Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Nahum 1:1–3:19
Posible ang Kaligtasan Pagka Naghiganti Na ang Diyos
“SANDALI na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.” (Awit 37:10) Ang mga salitang ito ay matutupad at buong diing ipinakikita ng mga aklat sa Bibliya na isinulat ni Nahum at ni Habacuc. Tinapos ng malalakas-loob na mga lalaking ito ang pagsulat ng kanilang mga hula sa kaharian ng Juda noong huling bahagi ng ikapitong siglo B.C.E.
Una, isaalang-alang ang hula na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Nahum. Anong mga aral ang taglay nito?
Tiyak ang Paghihiganti ng Diyos
Ang kahilingan ni Jehova ay bukud-tanging debosyon. (Exodo 20:5) Sa isang hula laban sa kabisera ng Asirya, ang Nineve, ipinakikita ni Nahum na ang paghihiganti ng Diyos ay isasagawa sa mga kaaway na hindi nagbibigay sa Kaniya ng gayong debosyon. Oo, sa harap niya ang mga bundok ay nayayanig, ang mga burol ay natutunaw, at ang lupa ay lumilindol! Sino ang makatatayo sa sigalbo ng kaniyang galit?—1:1-6.
Tayo’y makapagtitiwala kay Jehova bilang isang kanlungan. Oo, iniingatan ng Diyos yaong sa kaniya’y nanganganlong. Pagkatapos na malipol ang kaniyang mga kaaway, hindi na uli magkakaroon ng paghihirap. Mayroong mabuting balita ng kapayapaan para sa Juda, sapagkat ang tunay na pagsamba ay hindi na hahadlangan.—1:7–2:2.
Ang di-matuwid na mga tao ay hindi magtatagumpay. Ito ay maliwanag buhat sa nangyari sa Nineve. Ang kaniyang kalupitan sa pakikitungo sa mga bihag ang gumawa sa kaniya na maging “ang lunsod ng pagbububo ng dugo.” Tulad ng yungib ng mga leon, ang lubhang nakukutaang lunsod na ito ay waring matibay sa likod ng kaniyang makakapal na mga pader. Subalit sa pag-uutos ng Diyos, daranasin ng Nineve ang ganoon ding kapalaran na kaniyang ipinadanas sa sinaunang No-amon, o Thebes, sa Ilog Nilo. Dahil sa kaniyang mga kasalanan, ang kabisera ng Asirya ay magiging ilang. Ang hulang ito ay natupad nang ang Nineve ay mabihag noong 632 B.C.E. ng magkasamang mga hukbo ng hari ng Babilonya na si Nabopolassar at Cyaxares na Medo.—2:3–3:19.
Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Habacuc 1:1–3:19
NALAMAN ni Habacuc na sa takdang panahon ni Jehova ay magbabangon siya laban sa malulupit na mga maniniil. Subalit ‘sa kaniyang pananampalataya ang matuwid ay patuloy na mabubuhay.’ (2:4) Subalit, ano pa bang mga aral ang matututuhan natin buhat sa hulang ito?
Kaligtasan Para sa mga May Pananampalataya
Si Jehova ay nakikinig sa mga pagsusumamo ng kaniyang mga lingkod. Si Habacuc ay nagtatanong: “Hanggang kailan, Oh Jehova, daraing ako ng paghingi ng tulong, at hindi mo diringgin?” Oo, walang katarungan, at ang balakyot ay nakapalibot sa matuwid. Subalit ang Diyos ay nakikinig, at bilang kaniyang kinakasangkapan sa pagpaparusa, kaniyang “itinitindig ang mga Caldeo. Subalit, paano niya magagamit ang isang bansang mahiligin sa digmaan? Ang propeta ay naghihintay ng kasagutan ng Diyos, umaasa sa gagawing pagsaway.—1:1–2:1.
Tanging ang matuwid at may pananampalataya ang patuloy na mabubuhay. Ito’y tiniyak ni Jehova kay Habacuc. Bagaman waring may pagkaatraso, sa takdang panahon ng Diyos ang makahulang pangitain “ay walang pagsalang matutupad.” Ang palalong kaaway na nandarambong sa mga bansa ay hindi makararating sa kaniyang patutunguhan. Oo, ang mga Caldeo ay hindi makaiiwas sa parusa.—2:2-5.
Sa Aba ng mga Balakyot!
Iwasan ang di-matuwid na pakinabang, ang karahasan, at ang idolatriya. Bakit? Sapagkat kaabahan ang tiyak na darating sa isang nangangamkam ng hindi kaniya, nakikinabang sa masamang paraan, nagtatayo ng isang lunsod sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo, marahas na pinapangyayari na uminom sa saro ng kahiya-hiyang pagkatalo, at nagtitiwala sa walang buhay na mga idolo. Ang gawain ng gayong mga tao ay wawalaing-kabuluhan ng Diyos. Makikilala ng buong lupa ang kaluwalhatian ni Jehova, na sa harap niya lahat ay dapat tumindig nang buong galang at pananahimik.—2:6-20.
Hintaying may pagtitiis si Jehova ukol sa kaligtasan. Sa panalangin, ginunita ni Habacuc ang nakaraang pagpapakilala ng kapangyarihan ng Diyos. Bukod sa ibang mga bagay, pinaraanan ni Jehova ang lupa, nilugas ang mga bansa sa kaniyang galit. Siya rin naman ay lumabas ukol sa kaligtasan ng kaniyang bayan. Sa kaniyang nasaksihang iyon, si Habacuc ay disidido na “tahimik na maghintay sa araw ng kapighatian.” Gaano mang kasamâ ang panahon na kailangang harapin, siya’y magagalak kay Jehova at magsasaya sa Diyos ng kaniyang kaligtasan.—3:1-19.
[Kahon sa pahina 24]
SINURING MGA TEKSTO SA BIBLIYA
○ Nahum 1:4—Ang Bashan, Carmelo, at Lebanon ay mga dako ng kagandahan, matabang lupa, at pagkamabunga. Kung ang mga ito ay matutuyo kasawian ang darating sa mga sa kanila’y umaasa. Idiniriin nito ang kabagsikan ng pagbubuhos ng silakbo ng galit ni Jehova.
○ 1:10—Itinuring ng Nineve ang kaniyang sarili na sala-salabat na tinik na hindi malulusutan, at siya’y nalasing ng ambisyon. Subalit siya’y pagkadali-daling masusupok gaya ng tuyung-tuyong dayami na nilalamon ng apoy. Sa ganito ring paraan, ang mga kaaway ng bayan ng Diyos sa ngayon ay hindi makatitindig sa maapoy na mga paghatol ni Jehova.
○ 2:6—Dahilan sa matinding pag-ulan noong nilulusob ang Nineve, ang Ilog Tigris ay umapaw. Kaya’t binahaan ang isang panig ng lunsod at nagiba ang isang bahagi ng pader. Sa gayon, naging madali para sa mga manlulusob na bihagin ang kabisera ng Asirya.
○ 2:11-13—Tulad ng mababangis na hayop, ang mga taga-Asirya ay nandahas at nagsamantala sa mga bansa. Waring ang leon ay isang pambansang sagisag. Maraming mga estatuwa ng leon ang natagpuan sa mga kaguhuan ng Nineve.
○ 3:3, 4—Gaya ng isang patutot, dinaya ng Nineve ang mga bansa sa pamamagitan ng nakagiginhawang mga alok ng pakikipagkaibigan at mga pangako ng pagtulong. Subalit yaong kaniyang mga nasilo ay nakaranas ng hirap sa ilalim ng kaniyang mapaniil na pamatok, gaya ng ipinakikita ng pangyayari sa hari ng Juda na si Ahaz.—2 Cronica 28:16, 20, 21.
[Kahon sa pahina 25]
SINURING MGA TEKSTO SA BIBLIYA
○ Habacuc 1:2-4—Ang pananampalataya ni Habacuc kay Jehova bilang isang Diyos na hindi nagkikibit-balikat sa kasamaan ang nag-udyok sa kaniya na itanong kung bakit umiiral ang kabalakyutan. Siya’y handang baguhin ang kaniyang kaisipan upang mapawasto. (2:1) Pagka ating pinag-iisipan kung bakit may mga bagay na pinapayagang umiral, ang ating pagtitiwala sa pagkamatuwid ni Jehova ang dapat ding tumulong sa atin na manatiling timbang at hintayin siya.—Awit 42:5, 11.
○ 2:5—Ang mga Babiloniko ay mistulang isang tao na ang taglay na kagamitan sa digmaan ay ginamit upang manakop ng mga bansa. Tulad ng Sheol at kamatayan na laging handang tumanggap ng higit pang mga biktima, kaniyang ninasa ang patuloy na mga pananakop ng kaniyang hukbo. (Ihambing ang Kawikaan 30:15, 16.) Palibhasa’y parang naimpluwensiyahan ng matinding kalasingan, siya’y nalango sa tagumpay. Subalit ang kaniyang mga digmaan ng pananakop ay natapos nang ang Babilonya ay bumagsak noong 539 B.C.E.
○ 3:13—Ang kapangyarihan ng Diyos na magligtas ay malimit na nararanasan ng kaniyang pinili at pinahirang bayan, ang bansang Israel. (Awit 28:8, 9) Nang sumapit ang panahon, doon lumitaw ang Mesiyas, ang “binhi” ng makalangit na “babae” ng Diyos. (Genesis 3:15) Ililigtas din ni Jehova ang natitirang miyembro ng “binhi” na iyon, ang nalabi ng pinahiran-ng-espiritung mga alagad ni Jesus, buhat sa pag-atake ni Satanas at ng mga bansa.—Apocalipsis 12:17.
[Larawan sa pahina 24]
Ipininta ng arkeologong si A. H. Layard ang larawan ng isang palasyong Asiryo
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng mga Katiwala ng British Museum, London