Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • jy kab. 41 p. 102-p. 103 par. 4
  • Mga Himala—Kaninong Kapangyarihan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Himala—Kaninong Kapangyarihan?
  • Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Kaparehong Materyal
  • Si Jesus—Tampulan ng Pagtatalo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Isang Tampulan ng Pagtatalo
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Ipinakita ni Jesus Kung Paano Magiging Maligaya
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Aklat ng Bibliya Bilang 41—Marcos
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
jy kab. 41 p. 102-p. 103 par. 4
Grupo ng mga tao na nagpunta sa bahay na tinutuluyan ni Jesus

KABANATA 41

Mga Himala—Kaninong Kapangyarihan?

MATEO 12:22-32 MARCOS 3:19-30 LUCAS 8:1-3

  • NAGSIMULA ANG IKALAWANG PAGLALAKBAY NI JESUS PARA MANGARAL

  • NAGPALAYAS NG MGA DEMONYO AT NAGBABALA LABAN SA KASALANANG WALANG KAPATAWARAN

Di-nagtagal pagkatapos ituro ni Jesus ang tungkol sa pagpapatawad noong nasa tahanan siya ng Pariseong si Simon, muling nilibot ni Jesus ang Galilea para mangaral. Ito ang ikalawang taon ng kaniyang ministeryo. Kasama niya ang 12 apostol, pati na ang ilang babaeng “napalaya mula sa masasamang espiritu at napagaling ang mga sakit.” (Lucas 8:2) Kabilang dito sina Maria Magdalena, Susana, at Juana, na asawa ng isang opisyal ni Haring Herodes Antipas.

Habang dumarami ang nakakabalita kay Jesus, lalong nagiging usap-usapan ang kaniyang gawain. Kitang-kita ito nang pagalingin ni Jesus ang isang lalaking nabulag at napipi dahil sa pagsanib ng demonyo. Ngayong napalayas na ang demonyo, nakakakita at nakapagsasalita na ang lalaki. Manghang-mangha ang mga tao, at sinabi nila: “Hindi kaya ito ang Anak ni David?”—Mateo 12:23.

Nagdatingan ang mga tao sa bahay na tinutuluyan ni Jesus, at sa dami ng tao, hindi na magawang kumain ni Jesus at ng mga alagad niya. Pero hindi lahat ng nandoon ay naniniwalang si Jesus ang ipinangakong “Anak ni David.” May ilang eskriba at Pariseo na galing pa sa Jerusalem, at nandoon sila hindi para matuto kay Jesus o suportahan siya. Sinasabi nila sa mga tao: “Sinasapian siya ni Beelzebub” at sa gayo’y kasabuwat ng “pinuno ng mga demonyo.” (Marcos 3:22) Nang mabalitaan ng mga kamag-anak ni Jesus ang komosyon, pumunta sila para kunin si Jesus. Bakit?

Ang mismong mga kapatid ni Jesus ay hindi pa naniniwalang siya ang Anak ng Diyos. (Juan 7:5) Ang Jesus na waring dahilan ng kaguluhang ito ay iba sa Jesus na kasama nilang lumaki sa Nazaret. Inisip nilang nasisiraan na siya ng bait kaya sinabi nila: “Nababaliw na siya.”—Marcos 3:21.

Pero ano ang ipinakikita ng mga ebidensiya? Pinagaling ni Jesus ang isang lalaking sinasaniban ng demonyo, kaya nakakita at nakapagsalita ang lalaki. Hindi ito maitatanggi ninuman. Kaya para siraan si Jesus, ganito ang paratang ng mga eskriba at Pariseo sa kaniya: “Pinalalayas ng taong ito ang mga demonyo sa tulong ni Beelzebub, ang pinuno ng mga demonyo.”—Mateo 12:24.

Nakipagkatuwiranan si Jesus sa mga eskriba at Pariseo; nakikinig ang ilang kasama niya

Alam ni Jesus ang iniisip ng mga eskriba at Pariseo, kaya sinabi niya: “Bawat kaharian na nababahagi ay mawawasak, at bawat lunsod o sambahayan na nababahagi ay babagsak. Ngayon, kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, kinakalaban niya ang sarili niya; kaya paano tatayo ang kaharian niya?”—Mateo 12:25, 26.

Napakahusay na pangangatuwiran! Alam ng mga Pariseo na may ilang Judio na nagpapalayas ng mga demonyo. (Gawa 19:13) Kaya nagtanong si Jesus: “Kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa tulong ni Beelzebub, sino ang tumutulong sa mga tagasunod ninyo para mapalayas sila?” Bumalik sa kanila ang paratang nila. Idinagdag pa ni Jesus: “Pero kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa tulong ng espiritu ng Diyos, dumating na ang Kaharian ng Diyos nang hindi ninyo namamalayan.”—Mateo 12:27, 28.

Para ilarawan na ang pagpapalayas niya ng mga demonyo ay ebidensiya na mas makapangyarihan siya kaysa kay Satanas, sinabi ni Jesus: “Paano mapapasok ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao para nakawin ang mga pag-aari nito malibang gapusin muna niya ang malakas na tao? Saka pa lang niya mananakawan ang bahay nito. Sinumang wala sa panig ko ay laban sa akin, at sinumang hindi nakikipagtulungan sa akin sa pagtitipon ay nagtataboy ng mga tao palayo sa akin.” (Mateo 12:29, 30) Walang duda na kalaban ni Jesus ang mga eskriba at Pariseo, isang ebidensiyang kampon sila ni Satanas. Inilalayo nila ang mga tao sa Anak ng Diyos, na suportado mismo ni Jehova.

Nagbabala si Jesus sa ubod-samang mga mananalansang na ito: “Ang mga tao ay mapatatawad sa anumang kasalanang nagawa nila at sa anumang pamumusong na sinabi nila. Pero ang sinumang namumusong laban sa banal na espiritu ay hindi kailanman mapatatawad; nakagawa siya ng walang-hanggang kasalanan.” (Marcos 3:28, 29) Isip-isipin ang kahulugan niyan para sa mga nagsasabing si Satanas ang nasa likod ng mga himalang malinaw namang pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos!

  • Sino-sino ang kasama ni Jesus sa ikalawang paglalakbay niya sa Galilea?

  • Bakit gusto ng mga kamag-anak ni Jesus na kunin siya?

  • Ano ang sinabi ng mga eskriba at Pariseo para siraan si Jesus? Paano sila sinagot ni Jesus?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share