“Hindi Ikinahihiya ang Mabuting Balita”
“Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; oo, ito nga ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya.”—ROMA 1:16.
1. Papaano karaniwang tinatanggap ang mabuting balita, ngunit ano ang pagkakilala sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ng walang pananampalatayang mga tao ng sanlibutan?
ANG itinuturing ng isang tao na mabuting balita ay baka hindi naman kilalanin ng iba na mabuting balita. Karaniwan, ang isang nagdadala ng mabuting balita ay tinatanggap nang masaya, at siya’t pakikinggan ng pandinig na sabik makarinig ng balitang iyon. Gayunman, ang Bibliya ay humula na para sa walang-pananampalatayang mga tao ng sanlibutan, hindi nila kikilalanin bilang nakalulugod na balita ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ang mensahe nito ng kaligtasan.—Ihambing ang 2 Corinto 2:15, 16.
2. Ano ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa mabuting balita na kaniyang inihayag, at bakit ang mensahe na kaniyang inihayag ay mabuting balita pa rin sa ngayon?
2 Si apostol Pablo ay sinugo upang magdala ng mabuting balita sa madla. Ano ba ang kaniyang damdamin tungkol sa pagkasugong ito sa kaniya? Sinabi niya: “Sa ganang akin ay handa akong ipangaral din ang mabuting balita sa inyo na naririyan sa Roma. Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita.” (Roma 1:15, 16) Upang ang balita ay maging mabuti pa rin hanggang sa ngayon, halos 2,000 taon na pagkatapos na sulatan ni Pablo ang mga Kristiyano roon sa Roma, tunay na ito’y kailangang maging isang namamalaging mabuting balita. Sa katunayan, ito ay “walang-hanggang mabuting balita.”—Apocalipsis 14:6.
3, 4. Bakit hindi sinabi ni apostol Pablo na ikinahiya niya ang mabuting balita?
3 Bakit sinabi ni apostol Pablo na hindi niya ikinahiya ang mabuting balita? Bakit nga ba niya ikahihiya ito? Dahil sa hindi ito isang popular na mensahe, sapagkat ito’y may kinalaman sa isang taong ibinayubay sa pahirapang tulos na para bagang isang dinustang kriminal, anupa’t sa panlabas na anyo ay tunay ngang parang isang napakasamang tao. Sa loob ng tatlo at kalahating taon, ang taong ito ay nagparoo’t parito sa Palestina na taglay ang mabuting balita at napaharap sa mahigpit na pananalansang buhat sa mga Judio, lalo na sa mga pinunong relihiyoso. At ngayon si Pablo, na may dala ng pangalan ng hinamak na taong iyon, ay napaharap sa nakakatulad na pananalansang.—Mateo 9:35; Juan 11:46-48, 53; Gawa 9:15, 20, 23.
4 Dahilan sa gayong pananalansang, si Pablo at ang kaniyang mga kapuwa alagad ni Jesu-Kristo ay baka nakilala bilang may taglay na isang bagay na dapat ikahiya. Oo, ngayon si Pablo ay nakakapit sa isang bagay na dating itinuturing niya na nakahihiya. Siya’y nagkaroon ng personal na bahagi sa pag-upasala sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Gawa 26:9-11) Subalit siya ay huminto na sa gayong gawain. Kaya naman, siya, kasama ng mga iba pa na naging mga Kristiyano, ay dumanas ng marahas na pag-uusig.—Gawa 11:26.
5. Papaano ipinaliwanag ni Pablo ang kaniyang pangungusap tungkol sa hindi pagmamakahiya ng mabuting balita?
5 Kung pinayagan ng isang tao ang kaniyang sarili na ikahiya ang pagiging isang tagasunod ni Jesu-Kristo, ang mga bagay-bagay ay titingnan niya buhat sa punto-de-vista ng isang tao. Si apostol Pablo ay hindi ganiyan. Bagkus, sa pagpapaliwanag sa bagay na hindi niya ikinahiya ang mabuting balita na kaniyang ipinangaral, sinabi niya: “Ito nga ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya.” (Roma 1:16) Ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi dapat ikahiya kung iyon ay nagpapakilos sa isang alagad ni Jesus na ganapin ang kapuri-puring layunin ng maluwalhating Diyos na sinamba at pinuri ni Jesu-Kristo mismo.—Ihambing ang 1 Corinto 1:18; 9:22, 23.
Ang Mabuting Balita na Inihahayag sa Buong Daigdig
6, 7. (a) Anong pananagutan tungkol sa mabuting balita ang sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na tuparin, at ano ang resulta? (b) Bagaman hindi natin nais na ang takot ay pumigil sa atin sa pagbibigay ng patotoo, may mga panahon na ano ang kailangang gawin natin? (Tingnan ang talababa.)
6 Tulad ni Pablo, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay mga alagad ng Kaniyang niluwalhating Anak, si Jesu-Kristo. Sa kaniyang mga Saksing ito, ipinagkatiwala ni Jehova ang kayamanang ito, “ang maluwalhating mabuting balita.” (1 Timoteo 1:11) Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na tuparin ang mabigat na pananagutang ito, at sila’y pinapayuhan na huwag ikahiya ito. (2 Timoteo 1:8) Mahalaga nga na huwag payagang ang takot o pagkamahiyain ang pumigil sa atin sa pagbibigay ng patotoo at pagpapakilala ng ating mga sarili bilang mga Saksi ni Jehova.a
7 Ang resulta ng ganiyang may katapangan at walang-takot na pagpapatotoo ay ang paghahayag sa buong lupa ng pangalan ng Kataas-taasang Diyos at ang pangangaral ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian sa buong daigdig. Sinabi ng Anak ng Diyos: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas,” at kailanman ay hindi tutulutang mabigo ang kaniyang inihulang ito. (Mateo 24:14) Ang mabuting balita ay ipinangangaral ngayon sa mahigit na 210 bansa, at hindi pa sumasapit sa wakas ang gawaing pangangaral na ito. Yamang hindi natin ikinahihiya ang mabuting balita at tayo’y nakaharap sa kinabukasan nang may tibay-loob, ang ating dalangin ay gaya ng sa sinaunang mga alagad ni Jesu-Kristo: “At ngayon, Jehova, . . . ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na magsalita ng iyong salita nang buong katapangan.”—Gawa 4:29.
8. Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi dapat masiraan ng loob dahil sa pananalansang na umiiral sa lahat ng bansa sa lupa?
8 Bagaman totoo naman na ang mga Saksi ni Jehova ay kinapopootan at sinasalansang sa lahat ng bansa sa lupa, ito’y katuparan ng inihula bilang isang nagpapakilalang tanda ng tunay na mga mananamba ng kaisa-isang buháy at tunay na Diyos. (Juan 15:20, 21; 2 Timoteo 3:12) Kaya’t sa halip na masiraan ng loob at manghina dahilan dito, ang mga naghahayag ng mabuting balita ay muli’t muling pinaaalalahanan na sila’y may pagsang-ayon ng Diyos at nasa sinang-ayunang organisasyon ng Pansansinukob na Soberano, si Jehova.
9. Bakit walang anuman kung ang buong sanlibutan man ay laban sa atin?
9 Huwag kalilimutan: Tayo’y inaalalayan ng Kataas-taasang Diyos ng buong sansinukob. Kaya, ano naman kung ang buong sanlibutan at lahat ng mga sekta ng relihiyon nito at mga partido pulitikal ay laban sa atin? Ang buong sanlibutan ay naging laban din sa bugtong na Anak ng Diyos, at hindi natin ikinahihiya kung tayo man ay nasa ganiyan ding kalagayan. Gaya ng sinabi niya sa kaniyang mga apostol: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, inyong talastas na ako muna ang kinapopootan bago kayo. Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang sa kaniyang sarili. Ngayon sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.”—Juan 15:18, 19.
10. Saan nanggagaling ang karamihan ng pag-uusig sa mga Saksi, at bakit hindi nila ikinahihiya ito?
10 Ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtiis na ng pag-uusig sa buong daigdig subalit lalung-lalo na sa mga bansa na bumubuo ng tinatawag na Sangkakristiyanuhan. Ang gayong pag-uusig na ginagawa ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nagpapatunay na ang mga Saksi’y di-Kristiyano. Bagkus pa, ito ang lalong nagpapatibay ng kanilang pag-angkin na sila’y mga tunay na Kristiyano, mga Saksi ng Diyos at Ama ni Jesu-Kristo, samakatuwid nga, si Jehova. Dahil sa sila’y mga Saksi ng Diyos, sila’y hindi nangahihiya pagka sila’y dumaranas ng pag-uusig nang dahil sa kanilang relihiyon. Samakatuwid, ang payo ni apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano na huwag mahiya ay angkop na kumakapit sa mga Saksi ni Jehova ngayon.—Tingnan ang Filipos 1:27-29.
Ang Pinakamagaling na Balita na Maaaring Maihayag
11. Sa pagtanggap sa pangalang mga Saksi ni Jehova, bakit hindi nangangahulugang tayo’y hindi na mga tagasunod ni Jesu-Kristo?
11 Lakas-loob na tinanggap ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pangalan bilang katuparan ng pangako ni Jehova sa kaniyang pinakipagtipanang bayan sa Isaias 43:10. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi na sila sumusunod kay Jesu-Kristo. Si Jesus ang kanilang Lider, na siyang uliran na kanilang tinutularan. Siya mismo ay isa sa mga saksi ni Jehova. Sa katunayan, siya ang pangunahing Saksi ni Jehova.—1 Timoteo 6:13; Apocalipsis 1:5.
12. Anong uri ng balita ang ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, at bakit?
12 Ang mensahe na ipinangangaral sa buong daigdig ng mga Saksing ito ni Jehova ang pinakamabuting balita na maaaring maihayag kailanman. Wala nang pamahalaan na bubuti pa para sa sangkatauhan kaysa Mesiyanikong Kaharian na itinatag ni Jehova upang magpuno sa sanlibutan ng sangkatauhan, upang tubusin yaong mga pinagsuguan niya ng kaniyang bugtong na Anak. (Isaias 9:6, 7) Ang mga tao sa lupa na sa kanila ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ay binibigyan ng pagkakataon na tanggapin ito at magpatunay na karapat-dapat sa kaloob na walang-hanggang buhay sa kasakdalan bilang tao sa isang lupang paraiso.
13. Bakit natin matitiyak na ang pamahalaan ng Mesiyanikong Kaharian ang magiging pinakamagaling, at ano ang hindi nahihiya ang mga Saksi na irekomenda?
13 Tunay, kung si Jesus ay handang dumanas ng isang malupit na kamatayan upang tubusin yaong kaniyang magiging mga sakop, tiyak na bibigyan niya sila ng walang ibang pamahalaan kundi yaong pinakamagaling. Ito ang aming inirirekomenda sa bawat taong nilalang sa lupa: Maging isa kang tapat, masunuring sakop ng pamahalaang iyan. Hindi natin ikinahihiya ang pamahalaan na taimtim na inirirekomenda natin sa lahat ng tao. Tayo’y hindi umuurong sa pangangaral ng Kaharian, bagaman ang ganitong gawain ay maaaring magdala sa atin ng pag-uusig. Katulad ni apostol Pablo, bawat isa sa atin ay nagsasabi: “Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita.”
14. Sang-ayon kay Jesus, ang pangangaral sa Kaharian ay magiging gaanong kalawak sa panahon natin?
14 Inihula ni Jesus na ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay magiging pambuong sanlibutan, at ang malaganap, malawakang hulang ito ay angkop para sa gayong mensahe. (Marcos 13:10) Hindi siya nag-atubiling ihula ang pangangaral ng Kaharian ni Jehova hanggang sa kadulu-duluhang bahagi—oo, hanggang sa mismong wakas ng lupa. (Gawa 1:8) Batid ni Jesus na saanman may masusumpungang mga tao, ang kaniyang tapat na mga tagasunod ay gagawa ng taimtim na pagsisikap na marating sila at mabigyan ng mabuting balita ng Kaharian.
15, 16. (a) Sino ang karapat-dapat na marating upang madalhan ng mabuting balita? (b) Bakit ang gawaing pangangaral ay matatapos sa kabila ng ginagawang pag-uusig ng organisasyon ng Diyablo?
15 Ang mga tao sa lupa ngayon ay umaabot na sa bilang na libu-libong milyon at nakakalat sa lahat ng kontinente at mga malalaking isla sa karagatan. Gayunman, walang bahagi ng tinatahanang lupa ang naging napakalayo para sa mga Saksi ni Jehova na pagsikapang marating upang dalhan ng mabuting balita. Ang buong tinatahanang lupa ang makasagisag na tuntungang-paa ng Diyos na Jehova. (Isaias 66:1) Ang mga taong nilalang na nasa anumang bahagi ng kaniyang tuntungang-paa ay karapat-dapat na marating upang madalhan nitong mensahe ng kaligtasan.
16 Ang mabuting balita sa ngayon ay ang masayang balita ng isang maharlikang pamahalaan na nakatatag na sa kamay ng Mesiyas. Batid ni Jesus na sa kabila ng pinakamatinding pag-uusig na ginagawa ng organisasyon ng Diyablo, ang espiritu ng Diyos ang magpapasigla sa mga tunay na tagasunod ng Mesiyas upang umabot yaon sa mismong sukdulan para ang “mabuting balitang ito ng kaharian” bilang isang matatag na katotohanan ay ‘maipangaral sa buong tinatahanang lupa.’—Mateo 24:14.
Hindi Ikinahiya si Jesu-Kristo at si Jehova
17. (a) Ano ang hindi ikinahihiya ng mga tunay na mananamba? (b) Anong alituntunin ang ibinigay ni Jesus sa Marcos 8:38, at ano ang kahulugan nito?
17 Ang Kataas-taasang Diyos ay hindi nag-atubili ng pagbibigay sa kaniyang sarili ng isang pangalan, na Jehova; hindi rin dapat na ang pangalang iyan ay ikahiya ng kaniyang tapat na mga mananamba. Ang mga tunay na mananamba ay natutuwang sila’y makilala at kilalanin bilang yaong mga nagbibigay ng di-nababahaging pagsamba at pagsunod sa kaniya. Tungkol sa kaniyang sarili, ibinigay ni Jesus ang alintuntunin, o simulain, sa Marcos 8:38: “Sinumang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa salinlahing ito na mapangalunya at makasalanan, siya’y ikahihiya rin naman ng Anak ng tao pagparito niyang nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang mga banal na anghel.” Sa katulad na paraan, sinumang magmakahiya sa Diyos at sa Ama ng Panginoong Jesu-Kristo, may katuwiran si Jehova na ikahiya ang isang iyon. At sinumang nilalang na ikahihiya ni Jehova dahil sa kaniyang pagsuway ay hindi karapat-dapat magtamasa ng buhay sa anumang bahagi ng nasasakupan ng Diyos sa langit o sa lupa.—Lucas 9:26.
18. (a) Bakit ang mga salita ni Jesus sa Mateo 10:32, 33 ay dapat mapatanim sa ating mga puso at isip? (b) Ano ang nangyayari sa mga nagkakaila kay Jesus at kay Jehova nang dahil sa takot sa mga tao? (Magbigay ng mga halimbawa na salig sa talababa.)
18 Hayaang ang sumusunod na mga salita ni Jesu-Kristo ay mapatanim sa ating mga puso at isip: “Kaya’t ang bawat kumilala sa akin sa harap ng mga tao, siya’y kikilalanin ko naman sa harap ng aking Ama na nasa langit; ngunit sinumang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ikakaila ko rin naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 10:32, 33; Lucas 12:8, 9) Batay rin diyan, sinumang magkaila sa Diyos at Ama ng Panginoong Jesu-Kristo ay ikakaila Niya. Siya’y hindi ibibilang na karapat-dapat maging isang miyembro ng sambahayan na kung saan si Jesu-Kristo ang pangunahing Anak. Samakatuwid siya ay pupuksain sa itinakdang panahon ng Diyos.b
19, 20. (a) Bakit yaong mga nanalangin na ariing banal ang pangalan ni Jehova ay walang dapat ikahiya? (b) Ano ang nagawa ng walang-takot na mga tagapaghayag ng Kaharian, at sa alalay nino?
19 Ang modernong panalangin na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay sasagutin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Pagka nangyari na iyan, ang maibiging mga alagad ni Jesus ay walang ikahihiya. Ang pangalan ni Jehova ay pakukundanganan, aariing-banal, hindi lamang ng milyun-milyong nabubuhay ngayon na hindi na kailangang mamatay pa kundi rin naman ng libu-libong milyong mga tao na kaniyang tatawagin buhat sa kanilang mga libingan sa panahon ng kaniyang sanlibong taóng pamamahala sa Kaharian. Sila’y magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso.
20 Hindi nahihiya, ang walang takot na mga tagapaghayag na ito ng mabuting balita ng Kaharian ay nakagawa ng isang pangglobong pagpapatotoo sa kabila ng pambuong-sanlibutang pananalansang sapagkat sila’y itinataguyod ng kapangyarihang higit kaysa taglay ng tao—ang alalay ng makalangit na mga anghel. Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay ‘natatakot sa Diyos at nagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian.’—Apocalipsis 14:6, 7.
Di-nahihiya na Matakot sa Diyos at Magbigay sa Kaniya ng Kaluwalhatian
21. Ano ang hindi ikinahihiya na gawin ng mga Saksi ni Jehova, at ano ang resulta?
21 Pinatunayan ng mga Saksi ni Jehova na sila’y di-nahihiya na matakot sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, anupa’t ginagamit pa man din ang kaniyang sariling personal na pangalan, na Jehova. Ang resulta nito’y di-masayod na mga pagpapala para sa kanila. Ang mga pagpapalang ito ay dumating bilang katuparan ng mga ipinangako ng Kataas-taasang Diyos. Anong linaw na pagbabangong-puri ito sa kaniya bilang ang kaisa-isang buháy at tunay na Diyos, ang Soberano ng sansinukob!
22. Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay haharap sa ubod-lupit na pag-uusig, subalit anong kagalakan ang sasakanila?
22 Sa nalalapit na hinaharap, ang mga pamahalaan ng sanlibutan ay babaling laban sa mga pinuno ng relihiyon at sila’y lilipuling lahat—kasali na ang Sangkakristiyanuhan—upang tuluyang mawala. (Apocalipsis 17:16, 17) Kung gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay haharap sa isang panahon ng ubod-lupit na pag-uusig buhat sa mga bahagi ng sanlibutan. Sila’y hindi makapagtitiis at makaliligtas kung hindi sumasakanila ang walang-hanggang Diyos. Subalit siya’y sumasakanila, kaya’t sila’y magkakaroon ng kagalakan na makita ang paglipol sa lahat ng gayong mga kaaway ng mga Kristiyano at ni Jehova, na isasagawa ng Diyos na sinasambang walang pagkabisala ng mga Saksi. Sila’y hindi daranas ng kahihiyan ng pagkabilad at pagkapuksa bilang mga kaaway ng tunay na teokrasya kundi sila’y makararanas ng di-masayod na kagalakan ng pag-awit kay Jehova: “Mula sa panahong walang-takda hanggang sa panahong walang-takda ikaw ay Diyos.”—Awit 90:2.
23. Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay walang dapat ikahiya, at ano ang magiging resulta?
23 Sila’y luluwalhati sa Diyos, ang Ama ni Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya tinubos ang sangkatauhan upang magtamasa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan ng pagkatao at sa kaligayahan sa isang lupang paraiso. Talagang ipinakita ni Jehova na siya’y isang makapangyarihang Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus! Anong husay na ipinakita ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang marunong at maibiging tagapagsagawa, hindi tagapag-abuso, ng kaniyang walang-hanggang kapangyarihan! Kaya naman, tayo ay walang dapat na ikahiya may kaugnayan sa kaniya o sa kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo. Tayo’y hindi nahihiyang maging mga tagapaghayag ng maluwalhating mabuting balita, na nagtatanghal ng di-nagagaping kapangyarihan ni Jehovang Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus, na nagsabi noong mga sandaling papanaw na ang kaniyang makalupang buhay: “Kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Sa paglakad sa ganitong landasin, sa tuwina’y sundin natin ang halimbawa ni apostol Pablo, na hindi kailanman ikinahiya ang mabuting balita. Kung gayon, tayo’y hindi ikahihiya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
[Mga talababa]
a Bagaman hindi natin nais na ikahiya ang bagay na tayo’y mga Saksi, may mga panahon na kailangang “magpakatalinong gaya ng mga ahas.” (Mateo 10:16) Ang mga Saksi sa Nazi Alemanya ay nakaaalam na may panahon na maaaring ipakilala ang sarili at may panahon na hindi dapat gawin ito.—Ihambing ang Gawa 9:23-25.
b Ulit at ulit, yaong mga nagkaila kay Jesus at kay Jehova ng dahil sa takot sa mga tao ay hindi nakasumpong ng pagsang-ayon ng sanlibutan. Halimbawa, tingnan Ang Bantayan ng Mayo 1, 1989, pahina 12; 1982 Yearbook, pahina 168; 1977 Yearbook, pahina 174-6; 1974 Yearbook, pahina 149-50, 177-8. Sa kabilang panig, maging ang disididong mananalansang sa mabuting balita ay umaasang ang mga Saksi’y hindi magkakaila kay Jesus at kay Jehova. (1989 Yearbook, pahina 116-18) Tingnan din ang Mateo 10:39 at Lucas 12:4.
Mga Tanong sa Kabuuan
◻ Tulad ni apostol Pablo, ano ang dapat nating maging saloobin kung tungkol sa paghahayag ng mabuting balita, at bakit?
◻ Bakit ang mensahe na inihahayag ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamabuting balita kailanman?
◻ Anong babala ang ibinigay ni Jesus tungkol sa sinuman na ipagmamakahiya siya pagdating niya na taglay ang kaluwalhatian sa Kaharian?
◻ Ano ang nangyayari sa mga nagkakaila kay Jesus at kay Jehova?
◻ Ano ang nagawa ng mga naghahayag ng mabuting balita nang walang pagkahiya, at bakit?