Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 6/15 p. 3-6
  • Ang Pandaigdig na Pamamahala ay Nagbabago

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pandaigdig na Pamamahala ay Nagbabago
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • May Malasakit ang Diyos sa Pamahalaan
  • Isang Gaya ng Anak ng Tao
  • Ang Huling Pandaigdig na Pamamahala ng Tao
  • Ang Pamahalaan ng Kaharian
  • Mga Kasamang Tagapamahala
  • Pagbabago ng Pamamahala—Hindi na Matatagalan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Kaharian ng Diyos—Nakahihigit sa Lahat ng Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Sumusulong Patungo sa Kanilang Wakas ang mga Dakilang Kapangyarihan ng Daigdig sa Kasaysayan ng Bibliya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Ano ang Kaharian ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 6/15 p. 3-6

Ang Pandaigdig na Pamamahala ay Nagbabago

KUNG sakaling ikaw ay pamimiliin, anong uri ng pamahalaan ang ibig mong makasakop sa iyo? Karamihan sa atin ay malamang na pipili ng isang matatag na pamahalaan na magbibigay ng isang makatuwirang lawak ng personal na kalayaan. Ibig natin ang isang gobyerno na nakasusupil ng krimen, nagpapairal ng kapayapaan, nagpapatupad ng katarungang panlipunan, at nagpapaunlad ng materyal na kasaganaan. Oo, ang ibig natin ay isang gobyerno na hindi mapaniil o may katiwalian.

Nakalulungkot sabihin, karamihan ng mga pamahalaan ay hindi katulad nito. Kung ating isasaalang-alang ang daigdig sa kalagayang ito ng huling kalahatian ng ika-20 siglong ito ano ba ang ating masasaksihan? Karalitaan, katiwalian, kawalang kakayahan, paniniil, panlipunang mga kaapihan, krimen, at igtingan ng mga bansa. Ito sa wakas ang resulta ng libu-libong taon ng pamamahala ng tao.

Kung sa bagay, may indibiduwal na mga pinuno na naging makatarungan at may kakayahan naman. At mayroong mga pamamalakad ng gobyerno na medyo matatag at epektibo sa loob ng sandaling panahon. Subalit ang kabiguan ng pamahalaan ng tao sa kabuuan na gawin ang sadyang inaakala nating dapat gawin para sa sangkatauhan ay nagpapatunay ng katotohanan ng sinasabi ng Bibliya: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Sa madaling salita, ang tao ay hindi nilikha upang mamahala sa kaniyang sarili nang walang tulong ng iba.

Kaya naman mabuti na malaman na nagbabago ang pamamahala sa daigdig. Ano ba ang ibig naming sabihin ng ganitong pananalita? Ibig naming sabihin na ang araw-araw na pamamahala sa pamumuhay ng sangkatauhan ay malapit nang mapasakamay ng isang lubusang bagong uri ng pamahalaan na magiging lubusang matagumpay. Ang malaking pagbabagong ito sa pamamahala ay inihula ng Diyos. Ang totoo nga, ito ang mismong tema ng Bibliya.

May Malasakit ang Diyos sa Pamahalaan

Sa tuwina ay may pagmamalasakit ang Diyos tungkol sa pamamahala sa sangkatauhan. Kaniyang maingat na minamatyagan kung hanggang saan gagampanan ng mga pamahalaan ng tao ang kanilang pananagutan, at kung minsan ay kaniyang hinihingan sila ng sulit. Oo, ang kasaysayan ng ilan sa litaw na mga sistema ng pamahalaan noong nakalipas na 2,500 taon ng kasaysayan ay inihula sa Bibliya. Sa aklat ng Daniel, na isinulat mahigit na 500 taon bago isinilang si Kristo, ipinasulat ang mga hula na patiunang nagsasaysay ng pagbagsak ng sinaunang Babilonya, gayundin ng pagbangon at pagbagsak ng Medo-Persia, Gresya, at Roma. Inihula pa mandin ang pag-unlad ng Anglo-Amerikanong Kapangyarihan ng Daigdig sa ating sariling kaarawan. Ang maikling pagsasaalang-alang ng ilan sa mga hulang ito ay tutulong sa atin na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pangungusap na nagbabago ang pamamahala sa daigdig.

Ang una sa kagila-gilalas na mga hulang ito ay isang kinasihang panaginip na kung saan ang makapulitikang mga kapangyarihan sa daigdig mula noong kaarawan ni Daniel hanggang sa ating panahon ngayon ay isinagisag ng isang malaking larawan. Pagkatapos, isang bato na hindi tinapyas ng mga kamay, ang tumama at dumurog sa larawang ito. Ang bato ang dumurog hanggang sa maging alabok ang mga kapangyarihang ito sa daigdig, “parang dayami sa mga giikan sa tag-araw, at tinangay ng hangin hanggang sa walang anumang bakas nito ang nasumpungan.”​—Daniel 2:31-43.

Ang mismong kabanata ring iyan ng Daniel ang nagpapaliwanag ng kahulugan nito. Ipinakikita na ang bigong mga pamahalaan ng tao ay hahalinhan ng isang pamahalaan na makapupong mabuti. Sinasabi nito: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng kahariang ito [ng tao], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman . . . At ang panaginip ay tunay, at ang interpretasyon nito ay kapani-paniwala.”​—Daniel 2:44, 45.

Subalit hindi pa iyan ang wakas nito. Sa pangalawang pangitain, ang sunud-sunod na kapangyarihan ng daigdig ay isinagisag ng malalaking hayop na may mga kaugalian ng kapangyarihan na isinasagisag niyaon. Pagkatapos ay pinayagan si Daniel na makita ang lahat ng pangyayari hanggang sa nakasisindak na makalangit na trono ng “Matanda sa mga Araw,” at sa kaniya’y ipinakita ang isang bagay na mangyayari, hindi noong kaniyang kaarawan kundi sa panahon ng paghahari ng Anglo-Amerikanong Kapangyarihan ng Daigdig sa panahon natin. Kaniyang nakita ang maningning na Hukuman ni Jehova sa kalangitan na lumilitis sa mga kapangyarihang ito sa daigdig. (Daniel 7:2-12) Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga talata, ipinalabas ang makalangit na utos para sa pagbabago sa pamamahala. Kanino ba ibibigay ang pamamahalang ito?

Isang Gaya ng Anak ng Tao

Ibinigay ni Daniel ang kapana-panabik na kasagutan:

“Ako’y patuloy na tumingin sa mga pangitain sa gabi, at, narito! lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao; at siya’y naparoon sa Matanda sa mga Araw, at inilapit nila siya sa harap ng Isang iyon. At binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno ay walang-hanggang pagpupuno na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.”​—Daniel 7:13, 14.

Sa gayon si Daniel ay ginamit upang ihula na “ang Matanda sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova mismo, ang mag-aalis sa masamang pamamahala ng mapaniil na mga pamahalaan ng tao. Kaniyang hahalinhan ito ng isang pamahalaan na mas magaling kaysa maguguniguni ng tao​—isang di-nakikitang Kaharian na may kapangyarihan at awtoridad buhat sa langit. Subalit sino itong “gaya ng anak ng tao” na tatanggap ng kaharian?

Tayo’y hindi iniiwan sa pag-aalinlangan. Ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang Anak ng tao.” Kaniyang tinukoy ang kaniyang pagkanaririto bilang ang panahon ng “pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel.” (Mateo 25:31) Nang hilingin ng mataas na saserdoteng Judio na sabihin ni Jesus sa hukuman kung siya nga “ang Kristo na Anak ng Diyos,” si Jesus ay sumagot: “Ikaw na rin ang nagsabi. Gayunma’y sinasabi ko sa inyo na mga tao, buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.”a​—Mateo 26:63, 64.

Ang Huling Pandaigdig na Pamamahala ng Tao

Mga 600 taon makalipas ang panahon ni Daniel, si apostol Juan ay kinasihan ng Diyos na isulat ang aklat ng Apocalipsis sa Bibliya. Sa aklat na iyan ang mga kapangyarihang ito sa daigdig ay tinutukoy na makapangyarihang “mga hari,” at nagsasabi: “At may pitong hari: lima ang nabuwal na, isa ang naririto pa, ang isa’y hindi pa dumarating ngunit pagdating niya ay kailangang magtagal ng sandaling panahon.”​—Apocalipsis 17:10.

Ang lima na nabuwal na nang isulat ito ni Juan ay ang Ehipto, Asiria, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya. Noon ang Imperyong Romano ay ‘naroroon pa.’ Maliwanag, ang ikapito, ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihan sa Daigdig sa panahon natin, ay hindi pa dumarating noon. Sang-ayon sa Apocalipsis, wala nang kapangyarihan sa daigdig na susunod pagkatapos ng ikapito​—na umiiral sa ngayon. Ito ang huling-huli. Hindi na magkakaroon ng iba pa.

Gayumpaman, hindi dapat magdulot iyan ng pangingilabot​—lubhang nakagagalak pa nga! Iyan ay nangangahulugan na ang mapaniil, nagbabaka-bakang pamamahala ng tao ay malapit nang matapos. Ang mga hula ay nagkakaisa sa pagbabalita ng isang malaking pagbabago ng pamamahala sa lupa​—isang pagbabago buhat sa mapag-imbot na pamahalaan ng tao tungo sa isang matuwid na pamahalaan sa langit, ang Kaharian ng Diyos.

Ang Pamahalaan ng Kaharian

Subalit ano ba ang Kahariang iyan? Iyan ay makapupong higit pa kaysa basta pag-impluwensiya sa mabuti sa mga puso at mga buhay ng tao. Makapupo pa ring higit iyan kaysa buhay ng umano’y iglesyang Kristiyano. Ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na pamahalaan. Ito’y may isang hari, kasamang mga tagapamahala, isang teritoryo, at mga sakop. At ito ang magbibigay ng kagila-gilalas na mga pagpapala na binanggit na.

Si Jesus ang ipinakikilala bilang Hari ng Kaharian. Kaniyang inihambing ang kaniyang sarili sa isang taong galing sa mahal na angkan na “naparoon sa isang malayong lupain upang tumanggap ng kapangyarihan sa Kaharian ukol sa kaniyang sarili at magbalik.” Tungkol sa hinaharap na panahong iyan, sinabi niya: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayon luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono.”​—Lucas 19:12; Mateo 25:31.

Kailan nga darating “ang Anak ng tao”? Hindi na tayo dapat na manghula sa kasagutan. Ang mga salita ni Jesus ay bahagi ng kaniyang sagot sa tanong: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3, 30) Gaya ng malimit na ipinakikita ng mga tudling ng magasing ito, ang “pagkanaririto” na iyan ay nagsimula nang di-nakikita sa kalangitan sa katapusan ng “itinakdang mga panahon sa mga bansa” noong 1914.b​—Lucas 21:24.

Gaya ng sinabi ng Apocalipsis kabanata 12 na mangyayari, nang magkagayo’y tinanggap ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan at ibinulusok si Satanas mula sa langit hanggang sa kapaligiran ng lupa. Isang makalangit na tinig ang nagpahayag: “Ngayon ay dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapagparatang sa ating mga kapatid ay inihagis na.” Ito ang nagpapaliwanag ng paglubha ng mga kalagayan sa daigdig sapol nang panahong iyan. Pagkatapos, ang makalangit na tinig ay nagpatuloy: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”​—Apocalipsis 12:9-12.

Ang kaunting panahong iyan ay hindi na magtatagal at matatapos. Mga ilang kabanata pagkatapos nito, ang niluwalhating si Jesus ay nakikita na nakasakay sa isang puting kabayo. Siya ay tinatawag na “Ang Salita ng Diyos,” at kaniyang “hahambalusin ang mga bansa” at “papastulin sila ng panghampas na bakal”​—gaya ng ipinakita nga ni Daniel na ang mga bansa ay dudurugin ng mistulang bato na Kaharian ng Diyos na lalaganap upang punuin ang buong lupa.​—Apocalipsis 19:11-16; Daniel 2:34, 35, 44, 45.

Kailanman ang mistulang hayop na mga pulitikal na kapangyarihan ng tao ay hindi na mang-aapi sa sangkatauhan!

Mga Kasamang Tagapamahala

Subalit higit pa ang idudulot niyan. Kinasihan si Daniel na sabihin na ang Kaharian ay ibibigay hindi lamang sa “isang gaya ng Anak ng tao” kundi rin naman “sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasang Isa.”​—Daniel 7:27.

Sino ba ang mga ito? Ganito ang sabi ng Apocalipsis tungkol sa Kordero, si Kristo Jesus: “Bumili ka ng mga tao para sa Diyos buhat sa bawat tribo at wika at bayan at bansa, at sila’y iyong ginawang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at kanilang paghaharian ang lupa.” Sinasabi pa rin nito na sila’y magiging “mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at magpupuno bilang mga haring kasama niya sa loob ng isang libong taon.” Ang kanilang bilang ay ibinibigay bilang 144,000.​—Apocalipsis 5:9, 10; 14:1; 20:6.

Ito ang mga pinipili ng Kataas-taasang Diyos para magkaroon ng bahagi sa pandaigdig na pamahalaan kasama ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ang iyo bang kinabukasan ay mas ligtas pa sa mga ibang kamay kaysa mga ito na pinili ng Diyos? Hindi, ang Kahariang ito ang magiging pinakamagaling na posibleng gobyerno​—makapupong magaling kaysa anupamang nakilala na ng tao. Sa ilalim ng pamamahala nito ang buong lupa ay gagawing ang Paraiso na sa mula’t sapol ay ipinanukala na ng Diyos.

Basahin ang sumusunod na artikulo, at tingnan kung ito ang uri ng pamahalaan na pipiliin mo o hindi upang sumakop sa iyo.

[Mga talababa]

a Tungkol sa pangitain ni Daniel, sinabi ng New Catholic Encyclopedia: “Walang gaanong pag-aalinlangan na ang tinutukoy rito ni Daniel ay isang pangyayari na may walang-hangang kahalagahan sa katapusan ng panahon.” Isinusog pa nito: “Ang pagpapahayag ni Jesus sa harap ng Sanhedrin ay nagbibigay sa atin ng di-matututulang ebidensiya ng Kaniyang pagiging siyang Anak ng Tao at ng malinaw na pagtukoy niya sa Kaniyang pagparito na taglay ang kapangyarihan.”

b Tingnan Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1982 at Oktubre 1, 1984.

[Kahon sa pahina 4]

“Ang Pangunahing Tema ng Turo ni Jesus”

“Ang tema ng kaharian ng Diyos ang sumasaklaw ng pangunahing dako sa pangangaral ni Jesus.”​—New Catholic Encyclopedia.

“[Ang Kaharian ng Diyos] ay pangkaraniwan nang itinuturing na ang pangunahing tema ng turo ni Jesus.”​—Encyclopædia Britannica.

Subalit kailan ba ang huling pagkakataon na narinig mong “ang pangunahing tema ng turo ni Jesus” na iyan ay tinalakay sa isang simbahan?

[Kahon sa pahina 5]

Kalituhan Tungkol sa Kaharian ng Diyos

Ang ilang mga taong may akala na “ang iglesya sa lupa” ang siyang Kaharian ng Diyos, samantalang may paniwala naman ang iba na ang kasalukuyang daigdig “ay uunlad sa ilalim ng impluwensiyang Kristiyano hanggang sa ito’y maging siyang Kaharian.” Ang iba naman ay nagsasabi na ang Kaharian ng Diyos ay yaong “paghahari ng Diyos sa puso at buhay ng indibiduwal.”

Subalit ito ba lamang ang bumubuo ng Kaharian ng Diyos​—isang sistemang relihiyoso, unti-unting pulitikal na pagbabago, o isang espirituwal na kalagayan sa mga puso ng mga tao?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share