KABANATA 15
Pinairal ni Jesus ang “Katarungan sa Lupa”
1, 2. Sa anong pagkakataon nagalit si Jesus, at bakit?
MAKIKITANG galit si Jesus noon—at makatuwiran naman. Marahil ay hindi mo iisiping magkakagayon siya, sapagkat siya’y mahinahon. (Mateo 21:5) Mangyari pa, naroroon pa rin ang kaniyang lubos na pagpipigil, sapagkat iyon ay matuwid na pagkapoot.a Ngunit ano nga ba ang ikinagalit ng lalaking ito na maibigin sa kapayapaan? Ang labis na kawalan ng katarungan.
2 Mahal na mahal ni Jesus ang templo sa Jerusalem. Sa buong daigdig, iyon lamang ang tanging sagradong lugar na nakaalay ukol sa pagsamba sa kaniyang Ama sa langit. Ang mga Judio mula sa maraming lupain ay naglalakbay noon nang napakalayo upang sumamba roon. Maging ang may-takot sa Diyos na mga Gentil ay dumarating din, anupat pumapasok sa looban ng templo na inilaan upang gamitin nila. Subalit sa pagsisimula ng kaniyang ministeryo, pumasok si Jesus sa lugar ng templo at nakita niya ang isang nakapanghihilakbot na tanawin. Aba, ang lugar na iyon ay mas mukhang palengke kaysa bahay ng pagsamba! Punong-puno iyon ng mga negosyante at mga nagpapalit ng pera. Subalit, nasaan dito ang kawalang-katarungan? Para sa mga taong ito, ang templo ng Diyos ay isa lamang lugar para pagsamantalahan ang mga tao—pagnakawan pa nga sila. Paano?—Juan 2:14.
3, 4. Anong sakim na pagsasamantala ang nagaganap sa bahay ni Jehova, at ano ang ikinilos ni Jesus upang ituwid ang mga bagay-bagay?
3 Ginawang patakaran ng mga lider ng relihiyon na isang uri lamang ng barya ang maaaring gamitin na pambayad ng buwis sa templo. Kinailangan tuloy ng mga bisita na magpapalit ng kanilang pera upang magkaroon ng mga baryang ito. Kaya ang mga nagpapalit ng pera ay nagtayo ng kani-kanilang mesa sa loob mismo ng templo, anupat naniningil ng bayad para sa bawat transaksiyon. Napakalakas ding pagtubuan ang negosyo ng pagtitinda ng mga hayop. Ang mga bisita na gustong maghandog ng mga hain ay makabibili naman sa kaninumang negosyante sa lunsod, subalit napakadaling tanggihan ng mga opisyal ng templo ang kanilang handog bilang di-karapat-dapat. Gayunman, ang mga handog na binili doon mismo sa lugar ng templo ay tiyak na tatanggapin. Yamang wala nang magagawa ang mga tao, ang mga negosyante kung minsan ay naniningil sa napakataas na presyo.b Masahol pa ito sa sakim na komersiyo. Ito’y para na ring pagnanakaw!
4 Hindi maaatim ni Jesus ang gayong kawalang-katarungan. Ito’y bahay ng sarili niyang Ama! Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at itinaboy niya ang mga kawan ng baka at tupa mula sa templo. Pagkatapos ay lumapit siya sa mga nagpapalit ng pera at itinaob ang mga mesa nila. Gunigunihin na lamang ang pagtatalsikan ng mga barya sa sahig na marmol! Matatag niyang inutusan ang mga lalaking nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo rito ang mga iyan!” (Juan 2:15, 16) Sa wari, walang sinumang naglakas-loob na tumutol sa matapang na lalaking ito.
“Alisin ninyo rito ang mga iyan!”
Kung Ano ang Ama, Gayundin ang Anak
5-7. (a) Paano naimpluwensiyahan ng pag-iral ni Jesus bago naging tao ang kaniyang pananaw sa katarungan, at ano ang maaari nating matutuhan mula sa pag-aaral ng kaniyang halimbawa? (b) Paano pinasinungalingan ni Jesus ang kawalang-katarungang ibinangon ni Satanas, at ano pa ang gagawin niya sa hinaharap?
5 Mangyari pa, nagbalikan na naman ang mga negosyante. Pagkalipas ng mga tatlong taon, muling hinarap ni Jesus ang kawalang-katarungan, at sa pagkakataong ito ay sinambit niya ang mismong pananalita ni Jehova na humahatol sa mga gumawa sa Kaniyang bahay bilang “pugad ng mga magnanakaw.” (Jeremias 7:11; Mateo 21:13) Oo, nang makita ni Jesus ang sakim na pagsasamantala ng mga tao at ang pagdungis sa templo ng Diyos, nadama rin niya ang nadama ng kaniyang Ama. At hindi nga ito kataka-taka! Sa loob ng di-mabilang na mga taon, si Jesus ay tinuruan ng kaniyang Ama sa langit. Bilang resulta, tinaglay niya ang pananaw ni Jehova sa katarungan. Siya’y naging buháy na halimbawa ng kasabihang “Kung ano ang ama, gayundin ang anak.” Kaya kung nais nating matamo ang malinaw na larawan ng katangian ni Jehova ukol sa katarungan, wala nang pinakamabuting gawin kundi ang bulay-bulayin ang halimbawa ni Jesu-Kristo.—Juan 14:9, 10.
6 Naroroon ang kaisa-isang Anak ni Jehova nang di-makatarungang tawagin ni Satanas ang Diyos na Jehova na isang sinungaling at kuwestiyunin ang katuwiran ng Kaniyang pamamahala. Isang tahasang paninirang-puri! Narinig din ng Anak ang sumunod na hamon ni Satanas na walang sinuman ang maglilingkod kay Jehova nang walang pakinabang o nang dahil sa pag-ibig. Ang mga maling paratang na ito ay tiyak na nakasakit sa matuwid na puso ng Anak. Tiyak na gayon na lamang ang kaniyang pananabik nang malaman niyang siya ang gaganap ng pangunahing papel sa pagtutuwid sa mga kasinungalingan! (2 Corinto 1:20) Paano niya kaya ito gagawin?
7 Gaya ng nalaman natin sa Kabanata 14, ibinigay ni Jesu-Kristo ang pangwakas at di-mapasisinungalingang sagot sa paratang ni Satanas na bumabatikos sa katapatan ng mga nilalang ni Jehova. Sa gayon ay inilatag ni Jesus ang saligan para linisin ang banal na pangalan ng Diyos mula sa lahat ng paninira—pati na ang kasinungalingang may mali sa perpektong pamamahala ni Jehova. Bilang Punong Kinatawan ni Jehova, pinairal ni Jesus ang katarungan ng Diyos sa buong uniberso. (Gawa 5:31) Ang landasin ng kaniyang buhay sa lupa ay nagpapamalas din ng katarungan ng Diyos. Sinabi ni Jehova tungkol sa kaniya: “Ibibigay ko sa kaniya ang aking espiritu, at ipapakita niya sa mga bansa kung ano talaga ang katarungan.” (Mateo 12:18) Paano tinupad ni Jesus ang mga salitang iyan?
Nilinaw ni Jesus “Kung Ano Talaga ang Katarungan”
8-10. (a) Paanong ang mga bibigang tradisyon ng mga Judiong lider ng relihiyon ay nagtaguyod ng paghamak sa mga di-Judio at sa mga babae? (b) Sa anong paraan pinabigat ng mga bibigang kautusan ang kautusan ni Jehova tungkol sa Sabbath?
8 Inibig ni Jesus ang Kautusan ni Jehova at siya’y namuhay ayon dito. Subalit pinilipit naman at maling ikinapit ng mga lider ng relihiyon noong kapanahunan niya ang Kautusang iyan. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! . . . Binabale-wala ninyo ang mas mahahalagang bagay sa Kautusan: ang katarungan at awa at katapatan.” (Mateo 23:23) Tiyak na hindi nilinaw ng mga guro ng Kautusan ng Diyos “kung ano talaga ang katarungan.” Sa halip, pinalabo nila ang katarungan ng Diyos. Paano? Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
9 Inutusan ni Jehova ang kaniyang bayan na manatiling hiwalay sa paganong mga bansa na nakapalibot sa kanila. (1 Hari 11:1, 2) Gayunman, inudyukan ng ilang panatikong lider ng relihiyon ang mga tao na hamakin ang lahat ng di-Judio. Inilakip pa nga sa Mishnah ang patakarang ito: “Ang mga baka ay huwag iiwan sa mga tuluyan ng mga gentil yamang sila’y pinaghihinalaang nakikipagtalik sa hayop.” Ang gayong pagtatangi laban sa lahat ng di-Judio ay di-makatarungan at ganap na salungat sa diwa ng Kautusang Mosaiko. (Levitico 19:34) Ang ibang gawang-taong mga patakaran ay nagpapababa sa kalagayan ng mga babae. Sinabi sa bibigang kautusan na ang asawang babae ay kailangang maglakad nang nasa likod, hindi sa tabi, ng kaniyang asawa. Ang lalaki ay binigyang-babala na huwag makipag-usap sa babae sa publiko, kahit sa kaniyang sariling asawa. Gaya ng mga alipin, ang mga babae ay hindi pinahihintulutang magbigay ng patotoo sa hukuman. May isa pa ngang pormal na panalangin na doo’y pinasasalamatan ng mga lalaki ang Diyos dahil hindi sila naging mga babae.
10 Itinago ng mga lider ng relihiyon ang Kautusan ng Diyos sa ilalim ng isang tambak na gawang-taong mga patakaran at mga regulasyon. Halimbawa, ang kautusan ng Sabbath ay basta nagbabawal ng pagtatrabaho kung Sabbath, anupat inilalaan ang araw na iyon para sa pagsamba, espirituwal na kaginhawahan, at pamamahinga. Subalit pinabigat ng mga Pariseo ang kautusang iyan. Sila mismo ang nagpasiya kung ano talaga ang kahulugan ng “pagtatrabaho.” Ibinilang nilang pagtatrabaho ang 39 na iba’t ibang gawain, gaya ng paggapas o pangangaso. Ang mga kategoryang ito ay naging dahilan ng pagbangon ng walang-katapusang mga tanong. Kapag ang isang tao ay pumatay ng isang pulgas kung Sabbath, siya ba’y nangangaso? Kapag siya’y pumitas ng isang dakot na butil upang kainin habang siya’y naglalakad, siya ba’y gumagapas? Kapag pinagaling niya ang isang maysakit, siya ba’y nagtatrabaho? Ang mga tanong na ito ay pinag-ukulan ng pansin taglay ang mahigpit at detalyadong mga patakaran.
11, 12. Paano inihayag ni Jesus ang kaniyang pagtutol sa di-makakasulatang mga tradisyon ng mga Pariseo?
11 Sa gayong kalagayan, paano kaya matutulungan ni Jesus ang mga tao na maunawaan kung ano ang katarungan? Sa kaniyang pagtuturo at sa paraan ng kaniyang pamumuhay, naging magiting ang kaniyang paninindigan laban sa mga lider na iyon ng relihiyon. Isaalang-alang muna ang ilan sa kaniyang mga turo. Tahasan niyang hinatulan ang kanilang napakaraming gawang-taong mga patakaran, na sinasabi: “Winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa tradisyong ipinamamana ninyo.”—Marcos 7:13.
12 Mariing itinuro ni Jesus na mali ang mga Pariseo tungkol sa kautusan ng Sabbath—na, sa katunayan, hindi nila nauunawaan ang layunin ng kautusang iyan. Ipinaliwanag niya na ang Mesiyas ay “Panginoon ng Sabbath” at sa gayo’y may karapatang magpagaling ng mga tao kung Sabbath. (Mateo 12:8) Upang idiin ang punto, lantaran siyang nagsagawa ng makahimalang mga pagpapagaling kung Sabbath. (Lucas 6:7-10) Ang gayong pagpapagaling ay isang patiunang pagtatanghal sa pagpapagaling na gagawin niya sa buong lupa sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari. Ang Milenyong iyan mismo ang magiging pinakasukdulan ng Sabbath, na sa wakas ang buong tapat na sangkatauhan ay magpapahinga na mula sa maraming siglong paghihirap sa ilalim ng mga pasanin na dulot ng kasalanan at kamatayan.
13. Anong kautusan ang itinatag bilang resulta ng ministeryo ni Kristo sa lupa, at paano ito naiiba sa hinalinhan nito?
13 Nilinaw rin ni Jesus kung ano ang katarungan sa pamamagitan ng isang bagong kautusan, ang “kautusan ng Kristo,” na itinatag pagkatapos ng kaniyang ministeryo sa lupa. (Galacia 6:2) Di-gaya ng Kautusang Mosaiko, ang kautusan ng Kristo ay nakasalig sa mga simulain, hindi sa sunod-sunod na nakasulat na mga utos. Gayunman, naglakip din naman ito ng ilang tuwirang mga utos. Tinawag ni Jesus ang isa sa mga ito na “isang bagong utos.” Tinuruan ni Jesus ang lahat ng kaniyang tagasunod na ibigin ang isa’t isa kung paanong inibig niya sila. (Juan 13:34, 35) Oo, ang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig ang dapat na maging pagkakakilanlan ng lahat ng namumuhay ayon sa “kautusan ng Kristo.”
Isang Buháy na Halimbawa ng Katarungan
14, 15. Paano ipinakita ni Jesus na kinikilala niya ang mga limitasyon ng kaniyang sariling awtoridad, at bakit ito gumaganyak ng pagtitiwala?
14 Hindi lamang pagtuturo tungkol sa pag-ibig ang ginawa ni Jesus. Siya’y namuhay ayon sa “kautusan ng Kristo.” Ito’y kitang-kita sa kaniyang pamumuhay. Isaalang-alang ang tatlong paraan na doo’y niliwanag ng halimbawa ni Jesus kung ano ang katarungan.
15 Una, buong ingat na iniwasan ni Jesus na makagawa ng anumang kawalang-katarungan. Marahil ay napansin mong nagaganap ang maraming kawalang-katarungan kapag ang di-perpektong mga tao ay nagiging arogante at lumalampas na sa hangganan ng kanilang awtoridad. Hindi iyan ginawa ni Jesus. Minsan, isang lalaki ang lumapit kay Jesus at nagsabi: “Guro, sabihin mo sa kapatid ko na hatian ako sa mana.” Ang tugon ni Jesus? “Lalaki, sino ang nag-atas sa akin bilang hukom o tagapamagitan ninyong dalawa?” (Lucas 12:13, 14) Hindi ba’t kamangha-mangha iyan? Ang talino ni Jesus, ang kaniyang pagpapasiya, at maging ang antas ng kaniyang bigay-Diyos na awtoridad ay nakahihigit sa sinuman sa lupa; gayunman, ayaw niyang masangkot sa bagay na ito, yamang hindi naman ipinagkaloob sa kaniya ang partikular na awtoridad na gawin ito. Si Jesus ay nanatiling mapagpakumbaba sa paraang ito, kahit na noong mga milenyong panahon na hindi pa siya umiiral bilang tao. (Judas 9) Kitang-kita sa katangiang ito ni Jesus na siya’y mapagpakumbabang nagtitiwala kay Jehova sa pagtiyak ng kung ano ang makatarungan.
16, 17. (a) Paano ipinamalas ni Jesus ang katarungan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos? (b) Paano ipinakita ni Jesus na ang katarungan para sa kaniya ay laging may kasamang awa?
16 Ikalawa, ipinamalas ni Jesus ang katarungan sa paraan ng kaniyang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Wala siyang kinikilingan. Sa halip, taimtim niyang sinikap na maabot ang lahat ng uri ng tao, mayaman man o mahirap. Kabaligtaran naman nito, binale-wala ng mga Pariseo ang mahihirap at karaniwang mga tao at binansagan pa sila ng mapanghamak na terminong ʽam-ha·ʼaʹrets, o “mga tao ng lupain.” Magiting na kumilos si Jesus laban sa kawalang-katarungang iyan. Nang ituro niya sa mga tao ang mabuting balita—o nang saluhan niya sa pagkain ang mga tao, pakainin sila, pagalingin sila, o buhaying muli pa nga sila—itinaguyod niya ang katarungan ng Diyos na nagnanais maabot “ang lahat ng uri ng tao.”c—1 Timoteo 2:4.
17 Ikatlo, ang katarungan para kay Jesus ay laging may kasamang awa. Lubusan ang kaniyang pagsisikap na matulungan ang mga makasalanan. (Mateo 9:11-13) Handa siyang tumulong sa mga taong walang lakas na ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Halimbawa, hindi nakiisa si Jesus sa mga lider ng relihiyon sa pagpapalaganap ng kawalan ng tiwala sa lahat ng Gentil. Buong kaawaang tinulungan niya at tinuruan ang ilan sa mga ito, bagaman ang kaniyang pangunahing misyon ay ukol sa mga Judio. Sumang-ayon siyang magsagawa ng makahimalang pagpapagaling sa isang Romanong opisyal ng hukbo, na sinasabi: “Wala pa akong nakita sa Israel na may ganito kalaking pananampalataya.”—Mateo 8:5-13.
18, 19. (a) Sa anong mga paraan itinaguyod ni Jesus ang dangal ng mga babae? (b) Paano tayo tinutulungan ng halimbawa ni Jesus na maunawaan ang kaugnayan ng tibay ng loob at katarungan?
18 Sa katulad na paraan, hindi sinuportahan ni Jesus ang umiiral na pananaw tungkol sa mga babae. Sa halip, buong tapang niyang ginawa kung ano ang makatarungan. Ang mga Samaritana ay itinuturing na kasindumi ng mga Gentil. Gayunman, hindi nag-atubili si Jesus na mangaral sa isang Samaritana sa may balon ng Sicar. Sa katunayan, sa babaeng ito unang nagpakilala si Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas. (Juan 4:6, 25, 26) Sinabi ng mga Pariseo na ang mga babae ay hindi dapat turuan ng Kautusan ng Diyos, subalit si Jesus ay gumugol ng maraming panahon at lakas sa pagtuturo sa mga babae. (Lucas 10:38-42) At bagaman itinuturing ng tradisyon na hindi dapat pagtiwalaan ang mga babae na magbigay ng mapanghahawakang patotoo, binigyang-dangal ni Jesus ang ilang kababaihan sa pagbibigay sa kanila ng pribilehiyo na unang makakita sa kaniya matapos siyang buhaying muli. Sinabihan pa nga niya sila na pumunta at sabihin sa kaniyang mga lalaking alagad ang tungkol sa pinakamahalagang pangyayaring ito!—Mateo 28:1-10.
19 Oo, nilinaw ni Jesus sa mga bansa kung ano talaga ang katarungan. Sa maraming pagkakataon, ginawa niya ito kahit mapalagay sa panganib ang kaniyang sarili. Ang halimbawa ni Jesus ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang pagtataguyod ng tunay na katarungan ay nangangailangan ng lakas ng loob. Angkop lamang na tawagin siyang “ang Leon mula sa tribo ni Juda.” (Apocalipsis 5:5) Alalahanin na ang leon ay sagisag ng magiting na katarungan. Gayunman, sa malapit na hinaharap, si Jesus ay magpapairal ng mas malawak na katarungan. Sa ganap na diwa, paiiralin niya ang “katarungan sa lupa.”—Isaias 42:4.
Pinairal ng Mesiyanikong Hari ang “Katarungan sa Lupa”
20, 21. Sa ating sariling kapanahunan, paano itinataguyod ng Mesiyanikong Hari ang katarungan sa buong lupa at sa loob ng kongregasyong Kristiyano?
20 Mula nang maging Mesiyanikong Hari noong 1914, itinaguyod na ni Jesus sa lupa ang katarungan. Paano? Itinaguyod niya ang katuparan ng kaniyang hula na nasa Mateo 24:14. Ang mga tagasunod ni Jesus sa lupa ay nagtuturo sa mga tao sa lahat ng lupain ng katotohanan tungkol sa Kaharian ni Jehova. Gaya ni Jesus, nangangaral sila sa paraang walang kinikilingan at makatarungan, na nagsisikap na ibigay sa lahat—bata o matanda, mayaman o mahirap, lalaki o babae—ang pagkakataong makilala si Jehova, ang Diyos ng katarungan.
21 Itinataguyod din ni Jesus ang katarungan sa loob ng kongregasyong Kristiyano, na doo’y siya ang Ulo. Gaya ng inihula, nagbibigay siya ng “mga tao bilang regalo,” ang tapat na Kristiyanong mga elder na nangunguna sa kongregasyon. (Efeso 4:8-12) Sa pagpapastol sa pinakamamahal na kawan ng Diyos, ang mga elder ay sumusunod sa halimbawa ni Jesu-Kristo sa pagtataguyod ng katarungan. Hindi nila kailanman nalilimutan na nais ni Jesus na ang kaniyang mga tupa ay pakitunguhan sa makatarungang paraan—anuman ang posisyon, katanyagan, o materyal na kalagayan.
22. Ano ang nadarama ni Jehova sa laganap na kawalang-katarungan ng daigdig sa ngayon, at ano ang iniatas niya na gawin ng kaniyang Anak tungkol dito?
22 Gayunman, sa malapit na hinaharap, paiiralin ni Jesus ang katarungan sa lupa sa walang katulad na paraan. Laganap ang kawalang-katarungan sa tiwaling daigdig na ito. Bawat batang namamatay sa gutom ay biktima ng kawalang-katarungan, lalo na kung iisipin natin ang pera at panahong ginugugol sa paggawa ng mga sandatang pandigma at pagpapalugod sa sakim na mga kapritso ng mahihilig sa kalayawan. Ang milyon-milyong di-kinakailangang kamatayan bawat taon ay isa lamang sa maraming anyo ng kawalang-katarungan, na pawang pumupukaw sa matuwid na pagkagalit ni Jehova. Inatasan niya ang kaniyang Anak na makidigma ayon sa katuwiran laban sa masamang sistemang ito upang wakasan magpakailanman ang lahat ng kawalang-katarungan.—Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-15.
23. Pagkatapos ng Armagedon, paano itataguyod ni Kristo ang katarungan magpakailanman?
23 Magkagayunman, ang katarungan ni Jehova ay hindi lamang basta pagpuksa sa masasama. Inatasan din niya ang kaniyang Anak na mamahala bilang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Pagkatapos ng digmaan ng Armagedon, paiiralin ng paghahari ni Jesus ang kapayapaan sa buong lupa, at siya’y mamamahala “sa pamamagitan ng katarungan.” (Isaias 9:6, 7) Sa gayon ay malulugod si Jesus na alisin ang lahat ng kawalang-katarungan na naging dahilan ng labis na paghihirap at pagdurusa sa daigdig. Buong katapatan niyang itataguyod ang perpektong katarungan ni Jehova magpakailanman. Kung gayon, mahalagang pagsikapan natin na matularan ang katarungan ni Jehova sa ngayon. Tingnan natin kung paano natin ito magagawa.
a Sa pagpapakita ng matuwid na pagkagalit, si Jesus ay katulad ni Jehova, na “handang magpakita ng galit” laban sa lahat ng kasamaan. (Nahum 1:2) Halimbawa, pagkasabi ni Jehova sa kaniyang suwail na bayan na ang kaniyang bahay ay ginawa nilang “pugad ng mga magnanakaw,” sinabi niya: “Ang galit at poot ko ay matitikman ng lugar na ito.”—Jeremias 7:11, 20.
b Ayon sa Mishnah, bumangon ang isang protesta pagkaraan ng ilang taon dahil sa mataas na presyo ng mga kalapating ipinagbibili sa templo. Agad na ibinaba ang presyo nang mga 99 na porsiyento! Sino kaya ang may pinakamalaking pakinabang sa maunlad na negosyong ito? Ipinahihiwatig ng ilang istoryador na ang mga pamilihan sa templo ay pag-aari ng pamilya ng mataas na saserdoteng si Anas, na siyang pinanggagalingan ng karamihan ng malaking kayamanan ng pamilyang iyan ng mga saserdote.—Juan 18:13.
c Itinuturing ng mga Pariseo na ang karaniwang mga tao, na walang alam sa Kautusan, ay mga “isinumpa.” (Juan 7:49) Sinabi nila na hindi dapat turuan ang mga taong ito ni makipagnegosyo sa kanila ni makisalo sa kanila sa pagkain ni manalanging kasama nila. Kung may magpapahintulot sa kaniyang anak na babae na mapangasawa ng isa sa mga ito, masahol pa iyon sa paglalantad sa kaniya sa maiilap na hayop. Ipinalalagay nilang hindi kabilang ang mga taong maralitang ito sa pag-asa sa pagkabuhay-muli.