Cesar. Ipinanganak si Jesus noong panahon ng kaniyang pamamahala
Si Tiberio Cesar, gaya ng nakalarawan sa isang barya. Pinatay si Jesus noong panahon ng paghahari ni Tiberio
Si Claudio Cesar, ang nagpalayas sa mga Judio mula sa Roma
Si Cesar Nero, sa harapan niya nilitis ang apostol na si Pablo
Si Vespasian. Winasak ang Jerusalem at ang templo nito noong panahon ng kaniyang pamamahala
Si Tito, anak ni Vespasian, gaya ng ipinakikita sa isang baryang Romano. Siyam na taon pagkaraang wasakin ang Jerusalem, siya ay naging emperador
Si Domitian. Noong pamamahala niya, sukdulang pinag-usig ang mga Kristiyano at ipinatapon ang apostol na si Juan
Mga guho ng Romanong paagusan sa Cesarea. Ang daungang lunsod na ito, na itinayo ni Herodes na Dakila, ay isang opisyal na tirahan ng mga Romanong prokurador na namahala sa Judea
Ang mga haliging ito sa lugar ng sinaunang Samaria ay nagpapatotoo sa impluwensiya noon ng mga Romano
Isang larawan ng Tore (Tanggulan) ng Antonia. Ang toreng ito ay nasa hilagang-kanlurang sulok ng looban ng templo sa Jerusalem at ginamit ng mga Romano upang manmanan ang mga gawain sa lugar ng templo
Isang modelo ng karerahan ng kabayo na itinayo sa Jerusalem, maliwanag na sa utos ni Herodes na Dakila. Nagkaroon dito ng mga karera ng mga karo, ayon sa istilong Romano, at ang mga nahatulang tao ay pinalalaban sa mababangis na hayop
Ipinagugunita ng Arko ni Tito sa Roma ang tagumpay ng Roma laban sa Jerusalem noong 70 C.E.
Arko ni Tito. Makikita sa isang relyebe sa loob na bahagi ang mga kawal na Romanong may dalang mga sagradong sisidlan mula sa templo
Mga guho ng Colosseum sa Roma. Ipinaaalaala nito ang malupit na libangang popular sa sinaunang Roma
Isang altar na itinalaga sa pagsamba kay Cesar. Dahil ayaw ng mga Kristiyano na magsunog ng insenso para sa emperador, naging mga tudlaan sila ng malupit na pag-uusig