Buong-Katapatang Itaguyod ang Kinasihang Salita ng Diyos
“Tinalikuran na namin ang mga bagay na pailalim na dapat ikahiya, na hindi lumalakad na may katusuhan, ni binabantuan ang salita ng Diyos.”—2 CORINTO 4:2.
1. (a) Ano ang kinailangan upang maisakatuparan ang gawain na nakasaad sa Mateo 24:14 at 28:19, 20? (b) Gaano na kalawak ang paglalathala ng Bibliya sa mga wika ng mga tao nang magsimula ang mga huling araw?
SA KANIYANG dakilang hula hinggil sa panahon ng kaniyang maharlikang pagkanaririto at sa katapusan ng matandang sistema ng mga bagay, inihula ni Jesu-Kristo: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Itinagubilin din niya sa kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 24:14; 28:19, 20) Nasasangkot sa katuparan ng mga hulang ito ang malaking trabaho sa pagsasalin at paglilimbag ng Bibliya, pagtuturo sa mga tao ng kahulugan nito, at pagtulong sa kanila na ikapit ito sa kanilang buhay. Tunay na isang malaking pribilehiyo na makibahagi sa gayong gawain! Pagsapit ng 1914 ay nailathala na ang Bibliya o ang ilang bahagi nito sa 570 wika. Ngunit sapol noon ay daan-daan pang wika at napakaraming diyalekto ang naidagdag, at sa maraming wika ay mahigit sa isang salin ang makukuha.a
2. Anong iba’t ibang motibo ang nakaimpluwensiya sa gawain ng mga tagapagsalin at mga tagapaglathala ng Bibliya?
2 Isang hamon para sa sinumang tagapagsalin ang gumamit ng materyal sa isang wika at gawin itong nauunawaan niyaong bumabasa at nakaririnig ng ibang wika. Ginampanan ng ilang tagapagsalin ng Bibliya ang kanilang gawain taglay ang lubusang kabatiran na ang isinasalin nila ay ang Salita ng Diyos. Ang iba naman ay naakit lamang sa akademikong hamon ng proyekto. Maaaring minalas nila ang nilalaman ng Bibliya bilang isa lamang mahalagang pamanang pangkultura. Para sa ilan, ang relihiyon ay kanilang negosyo, at ang paglalathala ng isang aklat na nagtataglay ng kanilang pangalan bilang tagapagsalin o tagapaglathala ay bahagi ng paghahanapbuhay. Ang kanilang motibo ay maliwanag na nakaimpluwensiya sa paraan ng pagganap nila ng kanilang gawain.
3. Paano minalas ng New World Bible Translation Committee ang gawain nito?
3 Kapansin-pansin ang pahayag na ito ng New World Bible Translation Committee: “Ang pagsasalin ng Banal na Kasulatan ay nangangahulugan ng pagsasalin sa ibang wika ng mga kaisipan at salita ng Diyos na Jehova . . . Ito ay isang maselan na bagay. Ang mga tagapagsalin ng akdang ito, na may takot at pag-ibig sa Banal na Awtor ng Banal na Kasulatan, ay nakadarama ng pantanging pananagutan sa Kaniya na ihatid ang kaniyang mga kaisipan at kapahayagan nang buong-katumpakan hangga’t maaari. Nakadarama rin sila ng pananagutan sa mga nagsasaliksik na mambabasa na umaasa sa isang salin ng kinasihang Salita ng Kataas-taasang Diyos para sa kanilang walang-hanggang kaligtasan. Dahil sa pagkadama ng gayong taimtim na pananagutan kung kaya sa loob ng maraming taon ay binuo ng komiteng ito ng nakaalay na mga lalaki ang New World Translation of the Holy Scriptures.” Ang layunin ng komite ay upang magkaroon ng isang salin ng Bibliya na maliwanag at madaling maunawaan at nanghahawakang mahigpit sa orihinal na Hebreo at Griego anupat maglalaan ito ng saligan para sa patuloy na paglago sa tumpak na kaalaman.
Ano ang Nangyari sa Pangalan ng Diyos?
4. Gaano kahalaga ang pangalan ng Diyos sa Bibliya?
4 Ang isa sa pangunahing layunin ng Bibliya ay ang makatulong sa mga tao na makilala ang tunay na Diyos. (Exodo 20:2-7; 34:1-7; Isaias 52:6) Tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na ipanalanging ang pangalan ng kaniyang Ama ay “pakabanalin,” ituring na sagrado, o malasin bilang banal. (Mateo 6:9) Ipinalagay ng Diyos ang kaniyang personal na pangalan sa Bibliya nang mahigit na 7,000 beses. Ibig niyang malaman ng mga tao ang pangalang ito at ang mga katangian ng Isa na nagtataglay nito.—Malakias 1:11.
5. Paano iniharap ng iba’t ibang tagapagsalin ang banal na pangalan?
5 Maraming tagapagsalin ng Bibliya ang nagpamalas ng taimtim na paggalang sa banal na pangalan at patuloy na gumamit nito sa kanilang akda. Ibig ng ilang tagapagsalin ang Yahweh. Ang iba naman ay pumili ng isang anyo ng banal na pangalan na umaangkop sa kanilang sariling wika samantalang maliwanag na kaugnay pa rin sa kung ano ang lumilitaw sa tekstong Hebreo, malamang na isang anyo na kilalang-kilala na dahil sa matagal na paggamit. Ginagamit ng New World Translation of the Holy Scriptures ang Jehova nang 7,210 beses sa pinakateksto nito.
6. (a) Sa mga nakaraang taon, ano ang ginawa ng mga tagapagsalin may kinalaman sa banal na pangalan? (b) Gaano kalawak ang gawaing ito?
6 Sa nakaraang mga taon, bagaman pinanatili ng mga tagapagsalin ng Bibliya ang pangalan ng mga paganong diyos tulad ng Baal at Molek, mas malimit nilang alisin ang personal na pangalan ng tunay na Diyos mula sa mga salin ng kaniyang kinasihang Salita. (Exodo 3:15; Jeremias 32:35) Sa mga talata tulad ng Mateo 6:9 at Juan 17:6, 26, isang malawakang ipinamahaging bersiyong Albaniano ang nagsalin sa Griegong pananalita para sa “ang iyong pangalan” (samakatuwid nga, ang pangalan ng Diyos) bilang “ikaw,” na para bang hindi binabanggit ang isang pangalan sa mga tekstong ito. Sa Awit 83:18, inalis ng The New English Bible at Today’s English Version kapuwa ang personal na pangalan ng Diyos at ang anumang pagtukoy sa bagay na ang Diyos ay may pangalan. Bagaman lumilitaw ang banal na pangalan sa mas matatandang salin ng Hebreong Kasulatan sa karamihan ng wika, ang mas bagong mga salin ay malimit na nag-aalis nito o kaya’y inilalagay na lamang ito sa mga panggilid na nota. Ganito ang nangyari sa Ingles, gayundin sa maraming wika sa Europa, Aprika, Timog Amerika, India, at sa mga isla ng Pasipiko.
7. (a) Ano ang ginagawa ng mga tagapagsalin ng ilang Aprikanong Bibliya sa banal na pangalan? (b) Ano ang nadarama mo tungkol dito?
7 Higit pa ang ginagawa ng mga tagapagsalin ng Bibliya sa ilang Aprikanong wika. Sa halip na palitan na lamang ang banal na pangalan ng isang maka-Kasulatang titulo, tulad ng Diyos o Panginoon, nagsisingit sila ng mga pangalang kinuha sa lokal na relihiyosong mga paniniwala. Sa The New Testament and Psalms in Zulu (bersiyon ng 1986), ang titulong Diyos (uNkulunkulu) ay halinhinang ginamit kasabay ng isang personal na pangalan (uMvelinqangi) na nauunawaan ng mga Zulu na tumutukoy sa ‘dakilang ninuno na sinasamba sa pamamagitan ng mga ninunong tao.’ Iniulat ng isang artikulo sa magasing The Bible Translator, ng Oktubre 1992, na sa paghahanda sa Bibliyang Chichewa na tatawaging Buku Loyera, ginagamit ng mga tagapagsalin ang Chauta bilang isang personal na pangalan kapalit ng Jehova. Ang Chauta, ayon sa paliwanag ng artikulo, ay “ang Diyos na matagal na nilang kilala at sinasamba.” Gayunman, marami sa mga taong ito ang sumasamba rin sa pinaniniwalaan nilang espiritu ng mga namatay. Totoo ba na kung nananalangin ang mga tao sa isang “Kataas-taasang Persona,” kung gayo’y angkop na katumbas ng personal na pangalang Jehova ang anumang pangalang ginagamit nila para sa “Kataas-taasang Persona,” anuman ang nasasangkot sa kanilang pagsamba? Tiyak na hindi! (Isaias 42:8; 1 Corinto 10:20) Hindi nakatutulong sa mga tao para mapalapit sa tunay na Diyos ang palitan ang personal na pangalan ng Diyos ng isang bagay na nagpapadama sa kanila sa aktuwal na tama ang kanilang kinagisnang paniniwala.
8. Bakit hindi nabigo ang layunin ng Diyos na maipakilala ang kaniyang pangalan?
8 Lahat ng ito ay hindi bumago ni bumigo man sa layunin ni Jehova na ipakilala ang kaniyang pangalan. Sa mga wika sa Europa, Aprika, mga lupain sa Amerika, sa Silangan, at sa mga isla sa dagat, marami pa ring ipinamamahaging Bibliya na nagtataglay ng banal na pangalan. Nariyan din ang mahigit sa 5,400,000 mga Saksi ni Jehova sa 233 bansa at mga teritoryo na sa kabuuan ay nag-uukol ng mahigit na isang bilyong oras sa isang taon upang sabihin sa iba ang tungkol sa pangalan at layunin ng tunay na Diyos. Sila’y naglilimbag at namamahagi ng mga Bibliya—yaong gumagamit ng banal na pangalan—sa mga wika ng mga 3,600,000,000 sa populasyon ng lupa, kasali na ang Ingles, Tsino, Ruso, Kastila, Portuges, Pranses, at Olandes. Naglilimbag din sila ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa mga wika na alam ng malaking bahagi ng populasyon sa lupa. Malapit nang kumilos ang Diyos mismo sa isang paraan na tiyakang tutupad sa kaniyang kapahayagan na “makikilala [ng mga bansa] na [siya ay] si Jehova.”—Ezekiel 38:23.
Kapag ang Personal na Paniniwala ay May Impluwensiya sa Pagsasalin
9. Paano ipinakikita ng Bibliya ang seryosong pananagutang nakasalalay sa mga humahawak ng Salita ng Diyos?
9 Seryosong pananagutan ang nakasalalay sa mga nagsasalin ng Salita ng Diyos gayundin sa mga nagtuturo nito. Ganito ang sabi ni apostol Pablo tungkol sa ministeryo niya at ng kaniyang mga kasamahan: “Tinalikuran na namin ang mga bagay na pailalim na dapat ikahiya, na hindi lumalakad na may katusuhan, ni binabantuan ang salita ng Diyos, kundi sa paggawang hayag sa katotohanan ay inirerekomenda ang aming mga sarili sa bawat budhi ng tao sa paningin ng Diyos.” (2 Corinto 4:2) Ang pagbabanto ay nangangahulugan ng pagpapasama sa pamamagitan ng paghahalo ng isang bagay na walang kaugnayan o mababang uri. Si apostol Pablo ay hindi gaya ng di-tapat na mga pastol ng Israel noong panahon ni Jeremias na sinaway ni Jehova dahil kanilang ipinangangaral ang sariling ideya sa halip na ang sinabi ng Diyos. (Jeremias 23:16, 22) Ngunit ano ba ang nangyayari sa modernong panahon?
10. (a) Paanong ang iba pang motibo bukod sa pagkamatapat sa Diyos ay nakaimpluwensiya sa ilang tagapagsalin sa modernong panahon? (b) Anong papel ang di-angkop na ginagampanan nila?
10 Noong Digmaang Pandaigdig II, isang komite ng mga teologo at pastor ang nakipagtulungan sa pamahalaang Nazi sa Alemanya upang maglabas ng isang nirebisang “Bagong Tipan” na nag-alis sa lahat ng positibong pagtukoy sa mga Judio at lahat ng pahiwatig na may Judiong pinagmulan si Jesu-Kristo. Kamakailan lamang, ang mga tagapagsalin na gumawa ng The New Testament and Psalms: An Inclusive Version ay bumaling sa isang naiibang direksiyon, anupat sinikap na alisin ang lahat ng pahiwatig na ang mga Judio ang may pananagutan sa pagkamatay ni Kristo. Inakala rin ng mga tagapagsaling iyon na magiging mas maligaya ang mga makababaeng mambabasa kung ang Diyos ay babanggitin, hindi bilang ang Ama, kundi bilang ang Ama-Ina at kung si Jesus ay sasabihin lamang na kaniyang Anak (Child), hindi ang Anak na lalaki (Son) ng Diyos. (Mateo 11:27) Sa paggawa nila nito, inalis nila ang simulain ng pagpapasakop ng mga asawang babae sa asawang lalaki at ng pagsunod ng mga anak sa mga magulang. (Colosas 3:18, 20) Maliwanag na hindi taglay ng mga gumawa ng gayong salin ang naging kapasiyahan ni apostol Pablo na huwag ‘bantuan ang salita ng Diyos.’ Nalimutan nila ang papel ng tagapagsalin, kinuha ang posisyon ng awtor, naglabas ng mga aklat na gumamit sa reputasyon ng Bibliya bilang isang paraan upang itaguyod ang kanilang sariling opinyon.
11. Paano salungat ang mga turo ng Sangkakristiyanuhan sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaluluwa at kamatayan?
11 Karaniwan nang itinuturo ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan na ang kaluluwa ng tao ay espiritu, na nililisan nito ang katawan sa kamatayan, at na ito ay imortal. Sa kabaligtaran, maliwanag na sinasabi ng mas matatandang salin ng Bibliya sa karamihan ng mga wika na ang mga tao ay kaluluwa, na ang mga hayop ay kaluluwa, at na ang kaluluwa ay namamatay. (Genesis 12:5; 36:6; Bilang 31:28; Santiago 5:20) Napahiya ang klero dahil dito.
12. Sa anong paraan pinalalabo ng ilang kamakailang bersiyon ang mga saligang katotohanan sa Bibliya?
12 Ngayon ay pinalalabo ng ilang mas bagong bersiyon ang katotohanang ito. Paano? Basta iniiwasan na lamang ng mga ito ang tuwirang pagsasalin ng Hebreong pangngalang neʹphesh (kaluluwa) sa ilang teksto. Sa Genesis 2:7, maaaring sabihin ng mga ito na ang unang tao ay “nagsimulang mabuhay” (sa halip na “naging isang kaluluwang buháy”). O maaaring tukuyin ng mga ito ang “nilalang” sa halip na “kaluluwa” sa kaso ng mga hayop. (Genesis 1:21) Sa mga teksto tulad ng Ezekiel 18:4, 20, tinutukoy ng mga ito na namamatay “ang tao” o “ang indibiduwal” (sa halip na “ang kaluluwa”). Ang gayong salin ay, marahil, makatuwiran sa tagapagsalin. Subalit gaano kalaking tulong ang naibibigay ng mga ito sa taimtim na naghahanap ng katotohanan na ang pag-iisip ay nakondisyon na ng di-maka-Kasulatang mga turo ng Sangkakristiyanuhan?b
13. Paano ikinubli ng ilang bersiyon ng Bibliya ang layunin ng Diyos hinggil sa lupa?
13 Sa pagtatangkang suhayan ang kanilang paniniwala na lahat ng mabuting tao ay pupunta sa langit, maaari ring sikapin ng mga tagapagsalin—o ng mga teologo na nagrerepaso sa kanilang gawa—na ikubli ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa layunin ng Diyos sa lupa. Sa Awit 37:11, mababasa sa ilang bersiyon na ang maaamo ay magmamay-ari ng “lupain.” Ang “lupain” ay isang posibleng salin ng salitang (ʼeʹrets) na ginamit sa tekstong Hebreo. Gayunman, higit pa rito ang ginawa ng Today’s English Version (na nagsilbing saligan sa pagsasalin sa maraming iba pang wika). Bagaman isinalin ng bersiyong ito ang Griegong salitang ge bilang “lupa” nang 17 ulit sa Ebanghelyo ni Mateo, sa Mateo 5:5 ay pinalitan nito ang “lupa” ng pariralang “ang ipinangako ng Diyos.” Natural lamang na ang langit ang siyang iisipin ng mga miyembro ng simbahan. Hindi buong-katapatang ipinababatid sa kanila na, sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo na ang mga mahinahong-loob, maamo, o mapagpakumbaba ay ‘magmamana ng lupa.’
14. Anong mapag-imbot na motibo ang kitang-kita sa ilang bersiyon ng Bibliya?
14 Ang paggamit ng mga salita sa ilang salin ng Kasulatan ay maliwanag na nilayong tumulong sa mga mangangaral na makakuha ng mas mataas na suweldo. Totoo na sinasabi ng Bibliya: “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.” (1 Timoteo 5:18) Ngunit sa 1 Timoteo 5:17, kung saan sinasabi nito na ang mga nakatatandang lalaki na namumuno sa isang mainam na paraan ay dapat na “kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan,” para sa ilan ang tanging karangalan na karapat-dapat banggitin ay yaong may kinalaman sa salapi. (Ihambing ang 1 Pedro 5:2.) Kaya naman, sinasabi ng The New English Bible na ang matatandang ito ay “dapat na kilalaning karapat-dapat sa dobleng sahod,” at sinasabi ng Contemporary English Version na sila’y “nararapat na bayaran nang makalawang ulit pa.”
Buong-Katapatang Itaguyod ang Salita ng Diyos
15. Paano natin matitiyak kung aling salin ng Bibliya ang dapat gamitin?
15 Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito para sa indibiduwal na bumabasa ng Bibliya at sa gumagamit ng Bibliya upang magturo sa iba? Sa karamihan ng malawakang ginagamit na mga wika, may higit sa isang salin ng Bibliya na mapagpipilian. Magpakita ng kaunawaan sa pagpili ng Bibliya na gagamitin mo. (Kawikaan 19:8) Kung ang isang salin ay hindi matapat tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos mismo—anupat inalis ang kaniyang pangalan mula sa kaniyang kinasihang Salita sa anumang kadahilanan—maaari kayang binago rin ng tagapagsalin ang iba pang bahagi ng teksto ng Bibliya? Kapag nag-aalinlangan tungkol sa kawastuan ng isang salin, sikaping ihambing ito sa ibang mas matandang salin. Kung isa kang guro ng Salita ng Diyos, piliin ang mga bersiyon na nanghahawakang mahigpit sa kung ano ang nasa orihinal na tekstong Hebreo at Griego.
16. Bilang mga indibiduwal, paano natin maipakikita ang pagkamatapat sa paggamit natin ng kinasihang Salita ng Diyos?
16 Bilang mga indibiduwal, lahat tayo ay dapat na maging matapat sa Salita ng Diyos. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagmamalasakit nang gayon na lamang tungkol sa nilalaman nito anupat, hangga’t maaari, gumugugol tayo ng panahon araw-araw sa pagbabasa ng Bibliya. (Awit 1:1-3) Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng lubusang pagkakapit sa ating buhay ng sinasabi nito, pagkatuto na gamitin ang mga simulain at halimbawa nito bilang saligan sa paggawa ng magagaling na pasiya. (Roma 12:2; Hebreo 5:14) Ipinakikita natin na tayo ay matapat na tagapagtaguyod ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral nito sa iba. Ginagawa rin natin ito bilang mga guro sa pamamagitan ng maingat na paggamit ng Bibliya, anupat hindi kailanman pinipilipit o dinaragdagan ang sinasabi nito upang bumagay sa ating mga ideya. (2 Timoteo 2:15) Ang inihula ng Diyos ay walang-pagsalang mangyayari. Siya ay matapat sa pagtupad sa kaniyang Salita. Maging matapat nawa tayo sa pagtataguyod nito.
[Mga talababa]
a Itinala ng United Bible Societies noong 1997 ang 2,167 wika at diyalekto na doon ang Bibliya, sa kabuuan o ang isang bahagi, ay nailathala na. Kasali sa bilang na ito ang maraming diyalekto sa ilang wika.
b Nagtutuon ng pansin ang pagtalakay na ito sa mga wika na may kakayahang liwanagin ang isyu ngunit pinili ng mga tagapagsalin na huwag gawin ito. Lubhang nililimitahan ng magagamit na talasalitaan ang magagawa ng mga tagapagsalin sa ilang wika. Kung gayon, ipaliliwanag ng matapat na relihiyosong mga tagapagturo na bagaman gumamit ang tagapagsalin ng iba’t ibang salita o kahit na gumamit siya ng isang salita na may di-maka-Kasulatang pahiwatig, ang salita sa orihinal na wika, ang neʹphesh, ay kumakapit kapuwa sa mga tao at sa mga hayop at kumakatawan sa isang bagay na humihinga, kumakain, at namamatay.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga motibo ang nakaimpluwensiya sa gawain ng mga tagapagsalin ng Bibliya sa modernong panahon?
◻ Bakit hindi nahadlangan ng mga kausuhan sa modernong pagsasalin ang layunin ng Diyos hinggil sa kaniyang sariling pangalan?
◻ Paano pinalalabo ng ilang salin ang katotohanan sa Bibliya tungkol sa kaluluwa, kamatayan, at sa lupa?
◻ Sa anu-anong paraan natin maipakikita na buong-katapatang itinataguyod natin ang Salita ng Diyos?
[Larawan sa pahina 16]
Aling salin ng Bibliya ang dapat mong gamitin?