Si Jehova—Ang Pinagmumulan ng Tunay na Katarungan at Katuwiran
“Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, na sa kaniya’y wala ang kawalan ng katarungan.”—DEUTERONOMIO 32:4.
1. Bakit tayo’y likas na nangangailangan ng katarungan?
KUNG paanong ang lahat ay likas na nangangailangan ng pag-ibig, gayundin naman na minimithi nating lahat na mapakitunguhan nang may katarungan. Gaya ng isinulat ng Amerikanong estadista na si Thomas Jefferson, “[ang katarungan] ay likas at katutubo, . . . bahagi ng ating kayarian gaya ng damdamin, paningin, o pandinig.” Hindi ito nakapagtataka, yamang nilalang tayo ni Jehova sa kaniyang sariling larawan. (Genesis 1:26) Sa katunayan, pinagkalooban niya tayo ng mga katangian na nagpapaaninaw ng kaniyang personalidad, na ang isa sa mga ito ay katarungan. Iyan ang dahilan kung bakit tayo ay likas na nangangailangan ng katarungan at kung bakit tayo nananabik na mabuhay sa isang daigdig na may tunay na katarungan at katuwiran.
2. Gaano kahalaga kay Jehova ang katarungan, at bakit kailangang maunawaan natin ang kahulugan ng katarungan ng Diyos?
2 Hinggil kay Jehova, tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Ngunit sa isang daigdig na sinasalot ng kawalang-katarungan, hindi madaling maunawaan ang kahulugan ng katarungan ng Diyos. Subalit, sa pamamagitan ng mga pahina ng Salita ng Diyos, maaari nating maunawaan kung paano naglalapat ang Diyos ng katarungan, at lalo pa nating mapahahalagahan ang kahanga-hangang mga daan ng Diyos. (Roma 11:33) Mahalaga na maunawaan ang katarungan ayon sa diwa nito sa Bibliya sapagkat ang ating ideya tungkol sa katarungan ay maaaring maimpluwensiyahan ng mga kaisipan ng tao. Mula sa pangmalas ng tao, ang katarungan ay maaaring ituring na isa lamang walang-kinikilingang pagkakapit ng alituntunin ng batas. O gaya ng isinulat ng pilosopong si Francis Bacon, “ang katarungan ay nangangahulugan ng pagbibigay sa bawat tao ng nararapat sa kaniya.” Gayunman, higit pa ang nasasangkot kung tungkol sa katarungan ni Jehova.
Nakaaantig-Damdamin ang Katarungan ni Jehova
3. Ano ang matututuhan sa pagsasaalang-alang ng mga salita sa orihinal na wika na ginamit sa Bibliya para sa katarungan at katuwiran?
3 Ang lawak ng katarungan ng Diyos ay higit na mauunawaan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang kung paano ginamit sa Bibliya ang mga salita sa orihinal na wika.a Kapansin-pansin, sa Kasulatan ay walang malaking pagkakaiba sa pagitan ng katarungan at ng katuwiran. Sa katunayan, kung minsan ay magkasabay na ginagamit ang mga salitang Hebreo, gaya ng makikita natin sa Amos 5:24, kung saan pinayuhan ni Jehova ang kaniyang bayan: “Hayaang bumugso ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang malakas na agos.” Bukod dito, ilang ulit na magkasamang lumilitaw ang mga salitang “katarungan at katuwiran” bilang pagdiriin.—Awit 33:5; Isaias 33:5; Jeremias 33:15; Ezekiel 18:21; 45:9.
4. Ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katarungan, at ano ang ultimong pamantayan sa katarungan?
4 Anong diwa ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito sa Hebreo at Griego? Ang pagsasagawa ng katarungan ayon sa diwa ng Kasulatan ay nangangahulugan ng paggawa ng kung ano ang tama at makatuwiran. Yamang si Jehova ang siyang nagtatakda ng moral na mga batas at simulain, ng kung ano ang tama at makatuwiran, ang paraan ni Jehova sa paggawa ng mga bagay-bagay ang siyang ultimong pamantayan sa katarungan. Ipinaliliwanag ng Theological Wordbook of the Old Testament na ang salitang Hebreo na isinaling katuwiran (tseʹdheq) “ay tumutukoy sa isang angkop at moral na pamantayan at mangyari pa sa M[atandang] T[ipan] ang pamantayang iyan ay ang katangian at kalooban ng Diyos.” Sa gayon, ang paraan ng pagkakapit ng Diyos sa kaniyang mga simulain, at lalo na ang paraan ng pakikitungo niya sa di-sakdal na mga tao, ay nagsisiwalat ng kahalagahan ng tunay na katarungan at katuwiran.
5. Anong mga katangian ang kaugnay sa katarungan ng Diyos?
5 Maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na ang makadiyos na katarungan ay nakaaantig-damdamin sa halip na mahigpit at di-mapagparaya. Umawit si David: “Si Jehova ay umiibig sa katarungan, at hindi niya iiwan ang mga matapat sa kaniya.” (Awit 37:28) Ang katarungan ng Diyos ay nagpapakilos sa kaniya na magpakita ng katapatan at pagdamay sa kaniyang mga lingkod. Ang katarungan ng Diyos ay tumutugon sa ating mga pangangailangan at nagpapalugit sa ating di-kasakdalan. (Awit 103:14) Hindi ito nangangahulugan na kinukunsinti ng Diyos ang kabalakyutan, sapagkat ang paggawa nito ay maghihikayat lamang sa kawalang-katarungan. (1 Samuel 3:12, 13; Eclesiastes 8:11) Ipinaliwanag ni Jehova kay Moises na Siya ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan.” Bagaman handang magpaumanhin sa pagkakamali at paglabag, hindi naman ililibre ng Diyos mula sa kaparusahan yaong mga nararapat na lapatan nito.—Exodo 34:6, 7.
6. Paano nakikitungo si Jehova sa kaniyang mga anak sa lupa?
6 Kapag binubulay-bulay natin kung paano isinasagawa ni Jehova ang katarungan, hindi natin dapat isipin na siya’y tulad ng isang mahigpit na hukom, anupat nagnanais lamang na mahatulan ang mga nagkakasala. Sa kabaligtaran, dapat nating isipin na siya’y tulad sa isang maibigin ngunit matatag na ama na laging nakikitungo sa kaniyang mga anak sa pinakamabuting paraan. “O Jehova, ikaw ang aming Ama,” sabi ni propeta Isaias. (Isaias 64:8) Bilang isang makatarungan at matuwid na Ama, pinagtitimbang ni Jehova ang katatagan sa kung ano ang tama at ang magiliw na pagdamay sa kaniyang makalupang mga anak, na nangangailangan ng tulong o kapatawaran bunga ng mahihirap na kalagayan o mga kahinaan ng laman.—Awit 103:6, 10, 13.
Nililiwanag Kung Ano ang Katarungan
7. (a) Ano ang natututuhan natin tungkol sa katarungan ng Diyos mula sa hula ni Isaias? (b) Ano ang papel ni Jesus sa pagtuturo sa mga bansa tungkol sa katarungan?
7 Ang madamaying katangian ng katarungan ni Jehova ay itinampok sa pagdating ng Mesiyas. Itinuro ni Jesus ang katarungan ng Diyos at namuhay siya na kasuwato nito, gaya ng inihula ni propeta Isaias. Maliwanag, kalakip sa katarungan ng Diyos ang magiliw na pakikitungo sa mga taong nasisiraan ng loob. Sa gayon, hindi sila nawawalan ng pag-asa. Si Jesus, ang “lingkod” ni Jehova, ay naparito sa lupa upang ‘gawin niyang malinaw sa mga bansa’ ang bahaging ito ng katarungan ng Diyos. Gayon ang ginawa niya, higit sa lahat, sa pamamagitan ng paglalaan sa atin ng isang buháy na halimbawa ng kahulugan ng katarungan ng Diyos. Bilang “matuwid na supling” ni Haring David, sabik si Jesus na ‘hanapin ang katarungan at maging maagap sa katuwiran.’—Isaias 16:5; 42:1-4; Mateo 12:18-21; Jeremias 33:14, 15.
8. Bakit naging malabo noong unang siglo ang tunay na katarungan at katuwiran?
8 Ang gayong paglilinaw sa katangian ng katarungan ni Jehova ay lalo nang kinailangan noong unang siglo C.E. Ang Judiong matatanda at mga lider ng relihiyon—mga eskriba, Fariseo, at iba pa—ay nagpahayag at nagpakita ng pilipit na pangmalas sa katarungan at katuwiran. Bunga nito, ang pangkaraniwang mga tao, na nahirapang tumupad sa mga kahilingang itinakda ng mga eskriba at mga Fariseo, ay malamang na nag-akalang hindi na maaabot ang katuwiran ng Diyos. (Mateo 23:4; Lucas 11:46) Ipinakita ni Jesus na hindi ganito ang kalagayan. Pumili siya ng kaniyang mga alagad mula sa mga pangkaraniwang taong ito, at itinuro niya sa kanila ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos.—Mateo 9:36; 11:28-30.
9, 10. (a) Paano sinikap ng mga eskriba at mga Fariseo na ipakita ang kanilang katuwiran? (b) Paano at bakit isiniwalat ni Jesus na walang-kabuluhan ang mga gawain ng mga eskriba at Fariseo?
9 Sa kabilang panig, ang mga Fariseo ay humanap naman ng mga pagkakataon na itanghal ang kanilang “katuwiran” sa pamamagitan ng pananalangin o pag-aabuloy nang hayagan. (Mateo 6:1-6) Sinikap din nilang ipakita ang kanilang katuwiran sa pamamagitan ng panghahawakan sa napakaraming batas at alituntunin—na marami sa mga ito ay gawa lamang nila. Ang gayong pagsisikap ay umakay sa kanila na ‘lampasan ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos.’ (Lucas 11:42) Sa panlabas, waring sila’y matuwid, ngunit sa loob sila ay ‘punô ng katampalasanan’ o kalikuan. (Mateo 23:28) Sa simpleng pananalita, wala silang alam tungkol sa katuwiran ng Diyos.
10 Dahil dito, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung ang katuwiran ninyo ay hindi nananagana nang higit kaysa yaong sa mga eskriba at mga Fariseo, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng mga langit.” (Mateo 5:20) Ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng katarungan ng Diyos na inilarawan ni Jesus at ng makitid-ang-isip na pagmamatuwid sa sarili ng mga eskriba at mga Fariseo ang siyang sanhi ng malimit na pagtatalo sa gitna nila.
Katarungan ng Diyos Laban sa Pilipit na Katarungan
11. (a) Bakit tinanong ng mga Fariseo si Jesus tungkol sa pagpapagaling sa Sabbath? (b) Ano ang isiniwalat ng sagot ni Jesus?
11 Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa Galilea noong tagsibol ng taong 31 C.E., nasulyapan ni Jesus sa sinagoga ang isang lalaking may tuyot na kamay. Yamang Sabbath noon, nagtanong kay Jesus ang mga Fariseo: “Kaayon ba ng batas na magpagaling kapag sabbath?” Sa halip na makadama ng taimtim na pagmamalasakit sa pagdurusa ng kaawa-awang lalaking ito, gusto nilang makakita ng isang dahilan upang mahatulan si Jesus, gaya ng isinisiwalat ng kanilang tanong. Hindi nakapagtataka na si Jesus ay napighati dahil sa pagkamanhid ng kanilang puso! Pagkatapos ay ipinukol niya sa mga Fariseo ang isang katulad na tanong: “Kaayon ba ng batas na kapag sabbath ay gumawa ng isang mabuting gawa?” Nang hindi sila umimik, sinagot ni Jesus ang sarili niyang tanong sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila kung hindi kaya nila sasagipin ang isang tupa na nahulog sa hukay kapag Sabbath.b “Gaano pa ngang higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa!” ang katuwiran ni Jesus, na ginagamit ang di-matututulang lohika. “Kaya kaayon ng batas [o, tama] ang gumawa ng mabuting bagay kapag sabbath,” ang sabi niya. Ang katarungan ng Diyos ay hindi dapat mahadlangan ng tradisyon ng tao. Palibhasa’y malinaw na naipakita ang puntong ito, nagpatuloy si Jesus at pinagaling ang kamay ng lalaki.—Mateo 12:9-13; Marcos 3:1-5.
12, 13. (a) Kabaligtaran ng mga eskriba at Fariseo, paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang interes na tulungan ang mga makasalanan? (b) Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng katarungan ng Diyos at ng pagmamatuwid sa sarili?
12 Kung walang malasakit ang mga Fariseo sa mga may kapansanan sa katawan, lalo silang walang malasakit sa mga nagugutom sa espirituwal na paraan. Ang kanilang pilipit na pangmalas sa katuwiran ay umakay sa kanila na bale-walain at hamakin ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. (Juan 7:49) Gayunpaman, marami sa kanila ang tumugon sa pagtuturo ni Jesus, tiyak na dahil sa nadama nila ang kaniyang hangarin na makatulong sa halip na magpataw ng kahatulan. (Mateo 21:31; Lucas 15:1) Gayunman, minaliit ng mga Fariseo ang pagsisikap ni Jesus na pagalingin ang mga may sakit sa espirituwal. “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakain na kasama nila,” ang mapanghamak na ibinulung-bulong nila. (Lucas 15:2) Bilang sagot sa kanilang paratang, muling gumamit si Jesus ng isang ilustrasyon may kinalaman sa isang pastol. Kung paanong nagsasaya ang isang pastol kapag nasumpungan niya ang isang nawalang tupa, gayundin nagsasaya ang mga anghel sa langit kapag nagsisi ang isang makasalanan. (Lucas 15:3-7) Si Jesus mismo ay nagsaya nang matulungan niya si Zaqueo na magsisi mula sa dati nitong makasalanang landasin. “Ang Anak ng tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala,” sabi niya.—Lucas 19:8-10.
13 Ang mga komprontasyong ito ay maliwanag na nagsisiwalat ng pagkakaiba sa pagitan ng katarungan ng Diyos, na nilayong magpagaling at magligtas, at ng pagmamatuwid sa sarili, na naghahangad na dakilain ang ilan at hatulan ang marami. Ang walang-kabuluhang ritwal at gawang-taong tradisyon ay umakay sa mga eskriba at Fariseo sa pagmamataas at pagpapahalaga sa sarili, ngunit angkop na sinabi ni Jesus na kanilang ‘niwalang-halaga ang mas matimbang na mga bagay ng Batas, alalaong baga, ang katarungan at awa at katapatan.’ (Mateo 23:23) Tularan sana natin si Jesus sa pagpapamalas ng tunay na katarungan sa lahat ng ating ginagawa at maging mapagbantay rin tayo laban sa silo ng pagmamatuwid sa sarili.
14. Paano inilalarawan ng isa sa mga himala ni Jesus na isinasaalang-alang ng katarungan ng Diyos ang mga kalagayan ng isang tao?
14 Bagaman ipinagwalang-bahala ni Jesus ang di-makatuwirang mga alituntunin ng mga Fariseo, sinunod naman niya ang Batas Mosaiko. (Mateo 5:17, 18) Sa paggawa nito, hindi niya hinayaan ang mga salita ng matuwid na Batas na iyon ay magpawalang-saysay sa mga simulain nito. Nang isang babae na inaagasan ng dugo sa loob ng 12 taon ang humipo sa kaniyang kasuutan at napagaling, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Anak na babae, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; humayo ka sa kapayapaan.” (Lucas 8:43-48) Ang madamaying pananalita ni Jesus ay nagpatunay na isinaalang-alang ng katarungan ng Diyos ang kaniyang kalagayan. Bagaman siya ay di-malinis sa seremonyal na paraan at sa gayo’y lumabag sa Batas Mosaiko sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa karamihan, nararapat namang gantimpalaan ang kaniyang pananampalataya.—Levitico 15:25-27; ihambing ang Roma 9:30-33.
Para sa Lahat ang Katuwiran
15, 16. (a) Ano ang itinuturo sa atin may kinalaman sa katarungan ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mapagkapuwang Samaritano? (b) Bakit dapat nating iwasan na “lubhang magpakamatuwid”?
15 Bukod sa pagdiriin ng madamaying katangian nito, itinuro rin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na saklaw ng katarungan ng Diyos ang lahat ng tao. Kalooban ni Jehova na kaniyang ‘ilapat sa mga bansa ang katarungan.’ (Isaias 42:1) Ito ang punto ng isa sa pinakatanyag na mga ilustrasyon ni Jesus, yaong tungkol sa mapagkapuwang Samaritano. Ang ilustrasyon ay isang sagot sa tanong na ibinangon ng isang lalaking bihasa sa Batas na nagnanais “patunayang matuwid ang kaniyang sarili.” “Sino bang talaga ang aking kapuwa?” tanong niya, walang alinlangang mga Judio lamang ang ibig niyang ituring na kaniyang kapuwa. Ipinamalas ng Samaritano sa ilustrasyon ni Jesus ang makadiyos na katuwiran, sapagkat handa siyang gumugol ng kaniyang panahon at salapi upang tulungan ang isang estranghero mula sa ibang bansa. Tinapos ni Jesus ang kaniyang ilustrasyon sa pamamagitan ng pagpapayo sa nagtanong sa kaniya: “Gawin mo mismo ang gayundin.” (Lucas 10:25-37) Kung gagawa rin tayo ng mabuti sa lahat ng tao anuman ang kanilang lahi o grupong pinagmulan, tinutularan natin ang katarungan ng Diyos.—Gawa 10:34, 35.
16 Sa kabilang panig, ang halimbawa ng mga eskriba at Fariseo ay nagpapaalaala sa atin na kung magpapamalas tayo ng katarungan ng Diyos, hindi tayo dapat na “lubhang magpakamatuwid.” (Eclesiastes 7:16) Ang paghahangad na pahangain ang iba sa pamamagitan ng pagpaparangya ng katuwiran o labis na pagpapahalaga sa gawang-taong mga alituntunin, ay hindi magdudulot sa atin ng pagsang-ayon ng Diyos.—Mateo 6:1.
17. Bakit napakahalaga na tayo’y magpamalas ng makadiyos na katarungan?
17 Ang isang dahilan kung bakit niliwanag ni Jesus sa mga bansa ang katangian ng katarungan ng Diyos ay upang matuto ang lahat ng kaniyang mga alagad na magpamalas ng katangiang ito. Bakit ito napakahalaga? Pinapayuhan tayo ng Kasulatan na ‘maging mga tagatulad sa Diyos,’ at ang lahat ng daan ng Diyos ay katarungan. (Efeso 5:1) Gayundin, ipinaliliwanag ng Mikas 6:8 na ang isa sa mga kahilingan ni Jehova ay na tayo’y “gumawa nang may katarungan” habang lumalakad tayo na kasama ng ating Diyos. Isa pa, ipinaaalaala sa atin ng Zefanias 2:2, 3 na kung ibig nating maikubli sa araw ng galit ni Jehova, kailangan nating “hanapin ang katuwiran” bago sumapit ang araw na iyon.
18. Anong mga tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?
18 Kaya naman ang mapanganib na mga huling araw na ito ay “lalo nang kaayaayang panahon” upang gumawa nang may katarungan. (2 Corinto 6:2) Makatitiyak tayo na kung, gaya ni Job, gagawin natin ‘ang katuwiran na ating pananamit’ at ‘ang katarungan na ating walang-manggas na damit,’ pagpapalain tayo ni Jehova. (Job 29:14) Paano tayo matutulungan ng pananampalataya sa katarungan ni Jehova upang makaasa sa hinaharap nang may pagtitiwala? Bukod dito, habang hinihintay natin ang matuwid na “bagong lupa,” paano tayo ipinagsasanggalang ng makadiyos na katarungan sa espirituwal na paraan? (2 Pedro 3:13) Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Mga talababa]
a Sa Hebreong Kasulatan, tatlong pangunahing salita ang ginamit. Ang isa sa mga ito (mish·patʹ) ay madalas isalin na “katarungan.” Ang dalawa pa (tseʹdheq at ang kaugnay na salitang tsedha·qahʹ) ay karaniwang isinasalin na “katuwiran.” Ang Griegong salitang isinalin na “katuwiran” (di·kai·o·syʹne) ay binigyang-kahulugan bilang ang “katangian ng pagiging tama o makatarungan.”
b Mainam ang pagkapili ng halimbawa ni Jesus sapagkat ang binibigkas na batas ng mga Judio ay espesipikong nagpapahintulot sa kanila na tulungan ang isang napipighating hayop sa araw ng Sabbath. Sa ilan pang pagkakataon, nagkaroon ng mga pagtatalo sa isyu ring ito, samakatuwid nga, kung kaayon sa batas na magpagaling kapag Sabbath.—Lucas 13:10-17; 14:1-6; Juan 9:13-16.
Maipaliliwanag ba Ninyo?
◻ Ano ang kahulugan ng katarungan ng Diyos?
◻ Paano itinuro ni Jesus sa mga bansa ang katarungan?
◻ Bakit pilipit ang katuwiran ng mga Fariseo?
◻ Bakit kailangan nating gumawa nang may katarungan?
[Larawan sa pahina 8]
Niliwanag ni Jesus ang lawak ng katarungan ng Diyos