Hayaang Luwalhatiin ng Lahat si Jehova!
“Sa pook ng liwanag ay dapat nilang luwalhatiin si Jehova.”—ISAIAS 24:15.
1. Paano minalas ng kaniyang mga propeta ang pangalan ni Jehova, na kabaligtaran ng anong saloobin ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon?
JEHOVA—ang maringal na pangalan ng Diyos! Anong laking kagalakan ng mga propeta noon na magsalita sa pangalang iyan! May pagbubunyi nilang niluwalhati ang kanilang Soberanong Panginoon, si Jehova, na ang pangalan ay nagpapakilala sa kaniya bilang ang Dakilang Tagapaglayon. (Isaias 40:5; Jeremias 10:6, 10; Ezekiel 36:23) Maging ang tinaguriang di-gaanong prominenteng mga propeta ay malayang nagpahayag ng pagluwalhati kay Jehova. Ang isa sa mga ito ay si Hagai. Sa aklat ng Hagai, na binubuo lamang ng 38 talata, 35 beses na ginamit ang pangalan ng Diyos. Waring walang buhay ang gayong hula kapag ang napakahalagang pangalang Jehova ay pinapalitan ng titulong “Panginoon,” gaya ng ginagawa ng ubod-galing na mga apostol ng Sangkakristiyanuhan sa kanilang mga salin ng Bibliya.—Ihambing ang 2 Corinto 11:5.
2, 3. (a) Paano natupad ang isang kahanga-hangang hula hinggil sa pagsasauli ng Israel? (b) Sa anong kagalakan nakibahagi ang Judiong nalabi at ang kanilang mga kasamahan?
2 Sa Isaias 12:2, dalawang anyo ng pangalan ang ginamit.a Ipinahayag ng propeta: “Narito! Ang Diyos ang aking kaligtasan. Ako’y magtitiwala at hindi manghihilakbot; sapagkat si Jah Jehova ang aking lakas at ang aking kapangyarihan, at siya ang naging aking kaligtasan.” (Tingnan din ang Isaias 26:4.) Kaya naman, mga 200 taon bago lumaya ang Israel mula sa pagkabihag sa Babilonya, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias ay tiniyak ni Jah Jehova na siya ang kanilang makapangyarihang Tagapagligtas. Tatagal ang pagkabihag na iyan mula 607 hanggang 537 B.C.E. Sumulat din si Isaias: “Ako, si Jehova, ang gumagawa ng lahat ng bagay, . . . ang Isa na nagsasabi kay Ciro, ‘Siya ang aking pastol, at lubusan niyang isasagawa ang lahat ng aking kinalulugdan’; kahit ang sinabi ko tungkol sa Jerusalem, ‘Siya ay itatayong muli,’ at tungkol sa templo, ‘Ilalatag ang iyong pundasyon.’ ” Sino ang Ciro na ito? Kapansin-pansin, siya ay napatunayang si Haring Ciro ng Persia, na sumakop sa Babilonya noong 539 B.C.E.—Isaias 44:24, 28.
3 Bilang katuparan ng mga salita ni Jehova na isinulat ni Isaias, nagpalabas si Ciro ng dekreto sa bihag na Israel: “Sinuman sa inyo sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa ang kaniyang Diyos. Kaya hayaan siyang umahon sa Jerusalem, na nasa Juda, at muling itayo ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel—siya ang tunay na Diyos—na nasa Jerusalem.” Pagkaliga-ligayang mga nalabing Judio kasama ng di-Israelitang Netineo at mga anak ng mga lingkod ni Solomon ang bumalik sa Jerusalem. Sila’y dumating sa oras upang ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol noong 537 B.C.E. at naghain kay Jehova sa kaniyang altar. Nang sumunod na taon, sa ikalawang buwan, inilatag nila ang pundasyon ng ikalawang templo, sa gitna ng malalakas na mga sigaw ng kagalakan at papuri kay Jehova.—Ezra 1:1-4; 2:1, 2, 43, 55; 3:1-6, 8, 10-13.
4. Paano natupad ang Isaias kabanata 35 at 55?
4 Ang hula ni Jehova tungkol sa pagsasauli ay maluwalhating matutupad sa Israel: “Ang ilang at ang walang-tubig na pook ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron. . . . Doroon yaong mga makakakita sa kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos.” “Kayo ay hahayo nang may pagsasaya, at dadalhin kayo nang payapa. Ang mga bundok at ang mga burol ay magiging masayahin sa harap ninyo nang may-kagalakang paghiyaw . . . At para kay Jehova iyon ay magiging isang bagay na dakila, isang tanda hanggang sa panahong walang takda na hindi mapuputol.”—Isaias 35:1, 2; 55:12, 13.
5. Bakit pansamantala lamang ang kagalakan ng Israel?
5 Gayunpaman, naging pansamantala lamang ang kagalakang iyan. Sinikap ng kalapit na mga bayan na pagsama-samahin ang iba’t ibang pananampalataya para sa pagtatayo ng templo. Sa una ay tumanggi ang mga Judio, anupat ipinahayag: “Wala kayong kinalaman sa amin sa pagtatayo ng isang bahay sa aming Diyos, sapagkat kami mismo ay sama-samang magtatayo para kay Jehova na Diyos ng Israel, kung paanong iniutos sa amin ni Haring Ciro na hari ng Persia.” Ang mga kalapit na iyon ay naging mahigpit na mananalansang ngayon. Kanilang “patuloy na pinahihina ang mga kamay ng bayan ng Juda at binagabag sila sa pagtatayo.” Nagsinungaling din sila sa kahalili ni Ciro, si Artajerjes, tungkol sa situwasyon, anupat ipinagbawal niya ang pagtatayo ng templo. (Ezra 4:1-24) Nahinto ang paggawa sa loob ng 17 taon. Nakalulungkot, ang mga Judio ay nalugmok sa isang materyalistikong paraan ng pamumuhay nang panahong iyon.
Nagsalita “si Jehova ng mga Hukbo”
6. (a) Paano tumugon si Jehova sa situwasyon sa Israel? (b) Bakit angkop ang waring kahulugan ng pangalan ni Hagai?
6 Magkagayunman, itinanghal ni Jehova ang ‘kaniyang lakas at ang kaniyang kapangyarihan’ alang-alang sa Israel sa pamamagitan ng pagsusugo ng mga propeta, lalo na sina Hagai at Zacarias, upang gisingin ang mga Judio sa kanilang mga pananagutan. Ang pangalan ni Hagai ay may kaugnayan sa kapistahan, sapagkat waring ang kahulugan niyaon ay “Isinilang sa Isang Kapistahan.” Angkop naman, nagsimula siyang humula noong unang araw ng buwan ng Kapistahan ng mga Kubol, na siyang panahon na hiniling sa mga Judio na “maging walang iba kundi nagagalak.” (Deuteronomio 16:15) Sa pamamagitan ni Hagai, naghatid si Jehova ng apat na mensahe sa loob ng 112 araw.—Hagai 1:1; 2:1, 10, 20.
7. Paano tayo dapat na mapatibay-loob ng pambungad na mga salita ni Hagai?
7 Sa pambungad ng kaniyang hula, sinabi ni Hagai: “Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Hagai 1:2a) Sino kaya ang “mga hukbo” na iyon? Sila ang pulutong ng mga anghel ni Jehova, na kung minsan ay tinutukoy sa Bibliya bilang mga puwersang militar. (Job 1:6; 2:1; Awit 103:20, 21; Mateo 26:53) Hindi ba tayo pinatitibay-loob nito ngayon na ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang gumagamit ng di-malulupig at makalangit na puwersang ito upang patnubayan ang ating gawaing pagsasauli ng tunay na pagsamba sa lupa?—Ihambing ang 2 Hari 6:15-17.
8. Anong pangmalas ang nakaapekto sa Israel, at ano ang naging bunga?
8 Ano ang tinatalakay sa unang mensahe ni Hagai? Sinabi ng bayan: “Hindi pa sumasapit ang panahon, ang panahon upang itayo ang bahay ni Jehova.” Hindi na pangunahing bagay sa kanila ang pagtatayo ng templo, na kumakatawan sa pagsasauli sa banal na pagsamba. Bumaling sila sa pagtatayo ng malapalasyong mga tahanan para sa kanilang sarili. Pinawi ng isang materyalistikong pangmalas ang kanilang kasiglahan sa pagsamba kay Jehova. Bunga nito, nawala ang kaniyang pagpapala. Hindi na naging mabunga ang kanilang mga bukirin, at nagkulang sila ng pananamit sa panahon ng matinding taglamig. Naging kaunti na lamang ang kanilang kinikita, at para bang sila’y naglalagay ng salapi sa isang supot na puno ng butas.—Hagai 1:2b-6.
9. Anong matindi at nakapagpapatibay na babala ang ibinigay ni Jehova?
9 Dalawang ulit, nagbigay si Jehova ng matinding babala: “Ilagak ninyo ang inyong puso sa inyong mga daan.” Maliwanag, si Zerubabel, ang gobernador ng Jerusalem, at ang mataas na saserdoteng si Josueb ay tumugon at may kagitingang nagpasigla sa buong bayan na “makinig sa tinig ni Jehova na kanilang Diyos, at sa mga salita ni Hagai na propeta, yamang si Jehova na kanilang Diyos ang nagsugo sa kaniya; at ang bayan ay natakot dahil kay Jehova.” Bukod dito, “sinabi ni Hagai na mensahero ni Jehova sa bayan ang ayon sa iniatas sa mensahero mula kay Jehova, na nagsasabi: ‘ “Ako’y sumasainyo,” ang kapahayagan ni Jehova.’ ”—Hagai 1:5, 7-14.
10. Paano ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan alang-alang sa Israel?
10 Maaaring inisip ng ilang matatanda sa Jerusalem na ang kaluwalhatian ng itinayo-muling templo ay “wala” kung ihahambing sa naunang templo. Gayunman, pagkaraan ng mga 51 araw, inudyukan ni Jehova si Hagai na sabihin ang ikalawang mensahe. Ipinahayag niya: “ ‘Magpakalakas ka, O Zerubabel,’ ang kapahayagan ni Jehova, ‘at magpakalakas ka, O Josue na anak ni Jehozadak na mataas na saserdote. At magpakalakas kayo, kayong buong bayan sa lupain,’ ang kapahayagan ni Jehova, ‘at magsigawa kayo. Sapagkat ako ay sumasainyo,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo. . . . ‘Huwag kayong matakot.’ ” Tiniyak ni Jehova, na sa takdang panahon ay gagamit ng kaniyang walang-hanggang kapangyarihan upang ‘ugain ang langit at lupa,’ na ang lahat ng pagsalansang, maging ang pagbabawal ng imperyo, ay mapagtatagumpayan. Sa loob ng limang taon ay natapos nang matagumpay ang pagtatayo ng templo.—Hagai 2:3-6.
11. Paano pinuno ng Diyos ng ‘mas dakilang kaluwalhatian’ ang ikalawang templo?
11 Kung magkagayon ay natupad ang isang kahanga-hangang pangako: “ ‘Ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay tiyak na darating; at ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Hagai 2:7) Ang “kanais-nais na mga bagay” na iyon ay napatunayang ang mga di-Israelita na nagsidating upang sumamba sa templong iyon, yamang masasalamin doon ang kaluwalhatian ng kaniyang maharlikang presensiya. Paano maihahambing ang itinayo-muling templong ito doon sa itinayo noong panahon ni Solomon? Inihayag ng propeta ng Diyos: “ ‘Ang kaluwalhatian ng huling bahay na ito ay magiging mas dakila kaysa sa nauna,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Hagai 2:9) Sa unang katuparan ng hula, mas tumagal ang itinayo-muling templo kaysa sa unang bahay. Ito’y nakatayo pa rin nang lumitaw ang Mesiyas noong 29 C.E. Isa pa, bago siya ipapatay ng kaniyang apostatang mga kaaway noong 33 C.E., niluwalhati ito ng Mesiyas mismo nang ipangaral niya roon ang katotohanan.
12. Anong layunin ang tinupad ng unang dalawang templo?
12 Ang una at ikalawang templo sa Jerusalem ay tumupad ng isang mahalagang layunin sa paglalarawan ng mahahalagang pitak ng makasaserdoteng paglilingkod ng Mesiyas at sa pagpapanatiling buhay ng dalisay na pagsamba kay Jehova sa lupa hanggang sa aktuwal na paglitaw ng Mesiyas.—Hebreo 10:1.
Ang Maluwalhating Espirituwal na Templo
13. (a) Anong mga pangyayari may kinalaman sa espirituwal na templo ang naganap mula noong 29 hanggang 33 C.E.? (b) Anong mahalagang papel ang ginampanan ng haing pantubos ni Jesus sa mga pangyayaring ito?
13 Mayroon bang pantanging kahulugan sa dakong huli ang hula ni Hagai tungkol sa pagsasauli? Tiyak na mayroon! Ang itinayo-muling templo sa Jerusalem ang siyang naging sentro ng tanging tunay na pagsamba sa lupa. Subalit inilalarawan nito ang isang makapupong higit na maluwalhating espirituwal na templo. Ito’y nagsimulang umiral noong 29 C.E. nang, sa bautismo ni Jesus sa Ilog Jordan, pinahiran ni Jehova si Jesus bilang Mataas na Saserdote, anupat ang banal na espiritu ay bumaba sa kaniya tulad ng isang kalapati. (Mateo 3:16) Pagkatapos na makumpleto ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa lupa sa isang sakripisyong kamatayan, siya’y binuhay-muli tungo sa langit, na siyang inilalarawan ng Kabanal-banalang dako sa templo, at doon ay iniharap niya kay Jehova ang bisa ng kaniyang hain. Ito’y nagsilbing pantubos, na nagtatakip sa mga kasalanan ng kaniyang mga alagad, at nagbukas ng daan upang mapahiran sila, noong araw ng Pentecostes 33 C.E., bilang katulong na mga saserdote sa espirituwal na templo ni Jehova. Ang kanilang tapat na ministeryo hanggang sa kamatayan sa looban ng templo sa lupa ay aakay sa pagkabuhay-muli sa langit sa hinaharap, para sa patuloy na paglilingkuran bilang mga saserdote.
14. (a) Anong kagalakan ang kaakibat ng masigasig na gawain ng unang kongregasyong Kristiyano? (b) Bakit pansamantala lamang ang pagsasayang ito?
14 Libu-libong nagsising Judio—at nang dakong huli ay mga Gentil—ang dumagsa sa kongregasyong Kristiyano at nakibahagi sa paghahayag ng mabuting balita tungkol sa dumarating na pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa lupa. Pagkaraan ng mga 30 taon, nasabi ni apostol Pablo na ang mabuting balita ay naipangaral na “sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23) Ngunit kasunod ng pagkamatay ng mga apostol, lumitaw ang isang malaking apostasya, at nagsimulang umandap-andap ang liwanag ng katotohanan. Ang tunay na Kristiyanismo ay pinadilim ng sektaryanismo ng Sangkakristiyanuhan, na batay sa paganong mga turo at pilosopiya.—Gawa 20:29, 30.
15, 16. (a) Paano natupad ang hula noong 1914? (b) Anong pagtitipon ang makikita noong bandang katapusan ng ika-19 na siglo at maaga noong ika-20 siglo?
15 Nagdaan ang mga siglo. Pagkatapos noong mga taon ng 1870, isang grupo ng taimtim na mga Kristiyano ang nagsagawa ng isang masusing pag-aaral sa Bibliya. Buhat sa Kasulatan, nagawa nilang tiyakin ang taóng 1914 bilang siyang tanda ng katapusan ng “itinakdang panahon ng mga bansa.” Noon nagwakas ang pitong simbolikong “panahon” (2,520 taon ng makahayop na pamamahala ng tao) sa pamamagitan ng pagkaluklok kay Jesus sa langit—ang Isa na may “legal na karapatan” bilang ang Mesiyanikong Hari ng lupa. (Lucas 21:24; Daniel 4:25; Ezekiel 21:26, 27) Lalo na sapol noong 1919, ang mga Estudyanteng ito sa Bibliya, na kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova, ay masigasig sa pagpapalaganap sa buong lupa ng mabuting balita tungkol sa dumarating na Kaharian. Noong 1919 tumugon ang ilang libo sa mga ito sa panawagan na ipinahayag sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Dumami sila hanggang noong taong 1935 nang 56,153 ang nag-ulat ng paglilingkod sa larangan. Noong taóng iyon, 52,465 ang nakibahagi sa emblema ng tinapay at alak sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesus, sa gayo’y sinagisagan ang kanilang pag-asa na maging mga saserdoteng kasama ni Kristo Jesus sa makalangit na bahagi ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Maglilingkod din sila bilang kaniyang mga kasamahang hari sa kaniyang Mesiyanikong Kaharian.—Lucas 22:29, 30; Roma 8:15-17.
16 Gayunman, ipinakikita ng Apocalipsis 7:4-8 at 14:1-4 na ang kabuuang bilang ng pinahirang mga Kristiyanong ito ay limitado lamang sa 144,000, na marami sa kanila ang tinipon noong unang siglo bago lumitaw ang malaking apostasya. Mula sa pagtatapos ng ika-19 na siglo at hanggang sa ika-20 siglo, kinukumpleto na ni Jehova ang pagtipon sa grupong ito na nililinis ng tubig ng kaniyang Salita, ipinahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa nagbabayad-salang hain ni Jesus, at sa wakas ay tinatatakan bilang mga pinahirang Kristiyano upang mahusto ang kabuuang bilang na 144,000.
17. (a) Anong pagtitipon ang nagpatuloy mula noong mga taon ng 1930? (b) Bakit kapansin-pansin dito ang Juan 3:30? (Tingnan din ang Lucas 7:28.)
17 Ano ang susunod kapag napili na ang kabuuang bilang ng mga pinahiran? Noong 1935, sa isang makasaysayang kombensiyon sa Washington, D.C., E.U.A., ipinahayag na ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis 7:9-17 ay isang grupo na makikilala “pagkatapos” ng 144,000 at na ang kahihinatnan nila ay walang-hanggang buhay sa paraisong lupa. Pagkatapos na maliwanag na makilala ang pinahirang si Jesus, ganito ang sinabi ni Juan na Tagapagbautismo, na ang pagkabuhay-muli ay sa lupa bilang isa sa “ibang mga tupa,” tungkol sa Mesiyas: “Ang isang iyon ay kailangang patuloy na dumami, subalit ako ay kailangang patuloy na kumaunti.” (Juan 1:29; 3:30; 10:16; Mateo 11:11) Patapos na ang gawain ni Juan na Tagapagbautismo na paghahanda sa mga alagad para sa Mesiyas habang pinasisimulan noon ni Jesus ang pagpili sa isang lumaking bilang na mapapasama sa 144,000. Kabaligtaran naman ang naganap noong mga taon ng 1930. Isang kumakaunting bilang ang “tinawag at pinili” upang mapabilang sa 144,000 samantalang isang malaking pagsulong ang nagsimula sa bilang ng “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” Patuloy na dumarami ang malaking pulutong na ito habang papalapit na ang balakyot na sistema ng sanlibutan sa wakas nito sa Armagedon.—Apocalipsis 17:14b.
18. (a) Bakit may pagtitiwalang maaasahan natin na “milyun-milyong nabubuhay ngayon ang hindi na kailanman mamamatay”? (b) Bakit dapat na masigasig nating dinggin ang Hagai 2:4?
18 Maaga noong mga taon ng 1920, isang tampok na pahayag pangmadla ang iniharap ng mga Saksi ni Jehova na pinamagatang “Milyun-milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi na Kailanman Mamamatay.” Maaaring ito ay nagpaaninaw ng isang labis na positibong pangmalas nang panahong iyon. Subalit sa ngayon ang pangungusap na iyan ay maaaring bigkasin nang may lubos na pagtitiwala. Kapuwa ang tumitinding liwanag tungkol sa hula sa Bibliya at ang anarkiya sa naghihingalong sanlibutang ito ay malinaw na nagpapakita na ang katapusan ng sistema ni Satanas ay pagkalapit-lapit na! Ipinakikita ng ulat sa Memoryal para sa 1996 na 12,921,933 ang dumalo, na sa mga ito ay 8,757 (.068 porsiyento) lamang ang nagpahiwatig ng kanilang makalangit na pag-asa sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga emblema. Malapit nang makumpleto ang pagsasauli ng tunay na pagsamba. Subalit huwag tayong magmabagal kailanman sa gawaing iyan. Oo, sinasabi ng Hagai 2:4: “ ‘Magpakalakas kayo, kayong buong bayan sa lupain,’ ang kapahayagan ni Jehova, ‘at magsigawa kayo. Sapagkat ako ay sumasainyo,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo.” Maging determinado nawa tayo na huwag pahinain kailanman ng mga bakas ng materyalismo o ng pagkamakasanlibutan ang ating sigasig sa gawain ni Jehova!—1 Juan 2:15-17.
19. Paano tayo maaaring makibahagi sa katuparan ng Hagai 2:6, 7?
19 Nakagagalak ang ating pribilehiyo na makibahagi sa modernong-panahong katuparan ng Hagai 2:6, 7: “Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—sandali na lamang—at aking uugain ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupain. At aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay tiyak na darating; at ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” Palasak ang kasakiman, katiwalian, at pagkakapootan sa sanlibutang ito sa ika-20 siglo. Tunay na ito ay nasa mga huling araw na, at sinimulan na ni Jehova na ‘ugain’ ito sa pamamagitan ng pagpapangyaring ‘ipahayag ng kaniyang mga Saksi ang kaniyang araw ng paghihiganti.’ (Isaias 61:2) Ang panimulang pag-ugang ito ay aabot sa kasukdulan sa pagkapuksa ng sanlibutan sa Armagedon, ngunit bago iyon, tinitipon ni Jehova sa paglilingkuran sa kaniya “ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa”—ang maaamo, tulad-tupang mga tao sa lupa. (Juan 6:44) Ang “malaking pulutong” na ito ngayon ay ‘nag-uukol ng sagradong paglilingkod’ sa makalupang looban ng kaniyang bahay sa pagsamba.—Apocalipsis 7:9, 15.
20. Saan masusumpungan ang pinakamahalagang kayamanan?
20 Ang paglilingkod sa espirituwal na templo ni Jehova ay nagdudulot ng pakinabang na nakahihigit kaysa sa anumang materyal na kayamanan. (Kawikaan 2:1-6; 3:13, 14; Mateo 6:19-21) Bukod dito, sinasabi ng Hagai 2:9: “ ‘Ang kaluwalhatian ng huling bahay na ito ay magiging mas dakila kaysa sa nauna,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. ‘At ang dakong ito ay pagkakalooban ko ng kapayapaan,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo.” Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito para sa atin ngayon? Sasabihin sa ating susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Ang ekspresyong “Jah Jehova” ay ginagamit para sa pantanging pagdiriin. Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 1248.
b Jesua sa Ezra at sa ibang aklat sa Bibliya.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Anong halimbawa ng mga propeta ang dapat nating tularan may kinalaman sa pangalan ni Jehova?
◻ Anong pampatibay-loob ang makukuha natin mula sa matinding mensahe ni Jehova sa isinauling Israel?
◻ Anong maluwalhating espirituwal na templo ang umiiral sa ngayon?
◻ Anong pagtitipon ang nagpatuloy ayon sa pagkakasunud-sunod noong ika-19 at ika-20 siglo, na may anong dakilang pag-asa?
[Mga larawan sa pahina 7]
Pinapatnubayan at inaalalayan ng makalangit na mga hukbo ni Jehova ang kaniyang mga Saksi sa lupa