SINAUNA SA MGA ARAW
Isang salin ng pananalitang Aramaiko na ʽat·tiqʹ yoh·minʹ, na tumutukoy sa “isa na may kalaunan na (o matanda na) sa mga araw.” Ang titulong ito ni Jehova ay lumilitaw lamang sa Daniel 7:9, 13, at 22 at salit-salitang binabanggit kasama ng titulong “Kadaki-dakilaan.” (Dan 7:18, 22, 25, 27) Ang tagpo ay sa isang hukuman kung saan ang Sinauna sa mga Araw ay nakaupo upang hatulan ang mga kapangyarihang pandaigdig, na isinasagisag ng ubod-laking mga hayop. Ang kanilang pansamantalang pamamahala sa lupa ay inalis, at ang “pamamahala at dangal at kaharian” ay ibinigay sa isang “gaya ng anak ng tao” anupat ang lahat ng mga tao ay inuutusang maging masunurin sa kaniya.—Dan 7:10-14.
Angkop na ipinakikita ng titulong “Sinauna sa mga Araw” ang malaking kaibahan ng walang-hanggang Diyos sa sunud-sunod na mga kapangyarihang pandaigdig na bumabangon at bumabagsak, at inilalarawan nito si Jehova sa kaniyang papel bilang ang maringal at kapita-pitagang Hukom ng lahat.—Aw 90:2; 75:7.