Ang Di-sana Nararapat na Kagandahang-Loob ng Diyos—Huwag Sayangin ang Layunin Nito!
“ANG pagsasalita tungkol sa relihiyon . . . ay tunay na trabaho ng pastor,” ang sabi ng isang miyembro ng simbahan. (Amin ang italiko.) Ang iba naman ay ganito ang inamin, “Kung ihahambing ay kakaunting mga Kristiyano ang nagsisikap na ang kanilang pananampalataya’y ibahagi sa iba.” (Amin ang italiko.) Ang ganiyang mga pangungusap ay malinaw na nagdiriin na para sa karamihan ng kasalukuyang mga taong nagsisimba, ang Kristiyanismo ay wala kundi isang walang-gawang paniniwala lamang sa Diyos at kay Kristo bilang Mesiyas.
Ano ba naman ang iyong pangmalas? Ang mga alagad ni Jesus ay ibinahagi sa iba ang kanilang pananampalataya. (Lucas 8:1) Ganiyan ba rin ang dapat gawin ng mga Kristiyano sa ngayon? O kung hindi na hinihiling ng Diyos sa mga namamaraling Kristiyano na sila’y maging mga ebanghelisador, ano ba ang kaniyang inaasahan sa kanila? Ang Diyos ba ay may layunin para sa mga Kristiyano sa ngayon? Oo! At sa kadahilanang ito, ang babala ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto na huwag “tanggapin ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos at sayangin ang layunin nito” ay may kabuluhan sa atin. (2 Corinto 6:1) Tingnan natin kung bakit.
Kung Ano ang Layunin ng Diyos
Tulad ni Pablo, ang mga Kristiyano sa Corinto ay tumanggap ng haing pantubos na inihandog ni Jesu-Kristo. Dahilan sa kanilang pananampalataya sa paglalaang ito, sila’y inaring matuwid ni Jehova. Ang kanilang pagtanggap sa Mesianikong mga katotohanan na dumating sa kanila sa pamamagitan ng ministeryo ni Pablo ang nagpalaya sa kanila buhat sa pagkaalipin sa huwad, pagano, at imoral na mga gawain na siyang ikinabantog ng sinaunang Corinto. Para sa kanila, ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ni Jehova ay nagdulot ng kanilang pagkatubos. Gayumpaman, ang gayon bang kagandahang-loob ay walang layunin?
Hindi. Bagkus pa nga, ang layunin ni Jehova sa pagtubos sa kanila ay gaya rin ng layunin niya ng pagkatubos kay Pablo buhat sa di maka-Kasulatang mga tradisyon ng mga ninuno ni Pablo. Si Pablo mismo ang nagbibigay-linaw tungkol sa layuning iyan: “Ako’y naging isang ministro nito ayon sa walang bayad na kaloob ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos na ibinigay sa akin . . . upang aking ipangaral sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-masayod na mga kayamanan ng Kristo.” (Efeso 3:7, 8; ihambing ang Galacia 1:15, 16.) Oo, ang layunin ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos ay upang ang tunay na pagsamba ang sundin ng kaniyang mga lingkod—dakilain ang kaniyang pangalan, Jehova, at ipakilala iyon sa pamamagitan ng ministeryong Kristiyano, gaya ng ginawa ni Pablo.—Roma 10:10.
Gayunman, nang isulat ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, maliwanag na marami sa kanila ang hindi ginagawa ang layunin ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos. Papaano ngang nagkagayon? Sa halip na manatili sa isang anyo ng pagsamba at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, ang imoral na impluwensiya ng mga tao sa Corinto ay kanilang pinayagan na humila sa kanila sa pamamanhid ng kanilang mga sentido. Kapuwa ang mga pagkakabaha-bahagi at pakikiapid ay napaulat na nagaganap sa gitna nila. (1 Corinto 1:11; 5:1, 2) Ang karamihan ng mga kaugnay sa kongregasyon ay itinuwid ng payo ni Pablo. Gayunman, hindi ibig ni Pablo na sila’y magkaroon pa uli ng pagkaabala sa ministeryong Kristiyano. Kaya naman, nang bandang huli ay kaniyang ipinaalaala sa kanila na huwag “tanggapin ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos at sayangin ang layunin nito.”—2 Corinto 6:1.
Isang Sinaunang Halimbawa
Ang isang situwasyon na nahahawig dito ay naganap daan-daang taon na ang lumipas. Noong tagsibol ng 537 B.C.E., pinalaya ng Diyos na Jehova ang kaniyang piniling bansa ng Israel buhat sa pagkabihag sa Babilonya at ito’y ginawa niya sa pamamagitan ng haring Persiano na si Ciro. Ang layunin ng pagpapalaya sa kanila ay binanggit ni Ciro mismo sa sumusunod na utos: “Sinuman sa inyo sa kaniyang buong bayan, suma-kaniya nawa ang kaniyang Diyos. Kaya umahon siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at muling itayo ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel.”—Ezra 1:1-3.
Oo, takdang panahon na noon ni Jehova na isauli sa lupain ng Juda ang tunay na pagsamba. Dahilan sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob ni Jehova, ang mga Judiong nagbalik-bayan ay nagkaroon ng pribilehiyo ng muling pagtatayo ng kaniyang templo sa Jerusalem. Tinanggap ng nagbalik-bayang mga Judio ang hamon, at sila’y muling nanirahan sa kanilang sariling bayan at sinimulan nilang muling itayo ang templo.—Ezra 1:5-11.
Gayumpaman, hindi lumipas ang mahabang panahon at ang bumalik na bansang Judiong ito ay nagbigay-daan sa mga mananalansang na tagalabas sa panghihimasok sa kanilang gawain. Imbis na panatilihing malinaw sa kanilang kaisipan ang layunin ng pagkapalaya sa kanila, kanilang sinabi: “Hindi pa dumarating ang panahon, ang panahon ng pagtatayo ng bahay ni Jehova.” (Hagai 1:2) Kaya naman, ang muling pagtatayo ay lubusang napabayaan sa loob ng mga 16 na taon.
Samantala, sila’y abalang-abala sa mapag-imbot na mga tunguhin, mahigit na pinahahalagahan ang materyal na mga bagay, ang mga kaalwanan ng katawan, kaysa muling pagtatayo ng banal na bahay ni Jehova. (Hagai 1:3-9) Sa Hagai 1:4 ay mababasa natin: “Panahon baga para sa inyo na tumahan sa inyong mga tahanang may entrepanyo, samantalang ang bahay na ito ay sira?” Ang bahay ng pagsamba kay Jehova ay nakatiwangwang na “sira,” at mayroon lamang nakatayong pundasyon, samantalang ang mga Judio ay naninirahan sa kanilang may bubong nang mga bahay at ang mga dingding ay may mga entrepanyong magagandang tabla.
Sa pamamagitan ng kaniyang mga propetang sina Hagai at Zacarias, ipinaalala ni Jehova sa sa mga Judio ang layunin ng pagpapalaya sa kanila, at sa wakas ay natapos din ang gawaing pagtatayong-muli. Gayunman, sinuman na nagpatuloy na higit pang pahalagahan ang materyal na mga ari-arian kaysa pribilehiyo na makitang naisauli sa Jerusalem ang tunay na pagsamba ay maliwanag na nabigo sa layunin ng pagbibigay ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos.
Ang Layunin ng Pagpapalaya sa Atin
Ano ang maaari nating matutuhan sa ngayon buhat sa halimbawa ng mga Judio na nakauwi sa kanilang bayan noong 537 B.C.E. at buhat sa mga Kristiyano sa Corinto noong kaarawan ni Pablo? Bilang nag-alay na mga lingkod ng Diyos na Jehova, tayo rin naman ay nakaranas ng pagpapalaya sa atin. Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob, tayo ay di na mga alipin sa huwad na mga doktrina at mga tradisyon ng Babilonyang Dakila o sa kabalakyutan ng matandang sistemang ito ng mga bagay. (Juan 8:32; 2 Corinto 4:4-6) Ang gayong pagkakatubos sa atin sa pagkaalipin, at pati na rin ang kalayaan na dala nito, ay nagbibigay-pagkakataon sa atin na ipakita sa Diyos ang ating pagpapahalaga sa kaniyang pag-ibig sa atin. (1 Juan 4:9) Sa paano?
Huwag nating sayangin ang layunin ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos. Ito’y kapareho rin niyaong layunin para sa mga sinaunang lingkod ni Jehova, na tayo’y dapat sumunod sa tunay na pagsamba. Sa ngayon, tulad din noong kaarawan ni Pablo, ito’y nangangahulugan na tayo’y dapat “magpahayag sa mga bansa ng mabuting balita tungkol sa . . . Kristo.” (Efeso 3:8) Samakatuwid, lahat ng mga tumatanggap ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos ay kailangang makibahagi sa ministeryong Kristiyano. Ito’y nangangahulugan na bilang nag-alay na mga lingkod ng Diyos na Jehova, tayo’y may pananagutan na ipakilala sa iba ang katotohanan, dakilain at purihin ang pangalan ng Diyos, at maglingkod sa kaniya sa pagsamba na malinis at banal.—Mateo 28:19, 20; Hebreo 13:15; Santiago 1:27.
‘Huwag Sayangin ang Layunin Nito’
Posible ba na ang sinuman sa atin, tulad din ng mga sinaunang Kristiyano, ay may panganib na ‘sayangin ang layunin’ ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos? Oo. Tulad nila, marami sa atin, sa trabaho man o sa paaralan, ay nakikihalubilo sa mga taong namihasa sa paggawa ng seksuwal na imoralidad, sa pagnanakaw, sa pagsisinungaling, at pagdaraya, at iba pang mga bagay na karima-rimarim sa Diyos na Jehova. (1 Corinto 6:9, 10; Galacia 5:19-21) Kaya mahalaga na ating iwasan ang pakikisama sa gayong mga tao, sapagkat baka tayo mahawa sa masama. (1 Corinto 15:33) Ang gayong mga kasama ay makapagpapahina lamang ng ating pananampalataya. Angkop naman, si Pablo ay sumulat ng ganito kay Tito: “Sapagkat nahayag ang di-sana-nararapat na awa ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng uri ng mga tao, na nag-uutos sa atin na itakwil natin ang kalikuan at makasanlibutang mga pita at mamuhay tayo na may katinuan ng isip at kabanalan at maka-Diyos na debosyon sa gitna nitong kasalukuyang sistema ng mga bagay.”—Tito 2:11, 12.
Marahil ay mayroong mga iba na nagsasabing kanila nang tinutupad ang kanilang ministeryo kung sila’y dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, nakikibahagi nang regular sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at hindi naman gumagawa ng anumang uri ng imoralidad. Gayunman, mayroong isa pang bagay na dapat isaalang-alang. Sinabi ni Jesus: “Walang sinuman na makapagpapaalipin sa dalawang panginoon.” (Mateo 6:24) Ano ba ang ibig niyang sabihin? Na bagama’t tayo’y gumugol ng isang sukat ng panahon sa pangangaral ng mabuting balita, posible na ang ating maging pangunahing interes sa buhay ay ang pagsusumikap na magkaroon ng higit at higit pang materyal na mga bagay. Totoo naman, baka para sa atin ay tunay na kaakit-akit ang pag-asa sa isang bagong sistema ng mga bagay sa ilalim ni Kristo Jesus, subalit kasabay nito ay baka ang ibig natin ay makamit ang pinakamalaking makakamit natin sa sistemang ito habang ito’y umiiral. Ang gayong saloobin ay maaaring maglihis lamang sa atin sa tunay na layunin ng pagpapalaya sa atin. Hindi ba dahilan sa nakakatulad na saloobin tungkol sa materyal na mga bagay kung kaya ang nagbalik-bayang mga Judio ay napalihis sa pagtupad ng layunin ng pagpapalaya sa kanila?
Ang atin bang mga gawain ay nagpapakita na ating sinayang ang layunin ng ating pagkatubos buhat sa balakyot na matandang sistemang ito at sa huwad na relihiyon nito? Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na “ngayon ang lalo nang kaaya-ayang panahon” upang tulungan ang iba na magkamit ng kaligtasan. (2 Corinto 6:2) Sa ngayon, na kaylapit-lapit na ang napipintong pagkapuksa ng balakyot na sistemang ito, lalong higit na kumakapit ang mga salita ni Pablo. Samantalang maliwanag nga na ang karamihan ng kasalukuyang mga taong nagsisimba ay hindi ibinabahagi sa iba ang kanilang pananampalataya, ang mga Kristiyanong nagpapakita ng taos-pusong pag-ibig sa Diyos na Jehova ay aariing isang pribilehiyo ang lubusang makibahagi sa ministeryong Kristiyano na kaniyang iniatas sa kanila. Lahat ng mga tapat na nangangaral ng mabuting balita sa kaaya-ayang panahong ito at naglilingkod kay Jehova sa pagsamba ng malinis at banal ay makagagawa nito taglay ang kasiguruhan na kanilang ‘tinanggap ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos at hindi sinayang ang layunin nito.’—2 Corinto 6:1.